Hindi pa man siya nakakapag-reply sa nag-text nang bigla itong tumunog ulit. Nagulat pa siya at halos mabitawan niya ang kaniyang cellphone dahil sa biglaang pagri-ring nito. Nagdalawang isip pa siya kung sasagutin iyon dahil sa labis na hiyang nararamdaman. Ngunit sa huli ay nagdesisyon siyang sagutin ang tawag nang sa gayon ay hindi naman ito mapahiya.
"Hello..."
"Chioni!" Dinig na rinig niya kung gaano ito kagalak na marinig ang boses niya kaya mas lalong namula ang kaniyang mukha sa labis na hiya. Ipinagpapasalamat niyang hindi niya ito kaharap dahil panigurado ay matatawa ito sa itsura niyang nagkulay kamatis na dahil sa magkahalong tuwa, excitement, kilig, at hiya sa kausap. "Akala ko hindi mo sasagutin."
"P-paano mo nalaman ang number ko?" tanong niya dahil iyon ang matinding palaisipan sa kaniya nang mga oras na iyon.
"I have my ways." Narinig niya pa ang pagbungisngis nito kaya naman ganoon na lang ang pagkalabog ng puso niya. Para itong musika sa kaniyang pandinig kaya naman hindi niya naiwasang mapangiti. "Kumusta ka?"
"Kahapon lang nagkita pa tayo sa school pero kung kumustahin mo 'ko parang ang tagal na nating hindi nagkikita," sabi niya.
"Nagkikita nga tayo madalas, bihira mo lang naman ako pansinin. Magtatampo na ba ako niyan?" Muli itong bumungisngis sa kabilang linya kaya napabungisngis din siya.
"Ridere..."
"Biro lang. Pinatatawa lang kita. By the way, tungkol sa nalalapit na singing contest, galingan mo ha?" Bigla siyang natigilan. Halos hindi na kasi sumagi sa isip niya ang tungkol sa singing contest ng kanilang school kung saan siya ang napili ng klase nila para maging kalahok. Masyado na siyang naging abala sa sariling buhay dahil na rin sa laki ng pagbabago nito mula nang mamuhay na siyang mag-isa.
"Salamat, Ridere."
"Bukas, susunduin kita. Huwag kang aalis diyan sa bahay mo hanggang wala ako."
Hindi niya napigilang kiligin ng sobra kaya naman nakagat niya pa ang ibabang labi dahil sa tuwa. "S-sige. H-hihintayin kita."
"Then good. See you, Chioni." Pagkatapos noon ay kaagad din nitong pinutol ang linya at doon niya pinakawalan ang kilig na kanina niya pa pinipigilan. Hinawakan niya ang kaniyang pisngi at pagkaraan ay niyakap ang kaniyang malambot na unan na nabili niya pa sa murang halaga. Nagpagulung-gulong siya sa kaniyang higaan at halos mapunit na ang kaniyang mga labi sa lapad ng kaniyang pagkakangiti. Muli niyang tiningnan ang numero ng tumawag at niyakap ang kaniyang cellphone sa isiping hindi siya nananaginip. Si Ridere nga ang siyang tumawag sa kaniya at susunduin siya nito bukas ng umaga. Habang nasa ganoong pwesto ay bigla na namang tumunog ang kaniyang cellphone. Sinagot niya itong muli nang makita ang numerong katatawag lamang sa kaniya.
"Uhm... Chioni, may nakalimutan pala akong sabihin."
"Makakapaghintay naman siguro 'yan bukas," sabi niya.
"I doubt it." Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito sa kabilang linya bago muling nagsalita. "Good night, Chioni."
Sandali niyang kinagat ang kanto ng kaniyang unan bago ito tinugon. "Good night, Ridere."
At sa pagbaba nito ng tawag ay saka niya lang napatunayan sa sarili niyang umiibig nga siyang tunay sa binata.
+++
Sa sobrang pagkasabik ni Chioni sa pagkikita nilang muli ni Ridere ay maaga siyang nagising. Gamit ang kaniyang kapangyarihan ay gumawa siya ng mumunting yelo at inilagay iyon sa baso bago nagkuraw ng kape. Hindi kasi talaga magawang uminom ni Chioni ng mainit na inumin dahil na rin sa nag-iiba ang kaniyang pakiramdam. Minsan niya iyong ginawa at pakiramdam niya ay lalagnatin siya kaya maghapon lang siyang nakahiga sa kama. Mula noon ay mas naging maingat na siya at hindi na muling uminom ng mainit na inumin.
Matapos magkape ay kaagad siyang dumiretso sa banyo upang maligo. Mabilis niyang tinapos iyon maging ang kaniyang pag-aasikaso dahil ayaw niyang paghintayin si Ridere kung sakaling dumating ito. Nang matapos ay humarap siya kaagad sa salamin upang ayusin ang sarili. Ilang beses pa siyang nagpaikut-ikot sa harap nito upang tingnan kung hindi ba masagwa ang kaniyang suot. Binusisi niya ring mabuti ang kaniyang makinis na mukha kung wala bang bahid ng kahit anong ikatuturn-off ni Ridere sa kaniya. Doon lang siya naging masaya sa kung anong kapangyarihan mayroon siya dahil na rin sa naging makinis at maayos talaga ang kutis niya. Iyon nga lang hindi siya maaaring masyadong maging pabaya at ma-expose ng sobrang init sa araw at ikinasasama rin iyon ng kaniyang pakiramdam.
Nagpasya siyang magluto ng agahan upang kahit paano ay malamnan ang kaniyang tiyan. Itlog at sinangag lang ang niluto niya para mapabilis siya.
Ilang minuto pa ang nakalipas nang makita niya ang pigura nitong papalapit sa kaniyang inuupahang silid. Sumilip siya nang bahagya sa siwang ng kurtina bago nagpasyang maghanda ng sarili lalo na at isa iyon sa pinakamahalagang araw sa buhay niya. Susunduin siya nito na animo'y magkasintahan silang dalawa.
Mahihinang katok ang gumising sa kaniyang diwa. Huminga siya nang malalim bago ito pinagbuksan ng pinot.
"R-ridere. T-tuloy k."
"Napaaga ba ako?" tanong nito.
"Hindi naman. Sakto lang ang dating mo. Kumain ka na ba?" Bigla niyang naalala na kulang pala ang niluto niyang pagkain. Hindi niya naalala na magluto ng sobra para kay Ridere. Dagdag pa na itlog lang iyon at sinangag. Naisip niyang sana pala ay sinamahan niya na rin ng cornbeef para kahit paano ay makakain ito bago sila umalis.
"Ayos lang kumain na rin naman ako. Actually, may dala nga rin ako para sa 'yo." Ipinakita nito ang dala nitong take out order sa isang fast food restaurant na sadyang inorder pa nito para sa kaniya. Mas lalo tuloy siyang nakaramdam ng hiya nang dahil doon.
"N-nag-abala ka pa. S-salamat."
"Kainin mo na habang mainit pa 'yan." Kaagad siyang pinamulahan ng mukha dahil sa pagiging maalalahanin nito sa kaniya. Iyon nga lang, hindi naman siya ganoon kalakas kumain at nakatapos na rin siya mag-agahan. Naisip niyang nakakahiya naman kung hindi niya iyon kakainin lalo pa at ibinigay iyon ni Ridere sa kaniya kaya wala na siyang pagpipilian kung hindi kainin iyon at ilang sandali pa ay nakatapos na rin siya at kaagad na iniligpit ang kaniyang kinainan.
Tumingin si Ridere sa kaniyang wrist watch bago siya muling hinarap.
"Mag-aalas otso na pala. Tara na baka ma-late tayo."
Tumango na lang siya at bago pa man sila tuluyang lumabas ng kaniyang silid ay naramdaman niya na ang kamay nito na humawak sa kamay niya na kaagad nagpabilis ng pagtibok ng kaniyang puso.