"Mahal na Reyna, may dala po akong ulat para sa inyo."
Napatingin ang bagong reyna sa kawal nang pumasok ito sa bulwagan kung saan siya naroon at tahimik na nakaupo sa kaniyang trono. Hinihimas-himas niya pa ang hawak na scepter habang iniisip kung ano ang kaniyang magiging susunod na hakbang sa pagpapalawak ng kaniyang nasasakupan.
"Siguraduhin mong matutuwa ako sa iyong ibabalita," sabi niya.
Napalunok naman ng sariling laway ang kawal dahil sa kaniyang sinabi. Kaagad itong pinagpawisan ng malamig sapagkat alam nitong hindi ikasisiya ng bagong reyna ang dala niyang balita.
Napakunot bigla ang noo ng huwag na Chioni dahil tila napipi na ang kawal na kaniyang kaharap. Pakiramdam niya tuloy ay may kung anong masamang binabalak ito sa kaniya kaya naman napatayo siya mula sa kaniyang kinauupuan. Mabilis siyang naglakad palapit dito at isang malakas na hampas ng scepter ang tumama sa mukha nito dahilan para mabuwal ito sa sahig.
"Kung naparito ka para lang gawing katatawanan ang pagharap sa akin, mas makabubuti pa kung mamamaalam ka na lang sa mundong ito." Mula sa scepter na hawak ay unti-unting umilaw ang dulong bahagi nito na nagsisimulang labasan ng mga snow particles kaya ganoon na lamang ang kaba sa kawal at kaagad na nagsalita.
"Patawarin po ninyo ako, Mahal na Reyna. Hindi ko po nais na kayo ay gawing katawa-tawa. Nais ko lang pong iulat sa inyo ang tungkol sa binubuong pag-aaklas ng ilang mga residente sa ating kaharian. Nadala lamang po ako ng takot sapagkat alam kong hindi kayo masisiyahan sa aking dalang balita kung kaya ako po ay panandaliang hindi nakapagsalita. Ipagpaumanhin ninyo po sana ang aking kalapastanganan."
Huminga ng malalim ang huwad na Chioni at sandaling pinakalma ang kaniyang sarili.
"Isang pag-aaklas ba kamo?" paniniguro niya.
"Opo. Narinig ko po ang balitang iyon sa ilang residente nang ako ay magtungo sa bayan upang magmanman."
Gumuhit ang ngiti sa labi ng huwad na Chioni at saka muling bumalik sa pagkakaupo sa kaniyang trono.
"May pakinabang din pala ang isang duwag na kagaya mo." Lumapit sa kaniya ang isang tagapagsilbi dala ang isang tray na may lamang kopita ng alak. Kinuha niya iyon at pagkaraan ay sinimsim. "Ipagpatuloy mo lang ang iyong pagmamanman. Siguraduhin mong lahat ng impormasyon at buong makararating sa akin. Ayokong may malalaman akong nagtatraydor sa aking palasyo."
"Ma-masusunod po, Mahal na Reyna," pagsang-ayon nito kapagkuwan ay mabilis na umalis sa kaniyang harapan.
"Isang pag-aaklas?" Tumawa siya nang malakas habang inaalala ang sinabi ng kawal sa kaniya. Para siyang isang nababaliw na mangkukulam dahil sa klase ng kaniyang pagtawa. Takot na takot naman ang bumabalot sa mga naroon habang pinagmamasdan siya sa kaniyang itsura nang mga oras na iyon. Kaagad niyang itinutok ang hawak na scepter sa itaas na bahagi ng palasyo at doon nagpalabas ng snow. Tila umuulan ng nyebe sa loob ng palasyo habang unti-unting binabalot ng snow ang buong paligid. Hindi niya alintana ang lamig samantalang ang mga naroon naman ay hindi magkamayaw dahil sa lamig na bumabalot sa kanilang mga katawan. "Tingin ba talaga ng mga hampaslupang iyon ay kaya nila akong talunin? At sa tingin ba nila ay hahayaan ko ang mga traydor sa aking kaharian? Pwes, hihintayin ko ang araw ng kanilang pagsalakay at malugod ko silang dadalhin sa kanilang kamatayan!"
+++
"Mahal ko, nag-aalala ako. Magawa kayang hanapin ni Odette ang ating anak bago pa man mahuli ang lahat?" tanong ng reyna sa hari.
"Maging ako ay nag-aalala sa kaligtasan ng ating nasasakupan, gayundin sa ating anak. Ang tanging magagawa na lamang natin sa ngayon ay manalangin at manalig na magagawa ni Odette ang kaniyang misyon." Niyakap ng hari ang reyna upang kahit paano ay maibsan ang dinadala nitong pangamba at pag-aalala. Patuloy siyang nagdarasal at umaasa sa muling pagbabalik ng kanilang anak kahit pa alam nilang isang malaking responsibilidad ang kahaharapin nito sa oras ng pagbabalik nito sa palasyo.
"Sana rin ay mapatawad niya tayo sa ating nagawa sa kaniya. Hangad lang naman natin ay ang kaniyang kaligtasan lalo pa at siya ang itinakdang magmamana ng korona." Isinandal na lang ng reyna ang kaniyang ulo sa dibdib ng asawa at kumapit sa tiwalang mahahanap ni Odette ang kanilang anak sa lalong madaling panahon.
+++
"Ilang taon na rin ang nakalilipas mula nang matanggap ko ang isang espesyal na misyon mula sa hari at reyna subalit magpahanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakikita si Chioni." Napasandal na lang si Odette sa sanga ng isang puno habang nagpapahinga sa maghapong pagkahapo sa paghahanap sa tagapagmana. "Kumusta na kaya sila sa palasyo? Sana naman ay ayos lang sila at hindi sila pinagmamalupitan ng huwad na prinsesa."
Habang namamahinga ay kaagad siyang napabalikwas nang bangon nang makita ang isang pamilyar na itsura. Kaagad siyang lumipad upang habulin ito. Halos abot kamay niya na ang kaniyang pakay nang bigla itong sumakay sa pampasaherong jeep na kaagad din namang umibis palayo. Dahil doon ay tuluyang bumagsak ang mga balikat ni Odette dahil sa panlulumo. Hindi pa man sila tuluyang nagkikita ay kaagad naman itong inilayo sa kaniya ng kapalaran.
"Nakakainis!" Dahan-dahan niyang ibinaba ang kaniyang mga pakpak at tahimik na naupo sa tabing kalsada. "Kailan kong mag-isip ng magandang plano. Hindi ako maaaring tumanga rito habang naghihintay sa muling pagkukrus ng aming landas." Tiningnan niya ang buong paligid at halos malula siya sa naglalakihang mga gusali gayundin ang malalaking pigura ng taong nasa paligid niya. "Pero paano ako magsisimula? Chioni..." at sa huli ay napaiyak na lamang siya dahil sa sobrang pagod sa pakikipagsapalaran sa bawat araw na lumilipas.
+++
Napalingon naman si Chioni sa kaniyang likuran nang may marinig siyang tumatawag sa kaniyang pangalan. Tumingin siya sa paligid subalit walang ibang naroon maliban sa kaniya.
"Marahil ay guni-guni ko lang." Nagsimula siyang mag-ayos ng kaniyang pinamili sa palengke nang siya ay makauwi sa kaniyang inuupahang kwarto. Maayos niyang isinalansan sa isang mumurahing garapon na kaniyang nabili ang iba't ibang condiments na maaari niyang magamit sa kaniyang pagluluto. Ang mga karne naman ay inilagay niya sa kaniyang ginawang maliit na refrigerator kung saan nananatili ang lamig upang manatiling maayos ang mga karne. Samantala, ang kaniyang mga pang-araw-araw na gamit kagaya ng toothpaste, shampoo, conditioner at sabon ay inilagay niya sa sariling banyo na naroon din sa loob ng kaniyang silid. Ilang sandali pa ay biglang tumunog ang kaniyang telepono kung kaya mabilis niya itong tiningnan.
Kumusta na Chioni?
Kaagad siyang pinamulahan ng mukha nang isang pangalan mula sa hindi inaasahang tao ang rumehistro sa kaniyang cellphone.
"Ridere..."