Nagpasya siyang umalis sa tabing ilog subalit napansin niya na sinusundan siya ng babaeng iyon. Binilisan niya pa ang kaniyang paglalakad hanggang sa mapagod na at huminto na lang sa parke.
"Ako pala si Taliyah. Ikaw?" Nagulat pa siya nang bigla itong magsalita na tila ba hindi ito nangangamba sa mga nasaksihan.
"Chioni," sagot niya at saka inabot ang kamay nito upang makipagkamay. "H-hindi ka ba natatakot sa akin?"
"Hindi. Katunayan ay parehas lang tayo. Parehas na kakaiba sa lahat. Mayroon din akong natatanging kapangyarihan katulad mo. Natatanging misyon na kailangan gampanan. Ang pinagkaiba lang natin ay hindi ako kagaya mo na kayang kontrolin ang kapangyarihan ng nyebe." Ngumiti ito at saka naupo sa swing na naroon sa parke.
Hindi naiwasan ni Chioni na mapaisip sa sinabi nito. Sa buong buhay niya kasi ay ito lang ang nagbanggit ng ilang mga bagay na hindi sumagi sa isip niya gaya na lang ng sinasabi nitong natatanging misyon.
Ano nga ba ang misyon ko sa buhay? Sino ba akong talaga? Mga tanong na naglalaro sa kaniyang isipan. Saan ba ako nagmula? Sino ba ang tunay kong mga magulang? At ano ang kanilang dahilan sa pag-abandona nila sa akin? Hindi kaya maski sila ay ayaw sa akin?
"Tandaan mo, Chioni, hindi porket may kakaiba kang katangian sa lahat ay nangangahulugan nang isa kang halimaw. Marahil dumating sa puntong nakapanakit ka ng iba ngunit sa nakikita ko sa 'yo, hindi ka naman mukhang masamang nilalang. Maaari kasing ginawa mo lang iyon upang protektahan ang iyong sarili laban sa mga mapanghamak na tao sa mundong ito."
Hindi niya naiwasang mapatulala habang pinagmamasdan si Taliyah dahil sa lawak nitong mag-isip. Hindi pa man siya nagkukwento at iyon pa lang ang unang pagkakataon na nagkakilala sila pero parang kung makapgsalita ito at kilalang-kilala na siya. Lahat ng sinabi nito ay tama. Iyon rin ang dahilan kung bakit kinamuhian niya ang sariling kakayahan dahil sa takot na muling makapanakit ng ibang tao. Natatakot siyang maging totoo ang paratang sa kaniya ng mga taong nambu-bully sa kaniya na isa siyang halimaw at higit sa lahat ay ninais niya rin talagang maging isang normal na tao na tatanggapin ng lipunan sa mundong kinalakhan at kinamulatan niya.
"O pa'no? Mauna na ako sa 'yo. May kailangan pa kasi akongasikasuhin na importante. Nice to meet you, Chioni." Tumayo na ito at saka umalis. Kumaway pa ito nang may ilang metro na ang layo nito sa kaniya. Masasabi niyang marami rin siyang natutunan kay Taliyah sa sandaling oras na nagkakilala sila. Iyon nga lang, hindi man lang siya nagkaroon ng pagkakataong makita ang kapangyarihan nito. Pero maliit lang ang mundo, umaasa pa rin siyang darating ang araw na muling pagtatagpuin ang kanilang landas sa hindi inaasahang pagkakataon.
Nagpasya siyang umuwi na ng bahay dahil alam niyang wala rin siyang pagpipilian. Higit sa lahat ay alam niya ring kinakailangan niyang humingi ng kapatawaran sa kaniyang kinalakhang ina dahil sa naging asal niya sa harap nito. Kahit masama ang loob niya sa kinalakhan niyang mga magulang ay wala rin naman siyang ibang matutuluyan kung hindi ang mga ito lang. Gustuhin niya mang magalit sa kanila ay hindi pa rin niya magawa dahil sila pa rin ang nagpalaki at nag-aruga sa kaniya sa napakahabang panahon. Alam niyang utang pa rin niya sa kanila ang buhay niya dahil kahit paano ay lumaki siyang may maayos na damit at tulugan at nakakakain ng tatlong beses sa isang araw. Hindi man niya makita ang pagiging isang normal na tao sa mundong iyon, ipinaramdam naman sa kaniya ng kinilala niyang ina na hindi siya naiiba sa lahat.
Sandali siyang napatigil ng paglalakad nang mapansin na tila maraming tao ang nasa kanilang bahay.
"Aling Marta, ano pong meron?" tanong niya sa kapitbahay nilang napadaan sa kaniyang harapan.
"Nako, hindi mo pa ba alam ang nangyari sa nanay mo?" tanong nito.
"Bakit? Ano pong nangyari kay nanay?" Biglang binalot ng kaba ang kaniyang dibdib dahil sa tinuran nito.
"Mabuti pa ay umuwi ka na para malaman mo."
Sa sinabi nito ay dali-dali siyang nagtatakbo pauwi sa kanilang bahay. Muntikan pa siyang madapa dahil sa pagmamadali. Nang tuluyang tumambad sa kaniya ang mga matang tila unti-unting pumapatay sa kaniyang buong magkatao. Ang panghahamak mula sa mga taong naroon sa paligid niya gayundin ang pakiramdam na hindi siya nababagay sa mundong iyon. Dahan-dahan siyang naglakad palapit sa kanilang pintuan at tumambad sa kaniya ang mga dilaw na ilaw na nagliliwanag sa ibabaw ng ataul na nakalatag sa gilid ng kanilang sala.
Kaagad na napalingon sa kaniya ang kaniyang ama at ang nanlilisik na mga mata nito ang kaagad niyang nakita. Pakiramdam niya nang mga oras na iyon ay para siyang nasa kumukulong komunoy dahil sa init ng mga titig nito. Akmang lalapit siya rito upang magmano nang isang malakas na sampal ang marahas na lumapat sa kaniyang pisngi.
"Walang hiya ka! Nagawa mo pang magpakita ritong halimaw ka! Nang dahil sa 'yo, nawala ang asawa ko! Simula nang araw na ampunin ka namin ay wala ka nang ibinigay sa amin kung hindi puro kamalasan at sakit ng ulo tapos ngayon may gana ka pang bumalik dito!"
"Patawad, Tay! H-hindi ko po alam."
"Hindi mo alam? Ang sabihin mo ay sadyang makapal lang ang mukha mo dahil patuloy mo pa ring isinisiksik ang sarili mo sa buhay namin ni Julia!" Nagsimulang magbulungan ang mga naroon kung kaya mas lalo siyang binalot ng lungkot dahilan para unti-unting manlamig ang kaniyang buong katawan.
"Gusto mong makita si Julia? Halika!" Marahas siya nitong hinablot sa braso at hinatak palapit sa kabaong kung saan tahimik na nakahiga ang kaniyang ina. "Tingnan mo ang ginawa mo sa asawa ko! Ikaw ang siyang dahilan ng pagkamatay niya! Kulang pa ang paghingi mo ng tawad sa pagkamatay niya dahil kahit na kailan ay hindi mo na maibabalik pa ang buhay niya kahit na kailan!" Matapos nito iyong sabihin ay kaagad siya nitong inihagis palayo sa kabaong kaya naman napaupo siya sa sahig. Unti-unting naglandas ang mga luha sa kaniyang mga pisngi kasabay ng unti-unting pagbagsak ng mga nyebe mula sa kanilang kisame. Kaagad itong nakaagaw ng atensyon sa mga tao kaya naman mas lalong nagalit sa kaniya si Henry.
"Nakuha mo pang gumawa ng eksena rito!" Lumapit si Henry sa kaniya at hinablot ang kaniyang buhok. Kaagad siya nitong kinaladkad palabas ng bahay. Wala itong pakialam kung pagtinginan sila ng mga taong naroon at gayundin sa mga sasabihin ng mga ito. Nang tuluyang makalabas ay saka lang siya nito binitawan at tinitigan ng puno ng galit at poot.
"Lumayas ka at huwag na huwag ka nang babalik!"
Napatitig na lang siya sa lupang kaniyang kinauupuan habang patuloy na umaagos ang mga luha sa kaniyang pisngi. Unti-unting nagyelo ang sahig na kinauupuan niya kaya ganoon na lang ang pag-atras ng mga taong naroon sa kaniyang paligid. Kitang-kita niya ang takot sa mga mata ng mga ito habang pinagmamasdan siya. Hindi rin nakaligtas sa kaniyang pandinig ang bulung-bulungan ng mga ito tungkol sa kaniya. Ang mga salitang pilit niyang iwinawaksi sa kaniyang isip ngunit patuloy pa rin na bumabalik.
"Halimaw talaga siya!"