Chapter 5

1982 Words
MATAMANG nakatingin si Riki kay Perry habang hinihintay niyang magbigay ito ng reaksiyon sa kanyang niluto. Pasado alas sais ng dumating kanina ang binata para sa pangako niyang hapunan dito para mabakawi sa pagkakatama niya ng bola at pagkakaroon nito ng pasa. Iyon ang araw na napagkasunduan nilang babalik ang binata sa kanilang bahay. Pagkauwing-pagkauwi niya galing trabaho ay sinimulan na niyang magluto. Pinalambot niya ang mga dapat palambutin. Nagpasalamat siya kay Gerom na walang pasok dahil ito ang nagkatay ng native na manok. Wala siyang ibang maisip na lutuin para sa iba kaya ang specialty nalang niya ang niluto. Kare-kare at pinaupong native na manok na may kaunting anghang-anghang ang nakahin ngayon sa parisukat na mesa sa kanilang harapan. Naroon din ang minatamis na makapuno na ang ina niya ang gumawa. At isang pitsel ng fresh buko juice na inakyat din ni Gerom sa likuran ng kanilang bahay. Malapit nang mag-alas sais kanina ng hilahin siya ng kambal palabas ng bahay nila. Ang lakas ng tawa niya ng makita ang ginawa ng dalawa. Sa gilid ng bahay nila sa ilalim ng iba’t-ibang klase ng malilit na puno ay naglagay ang mga ito ng mesa at dalawang upuan. May magandang telang nakapatong sa mesa na kulay krema – na hindi niya alam kung saan pinagkukuha ng magkapatid. Dahil iyon ang madalas nilang tambayan kapag gabi ay sadyang mayroon ng ilaw na nakalagay doon. Sa may pinakamalaking puno ay makikita ang kawayang upuan na maaring pagpahingahan. Hindi niya alam kung ano ang naisip ng kanyang mga kapatid ng makita ang effort ng mga ito. Nang tanungin niya ang kambal kung bakit naglagay ang mga ito doon ay para hindi naman daw nakakahiya kay Perry na sa kusina nila ito pakakainin. Hindi na siya kumontra sa trip ng dalawa. Kaya bago dumating ang binata ay tinulungan na siya ng mga itong ayusin ang ihahanda sa hapunan. Kaninang dumating ito ay may bitbit itong dalawang gallon ng ice cream na ikinatuwa ng pamilya niya lalo ng kambal. Nang igiya nito ito sa mesang inayos ng kambal ay nakita din niyang napangiti ito pero hindi nagkomento. Siya na ang nagyayang kumain na sila. Kitang-kita ni Riki ang pagliwanag ng mukha ng binata ng makita nito ang mga pagkaing inihanda niya. “Iniluto mo lahat ang mga ito?” tila hindi makapaniwalang tanong nito. Palipat-lipat ng tingin sa kanya at sa pagkaing nakahain sa mesa. Ngumiti siya. “Ako ang nagluto nitong kare-kare at manok, pero si nanay itong minatamis na makapuno.” “Well, mukhang napakasarap ng mga niluto ninyo. Siguro ay kailangan na nating simulan.” Anito pero biglang may naalala. “Sandali. Nasaan ang pamilya mo? Bakit hindi natin kasabay?” Napatingin siya sa bintana ng kanilang bahay ilang metro ang layo sa kanila. Lumingon din si Perry doon at huling-huli nilang nanonood sa kanila ang buong pamilya niya. Nagawa pang magtago ng kanyang mga kapatid pero si Mang Kris ay nahuli kaya alanganing tumawa ito. “Huwag mo kaming isipin Perry. Mauna na kayong kumain ni Riki.” Anitong tila nahiya sa pagkakahuli nila. Mukhang nahiya din ang binata na hindi kasabay ang pamilya niya. “Halina ho kayong sumabay Mang Kris. Mas lalo hong sasarap ang pagkain kapag madami tayong magsasalo-salo.” Anyaya nito. Napakamot si Mang Kris sa ulo. “Hindi kami puwedeng sumabay Kuya Perry. Para sa inyo lang ni Ate Riki ‘yang mesa eh. Dito nalang kami sa loob kakain.” Hindi nakatiis na sabat ni Lala na biglang lumitaw sa bintana. Nagkatinginan sila ng binata. Malakas siyang napatikhim. “Sabayan nalang natin sila, baka hindi makakain si Ate dahil kasama niya si Kuya Perry. Alam mo naman ‘yan, masyadong mahiyain pagdating sa mga boys.” Hindi iyon kalakasan pero pareho nilang narinig na sabi naman ni Nana. Muli siyang napatikhim ng mas malakas. “I think we better eat with them. Mas mapaparami ang kain natin nito kung sabay tayong magsasalo-salo.” Anitong sinabayan ng kindat ang sinabi. Isang maluwang na ngiti ang napakawalan niya saka muling lumingon sa bintana kung saan nawala ulit ang bulto ng kanyang pamilya. “Lumabas na kayo diyan. Sumalo na kayo dito sa amin.” Malakas niyang sabi. Narinig nalang nila ang mabibilis na pagkilos sa loob at mga sunod-sunod na yabag. “Dagdagan natin ‘yung pagkain nila doon.” Ani Lala. “Dalhin niyo nalang ‘yung pagkain!” Sabi naman ni Gerom. “Sandali, maglabas kayo ng pinggan at baso.” Narinig din niya ang boses ng nanay niya. “Yung kanin ilabas niyo din. Mapaparami ang kain ko nito!” boses iyon ni Mang Kris. Mga salitang umaalingawngaw sa loob ng bahay. Muli siyang napatingin sa binatang ngayon ay hindi mapuknat ang ngiti. “Pasensiya ka na sa kanila. Unang beses kasi na may sasalo sa amin ….na lalake… at hindi pa naming masyadong kilala…kaya kakaiba silang kumilos.” Medyo nahihiyang sabi niya dito. “It’s okay. Sa tingin ko ay masaya ang pamilya niyo. I think this is the best payback I’ve ever had. And we have the chance to know each other.” Ilang sandali pa ay sunod-sunod na ang pamilya niyang papalapit sa kanila. May kanya-kanyang bitbit ang mga ito kasunod niyon ay masaya na silang kumakain. “Wow! Ito na yata ang pinakamasarap na kare-kareng natikman ko sa buong buhay ko!” maya-maya’y bulalas ni Perry pagkatapos nitong makapagsubo ng kare-kare. Lumobo ang puso niya sa papuri nito. Lalo na nang sabihin nitong kaysarap din ng pinaupong manok na niluto niya. Pulos papuri ang bukambibig nito habang kumakain na halatang-halata dahil sa pagiging magana nito. Maging ang kanyang pamilya ay napasarap ang kain. Hindi matapos-tapos ang kuwentuhan nila sa gitna ng hapunan. Kung titingnan ay parang matagal na nilang kilala si Perry kung kausapin ng kanyang pamilya Sa pagitan ng pagkain ay nakilala nila ang binata ng bahagya. Napag-alaman nilang kapatid ito ng asawa ng may isa sa pinakamalaking lupain sa kanilang bayan. Hindi nila personal na kilala ang taong iyon pero matunog ang pangalan nito dahil sa pagmamaya-ari nitong lupain. Sa isip-isip ay maaring hindi basta-bastang tao si Perry. Sa Maynila ito nagtatrabaho subalit hindi sinabi kung anong trabaho. At nalaman niyang matanda pala ito ng walong taon sa kanya na hindi niya inakala dahil napakabata nitong tingnan. Hanggang sa matapos ang kanilang hapunan ay hindi naubos ang kanilang kuwentuhan. Hindi pa umuwi ang binata pagkatapos ng hapunan. Nagpatuloy ang kanilang kuwentuhan sa silong ng puno habang nakaupo sila sa uppuang kawayan. Giliw na giliw ang kambal sa binata habang si Gerom ay hindi mapuknat ang pagkakatingin dito. Hindi niya alam kung anong mayroon sa binata at gayon nalang ang pagkagiliw ng kanyang pamilya dito. Pero kahit siya ay iba ang nararamdamang karisma na nagmumula sa binata. Magaan ang loob niya dito kahit iyon palang ang pangalawang beses na nakasama niya ito. Higit doon ay masarap itong kausap. Halatang may kaya ito sa buhay pero ni isang beses ay hindi niya ito kinakitaan na nandiri o nag-inarte sa bahay nila at sa kanyang pamilya. Natural ito kung kumilos sa harap nila at magiliw itong makipag-usap sa kanyang pamilya. Hindi pa man ay nasisigurado niyangisa itong mabuting tao. Hanggang sa yayain ng kambal ang binata na sumali sa kanila sa laro ng baseball. “Kuya Perry, bakit hindi mo subukang sumali sa amin sa laro. Pakakataon mo na para makaganti kay Ate Riki.” Suhestiyon ni Nana saka bumungisngis. Napamulagat siya dito. “Ano? At gusto mo din akong matamaan ng bola?” Tumawa ang binata. “Hindi ko yata kakayaning tamaan ng bola ang Ate niyo. Baka hindi na ako makatikim ng luto niya sa susunod.” Himig-biro nitong sabi. “Sinabi mo pa! Tsaka bakit niyo ba siya niyayayang maglaro? Nakakahiya na ngang naabala natin siya ngayon e aabalahin niyo nanaman. Baka may iba pa siyang gagawin.” “Wala akong ibang gagawin dito kundi magbakasyon. Kaya sige, pumapayag akong sumali sa laro.” Anitong pinukulan siya ng nagniningning na mga mata. Naramdaman niyang bahagyang namula ang pisngi kaya mabilis niyang iniwas ang tingin dito. Naconscious nanaman siya sa sarili kung ano kayang itsura niya ng mga sandaling iyon. Pasimple niyang binistahan ang sarili at nakahinga naman siya ng maluwag dahil maayos naman ang itsura niya sa suot niyang pantalon at simpleng kulay pink na t-shirt. Nang ibalik niya ang tingin sa binata ay nakatingin pa rin ito sa kanya. Partikular sa kanyang mukha. Akmang magsasalita na siya ng pareho silang mapatingin sa isa sa kambal ng magsalita ito. “Kuya Philip, wala ka bang naiwang girlfriend sa Maynila?” tanong dito ni Nana. Napatingin siya sa kapatid. Kanina pa niya iyon gustong malaman pero siyempre ay hindi niya iyon itatanong. May pagkasabik na hinintay niya ang sagot ng binata. “Wala akong girlfriend na naiwan sa Maynila Nana, o kahit saang lugar.” “Kung gayon, may tsansang magustuhan mo ang Ate Riki namin?” sundot naman ni Lala. “Lala!” nabibiglang bulalas niya. Hindi niya inaasahan ang tanong na iyon. Napatingin silang lahat kay Gerom na biglang tumawa. “Kayo talagang kambal, masyadong matabil. Tumayo na nga kayong dalawa diyan. Hayaan nating makapag-usap sina Ate Riki at Kuya Perry.” Ani Gerom na nagpatiuna ng tumayo. Umangal ang kambal. “Eeee… nakikipagkuwentuhan pa kami dito eh.” Sumimangot na sabi ni Nana. “Hindi pa niya sinasagot ang tanong ko eh.” Maktol naman ni Lala. Pero hindi nagpaawat si Gerom at hinila ang mga kamay ng kambal. “Tara na sa loob. May pasok pa kayo bukas. Matulog na kayo.” Anitong kinaray-karay ang dalawa. “Ate Riki, ikaw na muna ang bahala ky Kuya Perry. Kuya, papasok na kami sa loob. Masaya kaming nakasalo ka sa hapunan.” Anito habang naglalakad papasok sa loob ng bahay nila habang hila-hila ang kambal na parehong umaangal. Napapangiti nalang siya sa inasta ng mga kapatid. Nang tuluyang silang maiwan ng binata ay biglang dumaan ang isang nakabibinging katahimikan. “I really enjoyed the night Riki. Kasama din ang pamilya mo. Salamat sa isang masarap na hapunan.” “Salamat din dahil nagustuhan mo ang niluto ko. Pasensiya ka na kung iyon lang ang nakayanan ko.” “Are you kidding me? That’s the best kare-kare and pinaupong-manok I’ve ever tasted! Hindi mo alam kung gaano akong nasarapan. Kahit ang panghimagas na ginawa ng nanay mo ay talagang napakasarap. Sana ay hindi ito ang huling pagkakataon na makakatikim ako ng mga luto niyo.” “Pwede naman habang nandito ka. Tutal naman, mukhang kasundo ka na nila. Kung makipagkuwentuhan nga sa iyo ay parang ang tagal ka na nilang kakilala.” Ngumiti ang binata. “Well, ganon din ako sa inyo. Masaya kayong kasamang buong pamilya.” Anito at sandaling tumkhim saka nagpatuloy. “Actually, wala talaga sa plano ko ang singilin ka ng hapunan sa nangyari. Pero hindi ako nagsisisi na ginawa ko yun dahil nakilala ko kayo…. Nakilala kita.” Biglang kumabog ang kanyang dibdib sa naging ginawa nitong pagtitig sa kanya. “Errr… Pasensiya ka na talaga ha. Siguro naman, nakabawi na ako ngayon?” “Bawing-bawi! Sabay silang nagkatawanan hanggang sa pareho din silang tumigil. Nang mukhang pareho na silang walang masabi ay nagpaalam na ang binata. “I’d better go. Pasensiya na din sa abala. Again, salamat sa isang masarap na hapunan. Pakisabi din sa kanila na maraming salamat din.” “Walang anuman Perry. Mag-iingat ka.” Sabay na silang naglakad palabas ng kanilang bakuran kung saan nakaparada ang bigbike na gamit nito. Sumakay doon ang binata. “See you around Riki… hindi na ako makapaghintay na dumating ang Sabado at makalaro kayo ng baseball.” Bumungisngis siya. “Hayan tuloy, mukhang mapapalaro ka ng di oras. Sige Perry, mag-iingat ka sa pagmamaneho.” Pinaandar na nito ang motorsiklo. “Goodnight.” “Goodnight.” Sagot niya at tuluyan ng umalis ang binata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD