Chapter 1: Survive
“May masama akong balita, Don Miguel, Donya Salome. Ang inyong anak na si Hermes ay kailangan na masalinan ng dugo kaagad para madugtungan ang buhay niya dahil maraming dugo ang nawala sa kanya,” pagpapaliwanag ng doktor sa mag-asawa. Hindi nila matanggap na ganito ang nangyari sa kanilang Unico Hijo.
“Gawin ninyo lahat ng makakaya n’yo, Dok at magbabayad kami kahit gaano pa ‘yan kalaki,” wika ni Don Miguel. Nagpaalam ang doktor sa kanila at naiwang iyak nang iyak ang matandang Ginang sa narinig. “Enough, Salome. Lalo mo lang pinapahirapan ang anak mo sa ginagawa mong pag-iyak,” pagpapakalma niya sa asawa.
“I cannot accept what happened to our son, Miguel. All I know is that he just can’t walk, pero hindi lang pala iyon. Bakit sa anak pa natin nangyari ito, Miguel?” palahaw na sambit nito.
“Hindi natin ‘to ginusto, Salome. Aksidente ang nangyari. Nakainom ang anak natin ayon sa imbestigasyon.”
“May nagplano nito, Miguel. Hindi iyon aksidente,” pagpupumilit niya.
“Walang dapat sisihin dito, Salome kung ‘di ang anak lang natin. Si Hermes mismo ang may kasalanan, naibangga niya ang kotse niya sa pader dahil lasing siya. Huwag ka nang manisi ng iba, okay?”
“I don’t care. Basta! May nagplano nito. Palibhasa’y hindi mo nararamdaman ang nararamdaman ko. I love my son,” anito na hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak. Nilapitan niya ang kanyang anak. Ilang tubo ang nakakabit kay Hermes at naka-ventilator ito. “My son . . . please, fight. I told you before that you will be the next CEO in our company. And I hate to see you like this, son. Please, wake up,” anitong humahagulgol. Nilapitan siya ni Miguel at niyakap siya nito.
“Please, Salome . . . be strong. Our son is brave. Kaya huwag ka nang umiyak. Umuwi ka muna para makapagpahinga.”
“No! Ayoko. Dito lang ako sa anak natin. Ako ang magbabantay,” matigas nitong sagot.
“But you need to rest. Wala ka pang tulog mula pa kahapon. Sige na, ipahahatid na kita kay Poncio. Tatawagan ko na siya,” wika nito sabay labas ng cellphone at ini-dial ang numero ng driver. Wala pang sampung minuto nang dumating ito. “Poncio, ihatid mo muna ang Ma’am mo at sabihin mo kay Madonna na siya ang magbabantay saglit kay Hermes.”
“Opo, Don Miguel. Sasabihin ko po. Halina po kayo, Donya Salome,” pag-aya niya sa amo at tumalima naman ang matandang babae.
“Ikaw na’ng bahala sa anak natin, Miguel,” paalala nito sa asawa. Tumango lamang ang siya at umalis na ang mga ito.
Lumapit si Don Miguel sa kanyang anak. Umupo ito at hinawakan ang kamay ni Hermes saka nagsalita. “My son, I know you are strong. And I know that you are the bravest, son. I thought I was brave enough too when the doctor called me that you were here. But when I saw you lying down here, I just couldn’t help but cry. Hindi ko kayang nandito ka, anak. Like your Mom, I hate to see you like this. So please, son . . . wake up. Lumaban ka. Mahirap para sa amin ng Mommy mo na makita kang nakahiga rito at nahihirapan,” anito na hindi na napigilang tumulo ang luha.
Nang maramdaman niyang gumalaw ang kamay ng anak at biglang nagngingingisay, tumawag agad siya ng doktor na agad rin namang dumating.
“Doc, ano ang nangyayari sa anak ko?”
“Sa labas po muna kayo, Don Miguel,” anito. Lumabas ang matandang Don at hindi niya na alam kung ano’ng nangyayari sa loob. Taimtim siyang nagdasal at panay ang paroon at parito upang maibsan ang kabang nararamdaman. Ayaw niyang mag-isip ng kahit ano sa oras na iyon dahil hindi iyon makatutulong sa kanya.
Lumipas ang halos kalahating oras nang lumabas ang doktor mula sa ER. Nakahinga siya nang maluwag dahil nakangiti itong tumingin sa kanya. Sinalubong agad niya ito upang kumustahin ang anak.
“How’s my son, Dr. Alvarez? Is he okay? A-Ano’ng lagay ng anak ko?” nag-aalalang sambit niya.
“Lumalaban ang anak ninyo, Don Miguel. Mamaya po ay isasagawa na namin ang blood transfusion.”
“Thank you so much, Dr. Alvarez.”
“You’re welcome. This is my job and thanks to my team,” ngiti nito. “Mauna na ‘ko, Don Miguel.” Tumango lang ang matanda. Nagpasalamat naman siya sa mga ibang doktor at Nars na nasa loob pa ng ER at nagpaalam na rin ang mga ito sa kanya.
Nang gabing iyon, isinagawa na ng mga doktor ang blood transfusion para madugtungan ang buhay ni Hermes. Isang himala na naka-survive ito dahil sa pangyayaring aksidente.
MAHIGIT ISANG BUWAN ding nagtagal sa hospital ang binata dahil marami pang ginawang tests sa katawan n’ya — isang buwang walang malay. Nang siya ay magising, hindi niya matanggap ang balitang hindi na siya makalalakad dahil sa pagkaka-aksidente dahilan nang pagwawala niya.
“Call the doctor! I want to talk to him at mali ang sinabi niya! Mom, Dad . . . this is not true! Sabihin ninyo sa akin na hindi ito totoo, na gawa-gawa lang nila ito!”
“Calm down, hijo. Gagawin natin ang lahat para makalakad ka,” pagpapakalma ng ina.
“Why did this happen to me, Mom? Bakit sa akin pa?” hagulgol nito kaya niyakap siya ng dalawang matanda.
“Huwag ka nang umiyak, hijo. Everything will be alright. Ipagdasal natin na makalalakad ka pa,” pagpapalakas loob ng Don sa kanya. “You’re a good man.”
Tumigil ito sa pag-iyak ngunit bigla-bigla na lang itong sumigaw. “I blame her! Because of that d*mn woman, naaksidente ako! Niloko n’ya ako, Dad. Niloko ako ng babaeng ‘yon!”
“Enough, Hermes. ‘Wag mo munang isipin si Valerie. Humingi na siya ng tawad sa ‘yo at sa amin,” pag-aalo ng ina. “Patawarin mo na siya. Para sa ikatatahimik na rin ng puso mo. Para hindi ka na rin mahirapan, anak. Forgive her, okay?”
“No, Mom! She’s a liar! She fooled me! Kulang pa ba ako sa kanya para maghanap s’ya ng iba?”
“Hindi makabubuti sa ‘yo ang mag-isip nang sobra, anak, kaya huwag mo munang isipin ang mga bagay na iyan. Magpalakas ka at marami pa namang babaeng nagkakagusto sa ‘yo, lalo na ang mga modelo.”
“I hate her! Okay lang sana na iniwan niya ako dahil ayaw niya na sa akin. Pero hindi, eh. Nakipagrelasyon siya sa iba habang kami dahil mas mapera iyon kaysa sa akin. At sa kaibigan ko pa, Mom. Sa kaibigan ko pa!” anito na lalong nagwala.
“Please, son. Tama na. Miguel, tumawag ka ng doktor,” utos ng donya sa asawa dahil ayaw paawat ng anak nila. Agad ring dumating si Dr. Alvarez kasama ang dalawang nars at tinusukan nito ang binatang pasyente.
“Bakit bigla-bigla na lamang nagbago ang ugali ng anak ko, Dok?” tanong ng matandang don.
“Normal lang po iyan sa mga pasyente, Don Miguel dahil isang buwan siyang walang malay at epekto na rin ng mga gamot. Pero babalik din naman sa normal ang ugali ni Hermes,” tuloy-tuloy nitong pagpapaliwanag sa kanila.
“Pero, Doc may pag-asa pa bang makalalakad ang anak ko?”
“Oo, Don Miguel. Pero taon ang aabutin. Pasalamat din tayo at hindi naapektuhan ang pelvic area ni Hermes dahil kung hindi, may chance na magkaroon siya ng erectile dysfunction. Baka lalo siyang magwala kung nangyari iyon. Alam n’yo naman siguro na iyan ang importante sa mga lalaki,” mahabang paliwanag niya. Nagpasalamat ang mag-asawa rito at nagpaalam na rin ang doktor.