Acelle's POV
Dinala namin sa hospital si Leeya. Unang dumating si Manong Magi sa mga sundo namin kaya sa kanya na kami nagpahatid sa hospital. Siya na rin ang tumulong sa amin na buhatin si Leeya.
Pagdating sa hospital ay agad kaming kinausap ng doctor. Nagtinginan pa kami parehas ni Misha dahil hindi namin alam ang isasagot namin.
Sasagot na sana si Misha, pero inunahan ko siya.
"Basta nakita na lang po namin siyang nawawalan ng malay kanina sa kalsada," sagot ko kaya napatingin sa akin si Misha. Pinandilatan ko na lang siya ng mata para sumang-ayon na lang siya sa akin.
"O-opo, pabuwal na po siya kaya pinuntahan namin siya at saka namin sinalo para hindi tumama ang ulo niya sa simento," saad ni Misha.
"Okay, maghintay na lang kayo rito at titignan ko na muna ang lagay niya." Pag-alis ng doctor ay agad akong hinila ni Misha.
"Bakit hindi mo sinabi ang totoo sa kanya?" tanong niya habang nakakunot ang noo.
Umirap ako. "Na ano? Na may umiilaw na purple na batong tumama sa kanya kaya siya nagkaganoon? Sa tingin mo ba'y paniniwalaan tayo kapag iyon ang sinabi natin?"
Natahimik siya sa sinabi ko. Umiwas siya nang tingin sa akin at tila napa-isip din.
"Baka kapag iyon nga ang sinabi natin ay pag-isipan pa tayong baliw ng doctor na iyon," sagot niya habang nakatayo kami sa labas ng emergency room.
"Korek," matipid kong sagot.
Napunta bigla ang tingin namin sa humahangos na mama ni Leeya na papalapit sa amin.
"Nasaan ang anak ko? Anong nangyari sa kanya?" nagpa-panic niya agad na tanong kay Misha.
"Wala pa pong balita. Hinihintay pa rin po naman ang sasabihin ng doctor na tumitingin sa kanya ngayon," sagot ni Misha.
Napatitig ako sa mama ni Leeya. Hindi maipagkakaila na sa mama niya ito kumuha ng ka-sexy-han. Filipina ang mama niya at koreano ang ama niya na kasunod niyang lumapit sa amin. Siguro ay nag-park pa ito ng sasakyan sa labas kaya huli siyang pumasok sa Hospital.
"Malala ba ang lagay niya?" nag-aalala na rin na tanong ng papa ni Leeya. Nakakatuwa dahil sanay na sanay itong mag-tagalog.
"Hindi naman po. Nahimatay lang naman po siya," sagot ni Misha.
"Mabuti kung ganoon. Salamat sa pagdala sa kanya rito. Maasahan ka talagang kaibigan ng anak ko, Misha," puri sa kanya ng mama ni Leeya.
Nagulat ako ng mapatingin na ang mama ni Leeya sa akin.
"Kaibigan ka rin ba ng anak ko?" tanong niya sa akin kaya umiling naman ako. "Hindi po," sagot ko.
"Ako po ang may kaibigan diyan kay Acelle. Actually, dalawa kaming nakasaksi sa kanya nang mawalan siya ng malay kanina," kuwento pa ni Misha.
"Kasama mo pala siya sa nagdala kay Leeya. Salamat na rin sa iyo, Ija," pagpapasalamat niya sa akin kaya nginitian ko siya.
Dahil nandoon naman na ang parents ni Leeya ay pinauwi na nila kami ni Misha dahil baka hinahanap na raw kami ng parents namin. Bago kami umalis ni Manong Magi ay hinintay muna namin ang sundo ni Misha.
Hindi mawala sa isip namin ni Misha ang umiilaw ng kulay purple na bato na tumama kay Leeya. Pakiramdam namin ay kababalaghan ang nangyaring iyon.
Habang naghihintay kami sa sundo ni Misha ay kapwa kaming napasigaw sa biglang pagsabog na nakita namin sa isang building na ilang kilometro lang ang layo sa amin. Sabay kaming napaupo ni Misha habang napapasigaw pa rin. Naglabasan ang mga tao at saka tumakbo papunta sa sumabog na building.
Ang lakas agad ng apoy.
Hindi kami nakigulo ni Misha doon dahil parehas din kaming natakot. Isa pa, baka may biglang sumabog ulit kaya delikado.
Nakita kong biglang nawala si Manong Magi. Tumakbo rin ata siya para maki-usisa roon.
"Ano kayang nangyari doon?" tanong ni Misha na nakangiwi pa rin hanggang ngayon.
"Hindi ko rin alam. Parehas kaya tayong nandito," pilosopo niyang sagot kaya napairap ako.
Kitang-kita sa kinatatayuan namin ang lakas ng apoy sa building na iyon. Mabuti na lang at may ilan pa sa kanila na nailabas ang mga gamit. May narinig akong umiiyak. Huwag naman sanang magkaroon ng patay doon. Kung mayroon man ay nakakawa ito dahil siguradong abo na siya dahil sa lakas ng apoy sa building ngayon.
"Grabe! Ang daming ganap ngayong araw," sabi ni Misha habang nakatingin sa lumalakas na apoy sa building. Agad namang dumating ang tatlong rumaragasang bumbero.
Mayamaya pa'y bumalik na rin si Manong Magi habang tumatakbo papalapit sa amin.
"Ano raw pong nangyari sa building na iyon?" tanong ko agad kay Manong Magi.
"Umiiyak iyong may-ari. Ayon sa kanya ay may lalaking umiilaw ang mata ang biglang nagpasabog sa building niya. Galing daw sa pulang mata nito ang tila lazer na dahilan kung bakit sumabog ang kanyang building. Kitang-kita niya raw na iyon ang may gawa kung bakit sumabog ang building niya," kwento ni Manong Magi na kinagulat namin.
Nagtinginan tuloy kami ni Misha habang nanlalaki ang mata.
"Ang creepy naman," sabi ni Misha kaya naghawak kami ng kamay.
"Ma'am Acelle, sa tingin niyo po ba ay kapani-paniwala ang sinasabi ng may-ari ng building na iyon?" tanong ni Manong Magi.
"Kung umiiyak at mukhang na-trauma siya ay bakit hindi?" sagot ko.
"Parang hindi naman po kasi kapani-paniwala e. Sinong maniniwala sa kanya na may lalaking umiilaw ang mata, tapos may lazer pa? Sa movie lang ata nangyayari iyon. Pakiramdam ko ay mukhang may problema sa pag-iisip ang matandang babae na iyon," sabi pa niya kaya nagtinginan ulit kami ni Misha.
"S-siguro nga," sagot ko na lang at saka ako muling tumingin kay Misha.
"Ito ang sinasabi ko sa iyo. Kung sinabi natin kanina sa doctor ni Leeya ang totoong nangyari sa kanya ay baka pag-isipan din tayong baliw ng doctor ba iyon," bulong ko kay Misha.
"kaya nga. Pero sa tingin mo, totoo kaya ang sinasabi ng may-ari ng building na sumabog?" tanong pa niya.
"Hindi ko rin alam e," sagot ko at saka ko itinuro sa ang sasakyan niya na parating na ngayon. "Ayan na ang sundo mo, mauna na ako at kailangan ko nang mag-CR," paalam ko sa kanya.
"Sige, see you tomorrow," sagot niya at saka ako kumaway habang sumasakay sa sasakyan ko.
Habang paalis ako ay natanaw ko ang building na sumabog. Binagalan ni Manong Magi ang pagmamaneho doon kaya nanlaki ang mata ko sa lalaking nakita ko na nagtatago sa likod ng isang malaking puno. Gaya ng sinabi ni Manong magi kanina ay nakita kong umiilaw ang mata nito. Kulay pula nga iyon. Nakatingin ito sa patuloy na nasusunog na building na iyon. Nakangiti na tila masayang nakikita na nagkakagulo at umiiyak ang ilang tao roon.
Kinusot ko ang mata ko. Tinignan ko kung namamalik-mata lang ako, pero pagdilat ng mga mata ko ay wala na siya roon. Ang weird.
"Kawawang ang owner ng building na iyon. Pakiramdam ko ay karma niya iyan," sabi pa ni Manong Magi na kinagulat ko.
"Bakit niyo naman po nasabi iyan? Kilala niyo po ba ang owner ng building na iyon?" tanong ko habang nagbubura na ako ng make-up sa mukha ko gamit ang wipes na kinuha ko sa bag ko.
"Nai-kuwento lang po dati ng asawa ko. Dating nakatira riyan ang kapatid niya. Masungit daw ang may-ari niyon. Isang araw lang daw makilagtaan na 'di ka magbayad ng upa doon ay palalayasin ka na agad. Tatawag daw agad ito ng pulis para kaladkarin ka palabas doon," kwento niya kaya napailing ako.
"Maldita naman po pala siya," sabi ko habang chine-check ko naman ang phone ko.
Ang dami ng message at missed call ni Mama. Patay na naman ako nito pag-uwi ko.
Habang papauwi na kami ay medyo nakaramdam ako ng antok. Pahinto-hinto kasi kami dahil traffic na naman ngayon. Ewan ko ba. Ang bayang ng Garay ata ang hindi nawawalan ng ginagawang kalsada. Taun-taon ginigiba ang kalsada kahit maayos pa naman. Ang nakakasura pa e, sinasabay pa nila na pasukan ng mga estudyante. Minsan tuloy ay nale-late ang mga student sa pagpasok sa school dahil sa bonggang traffic na nagaganap.
Habang boring na boring ako sa biyahe ay napatingin ako sa langit. Kitang-kitang kong maganda talaga ang panahon ngayon dahil maraming bituin na kumikislap sa kalangitan. Napangiti ako dahil naalala ko noong bata pa ako ay palagi kong hinahanap sa langit ang stars na hugis magnifying glass. Lagi akong nakikipag-away noon dahil nakikipagtalo ako sa mga kalaro ko. Inaaway nila ako dahil hindi raw iyon hugis magnifying glass, kundi hugis rosaryo raw. Ang ending, uuwi akong umiiyak sa amin dahil hindi ako manalo-nalo sa kanila dahil marami sila.
Sinubukan kong hanapin iyon ngayon tutal ay nakahinto naman kami. Napangiti ako dahil nakikita pa rin pala siya hanggang ngayon. Habang nakatitig ako sa stars na hugis magnifying glass ay nagulat ako sa biglang sumulpot na kulay blue na batong lumilipad sa langit. Napalayo ako bigla sa bintana ng sasakyan dahil pakiramdam ko ay mukhang papalapit sa akin iyon.
Nanlaki ang mata ko dahil mabilis itong lumipad papunta sa akin. Ang buong akala ko ay mababasag ang salamin ng kotse, ngunit lumusot lang siya roon at saka tuluyang tumama sa loob ng dibdib ko.
Kitang-kita ko kung paano umilaw ang buong katawan ko ng kulay blue. Ang nakapagtataka lang ay tila hindi nakikita ni Manong Magi na umiilaw ang buong katawan ko. Napasigaw na lang ako nang maramdaman kong parang nasusunog ang buo kong katawan. Parang may apoy na pumapasok sa loob ko.
"Ma'am Acelle, ayos lang po ba kayo?" tanong ni Manong Magi na nagulat sa pagsigaw ko.
Sa paningin ko ay tatlo na si Manong Magi. Naliliyo na ako. Pakiramdam ko ay masusuka ako. Naging weird ang pakiramdam ko nang pumasok sa katawan ko ang umiilaw na kulay blue na bato na iyon.
"H-hindi ko na kaya, Manong Magi. D-dalhin mo na ako sa h-hospit—" hindi ko na natuloy ang sasabihin ko dahil tuluyan na akong nilamon ng kadiliman.