Czedric's POV
Alas kuwatro ng madaling araw saktong tumunog ang alarm clock ko. Agad-agad na akong bumangon para gumayak. Tuwing walang pasok sa school, nakasanayan ko nang mag-jogging tuwing umaga. Ito ay para manatiling malakas at masigla ang katawan ko. Para kapag maglalaro ako ng basketball ay batak na batak ang katawan ko.
Paglabas ko sa kuwarto ko ay tumuloy muna ako sa banyo. Nakaramdam kasi ako nang pag-iihi dahil maaga akong nakatulog kagabi. Nakalimutan ko pa man ding umihi bago matulog. Pagod din kasi ako dahil pagkatapos nang klase ay naglaro kami ng basketball ng mga kaklase ko.
Nang umihi ako ay naghilamos at nag-toothbrush na rin ako. Pagkatapos ay saka ako nagsapatos at nagsuot ng jersey.
Madalim pa sa labas nang magsimula na akong mag-jogging. Sinasalubong ng malamig na simoy ng hangin ang katawan ko na siyang dahilan kung bakit nakakaramdam ako ng lamig. Sa una ay tumataas ang balihibo ko dahil hindi pa ko sanay sa lamig. Pagkalipas ng ilang minuto ay unti-unti nang tumutulo ang mga pawis ko sa katawan kaya nawala na rin ka agad ang nararamdaman kong panlalamig.
Pasikat na ang araw nang makarating ako sa bilad-bilad na kung saan ay hintuan ng mga taong nagja-jogging doon tuwing umaga. Napakaganda kasi roon, lalo na kapag sunrise na.
Kinuha ko tuloy ang cellphone ko at saka ako nag-selfie habang ang background ko ay ang sunrise. Pagkatapos kong mag-picture ay nag-post ako sa i********:. Sigurado kasi ako na naghihintay na ang mga followers ko sa mga post kong jogging moment tuwing sabado.
Hanggang bilad-bilad lang ang tinatakbo ko dahil ayokong abutan ako nang matinding sikat ng araw. Medyo maitim na kasi ang balat ko, kapag tumuloy pa ako sa malayo ay aabutan ako ng matinding sikat ng araw mamaya kapag bumalik na ako. Sad iyon dahil tiyak na masusunog na naman ang balat ko, gaya nang nangyari sa akin noong nakaraang buwan. Baka ma-turn off na sa akin ang acelle ko kapag umitim na ako lalo.
Speaking of Acelle. Nagtataka ako kung bakit mag-iisang linggo na siyang hindi pumasok. Kilala ko siyang tao na hindi mahilig mag-absent sa school. Hindi tuloy ako masigla sa school. Pakiramdam ko ay kulang ako kapag hindi ko nasusulyapan ang mukha niya na sa tuwing makikita ko ay para bang inaakit ako.
Dahil doon ay huminto ako saglit sa isang tabi. Muli kong kinuha ang cellphone sa bulsa ng jogging pants ko. Tinignan ako ang mga social medial account niya. Sigurado ako na naroon ang dahilan kung bakit wala siya kahapon.
Pagbukas ko ng account niya ay nanlaki ang mata ko nang makita kong naka-tag siya sa post ng mama niya. Napakunot ang noo ko sa litrato na post nito habang walang malay na nakahiga sa kama si Acelle. Nasa hospital pala siya.
Ano kayang nangyari?
Dahil sa nalaman ko ay hindi na naging-jogging ang ginawa ko. Napatakbo na ako nang mabilis dahil gusto ko na siyang puntahan sa ospital.
Kung anu-ano nang tumakbo sa isip ko nang makita ko ang litrato ni Acelle. Sobra akong nag-alala. Huwag naman sanang malala ang lagay niya. Hindi ko ata kakayanin na mawala siya. Hindi pa nga kami nagiging mag-jowa, mawawala na agad siya. Napapailing na lang tuloy ako. Ito ang ayoko e. Kung anu-ano ang naiisip ko kapag may mahalagang tao sa akin na nababalitaan kong itinakbo sa Hospital.
Napahinto ako sa pagtakbo nang bigla akong businahan ng motor ng isang kakilala ko sa school.
"Tol, bakit ka nagmamadali?" tanong ni Dominic na mukhang papunta na sa basketball court. Malapit iyon sa may simbahan. Basketball court iyon para sa mga taga-Garay na gustong maglaro ng basketball.
Hinihingal tuloy ako nang hintuan ko siya. "Nasa hospital kasi si Acelle. Ngayon ko lang nalaman iyon kaya gusto ko na siyang punatahan roon," sagot ko sa kanya. Nakita kong napailing siya.
"Ano bang nangyayari? Nagsunud-sunod naman ata ang pagtakbo sa kanila sa hospital?" sabi ni Dominic na kinalito ng isip ko.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko habang umiinom ako ng tubig. Naghahalo ang kaba at pagod ko kaya't inubos ko na ang dala kong tubig.
"Nasa hospital din kasi ang ilan sa mga kababaihan sa school. Si Christine, Leeya, Misha at Acelle. Balita ko ay hanggang ngayon ay puro tulog pa rin silang lahat," sabi ni Dominic na siyang kinagulat ko na lalo.
"Tulog o comatose?" paglilinaw ko pa.
"Iyon din ang tanong ko sa mga kaklase ko nang una. Baka kako comatose ang ibig nilang sabihin, pero itinama pa rin nila ako dahil ang kumakalat daw ay tulog lang silang lahat. Healthy naman daw ang katawan nila. Walang problema sa mga organ nila. Ang pinagtataka lang namin ay bakit napahaba ang tulog nila?" sabi nito na siyang kinagulat ko nang husto.
"Salamat, tol. Aalis na ako at gusto ko na talaga siyang makita," paalam ko sa kanya. Isasabay na sana niya ako sa motor niya, pero hindi na ako sumabay dahil gusto ko pa ring ituloy ang pagtakbo ko. Malapit naman na rin ako. Konting takbo na lang ay makakauwi na ako sa bahay.
Habang patuloy akong tumatakbo ay saktong nasa tulay na ako ng Matitic ibayo nang biglang isang malakas ng busina ng malaking truck ang bigla kong narinig sa likuran ko. Nanlaki ang mata ko dahil mabilis ang pagtakbo nito na para bang nawawalan ng preno. Nakita ko rin ang driver nito na sinisenyasan ako na tumabi ako dahil ako lang ang tao na naroon sa tulay na iyon.
Sa katangahan ko ay tumunganga lang ako. Wala akong ginawa. Napatulala na kasi ako dahil hindi ko na maisip kung ano ang gagawin ko. Dahil doon ay tumilapon ako sa malayo nang maramdaman kong sinagasaan na ako ng malaking truck na iyon. Kitang-kita ko sa hangin ang dugo na binuga ko dahil sa malakas ng impact nang pagtama ko sa truck. Mabilis akong bumagsak sa tubig ng ilog na naroon. Hindi ko na nagawang maglangoy dahil wala na akong pakiramdam. Isa pa, natulig ako bigla dahil sa pagkakasagasa sa akin ng truck na iyon.
Naisip kong katapusan ko nang araw na iyon. Ramdam ko na rin kasi na unti-unti nang napupuno ng tubig ang katawan ko sa dami ng tubig na naiinom kk habang patuloy akong napupunta sa kaila-ilaliman ng ilog.
Nanlalabo na ang mata ko nang maaninag ko ang isang lumiliwanag na bato na kulay asul. Kung hindi ako nagkakamali ay para itong bulalakaw na papalapit sa akin. Hindi ko alam kung ano ang bagay na iyon. Wala na rin akong pakelam kung ano man iyon. Ang gusto kong mangyari ay makaligtas ako dahil pupuntahan ko pa si Acelle.
Pagdating ko sa pinakadulo ng ilog ay nag-umpisa na akong maghingalo. Lumulobo na rin ang tiyan ko sa dami nang tubig na naiinom ko. Nang malapit na akong malagutan nang hininga ay mabilis na bumulusok sa katawan ko ang asul na batong umiilaw na nakita ko. Ramdam na ramdam ko iyon nang lumusot ang bato sa dibdib ko.
Tila may kung anong karayom na tumusok sa katawan ko kaya't parang nawala bigla ang tubig na kanina lang ay nasa loob ng katawan ko. Nakakagulat dahil bigla ring nawala ang mga iniinda kong sakit dahil sa pagkakasalpok ko sa malaking truck. Hindi na rin ako naghihingalo dahil nagagawa ko na ring makahinga kahit nasa ilalim ako ng ilog.
Himala ang nangyari. Hindi ko alam kung paano ko ito nagawa, pero malakas ang kutob ko na dahil ito sa batong kulay asul na umiilaw na pumasok sa katawan ko. May kung anong hiwaga sa bato na iyon kaya bigla akong lumakas.
Sa totoo lang ay hindi ako sanay maglangoy. Takot ako sa mga ganitong ilog, dagat at lalo na sa swimming pool. Ang paglangoy ang isa sa mga hindi ko nararanasang gawin. Takot ako maglangoy dahil malublob lang sa tubig ang ulo ko ay pakiramdam ko ay mamatay na ako dahil hindi agad ako makahinga. Nakasanayan ko na iyon simula pagkabata ko. Noon pa man ay hindi na talaga ako sanay maglangoy.
Pero ang nangyayari ngayon ay isang malaking palaisipan. Sinubukan ko kasing galawin ang mga braso at paa ko. Doon na ako unti-unting lumulutang papunta sa itaas. Mabagal man ako ay ayos lang dahil para na talaga akong isda na kayang makahinga sa ilalim ng tubig. Pinagtiyagaan kong maglangoy papunta sa itaas ng tubig.
Hanggang sa unti-unti na ring umilaw ang buong katawan ko. Hindi ko alam kung totoo ba ang nangyayari sa akin. Nanlaki ang mata ko sa nangyari sa mga paa ko. Hindi ako makapaniwala na bigla akong nagkaroon ng parang buntot ng sirena na kulay asul pa. Dahil doon ay mabilis na tuloy akong nakakalangoy sa ibabaw ng ilog. Natakot man ako nang una ay nag-enjoy naman ako sa huli. Hindi ko inaakala na sobrang lalim pala nang narating ko kanina.
Pag-ahon ko sa ilog ay kusa nang nawala ang buntot kong kulay asul. Nagbalik na sa dati ang mga paa ko. Doon ko na nakita ang mga taong kanina pa pala nakaabang sa akin.
Nagulat pa ako dahil nang makita nila akong lumutang sa ilog ay nagpalakpakan pa sila. Marahil ay hindi sila makapaniwala na nakaligtas ako sa pagkalunod. Agad akong sinagip ng isang mama na malapit sa akin. Tumalon siya sa ilog at siya na ang nagdala sa akin sa gilid para mailigtas na ako nang tuluyan.
Nang wala na ako sa ilog ay doon na unti-unting naging blur ang paningin ko. Ang huling natatandaan ko na lang nang araw na iyon ay buhat-buhat na ako ng lalaking driver ng truck na nakasaga sa akin kanina. Pagtapos niyon ay tuluyan na akong nilamon ng dilim.