Chapter 6

677 Words
HINDI pinatulog si Riki ng gabing iyon kakaisip kay Perry. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit maghahating-gabi na pero biling baliktad pa rin siya sa pagkakahiga. Kasama niya sa maliit na kuwarto ang kambal at himbing na himbing na ang dalawa pero siya ay gising na gising pa rin. Kanina pa hindi mawala-wala ang ngiti sa kanyang labi. Simula kanina ng umalis ang binata sa kanila. Ilang beses niyang napuna na kakaiba ang tingin sa kanya ng kanyang ina sa tuwing mahuhuli nitong napapangiti siya. Pero hindi ito nagkokomento. Tampulan siya ng tukso ng mga kapatid. Maging ang kanyang tatay ay hindi napigilan ang sariling makisama sa panunukso sa kanya. Pero nasira ang lahat ng kasiyahan nila ng magsalita ang kanyang ina. “Anak, hindi ko hahadlangan ang magiging kaligayahan mo, pero pag-isipan mong mabuti. Tandaan mo, mag-aabroad ka at nagsisimula ka nang mag-ayos ng mga papeles mo. Kung magkagustuhan kayo ni Perry ay walang masama pero kailangan mong mamili o magpaliwanag sa kanya.” Mahabang wika nito na nakapagpatahimik sa hapag. Nakagat niya ang ibabang labi. “Hindi ko ho nakakalimutan ‘Nay. Tsaka kakikilala ko lang ho si Perry. Malabo ho ang sinasabi niyong magkagustuhan kami.” Hindi niya maintindihan pero biglang-bigla ay may munti siyang pag-aalingan na umalis ngayong nakilala niya ang binata. Hindi din niya maintindihan kung bakit tila kabaliktaran ang nararamdaman niya ng sabihin sa inang hindi sila magkakagustuhan. Kung gayon ay bakit siya kinikilig? Kagaya ng mga oras na iyon. Tahimik na tahimik na ang buong paligid pero gising na gising pa rin ang kanyang diwa. Malapit na niyang tuktukan ang sarili dahil kahit anong pagwawaksi sa imahe ni Perry sa kanyang isip ay hindi ito umaalis. At bakit hindi? Bihira pa sa pagdalaw ng mayor nila sa kanilang barangay ang may maligaw na kasing kisig at kasing guwapo ng binata. Hindi niya napigilan ang mapangiti ng maluwang. Guwapong-guwapo talaga siya dito. Partida at may pasa pa ito sa mukha. Papaano kung wala na itong pasa. Baka mukha na itong greek God na bumaba sa lupa. Na madalas ay sa mga nobela lang nakikita o nababasa. Anong sinabi ng mga artistang puro papogi lang ngayon? Effortless ang kaguwapuhan ni Perry. Ano kaya ang pakiramdam na maging kasintahan nito? Bigla niyang naitanong sa sarili. Nayakap niya ang malaking unan dahil hindi niya napigilang kiligin. Kung saan-saan nanaman napupunta ang imahinasyon niya. Kaya gayon nalang ang gulat niya ng magsalita si Lala na nasa kabilang katre lamang. “Ate, magpatulog ka na. Kanina ka pa galaw ng galaw diyan. Halatang-halatang crush mo si Kuya Perry. Huwag kang mag-alaala, crush ka din niya.” anito pero nakapikit naman. Umingos siya. At talagang Kuya na ang itinawag ng mga kapatid dito. Hindi siya sumagot at nagpanggap na natutulog na. Hindi na din niya nakaringgan ng salita ang kapatid. Napabuntong-hininga siya. Mukhang kailangan na nga niyang matulog. May pasok pa siya bukas sa trabaho at ayaw niyang mahuli dahil lang napuyat siya kakaisip sa binatang kailan lang niya nakilala na hindi naman dapat. Lalo niyang nasabi na dapat na siyang matulog nang maalala ang sinabi ng ina. Dalawang linggo na ang nakaaraan pagkatapos nilang makapag-usap ni Tita Amelia. Dahil may passport na siya na nakuha niya nang nakaraan taon – na hindi niya inaasahang magagamit pala niya dahil kumuha lamang siya noon at sumabay sa isa nilang kamag-anak na kmuha din upang magkaroon lamang siya ng karadgdagang valid ID – ay madali na siyang nakapag-ayos ng mga papeles. Kailangan nalang niyang magbukas ng bank account na nasa pangalan niya at ang sponsorship at invitation letter mula sa kanyang tiyahin. Ang iba pang papeles o supporting documents na kakailangan niya ay mayroon na siya. Habang naghihintay ay nagpa-sched na siya para sa kanyang visa interview tatlong linggo mula sa araw na iyon. Ang kailangan nalang niya ay manalangin ng manalangin para siya makapasa at pahintulutang makarating sa abroad. At doon ay magsisimula ang kanyang mga pangarap para sa kanyang pamilya. Kaya hindi niya dapat iniisip si Perry. Dahil aalis siya oras na maaprubahan ang kanyang visa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD