Chapter 15

1159 Words
"Ridere..." "Pansin ko rin na si Elysia lang ang madalas mong kinakausap at nakakasama? Wala ka bang ibang kaibigan?" Nang mga oras na iyon ay hindi alam ni Chioni ngunit nakaramdam siya ng lungkot. Iyon kasi ang unang pagkakataon na may nakapansin noon sa kaniya at isang kagaya pa si Ridere na halos bago niya pa lang nakilala. Hindi sumagi sa isip niya na magkakaroon ito ng interes sa buhay niya lalo pa at hindi naman talaga siya ganoon pansinin. Iniisip niya tuloy na baka ang bali-balitang ikinalat ni Jules at mga barkada nito ang siyang nag-udyok kay Ridere para makilala siya. Hindi niya naiwasang paghinalaan tuloy ito na baka may nais lang itong malaman sa kaniya kaya naman mas lalo siyang nakaramdam ng kaba at takot na mas lalong mapalapit dito. "A-ano... ano ba talaga ang gusto mong malaman sa akin?" Hindi niya na napigilang itanong dito. Ayaw niya nang magpaliguy-ligoy pa dahil pagod na rin naman siyang talaga. "Gusto ko lang naman na mas makilala ka. Ang maging kaibigan mo. Masama ba 'yon?" paliwanag nito. Sakto naman na tumunog ang cellphone nito na kaagad rin nitong sinagot. "O, Meriyah? Napatawag ka?" Tumingin ito sa labas na animo'y pinagmamasdan ang buhos ng ulan. "Talaga? Sige papunta na ako." Bigla namang nagbago ang itsura nito. Parang isang sorpresa ang narinig nito mula sa kausap bago pinutol ang usapan. "Chioni, sorry. I got to go. May importante lang akong aasikasuhin," sabi nito. Kaagad itong tumalikod at hinawakan ang seradura nang muli siya nitong lingunin. "Basta, simula ngayon magkaibigan na tayo ha..." Hindi na nagawa pang magsalita ni Chioni dahil sa pagkabigla at sa bilis ng mga pangyayari. Napangiti siya sa atensyong ibinibigay nito na noon niya lang natanggap sa buong buhay niya. +++ Kinabukasan, maaga niyang inayos ang sarili at pumasok sa eskwelahan. Kaagad niyang nakita si Elysia at Elliot na kasalukuyang nag-uusap sa hardin kung saan sila madalas na tumambay na magkaibigan. Kaagad niya itong nilapitan ngunit hindi pa man siya nakakalapit ay hindi sinasadyang marinig niya ang usapan ng dalawa. "Kuya Elliot..." "Pwede ba, Elysia. Huwag matigas ang ulo mo. Darating ang panahon na ikaw ang magmamana ng kapangyarihan ng Phoenix at kailangan mong tanggapin na hindi habang buhay ay maaari kang mamalagi rito sa lupa na tulad ng mga mortal. Hindi tayo nabibilang sa mundong ito. May tungkulin tayong dapat gampanan at misyon na kailangang tapusin." Nagpasya siyang magtago sa likod ng halamanan upang hindi siya mapansin ng dalawa. "Hindi ko naman nakakalimutan ang misyon ko, Kuya. Ang gusto ko lang naman ay maramdaman kung ano ang pakiramdam ng maging isang normal na tao. Bigyan mo pa ako ng sapat na panahon." Yumuko si Elysia dala-dala ang lungkot dahil sa mabigat na tungkuling nakaatang sa kaniyang mga balikat. "Pagtatakpan ko ang lahat ng kahibangan mong ito hanggang makatapos ka ng highschool. Pagkatapos noon, wala ka nang maaaring pagpilian kung hindi bumalik sa ating kaharian upang harapin ang iyong misyon at tanggapin ang tungkulin ng isang tagapagmana ng kapangyarihan ng Phoenix." Tumango na lang si Elysia dahil alam niyang sa huli ay wala naman talaga itong pagpipiliian. Nagpasya si Chioni na dumeretso na lang sa silid dahil ayaw niya na ring gambalain pa ang magkapatid sa pag-uusap. Kaagad siyang naupo sa upuang nakatalaga sa kaniya at doon isinubsob ang kanang pisngi sa mesa habang nakatanaw sa kalangitan. Kung ganoon ay iiwan din pala ako ni Elysia balang araw? Bumuntong hininga siya sa dami ng kaniyang isipin. Misyon? Kagaya iyon ng sinabi sa akin ni Taliyah. Ibig sabihin ay may misyon din pala si Elysia na kailangan niyang harapin at gampanan. