CHAPTER 10

1117 Words
Halos palubog na ang araw nang makauwi si Chioni sa kanilang bahay. Dala niya ang lungkot at takot na muling maulit ang nakaraan. Kahit pa na pinapagaan ni Elysia ang kaniyang loob ay hindi niya maiwasang mangamba sa oras na malaman nito ang katotohanan tungkol sa kaniya. Kaagad niya pinihit ang seradura ng pinto nang talagang makalapit sa pintuan. Ngunit nagulat na lang siya nang biglang haltakin ng kaniyang ama ang kaniyang buhok at pabalibag siyang inihagis sa sahig. Kaagad naman na lumapit si Julia sa kaniya dahil sa labis na pag-aalala ngunit mabilis din itong hinatak ni Henry palayo sa kaniya. "Huwag kang makikialam! Kailangan na talagang maturuan ng leksyon ang batang 'yan!" "Henry, huwag mong saktan ang anak natin!" Lumapit si Julia kay Henry at hinawakan ang braso nito para lang mapigilan ang kaniyang ama sa plano nitong gawin. Hawak kasi nito ang isang stick na tiyak niya ay lalapat sa katawan niya ano mang oras. "Wala akong anak na halimaw!" Napamulat siya nang mariin dahil hindi niya akalain na muling maririnig sa ama ang mga salitang iyon. Hindi niya lubos akalain na ganoon pa rin ang tingin nito sa kaniya sa paglipas ng panahon. Humarap itong muli sa kaniya at hinampas ang stick na hawak sa kaniya. Lumapat ito sa kaniyang binti kaya ganoon na lang ang pamimilipit niya sa sakit na naramdaman. Mabilis din iyong nagmarka sa kaniyang binti lalo pa at maputi ang kulay ng kaniyang balat. Muling tumakbo ang kaniyang ina at hinarangan ang muling pag-atake ng kaniyang ama ngunit buo ang determinasyon nito na saktan siya. Sinampal nito nang malakas ang kaniyang ina kaya ganoon na lang ang pagkagulat niya lalo pa at ni minsan ay hindi nito nagawang saktan ang kaniyang ina. Dala ang sakit na natamo ay mabilis siyang lumapit sa ina at dinaluhan ito. Hindi niya na napigilan ang paglandas ng mga luha sa kaniyang mata dahil sa awang naramdaman sa ina. "Nay!" Tumingin siya sa kaniyang ama at hindi niya na napigilang ilabas ang sama ng loob dito. "Ano na naman bang ginawa ko? Wala na akong ginawang tama para sa inyo!" Isang malakas na hagupit na naman ang ginawa nito na siyang tumama sa kaniyang likuran. "Ang lakas ng loob mong sumagut-sagot matapos nang ginawa mo! Hindi mo na kami binigyan ng kahihiyan! Ang akala ko ay magbabago ka na, ngunit hanggang ngayon ay isa ka pa ring halimaw!" Muli na naman siyang hinampas nito ng stick nang paulit-ulit na hindi naman niya tinangkang ilagan. Alam niyang marahil ay nakarating na rito ang balita tungkol sa nangyari sa kanila ni Jules kung kaya ganoon na lang ang galit nito sa kaniya. "Bakit, Tay? Hindi n'yo man lang ba naisip na marahil ay ginawa ko lang ang bagay na iyon para protektahan ang sarili ko? Bakit ba galit na galit kayo sa akin gayong anak n'yo rin naman ako? Simula pagkabata ko ay hindi n'yo man lang ako tinrato bilang isang anak. Ano bang mali sa akin?" tanong niya. Alam niyang iyon na ang pagkakataon para marinig niya mula rito ang dahilan kung bakit ganoon na lang ang galit nito sa kaniya. "Henry, tumigil ka na pakiusap. Maawa ka naman sa anak natin," pagsusumamo ng kaniyang ina. "Anak? Hindi ko anak ang halimaw na 'yan! Alam mong wala tayong anak na kagaya niya! Ikaw lang naman 'tong mapilit na ampunin ang batang 'yan dahil sa pangungulila mo sa tunay mong anak kahit na alam mong puro kamalasan ang dala niyan sa pamilya natin!" Tila binuhusan siya ng malamig na tubig dahil sa narinig. Humarap siya sa kaniyang ina dahil sa mga tanong na nangangailangan ng kasagutan. Hindi niya matanggap na sa tinagal-tagal ng panahon ay nagawang maglihim sa kaniya ng kaniyang ina. "Nay, totoo ba ang sinasabi ni Tatay?" Hindi na nakaimik pa si Julia at ang pagyuko nito at ang tuluyang paglandas ng mga luha sa mga mata ang siyang sumagot sa kaniyang katanungan. Dali-dali siyang tumayo mula sa kaniyang kinauupuan at patakbong nagtungo sa kaniyang silid. Mabilis din naman siyang hinabol ng ina dahil sa takot na mawala siya sa piling nito. "Chioni! Chioni, Anak buksan mo ang pinto mag-usap tayo." Patuloy ang kaniyang ina sa pagkatok sa pintuan ng kaniyang silid habang siya naman ay nakasubsob sa kaniyang kama at patuloy sa pag-iyak. Hindi niya sukat akalain na sa tagal ng paninirahan niya sa bahay na iyon ay isang panakip butas lang pala ang tingin sa kaniya ng mga ito. Panakip butas sa namatay nitong tunay na anak. Doon niya lang tuluyang naintindihan kung bakit ganoon na lang kalaki ang galit sa kaniya ng kaniyang ama dahil hindi naman pala siya nito tunay na anak. Isa lamang siyang batang naligaw sa buhay ng mga ito. Dahil sa kalungkutang nararamdaman ay unti-unting binalot ng lamig ang buong paligid. Tila umuulan ng nyebe ang buong silid habang ang mga kagamitan ay nagmimistulang yelo. Kaagad na napansin ng kaniyang inang si Julia ang panlalamig sa hawak nitong door knob. Unti-unti ring lumalabas sang lamig na iyon sa siwang sa ilalim ng pintuan kaya mas lalo itong nag-alala. "Chioni, Anak, anong nangyayari sa 'yo? Buksan mo ang pinto please. Pag-usapan natin ito." Ngunit nananatili siyang nagmamatigas dahil sa labis na sama ng loob lalo pa at puro katanungan ang naglalaro sa kaniyang isipan nang mga oras na iyon. "Sino ba akong talaga?" bulong niya sa kaniyang sarili nang biglang bumukas ang pinto. Kaagad siyang napatingin sa gawi ng pintuan at kitang-kita ang pagkagulat at pag-aalala sa mata ng kinilala niyang ina. Dali-dali itong lumapit sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit. Kitang-kita ni Julia ang mga latay sa kaniyang katawan na natamo mula sa mga kamay ni Henry. "Anak, patawarin mo ako." "Huwag n'yo kong tawaging anak!" Mabilis niyang pinahid ang mga luha dahil sa labis na pagdaramdam. Hinarap niya ito at doon inilabas ang lahat ng kaniyang saloobin. "Paano n'yo nagawa sa akin 'to! Ang tagal n'yong ipinagdamot sa akin ang katotohanan tungkol sa tunay kong pagkatao! Kaya pala ganoon na lang ang galit sa akin ni Tatay ay dahil hindi niya ako anak! Kaya pala hindi niya ako magawang tanggapin dahil sa una pa lang ay alam niya nang isa lang akong ampon at halimaw na pinulot ninyo sa kung saan!" "Anak, huwag kang magsalita nang ganiyan. Ni minsan ay hindi kita itinuring na iba! Para sa akin ay ikaw lang ang aking nag-iisang anak." "Tumigil ka!" Sa pagsigaw niyang iyon ay napaatras ang kaniyang ina nang may mga butil ng yelo ang bumagsak mula sa kisame sa gawing likuran ni Chioni. Dahil naman sa takot ni Chioni na masaktan ang kaniyang ina ay kaagad siyang tumayo at dali-daling tumakbo palayo sa kinagisnan niyang pamilya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD