Part 1: Devon Vanford
My Guarding Devil
AiTenshi
October 11, 2020
"Kung ang isang anghel at demonyo ay umibig sa bawat isa? Maaari bang lumampas ang kanilang pag-ibig sa batas ng langit at impiyerno? Maaari bang sunugin ng anghel ang kanyang mga pakpak sa apoy? Maaari bang sumakay ang demonyo patungo sa liwanag ng kalangitan? Ito ang panunuya ng mapag larong tadhana. Hindi mababago ng pag-ibig ang mga bagay hindi dapat."
Iyan ang mga bagay na tumatakbo sa aking isipan habang unti unting bumabagsak ang aking katawan mula sa maliwanag na palasyo ng kalangitan. Ang aking buong katawan ay nasusunog dahil sa paglabag ko sa mahalagang batas na nag sisilbing balanse ng sanlibutan. Bakit ganoon? Bakit may mga bagay na hindi maaari? Bakit may mga bagay na malapit lamang pero napaka hirap abutin? Susukuan ko nalang ba ito o patuloy pa rin akong lalaban kahit alam kong pagkabigo lang rin ang aking aabutin?
Tahimik..
Nakadilat ang aking mga mata at ang mga tela ng nasusunog kong damit ay sumasama sa hangin na wari'y sumasayaw sa aking paligid. Patuloy pa rin akong bumabagsak habang pilit kong inaabot ang liwanag na nakikita ng aking mga mata.
Ang liwanag na iyon na palapit sa akin, sa pag-aakalang ito ay liwanag ng pag-asa ay nagkakamali pala ako dahil ito isang matalim na sibat na tumama sa aking katawan at lumusot sa aking likuran.
Nanatili itong nakabaon sa aking katawan dahilan para bumulwak ang dugo sa aking bibig at kasabay nito ang pag pikit ng aking mga mata na tila tuluyan akong nawalan ng ulirat.
Wala na akong natandaan pa.
Part 1: Devon Vanford
"Friend okay ka lang ba? Alam mo sa itsura mong iyan, parang ikaw yung tipo ng tao na nawalan ng ganang mabuhay," ang wika ni Santi habang naglalakad kami sa opisina ng aming boss.
"Ano ka ba? Matagal na tayong patay diba? Saka hindi naman na tayo tao. Ito yung mukha ko na masaya, ito rin yung mukha kong na malungkot at ito rin yung galit. Pare-pareho lang talaga ang emosyon ko kaya masanay kana," tugon ko naman sa kanya.
"Actually, ikaw lang naman talaga ang may schedule kay Boss Lucifer ngayon. Doon ako pupunta sa kabilang istasyon at ipapagawa ko itong baril ko dahil pumapalya na naman at dalawang beses na akong nasasabugan. Baka sa susunod ay tuluyan na akong mabura dito sa impyerno no," ang sagot ni Santi sabay tapik sa aking balikat at nag iba ito ng direksyon. Ako naman ay dumiretso sa silid ng aming pinuno para kunin ang aking susunod na misyon.
Pagdating ko dito ay agad akong sinalubong ng kanyang secretary, "ikaw pala number 98, wala si boss dito ngayon nandoon siya sa kainan. Doon mo nalang daw siya puntahan. Alam mo pang 98 kana pala malapit kanang mawala sa banga kaya for sure kapag pumalpak ka ulit sa misyon mo ay baka doon ka nalang sa dalhin sa malaking kawa ng kumukulong langis at gawing tagalagay ng pang gatong. Kaya ang masasabi ko lang sa iyo ay "see you soon," ang pang aasar nito.
"Inggit ka lang kasi ako ay pang 98 at ikaw naman ay pang 450 sa ranking kaya malayo ka pang maging Guardian. Upakan kita diyan eh!" ang sagot ko sabay amba sa kanya dahilan para matakot ito at saka mag tatakbo palayo.
Ako si Devon Vanford, 21 years old. at may 5’8 ang taas, maputi at singkit na bilugan ang hugis ng mga mata. May lahi kasi akong intsik noong nabubuhay pa ako. Matangos ang ilong at mapupula ang mga labi. Iyan ang diskripsyon ko sa aking sarili. Kawangis ko raw ang aking ama dahil pareho kaming tisoy at magandang lalaki, bagamat mas naniniwala ako na ang kamukha ko ay ang aking ina dahil nararamdaman ko iyon sa tuwing tinititigan ko ang aking mukha sa salamin. Pero ang mga memoryang iyon noong ako ay nabubuhay pa ay tila paunti-unting nawawala at lumalabo sa aking isipan.
Katulad ng tradisyunal na konsepto, kapag namatay ang mabubuting tao ay aakyat sila sa langit. At kapag na man namatay ang masama o mga makakasalanang nilalang ay paniguradong sa lupa ang bagsak niya.
Katulad ko, simula noong mamatay ako ay nag-apply na ako bilang isang Guardian Devil dito sa ilalim ng lupa. Bihira lang ang nakakapasang Guardian, kailangan ay mayroon kang malalang Crime record. Katulad ko, nakapatay ako ng anim nakatao kaya heto pasok ako para maging isang Guardian.
Hindi biro ang aming trabaho dahil sa amin nagmumula ang kasamaan, tukso, pagkaganid at pandaraya. Kami yung nagbubulong ng mga masamang bagay sa mga tao para gawin nila ang bagay na hindi dapat gawin. At syempre hindi kami yung nasa isip niyo na may sungay, panget na may pamulang balat at mapulang mata katulad ng nasa telebisyon. In fact, nagkakaroon kaming screening bago sumalang dapat gwapo ka at maganda sa harap ng VTR o video tape recording dahil kung hindi mag hanap ka nalang ibang trabaho. Maarte si Boss Lucifer, ayaw niya sa mga panget nilalang dahil mabilis itong ma-stress.
Dito sa aming mundo ay laging mayroong top 100 na guardian at pasok ako doon dahil pang 98 ako. At kapag naalis ka sa top 100 ay fired kana sa work mo. Maghanap ka nalang ng ibang trabaho sa ilalim ng lupa. Pwede ka sa fastfood mag-waiter ka doon o kaya maging tagaluto o taga paghugas ng pinggan. Pwede ka rin maging guard doon sa mga taong susunugin sa kumukulong langis. O pwede ka rin mag artista o maging entertainer sa radyo o tebisyon. Wala namang pinipiling edad ang pag ta-trabaho dito sa ilalim ng lupa hangga’t may kakayahan ka at enerhiya ay pwedeng pwede ka.
Ang mundo namin ay hindi yung ideal na Impyernong nababasa o madalas nakikita sa telebisyon. Hindi ito yung magulong lugar na wasak ang lahat ng bagay sa paligid, hindi ito yung naka-feature sa pelikulang Constatine o Hell Gate na may magulo, madumi at mainit na atmospera. Ang Impyerno dito ay maayos din katulad ng tirahan ng mga mortal sa ibabaw ng lupa, may mga gusali, may kabahayan, tindahan, mga gadget at iba pa. Parang normal lamang kaya hindi mo aakalaing impyerno ito. Maliban lamang kung tatawid ka pa sa mga lagusan patungo sa pinaka ilalim kung saan naroon ang kumukulong langis na pinag kukunang enerhiya ng aming dimensyon.
Ang malaking pag kakaiba lamang ng ibabaw ng lupa dito sa ilalim na aming tinitirhan ay nag temperatura at atmospera. Dito ay malamig kung malamig at ang aming kalangitan ay kadalasan pula sa araw o daytime at matingkad na asul naman sa gabi. Sa una ay maninibago kang talaga pero tiyak na makakasanayan mo rin ang lahat ng ito.
"Ito ang taong babantayan mo. Ang pangalan nya ay si Yul Villabisa Flandrez, 21 taong gulang, mayaman, mahilig tumulong sa kapwa, hindi marunong gumawa ng masama, laging nagsisimba at tunay na sugo ng kalangitan. Ang misyon mo ay mapagawa mo siya ng gawaing masama dahil nakikita kong isa siyang malaking asset dito sa ating organisasyon ng mga Guardians. Iyon nga ay type din siya doon sa itaas kaya't sa tingin ko ay may sulutan at agawang magaganap. Ayon dito sa time table nitong si Yul ay medyo malapit na siya matigok kaya pag igihan mo Devon. Dapat ay mai-drag mo siya dito sa hell dahil matagal tagal ko na ring sinusubaysabayan ang isang ito.
Gawin mo siyang masama, kayagin mo sa mali at mga negatibong bagay. Natural, demonyo ka kaya gawin mo siyang isang pasaway. Maliwanag ba Devon?" ang paliwanag ni boss Lucifer habang kumakain kami sa sikat na fastfood chain sa ilalim ng lupa ang"Mcdevils" na paborito aming tambayan.
Kinuha ko ang papel at tiningnan ko ito, "madali lang ito boss," ang wika ko habang nakangiti.
"Kapag sinasabi mong madali ang isang bagay ay lalo akong kinakabahan," ang sagot niya habang umiinom ng McCoffee.
"Mas masarap ang burger dito kaysa doon sa bagong bukas na kainan sa kabilang kanto. Saka bakit ka naman kakabahan boss? Ginagawa ko naman ang best ko sa mga misyon. Siyempre gusto ko rin namang tumaas ang rank ko. 98 ako ngayon kaya't tiyak na ginagawa ni number 99 at 100 ang lahat para umangat din sila. Kapag tumaas ang antas nila ay isa sa amin nila 97 at 96 ang bababa at malamang ay ako nga iyon," ang sagot ko naman.
"Kaya nga huwag kang papalpak Devon, iyon nga ang sasabihin ko sa iyo. Mabuti naman at aware ka dahil ginagawa nila number 99 at 100 ang best nila para umangat."
"Yes naman boss, kailan ba ako pumalpak? Nakita mo naman ang performance ko diba? Pang world cup! Kaya wala kang dapat ipag-alala sa akin,"ang pag yayabang ko with self confidence.
"Yun na nga eh, noong nakaraang project mo ano ginawa mo? Tinuran mo ng sign of the cross yung batang 10 years old. Tapos yung 13 years old tinuruan mong magsabing Po at Opo. At hindi mo namalayan na sa halip na mapunta sila sa masamang bisyo ay mas inilalayo mo pa hanggang sa makatuwaan na sila doon sa itaas at tuluyan na silang doon dalhin. Ano klaseng Guardian Devil ka?"
"Boss relax kalang, alam mo naman ang kasabihang "ang kabataan ang pag-asa ng bayan" diba? Kaya dapat ay turuan sila ng magandang bagay para pag lumaki sila marami silang maibabahagi sa kanilang bansa. Sa hindi magandang tingnan sa mga bata ang gumagawa ng masama dahil na-stress yung mga parents nila at sa huli yung mga parents ang namamatay sa samang loob. Kung saan yung mga kaluluwa ng magulang nila ay sa ating bumabagsak diba? Kaso ay diretso ang mga ito sa itaas kaya yung nasa itaas ang nakikinabang," depensa ko naman.
Lalong napahawak sa ulo si Boss Lucifer, "hay nako nakakaloka ka Devon! Diyan ka na nga, marami pa kong aayusing problema sa opisina. Bahala ka na diyan sa Assignment mo. Malaki kana at alam mo na ang gagawin mo. At huwag kang papalpak okay? Tandaan mo number 98 ka na isang sablay mo nalang ay mawawala kana sa top 100 or worst baka si 101 ang pumalit sa iyo kaya't tiyak na excited na iyan at nag hihintay ng pag bagsak mo. Sumasakit ang ulo ko dahil ako mismo ang nag recruit sa iyo, inilaban kita kay Boss Sate pero pababa ka ng pababa hanggang sa mapunta kana sa bottom three, daig mo pa yung contender sa the voice na laging nasa bingit ng pagkasawi sa elimination. Bahala ka, gawin mo ang best mo at bawal magkamali this time," ang sabi ni boss sabay tayo sa kainan na parang lalong sumama ang pakiramdam.
"Boss hindi ka pa nagbabayad.Hoy! Wala akong dalang pera boss! Ang mahal pa ng kapeng inorder mo!" ang sigaw ko habang hinahabol sya."Hay naku tuwing kakain kami lagi nalang akong tinatakasan nito, kaya minsan ay ayoko na siyang puntahan dito sa kainan,"ang pagmamaktol ko habang binibilang ang barya sa aking pitaka.
Tahimik.
Dali dali kong kinuha ang assignment paper at lumisan ako sa kaninan. "Hmm, Yul Villabisa Flandrez pala ha,gwapo at mukhang anghel sa pisikal looks, medyo pangit lang ang styling niya pagdating sa pananamit pero madali naman itong ayun, pero model siya kaya siguro may sarili style. “Yul maghintay ka lang dyan at tuturuan kita ng kasamaan, ako ang bahala sa bisyo mo. I will drag you to hell," ang excited kong sigaw sa aking sarili habang pinagmamasdan ang biodata ng impormasyon ng aking susunod na subject.
Ayon sa kasaysayan ay nagkaroon ng malalangkompetisyon sa pagitan ng langit at lupa matapos masira ang pagkakaibigan ng dalawang Diyos. Ang isa nanatili sa kanyang kaharian sa kalangitan at ang isa naman ay bumaba sa lupa upang magtayo ng kanyang sariling kaharian. Ang bawat kaharian ay may mga hukbo at bawat pinuno ay may taga suporta sa kanyang paniniwala. Dito nag simula ang pag papalawak ng kanilang mga taga sunod, paramihan ng mga naniniwala at sumasampalataya sa kanila.
Noong una ay nag kasundo ang dalawang Diyos sa isang mapayapang hatian. Ang mga mamamatay na mabuti ay aakyat sa kalangitan at ang mamamatay naman ng may kasamaang ginawa ay baba sa ilalim ng lupa. Ngunit napansin ng pinuno ng ilalim ng lupa na mas marami ang umaakyat sa itaas kaysa ang pumapasok sa kanyang kaharian sa pinaka ilalim ng lupa kaya naman ibayong pag kainis ang kanyang naramdaman. "Ang akala ko ba ay mapayapang hatian ito? Bakit tila hindi yata patas dahil sa sampung mortal na namamatay ay walo doon ang umaakyat sa langit at dalawa lamang ang bumaba sa aking kaharian kung minsan nga ay wala pa!" ang galit na wika ng pinuno habang nakatanaw sa mga namatay na umaakyat sa gintong palasyo sa itaas.
Naka kunot ang kanyang noo.
"Mahal na pinuno, mukha alam na namin kung bakit," ang wika ng kanyang mga tauhan.
"Bakit?" tanong ng pinuno.
"Dahil madaya yung best friend mo sa itaas boss!" ang sagot nila.
"Madaya? Paano niyo nasabi?" tanong nito na may halong pagtataka.
"Dahil nagpadala siya ng sugo ng kabutihan sa mga mortal, isang sagradong nilalang na kung tawagin ay mga pastor at pari na nag kakalat ng kanyang mabuting balita, sila ang nag hihikayat sa mga taga lupa na maging mabuti. Sabi namin sa iyo boss madaya iyang bestfriend mo!" ang wika nila.
Nainis ang kanilang pinuno at napatikom ang kamay nito, "Tama nga kayo hindi mapayapa at patas na hatian ang kanyang ginagawa. Iniisihan niya ako! Ngayon gaganti tayo! Papatas tayo sa kanilang ginagawang pang iisa sa atin!"
"Pero paano boss?"
"Aakyat kayo sa lupa at bubulungan ang mga mortal, aakitin sila upang gumawa ng kasamaan! Hindi tayo papayag na sila lang ang star ng pasko! Sige humayo kayo at i-drag ang mga mortal sa hell!" amg utos ng pinuno.
Iyon ang simula ng pag akyat ng mga Guardian mula ilalim ng lupa. Sila ang naghihikayat sa mga mortal na gumawa ng masama. Inaakit nila ito sa mga kasalanan katulad ng panloloko, pagtataksil, pagpatay at pagnanakaw.Madaling mabulag at maaakit ang mortal sa pera, pagnanasa at pandaraya kaya't naging madali sa mga Guardian ang kanilang gawain.
Sa paglipas ng panahon ay naging kompetisyon na rin sa dalawang pinuno ang pagkuha ng mabuti at masamang tao. Sa kabilang banda ay naging kompetisyon rin sa bawat Guardian ng Impiyerno na mag pagalingan hanggang sa nagkaroon na nga ng ranggo o rank ang bawat isa batay sa husay at sa lakas ng mga ito. Naging tradisyunal ang pag aagawan ng pwesto at ang unang isang daan o top 100 ang sikat at may magandang benepisyo.Dito nag simula ang konsepto at labanan sa pwesto ng mga Guardian Devils.
Tahimik.
Isang malalim na buntong na hininga ang aking pinakawalan habang nakatanaw sa limang pinaka malaking larawan sa gitna GD Tower o Guardian Devil Tower. Ang mga imaheng makikita mo dito ay ang Top 5 na pinaka mahusay na Guardian sa pangunguna nina Xandre ang top 1 at Clement ang top 2.
Maraming mga Guardians ang nangangarap na maging sila at sa palagay ko ay isa na ako doon. Hindi pa rin ako bumibitiw sa pangarap kong maging mahusay, alam kong mayroon pa akong ibubuga at mayroon espesyal sa akin na maaaring hindi ko pa nadidiskubre.
Itutuloy.