Napatingin si Chioni sa lalakeng nakasalubong niya nang lampasan siya nito at dire-diretsong nagtungo sa tapat ng kanilang silid. Tingin niya ay mas matanda ito sa kanila ngunit hindi niya maiwasang magtaka sa kakaibang pakiramdam na naramdaman niya nang makasalubong niya ito gayundin kung ano ang sadya nito sa kanilang silid. Hindi na lamang niya iyon pinansin at nagpatuloy sa pag-uwi ng bahay. Habang naglalakad pauwi ay naisipan niyang dumaan muna sa parke at doon nagpasyang magpalipas ng oras. Magpahanggang nang mga oras na iyon ay hindi pa rin mawala ang tampo niya sa kaniyang ama. Ngunit sa kabilang banda alam niya namang marahil ay nag-aalala lang ito sa kaniya gaya ng laging sinasabi ng kaniyang ina.
Tumingala siya sa malawak na kalangitan habang pinagmamasdan ang mga ibong malayang lumilipad. Unti-unti bumagsak ang nyebe sa kung saan siya kasalukuyang nakaupo kaya ganoon na lang ang kumpulan ng tingin sa kaniya nang mga naroon. Dahil doon ay nakaramdam siya ng takot kaya dali-dali siyang tumayo at tumakbo pauwi.
Kaagad siyang sinalubong ng kaniyang ina nang mapansin ang kaniyang pagdating.
"Anak, nand'yan ka na pala. Halika at kumain ka muna ng meryenda. Nagluto ako ng paborito mong sopas."
"Nay, talaga po bang anak ninyo ako?" tanong niya.
"Ano ba namang klaseng tanong 'yan? Syempre naman anak ka namin ng iyong ama. Paano mo naman naisip na hindi ka namin anak?" Lumapit ang kaniyang ina sa kaniya at hinawakan ang magkabila niyang braso at inilapit sa tapat ng salamin, "tingnan mo anak, magkamukhang-magkamukha tayo. Sa ganda mo ba namang iyan sinong hindi makapagsasabing ako ang nanay mo? E maganda rin ako."
Hindi niya naiwasang matawa sa sinabi ng ina. Alam niyang pinagagaan lang nito ang loob niya. Pero hindi niya ring maiwasang isiping ampon lang siya dahil sa kakaibang kapangyarihang mayroon siya. Kahit saang anggulo niya tingnan ay iba siya sa lahat. Ibang-iba siya sa mga batang nakakasalumuha niya dahilan kaya madalas siyang maging tampulan ng tukso at pambu-bully. Hindi niya man nais na makapanakit ay dumarating sa puntong hindi niya nakokontrol ang kapangyarihang mayroon siya.
"Tingnan mo nga ang ilong mo. Manang-mana rin sa akin." Pinisil nito ang kaniyang ilong at saka siya sinundot sa tagiliran. Dahil doon ay napaigtad siya sa kiliting naramdaman. Sinundan pa iyon ng ilang pagsundot nito sa kaniyang tagiliran kung kaya halos mamilipit siya sa katatawa.
"Opo, naniniwala na po ako." Bumubungisngis pa siya nang tigilan siya nito sa pangingiliti.
"Sa susunod, Anak, huwag na huwag mong iisiping hindi ka namin anak. Ikaw lang ang nag-iisang yaman namin ng iyong ama. Habang buhay ka naming mamahalin at poprotektahan sa lahat ng mang-aapi sa 'yo," bilin pa nito.
Tumango na lang siya bilang tugon at saka ito niyakap ng mahigpit. Kahit paano ay nakaramdam siya ng kapanatagan dahil alam niyang nagkaroon siya ng kakampi.
+++
Kinabukasan ay maaga pa lang nang makagayak siya. Dali-dali niyang kinuha ang bag at baunan bago nagpaalam sa ina. Hindi niya alam ngunit pakiramdam niya ay may mangyayaring maganda sa araw na iyon. Kaagad siyang dumiretso sa kanilang eskwelahan at naupo sa kaniyang upuan. Napansin niyang naroon na ang bag ng kaniyang katabi ngunit wala ito. Tiningnan niya ang orasan na nakasabit sa dingding at doon niya lang napansing maaga pala siya ng dating. Nagpasya siyang lumabas na muna ng silid at maglakad-lakad sa hardin nang makita niya roon ang kaniyang kaklase na katabi niya sa upuan. Ngunit hindi siya makapaniwala nang makita ang pagiging kakaiba nito sa lahat. Parehas silang may kakaiba at natatanging kapangyarihang tinataglay. Kabaligtaran ng kaniya ay ang kakayahan naman nitong gumamit ng apoy. Kaya nitong kontrolin iyon nang walang kahirap-hirap sa pamamagitan lang ng bawat kumpas ng kamay at pilantik ng daliri.
Natigilan ito nang makita siya.
"C-Chioni..."
"Ang galing!" sabi niya dahil hindi niya alam kung anong tamang salita ang dapat na sabihin. Pumalakpak pa siya upang hindi makaramdam ng pagkailang ang kaniyang kaklase. "Parang magic," dagdag pa niya.
Dahil doon ay napangiti naman ito sa kaniya at lumapit. Itinuro nito ang daliri sa isang piraso ng tuyong dahon at kaagad iyong nagliyab. Nanlalaki naman ang mga mata ni Chioni at maging ang kaniyang bibig ay napaawang sa labis na pagkamangha. Doon niya lang din naunawaan kung bakit ganoon na lang ang atraksyon niya sa kaklase at kung bakit nakaramdam siya nakaramdam ng kakaibang boltahe sa pagitan nilang dalawa ay dahil sa magkasalungat na kapangyarihan nilang dalawa.
"Ako pala si Elysia. Ikaw si Chioni hindi ba?"
Tumango naman siya at saka inabot ang nakalahad nitong kamay. Kapwa pa sila napabungisngis nang tila napaso sila sa kakaibang enerhiya na nananalaytay sa kamay ng bawat isa. Natigilan lang silang dalawa sa pagbungisngis nang muling makita ni Chioni ang batang lalake na nakita niya kahapon. Papalapit ito sa kanila kaya bahagyang nakaramdam siya ng pagtataka.
"Elysia..."
"K-kuya Elliot..."
"Kanina pa kita hinahanap nandito ka lang pala. Alam mo namang..." Nilingon nito si Chioni kaya hindi niya naiwasang makaramdam ng kaunting kaba. "Sino siya?"
"Bagong kaklase ko. Seatmates kami."
Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa at pabalik sa ulo kung kaya mas lalong hindi siya mapalagay. Hindi niya naiwasang mapaisip kung may galit ba ito sa kaniya o sadyang over protected lang talaga ito kay Elysia.
"Kuya, tinatakot mo naman si Chioni."
"Masama bang tingnan siya? Gusto ko lang makasiguro na hindi siya masamang bata gaya ng ibang narito." Lihim na natuwa naman si Chioni sa tinuran ni Elliot. Nakikita niya kasi kung paano protektahan ni Elliot ang kapatid bagay na hindi niya naramdaman sa buong buhay niya. Sa tinagal-tagal kasi na nabubuhay siya, tanging ang kaniyang ina lamang ang kaniyang kakampi sa mapang-aping lipunan. Naroon at maging ang kaniyang ama pakiramdam niya ay hindi siya matanggap sa kung anong klaseng tao siya. Ngunit batid niya rin namang hindi niya ito masisisi dahil alam niyang iba naman talaga siya sa lahat. Ngayon nga lang siya nakaramdam ng tuwa nang makilala niya si Elysia at makita niyang may taglay rin itong kapangyarihan na gaya niya ngunit kahit ganoon ay nagpasya siyang ilihim dito ang kaniyang tunay na kakayahan lalo pa at alam niyang kabaligtaran ng lakas nito ang itinatago niyang kapangyarihan.