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata habang sinasariwa ang sandamakmak na katanungan sa kaniyang isipan. Posible kayang mayroon din akong misyon? Mayroon kayang mundo na kagaya nina Elysia at Taliyah kung saan ako tunay na nababagay? Isang malaking kaharian na ako ang siyang mamumuno balang araw? Posible nga kayang hindi talaga ako sa mundong ito nagmula? "Chioni... Chi... o... ni..." Napamulat siya ng kaniyang mga mata at nakita ang kaibigan sa kaniyang harapan. Nakangiti ito habang diretsong nakatingin sa kaniya. "Kanina ka pa ba nandito?" Hindi siya mapanatag dahil sa narinig niyang usapan nito at ng kuya nitong si Elliot kung kaya hindi na siya nakatiis at sinabi iyon sa kaibigan. "Ang totoo niyan, kanina pa ako narito. Mga tatlumpung minuto na rin siguro ang nakalilipas." "Ha? Bakit hindi mo man lang ako pinuntahan sa hardin? Kanina pa kaya kita hinihintay." Nahimigan naman niya ng pagtatampo ang boses nito. Nag-angat siya ng kaniyang ulo at hinarap ito. "Nakita ko kasi kayo ng kuya mo. Hindi ko sinasadyang marinig ang pinag-uusapan n'yo," sabi ko at yumuko kapagkuwan ngunit kaagad din akong napatingin sa kaniya nang hawakan niya ang mga kamay ko. "S-sorry, Chioni, pero lagi mong tatandaan, kahit na anong mangyari, magkaibigan pa rin naman tayo. Sa oras na kailanganin mo ang tulong ko. Darating ako para tulungan ka," sabi nito at alam niyang bukal iyon sa loob ng kaibigan. Dahil doon ay nakaramdam siya ng lungkot hindi dahil sa nalamang darating ang panahon ay magkakahiwalay rin silang dalawa, kung hindi dahil pakiramdam niya ay nagiging unfair siya sa kaibigan. Masasabi niyang marami na siyang alam dito pero siya ay nananatiling naglilihim dito tungkol sa kaniyang tunay na pagkatao dahil sa takot na pati ito ay mawala sa kaniya. Na darating ang panahon ay lalayuan din siya nito lalo pa at magkasalungat ang estado ng kanilang kapangyarihan. "Salamat, Elysia." Isang mahigpit na yakap ang pinagsaluhan nila at ang tuluyang pagbagsak ng mga luha na kaagad din naman nilang pinunasan. "Kaya naman hanggang nandito pa ako sa mundong ito, makabubuting maging masaya tayong dalawa, Gawin natin ang lahat upang sulitin ang bawat araw. Okay ba 'yon, Chioni?" Ngumiti naman siya at pagkaraan ay tumango. "At magsisimula tayo sa inyong dalawa ni Ridere. Alam mo bagay talaga kayong dalawa. Kahapon nga hinahanap ka niya sa akin. Hindi ka kasi pumasok sa school. May nangyari ba?" tanong nito. "Wala naman. Pero bakit naman ako hinahanap ni Ridere?" "Hindi ko rin alam. Pero tingin ko talaga, may gusto sa 'yo ang isang 'yon?" "Hala naman, Elysia!" Hinawakan niya ang kaniyang pisngi dahil nagsisimula na naman itong mamula. "Ano bang pinagsasabi mo? Imposible naman 'yan. Hindi pa nga kami magkakilala." "Pero gusto mo siyang makilala?" Hindi naman siya nakapagsalita at lalong namula ang mukha kaya mas lalong nagningning ang mga mata ng kaibigan. "Sinasabi ko na nga ba, type mo rin si Ridere." Hindi naman nakaligtas sa pandinig ng kaklase nilang si Marjorie ang sinabing iyon ni Elysia lalo pa at napalakas iyon. Kilala pa naman ang kaklase nilang iyon sa pagiging tsismosa at sa mabilis na pagkakalat ng balita. Iyon din ang dahilan kung kaya mabilis na kumalat sa school ang tungkol sa nangyari sa kanila ni Jules. "Hindi nga kasi, Elysia." Patuloy lang siyang kinulit nang kinulit ng kaibigan hanggang sa tumunog ang bell kasabay ng pagpasok ng guro nila sa Mathematics.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD