chapter 4

1109 Words
Pagkatapos ng halik na parang walang nangyari akong umalis ng dining area at walang lingon-likod na iniwan doon si Dominique. Cravings satisfied! Parang nakalutang ako habang naglalakad. Pakiramdam ko ay tatalon ang sarili kong puso sa lakas nang kabog nito. Ako iyong nag-initiate ng halik na mabilis ko ring tinapos agad bago pa makahuma si Dominique at bigla akong itulak palayo. Kahit mabilis lang iyon ay sinulit ko talaga na may jasamang mariing kafat sa pag-ibaba niyang labi. Ang lambot ng mainit niyang mga labi na masarap panggigilan lalo na at nakakaliyo ang mabango niyang hininga. Dismayado nga lang ako dahil wala akkng nabasang reaksiyon sa mukha niya pagkatapos niyon. Tuod yata ang lalaking iyon! Bago pa niya ako mapagsabihan dahil sa ginawa kong kapangahasan ay tinakasan ko na siya. Naubos ang lahat ng tapang ko dahil sa epekto ng paglakapat ng mga labi namin. Ang lakas ng loob kong manghalik pero sa bandang huli ay hindi ko pala kayang harapin agad ang resulta. Smooth escape iyong ginawa ko at mabuti na lang hindi niya ako pinigilan. Hindi rin naman ako papipigil kung nagkataon. Alam ko kung kailan ako dehado sa komprontasyon kaya hindi ko siya haharapin gayong nawiwindang pa ang isip ko dahil sa sarili kong kagagawan. Dumiretso ako sa nakalaang silid sa'kin habang dala-dala ang naiwang sensasyon sa mga labi ko ng ninakaw kong halik. Maganda palang ginugulat si Dominique dahil nahihirapan itong umilag. Mahina ang reflexes laban sa advances. Kahit malakas ang udyok sa'kin nang tukso kanina na palalimin ang halik ay hindi ako nagpadala. Ayoko munang maging atat gayong may next time pa naman. Nakatulugan ko ang alaala ng mga labi ni Dominique at sa panaginip ay dinalaw ako ng isang pares ng mga matang nanunuot sa buo kong katawan kung makatitig. Nang magising ako kinabukasan ay namulatan ko si Ate Sylene na nasa mismong loob ng silid ko at inaabangan yata akong magising. Mukhang wala akong sariling privacy sa pamamahay na ito. "I'm sorry at na-invade ko ang privacy mo," nakangiti niyang paghingi nang paumanhin kaya hindi ko matukoy kong seryoso ba siya o ano. "Masyado lang akong excited dahil ito iyong unang beses na may kamag-anak akong makikitira dito sa bahay." Halata ngang masyado... lalo na no'ng hindi man lang siya nag-abalang salubong pagkarating ko. Pasimple kong pinasadahan ang ayos niya. Halata kasing galing siya sa isang formal party nang ganito kaaga. "Excuse my get-up. Kagagaling ko lang sa isang official event kaya hindi na ako nakapag-palit ng damit." May event pala na inaabot nang umaga? "Nang malaman kong dumating ka na ay agad akong lumupad pabalik ng bansa," patuloy niyang kwento. "Mabuti na lang at maaasahan ang private plane ni Ique." "Ique?" tanong ko habang tuluyang bumangon mula sa pagkakahiga. Dumiretso ako sa banyo habang nararamdaman ang pagsunod niya sa'kin. "That's your Kuya Dominique," natatawa niyang sagot. "Ique ang tawag ko sa kanya." "My Kuya Dominique?" napapantastikohan kong tanong. "Do I have to call him that?" Bahagya ko siyang nilingon habang hinihintay ang magiging sagot niya. "Hindi naman siguro siya magagalit kung hindi mo siya tawaging gano'n," kibit-balikat niyang sagot. Nang makapasok sa banyo ay pinasadahan ko ng tingin ang sarili kong repleksiyon sa malaking salamin na naroon bago naghilamos ng mukha. Nagmumog na rin ako pagkatapos at nang pumihit ako paharap sa pintuan ay naroon si Ate Sylene at matiyagang naghihintay sa'kin. Kulang na lang talaga ay susunod siya sa'kin maging sa loob ng banyo. Hindi kami gano'n ka-close kaya hindi ako komportable sa pinapakita niyang enthusiasm sa pakikitira kong ito rito sa pamamahay nilang mag-asawa lalo na at may binabalak akong hindi maganda akong sa asawa niya. "I assume na galing ka sa ibang bansa," wika ko habang nilampasan siya upang lumabas ng banyo. "Siguro ay napagod ka sa byahe—" "Nakapagpahinga naman ako habang nasa eroplano," maagap niyang tugon. "Oh." Iyon ang tanging salitang lumabas sa bibig ko. Ayokong ipahalatang disappointed ako dahil mukhang hindi ko siya mapapalayas sa harapan ko. Next time ay hindi ko na kakalimutang mag-lock ng kwarto. Mabuti sana kung si Dominique iyong pumasok... mas bet kong makipaglandian kaysa makipagkumustahan dito sa pinsan kong ngayon ko nga lang nakausap nang matagal. Kapag nagkikita kami noon ay hanggang hi at hello lang naman kami. "Masaya lang talaga ako dahil nandito ka na." Hilaw akong napangiti habang hinahanap sa mukha niya ang indikasyon na ginu-good time niya lang ako. Ganito ba talaga siya ka-transparent at ni wala akong nahahanap pagkukunwari sa ekspresyon niya. Hindi ako naniniwalang may kamag-anak akong nominated sa pagiging santa. Muntik na akong napamura sa gulat nang magiliw niyang hawakan ang dalawa kong kamay. Hindi ko alam kung paano mag-react sa malaki niyang ngiti habang nakatitig sa mukha ko. "O-okay," napipilitan kong tugon at napilitang mas palakihin ang sarili kong ngiti. "Kung mayroon kang kailangan ay huwag kang magdadalawang-isip na lumapit sa'kin," aniya at magaang pinisil ang mga palad ko bago binitiwan ang mga ito. Pasimple kong inilagay sa'king likuran ang dalawa kong kamay at baka bigla na naman niyang hawakan. Hindi ako komportableng basta-basta na lang hinahawakan... mas sanay akong ako iyong unang gumagawa niyon. "Sabi ng asawa mo ay busy ka raw," wika ko. "Paano kung wala ka 'pag may kailangan ako?" pormal kong tanong. Wala akong maisip na kakailanganin mula sa kanya pero hindi na rin masamang may kusang magbibigay. "Pwede mo akong tawagan," nakangiti niyang sagot. "Or pwede ring kay Ique ka lumapit. Huwag kang mahiya roon... gano'n lang talaga iyon pero mabait iyon." Sinong may sabi sa kanyang nahihiya ako sa asawa niya? Winalanghiya ko na nga ang mga labi nito kagabi! "Well...wala pa man ay nagpapasalamat na ako—" hindi sigurado kong pahayag na agad namang nabitin. Napasinghap ako sa gulat nang bigla niya akong yakapin. Hindi ko alam kung narinig niya ba ang mahinang mura na kusang lumabas sa bibig ko dahil sa ginawa niya. "Magiging masaya ang pananatili mo rito sa bahay!" masaya niyang pahayag. "Sigurado iyon! Ipapasyal din kita sa buong syudad para hindi mo ma-miss ang probinsya!" Mas maiintindhan ko pa kung sinakal niya ako pero itong ganito ay talagang biglang bumagabag sa loob ko. Gusto kong magduda kung talaga bang magpinsan kami gayong parang napakabait niya kumpara sa'kin. Sa totoo lang ay hindi maganda ang ganito niyang pag-uugali sa binabalak kong masama sa pagsasama nila ng asawa niya. Napaisip tuloy ako kung katulad din ba niya ang tunay kong ina bago sinira ni Maura ang pagsasama ng mga magulang ko. Iyong mga taong inosente at agad nagtitiwala talaga ang kalimitang nasasaktan sa mundong ito lalo na may katulad kong puno nang galit sa puso at handang mandamay nang kahit na sino.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD