Nagpasya siyang magpalipas ng gabi sa kalsada. Wala siyang pagpipilian dahil alam niya namang wala siyang ibang matutuluyan. Ayaw niya namang guluhin pa si Elysia lalo na at dis oras na ng gabi. Alam niyang marahil ay nasa kasarapan na ito ng tulog sa bahay nito kaya naman tiniis niya na lang ang lamok na pumapapak sa kaniya sa gabing iyon.
Halos hindi rin siya dalawin ng antok dahil sa labis-labis na lungkot at pag-iisip. Nang mga oras na iyon kasi ay wala pa rin siyang ideya sa dahilan ng pagkamatay ng kaniyang ina. Wala rin siyang kaalam-alam sa tunay niyang pagkatao at alam niyang tanging ang kinikilala niyang ama lamang ang natitirang pag-asa niya para malaman ang mga kasagutang naglalaro sa kaniyang isipan.
+++
Nagising siya mula sa liwanag ng sikat ng araw. Naalala niyang bigla na may pasok pala siya ng araw na iyon. Alam niyang ang makapagtapos ng pag-aaral ang tanging pangarap ng kaniyang kinilalang ina sa kaniya. Mabuti na lang din ay bayad na ang buong taon ng pag-aaral niya sa eskwelahang iyon kung kaya maaari niya pa ring ipagpatuloy iyon.
Hindi niya man nais na umuwi ay nagbakasakali pa rin siyang makakapuslit upang kuhanin ang ilan sa mga gamit niyang naiwan doon lalo na ang kaniyang mga gamit sa eskwela. Pinagtitinginan siya ng mga taong naroon at naroon ang pangkukutya sa kanilang mga mata. Hindi niya na lang pinansin ang mga ito at dahan-dahang lumapit sa kanilang pintuan. Si Aling Marta ang una niyang nabungaran at tila nagkagulatan pa silang dalawa.
"Chioni, nariyan ka pala. Sakto ang uwi mo wala si Henry. Kumain ka muna marahil ay nagugutom ka na." Hindi lingid sa kaalaman niya na ito ang matalik na kaibigan ng kaniyang ina. Ni minsan ay hindi rin siya nito tinrato na iba sa karamihan. Mabait ito at kung minsan pa nga ay ito ang naiiwan sa kaniya upang magbantay noong bata pa siya sa tuwing may lakad ang kaniyang mga magulang.
Kaagad naman siyang pumasok sa kanilang bahay sa paanyaya nito at lumapit sa kabaong ng ina. Hindi niya naiwasang mapasubsob sa ibabaw ng salamin habang patuloy sa paghingi ng tawad sa mga nagawa niyang kasalanan dito. Muli na naman siyang naiyak nang mapagtantong nag-iisa na lang siya nang mga oras na iyon Hinagkan niya na lang ang ibabaw ng salamin at saka nagpaalam sa taong tumayong kaniyang ina sa napakahabang panahon.
"Ayaw mo ba munang kumain, Chioni?" tanong ni Aling Marta sa kaniya.
"Hindi na po. Hindi rin po ako nagugutom," sabi niya.
"Nako! Saan ka na tutuloy niyan?" Nag-aalalang tanong nito sa kaniya.
"Bahala na po. Umuwi lang po ako para sana makapagpaalam ng maayos kay nanay at para kuhanin ang ilan sa mga gamit ko," sabi niya habang pilit na ngumingiti.
"Pasensya ka na, Chioni. Gustuhin ko man na ampunin ka ay hindi ko naman magawa. Alam mo naman hindi ba. Tiyak na hindi rin papayag ang asawa ko at mga anak." Kita niya ang sinseridad sa bawat salitang binitbitiwan nito kaya kahit paano ay gumagaan ang kaniyang loob.
"Huwag po kayong mag-alala. Ayos lang po ako," sabi niya kapagkuwan ay ngumiti pa rin nang pilit. "Magtatapos po ako ng pag-aaral dahil iyon ang pangarap sa akin ng aking ina."
"Mabuti naman. O siya, ayusin mo na ang mga gamit mo at baka maabutan ka pa ni Henry. Tiyak ko pauwi na rin iyon ngayon galing sa eskwelahan ninyo," sabi nito.
Kaya naman dali-dali niyang inayos ang mga gamit niya at tuluyang nilisan ang lugar kung saan mananatili ang mapait at masasakit na alaala ng kaniyang paglaki. Samantalang, babaunin naman niya ang masasayang sandaling kapiling pa niya ang kinilala niyang ina na si Julia.
Nagpasya siyang maghanap din ng mauupahan kahit maliit na kwarto pansamantala habang naghahanap ng pagkakakitaan. Mabuti na lang at may naipon siyang sapat na pera pantustos sa kaniyang pangangailangan para sa pag-aaral kung kaya iyon muna ang ginamit niya para makahanap ng masisilungan.
Sa isang bagong bukas na paupahan malapit sa kanilang eskwelahan siya nakakita ng kwartong sakto sa budget niya. Natutuwa na rin siya dahil kahit paano ay mura lang ang upa roon at may natira pang kaunti sa ipon niya para pambili niya ng stocks ng pagkain.
"Simula ngayon, mag-isa na lang akong mamumuhay sa mundong 'to. Kailangan kong kayanin. Kailangan kong makapagtapos kahit na anong mangyari dahil ito na lang ang natitirang maipababaon sa akin ni nanay Julia." Napangiti siya nang mapait nang maalala na naman niya ang mga nangyari. Hindi niya man lang nalaman ang dahilan ng pagkamatay nito maging ang iba pang mga tanong na bumabagabag sa kaniya ay nananatiling palaisipan. "Kaya ko 'to. Alam kong darating ang panahon na masasagot din ang lahat ng katanungan ko.
Dahil wala siyang gamit sa inuupahang silid ay nagpasya siyang palamutian ito gamit ang kaniyang talento. Mula kasi pagkabata pa lang ay mahilig na siya sa arts at crafts. Kaya naman nagpasya siyang lumabas ng bahay at maghanap ng mga bagay na maaari pang mapakinabangan na itinapon na ng kaniyang mga bagong kapitbahay. Nakakita siya ng mga karton na maaaring paglagyan ng kaniyang mga damit at mga lata ng softdrinks na pwede niya namang gawing lalagyanan ng maliliit na abubot tulad na lang ng mga ballpens, paper clips, pencils at kung anu-ano pa.
Gamit ang pentel pen, threads, ribbons, at acrylic paints at nagmistulang mga bago ang lahat ng mga gamit na kanina lang ay patapon na. Kaagad niyang isinalansan ang mga latang nadisenyuhan niya sa ibabaw ng lamesang naroon at ang karton naman na kaniyang pininturahan ay inilagay niya sa labas ng kaniyang silid upang patuyuin sa ilalim ng sikat ng araw.
Napansin niya naman ang maduming sahig at alam niyang wala pa siyang walis at dust pan upang ipanglinis do'n kaya wala siyang pagpipiliin kung hindi gamitin ang kapangyarihang mayroon siya. Gamit ang kaniyang isip at kapangyarihan ay nakagawa siya ng walis na yari sa yelo na nagamit niya upang linisin ang buong lugar. Nang matapos niya ang paglilinis ay kaagad niya rin tinunaw ang walis na yari sa yelo at gumawa ng malambot na kama na yari naman sa yelo na pinaiibabawan ng nyebe. Pabagsak siyang nahiga doon hindi alintana ang lamig. Nagagawa naman niyang panatilihin ang lamig nito kung kaya hindi ito natutunaw ng basta-basta.
Nagpasya siiyang ipikit ang mga mata dahil sa pagod at lungkot. Hindi niya lubos akalain na darating pala ang puntong iyon na kinakailangan niyang mag-isa at gumawa ng paraan upang patuloy na mabuhay.