Habang bumubuhos ang malakas na ulan ay patuloy lang si Chioni sa pagtakbo palayo sa kanilang bahay. Narinig niya pa ang paghabol sa kaniya ng kaniyang kinikilalang ina subalit hindi niya iyon pinansin at hinayaan lang itong tawagin ang kaniyang pangalan. Nagtatakbo siya nang nagtatakbo hanggang sa tuluyang mapagod ang kaniyang mga paa sa pagtakbo. Napaluhod siya sa sahig sa gitna ng kalsada at tiningnan ang pagbagsak ng ulan sa kaniyang mukha. Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga narinig. Sa buong buhay niya ay pinagmukha lang pala siya ng mga itong tanga. Panakip butas lang pala ang tingin ng mga ito sa kagaya niyang halimaw. Na kahit kailan ay hindi kinakailangan ng isang tunay na pamilya.
"Hoy! Magpapakamatay ka ba?" Napalingon siya sa lalakeng sumigaw sakay ng isang kotse. Walang kaemo-emosyon siyang tumayo at naglakad paalis doon.
Gustuhin niya mang magpakamatay subalit alam niyang wala ring magandang maidudulot iyon sa kaniya lalo pa at gusto niya pang mabuhay nang mas matagal. Naglakad lang siya nang naglakad hanggang sa makarating siya sa isang bakanteng lote. Napansin niya ang mga batang masayang nagtatampisaw sa ilalim ng malakas na ulan habang hindi alintana ang sakit na maaaring dumapo sa kanila. Masaya silang nakikipaglaro sa bawat isa bagay na pakiramdam ni Chioni ay ipinagkait sa kaniya ng tadhana. Sa buong buhay niya kasi ay hindi man lang siya nagkaroon ng masayang buhay mula nang bata pa siya. Hindi niya man lang naranasan na magkaroon ng matatawag na kalaro o kaibigan dahil lahat ay kinatatakutan siya at nilalayuan. Ang iba pa nga ay sinasaktan siya dahil para sa kanila ay isa siyang halimaw. Halimaw na hindi kailangan ng pagmamahal.
Nagpasya siyang ipagpatuloy ang paglalakad dala-dala ang lungkot na bumabalot sa kaniyang puso hanggang sa makarating siya sa tabing ilog kung saan siya madalas nananalagi sa tuwing siya ay nalulungkot. Yumuko siya at dumampot ng bato at saka inihagis iyon sa ilog. Tumalbog-talbog pa iyon bago tuluyang lumubog sa tubig. Muli siyang dumampot ng isa pa at muling inihagis iyon ngunit sa pagdikit ng bato sa tubig ay mabilis itong naging yelo. Muli niya iyong ginawa dahil sa pagkaaliw sa nakikita. Kahit paano ay nawala ang alalahanin at sama ng loob na bumabagabag sa kaniya. Mabilis napalitan ng saya at ginhawa ang alalahanin sa buhay dahil sa labis na pagkamangha sa sariling kapangyarihan. Hindi niya man tanggapin ang abilidad na mayroon siya at alam niyang habang buhay na iyong mananatili sa kaniya. Ibinuka niya ang kaniyang kamay at nagsabog ng nyebe sa kalangitan. Tila umuulan ng nyebe nang mga oras na iyon lalo pa at bawat butil ng ulan ay nagiging nyebeng bumabagsak lamang para sa kaniya. Lumapit siya sa ilog at sa paglapat ng kaniyang mga paa sa ibabaw ng tubig ay mabilis itong naging yelo. Tumuntong siya sa ibabaw nito at tila isang batang naglalaro at nagpadulas-dulas sa makapal na yelo. Naroon at nauupo siya roon, nagtatalon at nahiga pa nang makailang-ulit upang damhin ang kakaibang lamig na dulot ng kapangyarihan niyang iyon. Nang tuluyang mapagod ay nahiga siya rito habang nakangiting pinagmamasdan ang bawat pagbagsak ng nyebe sa kaniyang balat. Sa buong buhay niya kasi, iyon ang unang pagkakataon na tinanggap niya ang kapangyarihang mayroon siya na kailanman ay alam niyang hindi niya na maiaalis sa kaniya. Itinaas niya ang kaniyang kanang kamay na nakaharap sa kalangitan ang mga palad habang unti-unti itong naglalabas ng kakaibang lamig na siyang nakalikha ng igloo na yari sa yelo kung saan siya ang nasa loob nito. Iyon din ang unang pagkakataon na naging panatag ang kaniyang pakiramdam at lahat ng problema ay nawala sa kaniyang isipan. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata hanggang sa tuluyan siyang lamunin ng antok.
Lumipas ang ilang oras nang siya ay magising. Mabilis niyang hinawi ang yelong tumatakip sa itaas na bahagi ng igloo at doon malaya niyang pinagmasdan ang naggagandahang mga bituin sa langit. Sa pagtila ng ulan ay magandang tanawin pa rin ang kaniyang namamasdan. Pakiramdam niya ay tila ba nakahinga siya nang maluwag sa lahat ng alalahanin niya sa buhay. Ilang sandali pa ay nagpasya siyang lumabas ng igloo upang uminom ng tubig ilog. Tila uhaw na uhaw siya dahil sa maghapong pagkahapo at sa pagod sa nagdaang mga araw. Naupo siya sa batuhang naroon at sinubukang tingnan ang mga kaya niya pang gawin sa kapangyarihang tinataglay. Pinagtapat niya ang kaniyang dalawang palad at ginalaw-galaw iyon na animo'y gulong na umiikut-ikot sa kalsada. Unti-unti itong nagliwanag at nakabuo ng bilog na nyebe. Kinaibahan lang nito kumpara sa ibang nyebeng nagagawa niya, ay nagliliwanag ito ng kulay asul. May marka rin ng snowflakes sa gitnang bahagi nito na yari sa yelo. Pinagmasdan niya ito nang mabuti ngunit tila wala namang kakaiba sa isang iyon kaya naman nagpasya siyang ihagis na lang iyon sa parte ng ilog na may tubig ngunit laking gulat niya nang bigla itong sumabog at lahat ng nasa paligid nito ay naging yelo. Maging ang mga hangin ay hindi nakaligtas at tuluyang nanigas dahil sa epekto ng kapangyarihan niyang iyon.
"Makabubuting hindi ko na ulit 'yon gawin." Napahagikgik siya habang tila nahihibang na kinakausap ang sarili.
Nag-isip pa siya ng ilang mga bagay at dahil sa imahinasyon niya ay nagawa niyang bigyang buhay ang mga ito, gaya na lang ng tupang gawa sa nyebe. Niyakap niya ito na parang isang stuff toy bago ito tuluyang naglaho. Alam niyang hindi pa siya ganoon kadalubhasa sa paggamit ng kapangyarihan kaya hanggang maaari ay nag-iingat din siyang talaga.
Dahan-dahang nanlaki ang kaniyang mga mata nang makaisip ng isang ideya. Ang pinapangarap niya sa buong buhay niya. Ang magkaroon ng taong tatanggap sa kaniya at lalakeng magmamahal sa kaniya. Ikinumpas-kumpas niya ang kaniyang kamay at nakabuo siya ng isang lalakeng yari sa yelo. Maayos na nakahubog ang mga parte ng katawan nito gayundin ang sa mukha nito. Kitang-kita niya ang lambing sa titig nito at ang pagbukas ng mga labi nito habang pinagmamasdan ang sarili.
Lumapit siya rito at hinawakan ang pisngi nito. Tila nagulat pa ito sa kaniyang ginawa hanggang sa tuluyan itong malusaw at maging isang tubig. Sa huli ay napagtanto niyang hindi kailanman makakalikha ng isang katauhang papalit sa kaniyang pangungulila. Akmang babalik na siya sa loob ng igloo ngunit nang mag-angat siya ng paningin ay isang babae ang kaniyang nakitang nakatingin ng diretso sa kaniya baon ang isang matamis na ngiti.