CHAPTER 23 “DANICA”

1346 Words
“FINALLY, in the flesh. Ara,” ang masayang pagbati sa kaniya ng kapatid ni Daniel na si Danica. “Nice to meet you, Ate Danica,” ang nahihiya pero nagagalak rin niyang tugon saka tinanggap ang pakikipagkamay sa kaniya ng nakatatanda at nag-iisang kapatid ni Daniel. “I’ve heard so much about you. Palagi kang kinukwento sa akin nitong kapatid ko. At huwag kang mag-alala, ang lahat ng sinasabi niya about you, magaganda,” anito. “Ate pwede huwag kang masyadong talkative?” si Daniel na dinala siya sa sala saka pinaupo sa maganda at Mediterranean style sofa. “Dito ka muna, titingnan ko kung okay na ang dinner,” bilin pa sa kaniya ni Daniel. Tumango lang siya. Nang makaalis si Daniel ay noon naman muling nagsalita si Danica. “Masaya ako na naging kaibigan ka ng kapatid ko, palagi siyang masaya dahil sa’yo,” anito pa. Pakiramdam ni Ara ay pumalakpak ang tainga niya dahil sa sinabing iyon ng kapatid ng lalaking lihim na itinatangi ng kaniyang puso. Para kasi sa kanya at batay narin sa sarili niyang karanasan espesyal ka para sa isang tao kung nakakaya at nagagawa mo itong pasayahin. At parang naging triple pa ang dahilan para maging masaya siya dahil si Daniel ang pinag-uusapan nila. “Masaya rin naman ako na naging kaibigan ko siya, kahit hindi naging maganda ang simula naming dalawa,” sa huling sinabi ay hindi napigilan ni Ara ang mapangiwi. Pero huli na para bawiin niya iyon dahil nasabi na niya. Tumawa si Danica sa sinabi niyang iyon. “Naikwento nga niya sa akin. Ang totoo ini-imagine ko palang kinikilig na ako. Pero mabuti narin at siya mismo ang gumawa ng paraan para bumawi sa pagkakamali niya sa iyo.” Namula ng husto ang mukha ni Ara sa narinig. Ibig sabihin alam rin ni Danica na hinalikan siya ni Daniel. Dahil doon ay parang wala sa sariling katinuan siyang napapikit dahil sa matinding hiya na bigla niyang naramdaman. “Sa nakikita ko parang napaka-protective ng kapatid ko sa’yo. Alam mo bang hindi ko siya nakitang naging ganiyan sa kahit kaninong babae na naging girlfriend niya noon? Hindi mo kasi naitatanong pero nung high school pa si Daniel may pagka-playboy siya. Madalas siyang magpalit ng girlfriends. Iyong si Lilet lang ang medyo nagtagal,” salaysay pa ni Danica. Sa narinig niyang pangalan ay biglang nakaramdam ng hindi maipaliwanag sa panibugho sa kaniyang dibdib si Ara. “Lilet?” tanong pa niya. “Siya ang huling naging girlfriend ni Daniel sa Cebu. Nakipag-break siya sa kapatid ko kasi ayaw daw niya ng long distance relationship,” pagbibigay alam sa kaniya ni Danica. Hindi maunawaan ni Ara pero nagkaroon ng parang mabigat na bagay na nakadagan sa dibdib niya dahil sa narinig niyang iyon. Wala silang relasyon ni Daniel kaya wala siyang karapatan na magselos. Pero dahil nga mahal niya ang binata, hindi niya iyon maiwasang maramdaman. “Ganoon ba? Nasabi nga niya sakin na may mga naging girlfriends na raw siya noon,” sinubukan niyang huwag ipahalata ang selos na nararamdaman niya sa tono ng kaniyang boses at nagtagumpay naman siya doon. “Oo nga pala sa isang linggo aalis na ako. Siguro nabanggit na ni Daniel sa’yo ang tungkol doon?” Tumango siya bilang tugon sa sinabing iyon ni Danica. “Okay lang ba kung hihingin ko ulit sa’yo na dito ka mag-dinner sa araw na iyon? Alam mo kasi hindi lang niya pinapahalata pero alam ko nalulungkot siyang magkakahiwalay kami,” sa pagkakataong ito ay kinakitaan ni Ara ng lungkot ang magagandang mata ni Danica. Kung susuriin napakalaki na resemblance ng magkapatid. Kaya masasabi niyang kung sakaling si Daniel ang maging asawa niya at magkaroon sila ng anak na babae, kung magiging kamukha nito ang future baby nila ay tiyak na maganda. Dahil napakagandang babae ni Danica na babaeng version ni Daniel. “Oo naman, magpapaalam lang ako sa parents ko,” sagot niya. Ngumiti si Danica. “Huwag mong iiwan si Daniel. Sana palagi mo siyang samahan. Mahal na mahal ko ang kapatid kong iyan, at iyon siguro ang dahilan kaya pati iyong mga nagugustuhan niyang tao hindi rin ako nahihirapang magustuhan.” “Ibig sabihin gusto mo rin ako?” ang masayang tanong ni Ara. Magkakasunod na tumango si Danica. “Bakit naman hindi? Alam mo ba unang beses ka palang niyang ikinuwento sa akin na-curious na ako? Gusto na kitang makilala? At ngayon na nandito at kaharap na kita, naiindihan ko na ang lahat ng nakita at narinig ko,” ang makahulugang winika ni Danica saka pa nito hinagod ng humahangang tingin ang kaniyang mukha. Takang tinitigan ni Ara ang magagandang mata ng kaniyang kaharap. “What do you mean?” Kibit-balikat ang itinugon muna sa kaniya ng kausap bago ito nagbuka ng bibig para magsalita. “Mas maganda kung kay Daniel manggagaling ang lahat. Anyway, halika na sa komedor, baka ready na ang dinner,” anitong nagpatiuna na sa pagtayo kaya wala na siyang iba pang nagawa kundi ang sumunod. Kasama ang presensya ni Daniel kaya para kay Ara ay naging napakasaya at espesyal ng gabing iyon. Pagkatapos ng hapunan ay nagkwentuhan sila sandali ni Danica at pagkatapos ay nagpaalam narin ito para magpahinga. Dahilan kaya muli ay nagkaroon sila ng pagkakataon ng binata na magkasarilinan. “Ang sabi sa akin kanina ng ate mo bantayan at alagaan daw kita pag-alis niya, huwag daw kitang iiwan,” nasa sala veranda sila noon at nagpapahangin. Magkatabi silang nakaupo noon sa isang outdoor loveseat na gawa sa bakal. Kaya naman dinig na dinig niya nang magpakawala si Daniel ng isang mahina at amuse na tawa. “Well, that my sister, ano pa nga bang magagawa ko?” anitong nakangiti siyang nilingon pagkatapos. Umangat ang mga kilay ni Ara sa narinig. “Are you complaining?” “Of course not!” ang maagap na tanggi ng binata. “maswerte nga ako at siya ang naging kapatid ko. Mula pagkabata siya ang palaging kasama ko. Minsan nga naiisip ko paano nalang kaya ako kapag kinailangan na niyang umalis sa tabi ko?” noon humalo ang lungkot sa tinig ni Daniel. May pakiramdam si Ara na nang mga sandaling iyon ay kailangan ni Daniel ng taong makikita rito. Kaya hindi siya nagkomento, hinintay lang niya na muli itong magsalita at hindi naman nagtagal ang paghihintay niyang iyon. “Sanay ako na wala si Mama sa tabi ko, pero hindi si Ate. Sa lahat kasi ng pagkakataon siya ang laging nasa tabi ko. Sa kanya ko nasasabi ang lahat ng problema ko. Kaya mahal na mahal ko talaga siya at baka matagalan bago ako masanay nang wala siya dito. Baka matagalan bago ako masanay na ako nalang mag-isa,” si Daniel na nilingon pa muna siya bago ibinalik ang paningin sa madilim na kalangitan. “May nabanggit sa akin si Ate Danica kanina, tungkol kay Lilet?” sa pagkakataong ito ay naisipang itanong ni Ara sa kagustuhan niyang magkaroon ng linaw ang kanina pang selos na naglalaro sa kalooban niya. Sukat sa sinabi niyang iyon ay mabilis siyang nilingon ni Daniel. Ilang sandali pagkatapos ay inakbayan siya saka hinila palapit dito. Hindi pa ito nakuntento doon. Hinawakan nito ang kaniyang ulo saka inihilig sa mismong balikat nito. Katulad ng dati ay awtomatiko ang kuryente at masarap na kilabot na naramdaman ni Ara dahil sa ginawing iyon ng binata. Ilang sandali silang nanatili sa ganoon. Tahimik at parang mga puso lang nila ang nag-uusap. Napakasaya niya nang mga oras na iyon. Pakiramdam niya mahal din siya ni Daniel. Kaya naman nang hawakan ng binata ang isa niyang kamay saka iyon dinampian ng simpleng halik ay hindi siya nag-protesta. Wala siyang lakas ng loob na tingalain ito at salubungin ang mga mata nito na alam niyang nakatitig sa kaniyang mukha. Kaya naman sa halip ay isiniksik nalang niya ang sarili niya sa tagiliran ng binata saka ipinikit ng mariin ang kaniyang mga mata. Sana hindi na matapos ang oras na ito. Sana pwedeng ganito nalang tayo, forever. Ang gusto sana niyang sabihin kay Daniel pero minabuti niyang huwag nalang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD