Nakauwi na sila sa mansyon ngunit mas gusto ni Hermes na mag-isa sa bahay na ipinatayo niya para sana sa kanila ni Valerie. Sorpresa niya sana ito sa dalaga. Ayaw na muna niya nang maingay at istorbo kaya pinili niyang doon manirahan kasama ng dalawang therapist niya at isang Nars. Ayaw namang pumayag ng mag-asawang Del Rio na roon siya tumira dahil baka maalala niya ang dating nobya, ngunit nag-umpisa na namang maging tigre ang ugali niya kaya pumayag na sila.
Lumipas ang ilang araw, nag-resign din agad ang Nars. Hindi raw nito makayanan ang ugali ng lalaki. Sumunod naman na nagpaalam ang dalawang therapist. Nakahanap agad sila nang kapalit ng tatlo ngunit hindi rin nakatatagal ang mga ito. Hanggang sa umabot na ng siyam na Nurse at pangdalawampu na therapist ang umalis.
Muli silang naghanap sa agency ngunit wala raw na available, hanggang sa may nagrekomenda sa kanila. Makalipas ang dalawang linggo nang pumasyal ang mag-asawang Del Rio sa bahay ng binata para kausapin ang dalawang therapist at nurse na gusto na ngang mag-resign dahil sa pagiging mainitin ng ulo ni Hermes.
“Dadagdagan ko ang suweldo ninyo, huwag n’yo lang i-give up ang aming anak,” nagmamakaawang sambit ni Donya Salome.
“Pasensya na po kayo, Donya Salome. Mas’yado pong matigas ang ulo ni Sir Hermes. Ayaw niya pong uminom ng gamot at itinatapon niya po ito sa amin” reklamo ng nurse.
“Ayaw rin po niyang masahihin namin ang kanyang mga paa, Don Miguel. Nagmamatigas po siya at lagi kaming sinisigawan ng anak n’yo,” reklamo naman ng isang therapist.
“Matitiis po sana namin kung hindi po siya laging gano’n. Kaso po ay araw-araw at gabi-gabi po siyang sumisigaw,” wika pa ng isa. Nagkatinginan ang dalawang mag-asawa at napaiiling silang dalawa.
“Bigyan niyo pa kami ng ilang araw at hahanap kami ng kapalit n’yo. Parang awa n’yo na . . . pagtiisan n’yo muna ang ugali ng aming anak,” ani Don Miguel.
“Pagbibigyan po namin kayo pero dalawang araw lang po, Don Miguel. Kung hindi lang po malaki ang ibinabayad n’yo sa amin at sa kagandahan ng inyong loob, ay iiwanan po namin ang inyong anak. Naaawa rin kami na gano’n ang nangyari kay Sir Hermes, pero sana ay tulungan din niya ang kanyang sarili,” mahabang paliwanag ng nurse. Humingi sila ng paumanhin at nagpasalamat ang dalawang matanda saka bumalik na ang mga ito sa kanya-kanya nilang trabaho.
Narinig naman ni Hermes ang pinag-uusapan ng mga ito kaya nagwawawala ito sa galit. Pinaandar niya ang wheelchair at kinuha ang vase na nasa mesa saka ibinagsak iyon kaya nakagawa iyon ng ingay para mag-panic ang mga taong nag-uusap sa labas ng kanyang kuwarto kaya dali-daling lumapit sa kanya ang mga ito.
“What happen to you, son?” agad na tanong ni Donya Salome.
“You! All of you!” turo niya sa tatlong nag-aalaga sa kanya. “Get out of my room! I don’t need your service. Lumayas kayo rito sa pamamahay ko!”
“Son, Hermes . . . Huwag kang gan’yan, anak. Kailangan mo sila,” pagtatama ng matandang Don sa kanya.
“I don’t need them. Inaalagaan nila ako because you paid them a lot!”
“And what do you want, son? Libreng serbisyo para alagaan ka? Hindi ka na namin kilala, Hermes. We’re doing our best for your good. So, please . . . Help yourself too. Please, anak,” pakiusap ng ina at niyakap s’ya nito. Hindi na rin nagsalita pa ang binata at iniwan na rin sila ng tatlo.
SAMANTALA . . .
“Welcome, Manila!” sigaw ni Luna nang makarating ang kanyang sinasakyan sa bus stop dala ang traveling bag na animo ay pupunta sa abroad. Pinagtitinginan tuloy siya ng mga kasabayang pasahero. “Sorry po,” hinging paumanhin niya dahil napalakas yata ang kanyang boses. Hindi siya makapaniwalang nandito na siya. Limang oras din ang kanyang ibiniyahe galing Nueva Ecija.
Nang siya ay makababa, agad siyang sumakay sa jeep at tiningnan sa papel ang address na tinitirhan ng pinsan. “May social media naman na, bakit hindi na lang i-chat sa akin?” reklamo niya. Naalala niyang marami pa namang snatcher sa siyudad. Wala pang kalahating oras nang makarating siya sa Quezon Boulevard. Hinanap niya ang Mabini Street kung saan doon nakatira ang pinsan niya. Iskuwater ang lugar na iyon kaya dikit-dikit ang mga kabahayan. Agad rin naman niyang natagpuan ang bahay nito dahil malayo pa lang siya ay rinig na rinig niya na ang boses ni Tina.
“Tao po! Tao po!” sigaw niyang katok sa pinto.
“Luna!” tuwang sambit ng pinsan niya nang buksan nito ang pinto. “Ikaw ba ‘yan, ‘insan? Naku! Ang ganda-ganda mo na pala ngayon katulad ko,” puri nito sa kanya.
Ngumisi siya nang nakaloloko. “Matagal ko ng alam ‘yan, Tinang noong mga bata pa lang tayo. Teka, papasukin mo ba ako o dito na lang tayo sa pintuan magkukuwentuhan?”
“Ah, eh . . . pasok ka na, ‘insan. Pasensya ka na at makalat. Alam mo naman ang mga anak ng kapitbahay dito,” anitong nagkakamot ng ulo. Tumuloy siya sa loob saka ipinatong ang dalang gamit sa upuan.
“Okay lang. Sanay naman ako sa makalat, Tinang pero hindi nga lang ako sanay sa maingay. Alam mo naman na sanay sa probinsya at ngayon lang napadpad sa siyudad,” paliwanag niya.
“Masasanay ka rin dito, ‘insan. Pahinga ka na muna at kakain na tayo. Pinaghandaan ko talaga ang pagdating mo.”
“Salamat, Tinang.”
“Tinang ka naman nang Tinang! Tin na lang para may ikagaganda ang pangalan ko,” komento niya kaya napailing siya rito.
“Oo na. Tin na kung Tin. Kumusta pala trabaho mo rito? Sila Tiyang, lumipat na raw ba sabi ni nanay?” sunod-sunod niyang tanong.
“Lumipat na sila sa Bulacan, ‘insan. Kailangan kasi ni Ate Mae ng kasama dahil manganganak na siya sa unang pamangkin natin. Ayos naman ang trabaho ko rito. Iyon bang mga resume mo, ayos na ba?” tanong nito saka kumuha ng tubig at ibinigay iyon sa kanya.
“Ayos na ayos na,” sagot niya saka ininom ang tubig at ipinatong sa mesa ang baso. Inalis na rin niya ang sapatos ngunit nang maamoy niyang mabaho ang kanyang paa ay bumaling siya sa kausap. “Takip ka muna ng ilong mo, Tinang,” utos niya sa pinsan.
“Bakit?” takang tanong nito.
“Ang baho ng paa ko. Kainis kasi itong sapatos na ‘to. Daming humihiram sa probinsya, ito tuloy, mabaho ang paa ko.”
Natawa ang pinsan niya sa kanyang sinabi at kumuha ito ng kung ano at ibinigay iyon sa kanya. “Gamitin mo ‘to kasi mabaho rin ang paa ko ‘pag nagsusuot ako ng sapatos,” sambit nito kaya pareho silang natawa.
“Magpinsan talaga tayo, Tinang,” tatawa-tawang wika niya saka ginamit ang ibinigay sa kanya ng pinsan na para sa paa. Tumayo na rin siya at tinanong kung saan ang magiging kuwarto niya para makapagpalit na rin at iaayos pa niya ang mga kakailanganing ipasa bukas.