KINABUKASAN ng araw ng linggo ang ayon kay Daniel ay schedule ng balik ng kapatid nitong si Danica galing ng Cebu. Kaya naman ipinagpaalam na siya agad ng binata sa mga magulang niya sa bahay ng mga ito siya kakain ng hapunan. Pumayag naman ang nanay at tatay niya na lihim na ipinagpasalamat ni Ara.
“Nanliligaw ba si Daniel sa’yo, Ara?” tanong sa kaniya ng nanay niya kinabukasan habang busy siya sa pagtulong rito para sa ihahanda nilang pananghalian.
Agad na sumikdo ang kaba sa dibdib ni Ara dahil sa tanong na iyon mula sa kaniyang ina. Kasabay iyon ng ilang sandaling pagkakatulala niya sa maganda nitong mukha.
“Ara, tinatanong kita anak, nanliligaw ba sa’yo si Daniel?” ang ulit na tanong sa kaniya ni Susan na pumutol naman sa malalim niyang pag-iisip.
“Nay?” ang tanging naisatinig niya.
“Mahirap bang sagutin ang tanong ko?” ang nanay ulit niya na ipinagpatuloy ang pagbabalat ng carrot na isasahog sa lulutuin nitong Chicken Afritada.
Magkakasunod na umiling muna ang dalaga saka nagbuka ng bibig para magsalita. “Hindi po,” aniya.
“Hindi nanliligaw o hindi mahirap ang tanong ko?” tanong ulit sa kaniya ni Susan na natawa pa ng mahina.
Napangiti doon si Ara saka nagbaba ng tingin. “Pareho po,” sagot niya.
“Ganoon ba, ang akala kasi namin ng Tatay mo ay nililigawan ka niya. Iyon kasi ang nahahalata namin sa mga kilos niya. Pero kung sinasabi mong hindi ka niya nililigawan, syempre maniniwala ako sa’yo, kung ano ang sinabi mo.”
“Salamat po nay,” aniya.
Nakikita ng nanay at tatay niya sa mga kilos ni Daniel na nililigawan siya nito?
May bahagi ng isipan ni Ara ang mabilis na kinilig dahil doon. Hindi pa naman kasi niya naranasan kung paano ang maligawan kaya wala siyang idea. At iyon ang dahilan kaya lahat ng ginagawa ni Daniel ay iniisip niyang friendly gesture lang, kahit ang totoo undeniable naman talaga ang kilig na at malakas na attraction na nararamdaman niya para sa binata.
“Katulad naman na nang nasabi namin sa inyo ni Bella, okay lang sa amin kung gusto na ninyong pumasok sa pakikipag-relasyon. Basta ang importante huwag ninyong pababayaan ang pag-aaral ninyo at dapat alam ninyo ang limitasyon ninyo. Sana matuto kayo sa naging karanasan ko.”
“Ano pong ibig ninyong sabihin, Nay?”
Noon inilagay ng nanay niya sa isang bowl ang nabalatan na nitong mga patatas at carrots. Pagkatapos ay tumayo ito saka hinugasan at ibinabad sa tubig ang mga iyon para maiwasan ang pangingitim lalo na ng mga patatas.
“Hindi naman sa pinagsisisihan ko na ibinigay ko ang sarili ko sa tunay ninyong ama dahil kayo ang naging bunga nang nangyari iyon. Pero ayokong maranasan ninyo ang naranasan ko. Paano kung wala ang tatay ninyo na nanindigan para sa akin at umako sa inyo bilang sarili nitong mga anak? Siguro katakot-takot na panghuhusga ang inabot ko. Naging mas magaan kahit papaano ang buhay kasi tinulungan ako ni Anselmo sa pagpapalaki sa inyo. Nandiyan siya palagi sa tabi ko at hindi ako iniwan.”
Iyon ang unang pagkakataon na nag-open sa kaniya ang nanay niya tungkol sa bagay na iyon. Hindi naman lingid sa kaalaman nila ang kwento ng buhay nito pero ngayon, sa nakikita niya, parang nauunawaan na niyang kung gaano kalalim ang pagmamahal na nararamdaman ng tatay nila para kay Susan.
“Naisip ko nga noon, siguro ginusto narin ng Diyos na mangyari iyon, na dumating kayo sa buhay ko, para makita ko kung sino ang totoong lalaki na nakahanda talagang manindigan para sa akin hanggang sa huli.”
Hindi nagsalita si Ara sa sinabing iyon ng kaniyang ina. Nanatili lang siyang nakatitig sa mukha nito saka ngumiti.
“Kung sakali huwag kang mahihiyang magsabi sa akin anak. Nanay mo ako kaya lahat ng nangyayari sa akin gusto ko alam ko. Kung may sikreto na gusto mong sabihin sa akin mapagkakatiwalaan mo ako, hindi ako magsasalita, pangako iyan,” pagpapatuloy ni Susan habang nakatitig ng tuwid sa kaniyang mga mata.
“Talaga po?” hindi niya maunawaan pero bakit ba parang sa lahat ng sinasabi ng nanay niya nang mga sandaling iyon ay tila ba nawawalan siya ng kapasidad na magsalita. Napipipilan siya o di kaya ay palaging tipig ang mga nagiging sagot niya.
“Oo naman. Kahit hindi ka magsalita alam ko kung ano ang totoong nararamdaman mo para kay Daniel,” anito.
Sa narinig ay namula ng husto ang mukha ni Ara.
Noon si Jenny, ngayon naman ang nanay niya.
Sa susunod sino kaya ang magsasabi sa kaniya ng ganoon? Si Daniel ba?
“Nay, ganoon po ba ako ka-transparent para mabasa ninyo ang lahat ng nilalaman ng isip at puso ko?” sa huli ay hindi niya napigilang itanong.
Nang muling makaupo ay saka siya pinagmasdan ng nanay niya. “Kasasabi ko lang sa iyo, anak kita, sa akin ka nanggaling at higit sa lahat mahal kita kaya hindi mahirap sa akin ang basahin ka.”
Humaplos ang kaligayahan sa puso ni Ara dahil sa narinig niyang iyon. Bukod pa doon ay ang katotohanan na kahit paano nakahinga siya ng maluwag.
“Akala ko po kasi masyado na akong transparent. Syempre ayoko paring malaman ni Daniel ang totoong nararamdaman ko para sa kanya, na crush ko siya,” aniyang nahihiya man ang tono ng kaniyang pananalita pero hindi parin niya nagawang itago ang kilig na nararamdaman niya.
Tinanguan lang siya ng nanay niya saka matamis na nginitian. “Crush lang ba talaga anak? Eh sa nakikita ko, sa ganda ng kislap ng mga mata mo parang mas higit pa doon ang mayroon ka diyan sa puso mo para kay Daniel.”
Mabilis na namula ang mukha ni Ara sa narinig. “Nanay naman, iniiwasan ko nga pong mapunta doon eh, kasi natatakot akong masaktan,” protesta niya.
Tumawa si Susan sa sinabi niyang iyon. “O siya sige, basta ang mahalaga, ang gusto ko huwag mong kalilimutan ang lahat ng paalala ko sa iyo. Gusto ko si Daniel para sa iyo. Dahil bukod sa katotohanan na napakagwapo niyang bata, mabait at may paninidigan. Siya ang tipo ng lalaki na parang ang tatay mo, kaya kang panindigan anuman ang mangyari. Pero dahil bata ka pa, katulad ng sinabi ko kanina, kailangan alam mo ang limitasyon mo,” ang mabait na paalala ng nanay niya sa kaniya.
Hindi na nagsalita pa si Ara pagkatapos ng mga sinabing iyon ng kaniyang ina. Hindi dahil wala siyang mahagilap na pwedeng sabihin, kundi dahil masyadong pinupuno ng kaligayahan ang kaniyang puso nang mga sandaling iyon.
Ang malalaman na gusto ng nanay niya si Daniel ay sapat na para makaramdam siya ng kasiyahan na katulad ng nararamdaman niya ngayon.
*****
“OKAY ka lang?” si Daniel kinagabihan nang makapasok na sa gate ang kotse nito.
Kumakabog ang dibdib niyang hinarap ang binata saka parang wala sa sariling humugot at nagpakawala ng buntong hininga.
“Sinabi ko naman kasi sa’yo kanina maglakad nalang tayo eh,” angal niya saka muling nagbuntong hininga.
Narinig niya ang mahinang tawa na naglandas sa lalamunan ni Daniel. “I don’t get you, bakit gusto mong maglakad eh willing naman akong sunduin ka?”
“Kasi kapag naglakad tayo mas maire-ready ko ang sarili ko para sa pagkikita namin ng sister mo,” pagsasabi niya ng totoo.
Lalong lumapad ang pagkakangiti ni Daniel sa sinabi niyang iyon. “Ano bang kailangan mo pang I-ready sa sarili mo?” amuse nitong tanong.
“Kinakabahan kasi ako, saka pwede ba huwag mo nga akong pagtawanan diyan!” reklamo niya.
Sa kabila ng sinabi niyang iyon ay hindi parin napalis ang amuse na ngiti na nagmistulang naka-plaster na sa mga labi ni Daniel. Dahilan kaya lalo siyang nakaramdam ng inis para dito. Pero sa kabilang banda, kahit naiinis siya hindi parin naman nawawala ang kilig. Kinikilig parin talaga siya dahil sa kagwapuhang taglay nito.
“Halika nga dito,” anitong kinabig siya saka mahigpit na niyakap. “para mawala ang kaba mo,” anitong hinawakan rin ang kamay niya pagkatapos.
Hindi nakapagsalita si Ara sa ginawing iyon ng binata. At ang totoo ay mas lalo pa siyang kinabahan. Parang naparalisa ang buong katawan niya dahil nawalan siya ng kakayahang tumanggi o kahit kusang kumawala nalang mula sa mahigpit nitong pagkakayakap sa kaniya.
“Si Ate palang iyan, paano pa kapag si Mama na? Ano mawawalan ka na ng malay?” biro pa ni Daniel na marahan pang pinisil ang palad niya pagkatapos.
Noon na-realized ni Ara ang natural na pagiging malambing ni Daniel. Malayo sa nakakainis na Daniel na una niyang nakilala at unang humalik sa kaniya.
And speaking of halik malakas na singhap ang pinakawalan niya nang maramdaman ang pagdampi ng maiinit na mga labi binata sa likuran ng kaniyang palad na hawak nito mismo.
Lalong nagtumindi ang kaba na nararamdaman niya. Kasabay noon ay kusa siyang napatingala kay Daniel.
As soon as their eyes met ay nagkaroon na ng clarification kay Ara kung ano ang totoo niyang nararamdaman para kay Daniel.
Mahal na nga niya ito.
Kailangan niyang aminin iyon sa kahit sa sarili lang niya dahil alam niya kung patuloy siyang magsisinungaling ay sarili lang din niya ang mahihirapan.
“Hindi parin ba malinaw ang lahat sa iyo? O gusto mong sabihin ko pa para maniwala ka?” sa sobrang lapit ng mukha nila sa isa’t-isa ay malayang nasamyo ni Ara ang mabangong hininga ng binata na bumalandra sa kaniyang mukha.
“A-Ano?” ang naguguluhan at nginig ang tinig niyang tanong-sagot.
Noon pumalatak si Daniel saka nagbuka ng bibig at muling nagsalita. “Parang gusto ko nang maniwala na hindi nga magandang kombinasyon ang torpe at manhid,” anito.
“Hindi kita maintindihan,” aniyang pilit na kumawala sa pagkakayakap ng binata pero hindi ito pumayag. Lalo nitong hinigpitan ang pagkakayapos sa kaniya at maging sa kamay niya na nanatiling hawak nito.
“Habang nabubuhay ako, nakahanda akong samahan ka lalo na sa mga pagkakataong mahina at natatakot ka. Iyan ang palagi mong tatandaan,” anitong pagkasabi noon ay masuyong dinampian ng simpleng halik ang kaniyang noo.
Parang inilutang sa alapaap si Ara sa ginawing iyon ni Daniel.
Oo kinakabahan siya at parang ang kuryente na sanhi ng lahat ng ginagawa nito sa kaniya ay permenente na. Pero hindi niya maikakaila na masaya siya. At gusto niya iyon, gusto rin niya sa mga bisig ni Daniel. Gusto niya ang yakap nito dahil ramdam niya na safe siya. At kahit sino o ano sa mundo ay walang pwedeng manakit sa kaniya.