Misha's POV
Super late na akong nakauwi sa bahay. Nakakainis dahil sobrang traffic sa daanan kanina. Hindi na nawala ang traffic sa bayan ng Garay. Lalo na sa bandang iras.
Pagbaba ko sa kotse ko ay tumuloy agad ako sa salas namin. Nilapitan ko si mama na nadatnan kong nakaupo sa sofa habang may hawak-hawak na tasa. Hinalikan ko siya sa pisngi bilang pagbati sa kanya.
"Oh, finally you're here," sabi niya at saka ibinaba ang tasa sa table na nasa harap niya.
"Sobrang traffic po kasi, mama. Hindi na nabago ang eksenang iyan sa Garay na ito," reklamo ko habang napapairap.
"Hindi ka na nasanay. Anyway, balita ko ay maraming tao sa korean restaurant mo. Iba talaga ang hatak ng kaibigan mong si Acelle," puri nito habang napapapalakpak pa.
"Yes, sobrang dami nga po. Naawa nga ako sa mga crew ko e. Feeling ko ay napagod at natuliro sila sa sunud-sunod na pagpunta ng mga tao kanina," sagot ko habang umaakyat na sa hagdanan.
Dahil doon ay gusto tuloy ni mama ni Acelle ang gawing model sa mga iba pa naming business. Tuwang-tuwa siya sa kaibigan ko dahil sobrang dami nitong fans.
"Oh, siya, magbihis ka na agad at pupunta pa tayo sa birthday party ng lola mo," sabi pa niya na kinagulat ko. Oo nga pala. Bakit nga ba ako nagpakabusog e, may handaan pa nga pala kaming pupuntahan.
"Okay po, mabilis lang ito," sigaw kong sagot sa kanya para madinig niya ako. Nasa itaas na kasi ako at malayo sa kanya.
Pagpasok ko sa kuwarto ko ay agad akong tumuloy sa banyo ko. Mabilisang ligo ang ginawa ko dahil ayaw ni mama na pinaghihintay ko siya. Paglabas ko sa banyo ay nakahanda na sa kama ko ang dress na puti na susuotin ko. Alam kong si mama ang may gusto niyan. Kailangang bongga ang suot ko dahil alam ni mama na pakakantahin na naman ako ni lola sa harap ng mga bisita niya. Taun-taon na kasing nangyayari iyon.
Hindi sa pagmamayabang pero ako ata ang singer nang pamilya namin. Hindi lang ako magaling sa pagluluto, kundi pati na rin sa pagbirit. Marami nga ang nagsasabi na kaboses ko si Kz Tandingan e. Pero sa tingin ko naman ay mas hawig ng boses ko ang kay Katrina Velarde.
Paglabas ko sa kuwarto ko ay pababa pa lang ako sa hagdanan namin ay nakapamaywang na agad si mama sa akin habang nakakunot ang noo. Twenty minutes ko lang iyan pinaghintay pero poot na agad siya.
"What the hell, Misha?! Kaylan ka ba bibilis?!" iritado nitong sabi habang umiirap pa sa akin.
Hindi na lang ako sumagot dahil baka humaba pa ang usapin. Ang totoo kasi ay nahirapan akong isuot ang dress na ibinigay niya. Medyo masikip kasi iyon. Sabagay, hindi niya kasi alam na kumakain na naman ako nang marami sa labas. Ang gusto kasi niya ay mag-diet ako para masuot ko na ang mga sexy dress na pinagbibili niya. At dahil ang alam niya ay nagda-diet na ako ay itong puting dress tuloy na masikip ang pinasuot niya. No choice ako, kailangan ko itong suotin kung ayaw kong mabungangaan na naman niya ako nang sobra. Mabuti na lang at kahit masikip ay nakakahinga pa rin ako.
Nauna na siyang naglakad palabas ng bahay namin. Pagsakay niya sa sasakyan ay tumakbo na ako para hindi na madagdagan ang inis niya sa akin. Alam ko kasing gutom na iyan. Sigurado akong nagtiis siyang hindi kumain ng miryenda para lang mapadami ang kain sa handaan ni lola. Ang dami-daming pagkain sa kusina, mas pinipili pa niya ang luto ng mga kusinera ni lola. Hanggang kaylan kaya niya ititigil ang pagka-inggit sa mga chef ni lola? Sabagay, hindi ko naman siya masisisi dahil kakaiba nga naman ang mga luto ng mga iyon. Kapag natikman mo ang mga luto nila ay para kang kumain na sa ibang bansa.
"Nag-iinom ka ba ng malalamig na tubig ngayon?" tanong niya habang naglalagay na ako ng lipstick sa labi ko. Tinapunan ko siya nang nahihiyang tingin. Gusto ko sanang um-oo, dahil puro malalamig na drinks talaga ang nainom ko kanina, pero kapag nalaman niya iyon ay mapapagalitan na naman ako kaya wala akong magagawa kundi ang magsinungaling na lang.
"Puro maligamgam lang ang iniinom ko. Kanina nga ay bago kami umalis ni Acelle sa Korean restaurant ko ay nag-tea pa ako," sagot ko sa kanya kaya natikom na ang bibig niya. Ligtas na ako kaya nakahinga na ako nang maluwag. Anyway, kahit naman kasi mag-iinom ako ng malalamig ng drinks ay okay pa naman din ang boses ko. Hindi naman ako minamalat kaya laban lang.
Ilang minuto ang tinagal nang biyahe namin bago kami nakarating sa venue ng birthday party ni lola. Pagbaba namin sa sasakyan ay sinalubong kami ng maingay na sound system at ng mga sari-saring spotlight na naroon sa loob at labas ng venue. Talaga namang bongga kung mag-birthday si lola.
Puro mga kamag-anak namin ang naroon. Ang iba naman ay mga kaibigan ng mga tita ko at mga kaibigan ng pinsan ko. Halos mabura tuloy ang powder sa mukha ko sa kakamano ko sa mga lola at tita ko. Ganoon din ang pakikipagbeso sa mga pinsan kong karamihan ay plastic naman ang ugali.
Sa huli ay tumuloy kami ni mama sa stage na kinaroroonan ni lola. Doon siya nakaupo habang pinagmamasdan ang mga bisita niya. Naunang nagmano si mama bago ako.
"Mabuti at nakarating kayo," bati nito sa amin. Natutuwa ako sa kanya dahil kahit matanda na siya ay ang ganda niya pa rin. Kumikinang ang kasuotan niyang filipiniana na punong-puno ng gold na glitters.
"Oo naman po, ma. Hindi puwedeng hindi kami pupunta dahil alam kong pakakantahin mo ngayon si Misha," sabi ni mama habang nakangiti kay lola.
"Correct, hindi talaga puwedeng hindi siya kakanta, tonight," natutuwang sabi ni lola habang tumatango sa akin. Handa naman ako at sanay na rin ako sa maraming tao kaya laban lang din ako.
Nagpaalam muna kami kay lola dahil gustong-gusto nang kumain ni mama. Gutom na gutom na siya kaya nagpunta na kami sa buffet. Pagkatapos naming kumuha ng food ay hindi pa man ako nakakakain ay agad naman akong tinawag ng emcee.
"Habang abala ang lahat sa pagkain ay pakinggan na muna natin ang tinig ni Miss Misha De leon na hahandugan ng isang kanta ang kanyang lola. Sabay-sabay tayong pumalakpak para sa kanya," sabi nito kaya agad naman akong tumayo.
Bago ako nag-umpisang kumanta ay muli akong humalik sa pisngi ni lola. Pagkatapos ay narinig ko nang tumunog ang background music ko. At dahil mahilig sa mga kanta ni Sharon Cuneta si lola, isa sa mga kanta nito ang kakantahin ko. Ang kantang kakatahin ko ay pinamagatang To love again.
Nang mag-umpisa na akong kumanta ay palakpakan ulit ang mga tao. Nang una ay enjoy na enjoy ako sa pagkanta ko dahil ang ilan sa mga tita at lola doon na naroon ay sumasabay pa sa akin. Wala akong kaalam-alam na ang gabing iyon na pala ang huling beses na magagamit ko ang maganda kong tinig.
Patapos na akong kumanta nang biglang may kumislap sa itaas ng kisami ng venue. Narinig ko ang hiyawan ng mga tao bago ako tumingala sa itaas. Hindi ko na nagawang umilag pa dahil saktong pagtingala ko sa itaas ay tinamaan na ako ng isang bakal na saktong-sakto sa leeg ko. Akala ko ay katapusan ko na dahil naramdaman kong sobrang sakit na ng leeg ko, lalo na iyong sa parteng lalamunan. Hindi rin nagtagal ay nawalan na ako nang malay-tao roon.
Nagising na lang ako na nasa Hospital na ako. Naiyak ako dahil pagdilat ng mata ko ay walang lumalabas ng boses sa akin. Hindi ako makapagsalita. Pilit man akong sumigaw ay huni lang ang kayang ilaban ng boses ko. Walang-wala ang boses ko.
Doon ko na nalaman na inoperahan pala ako sa lalamunan dahil iyon ang napuruhan sa akin. Suwerte raw ako dahil success at maari pa rin daw bumalik sa dati ang boses ko. Ang nakakalungkot lang ay tatagal daw ito nang ilang taon.
Hindi ko matanggap ang nangyari sa akin kaya naman palagi akong nagwawala sa ospital. Sinasaksakan na lang ako ng pampatulog para mapakalma ako, pero sa tuwing gigising ako ay ganoon pa rin ang ginagawa ko. Sobra akong nalungkot dahil mahal na mahal ko ang maganda kong boses.
Ngunit isang gabi, naalimpungatan na lang ako nang masilaw ako sa isang liwanag na tumama sa mata ko. Pagdilat ko ay mag-isa lang ako sa kuwarto ko sa hospital. Nanlaki ang mata ko dahil isang umiilaw na bato na kulay gold ang nakita kong nasa itaas ng kama ko. Ganitong-ganito iyong bato na tumama rin sa katawan ni Leeya na nakita namin ni Acelle.
Sumigaw ako para humingi nang saklolo pero walang boses na lumalabas sa akin. Natakot ako dahil pakiramdam ko ay papasok din iyon sa katawan ko. Hindi ako nagkamali dahil ganoon nga ang nangyari. Sisigaw na sana ulit ako nang biglang pumasok sa loob ng bibig ko ang batong gold na umiilaw. Dahil doon ay biglang nagkaroon ng tunog ang sigaw ko. Hindi ko alam kung paano iyon nangyari. Ang sigaw ko na iyon ay parang makapangyarihan. Sa isang sigaw ko lang na malakas ay yumanig bigla ang buong building ng hospital na kinaroroonan ko. Ang mga dingding sa hospital ay nakita kong nagkaroon ng mga lamat.
Natakot ako sa nangyari.
Naramdaman ko rin na bigla akong lumakas. Para may kung anong puwersa na pumasok sa katawan ko. Nang lumingon ako sa paligid ay doon ko lang napansin na nakalutang ako sa hangin. Umiilaw ang buong katawan ko ng kulay gold.
Nang makaramdam ako ng liyo ay doon na ako biglang bumagsak sa kama ko. Unting-unti nang nagdidilim ang paningin ko. Saktong pagbagsak ko sa kama ko ay nakita kong pumasok na sa loob ng kuwarto ko ang mama ko na nag-aalala. Kitang-kita ko sa mukha niya ang pagkatakot.
Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari dahil pagkatapos kong makita na lumapit sa akin si mama ay tuluyan na akong nawalan ng malay-tao.