CHAPTER 2

1081 Words
Unang araw ng pasukan. Ayaw man niyang pumasok ay pinilit siya ng kaniyang inang si Julia dahil na rin sa kagustuhan ng amang si Henry. Hindi sila ganoon kayaman ngunit may sapat namang kinikita ang mga ito upang kahit paano ay makaraos sila sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Isang online seller kasi ang kaniyang ina na ang pangunahing itinitinda ay mga pampaganda samantalang ang kaniyang ama naman ay isang guro sa eskwelahang papasukan niya.   Pupungas-pungas pa siya ng kaniyang mata habang kumakain ng agahang inihanda ng kaniyang ina para sa kaniyang pagpasok. Kapansi-pansin ang pagmamadali nito habang inaayos ang babaunin niyang pagkain sa school.   “Chioni, anak, maging mabait ka sa school ha? Mag-aral kang mabuti. Grade 4 ka na, dalawang taon na lang at ga-graduate ka na,” masayang bilin nito sa kaniya. Tumango lang siya bilang pagsang-ayon bago nagpasyang galawin ang pagkaing nakahain sa lamesa. Hindi kagaya nang nagdaang araw, tocino at sinangag ngayon ang nakahain sa hapag kumpara nang mga nakalipas na araw na hotdog, itlog ata kanin parati ang kanilang agahan. Naisip niyang wala namang espesyal sa araw na iyon maliban sa unang araw ng pasukan ngunit hindi naman iyon siguro dahilan para bonggahan pa ng kaniyang ina ang kanilang agahan.   “Tapos na po ako,” walang kagana-ganang sabi niya pagkaraan ay bumalik na siya sa kaniyang silid upang ayusin ang kaniyang sarili. Mabuti na lang din at hindi kagaya sa ibang paaralan na alas-sais ang pasok, sa kanila ay alas-otso ang pasok dahil na rin sa walang masyadong gawain sa unang araw ng pasukan.   Matapos niyang makagayak ay kaagad niyang kinuha ang kaniyang back pack at isinukbit sa kaniyang likod. Pumunta siya sa kusina at saka kinuha ang kaniyang baunan bago nagpasyang umalis. Narinig niya pa ang pagpapaalala ng in ana mag-iingat siya kung kaya kinawayan niya na lang ito mula sa ‘di kalayuan ng kaniyang paglalakad. Hindi naman din ganoon kalayo ang school niya sa bahay nila kaya naman tatlumpung minutong lakaran lang ay naroon na siya. Pasado alas-syete y media nang makapasok siya sa loob ng kaniyang magiging silid. Kaagad niyang napansin ang kaniya-kaniyang grupo ng mga estudyante sa loob na tiyak niyang matagal nang magkakakilala samantalang siya ay baguhan pa lamang. Napatingin siya sag awing likuran at halos matuyo ang kaniyang laway nang masipat ng kaniyang paningin ang mga batang palaging nanunukso sa kaniya. Nanlalaki ang kaniyang mga mata habang salubong ang mga kilay ng mga itong nakatingin sa kaniya. Hindi rin nakaligtas sa kaniyang paningin ang pagbulong ng batang may sugat sa katabi nito bago nagpasyang lumabas ng silid kasunod ang mga kaibigan nito.   Dahan-dahan niyang inihakbang ang kaniyang mga paa patungo sa kabilang dulo ng silid kung saan mayroong isang bakanteng upuan roon para sana kaniyang okupahan nang mapalingon siya sa batang babaeng nagsalita sa kaniyang kanan.   “Ano, nalaglag ang panyo mo o.” Yumuko ito upang abutin ang panyo sa sahig at nakangiting humarap sa kaniya.   Titig na titig siya rito at halos hindi siya makapaniwala na may isang batang kagaya niya ang nakangiting kakausapin siya kaya naman nginitian niya na lang din ito pabalik. Kaagad niyang inabot ang hawak nitong panyo at hindi sinasadyang magkadikit ang kanilang mga daliri at sa sandalling iyon ay magkasabay nilang nabitawan ang panyong hawak na naging dahilan sa muli nitong pagkalaglag sa sahig subalit himbis na pulutin at napatitig lang sila sa isa’t isa na animo’y tangan ang mga katanungang hindi nila magawang itanong sa isa’t isa.   “Iyong panyo mo,” sabi nito.   “S-sorry. Salamat.” Yumuko siya at saka niya dinampot ang panyo. Magsisimula na sana siyang maglakad patungo sa pwestong napili niya nang muli na naman itong magsalita.   “Diyan ka na lang maupo,” ngumuso ito sa kaniyang kaliwa kung kaya napalingon rin siya roon, “para may nakakausap ako,” at isang matamis na ngiti ang muling ibinigay nito sa kaniya.   Wala naman nang nagawa si Chioni lalo pa at nakita niyang may ibang pumwesto na rin sa pwesto sanang napili niya kaya naman inilapag niya na lang ang kaniyang bag sa tabi ng upuan bago nagpasyang maupo rito. Ipinatong niya ang dalawang braso sa kaniyang desk at doon isinubsob ang kaniyang mukha. Tahimik lang niyang ipinikit ang kaniyang mga mata habang iniisip ang kaniyang naramdaman nang magkadikit ang daliri nila ng babaeng nasa kaniyang tabi. Hindi niya naiwasang mapangiti lalo pa at sa unang pagkakataon ay may isang batang kagaya niya ang nakipag-usap sa kaniya at hindi siya tiningnan bilang kakaibang nilalang.   Sa pagtunog ng bell, hudyat ng kanilang lunch break, habang ang bawat isa ay lumalabas ng silid, siya naman ay nagpasyang magpaiwan na lang doon upang doon kumain ng tanghalian. Napangiti siya nang bahagya nang masilayan ang ipinabaon sa kaniya ng kaniyang ina. Ang paborito niyang adobong baboy kalakip ang isang liham.   Mahal kong anak,   Masayang-masaya akong papasok ka nang muli sa eskwela. Natutuwa akong pagmasdan kang nagsisikap sa buhay kahit na alam kong marami kang pinagdaraan sa buhay sa murang edad mo pa lang. Ina mo ako. Nararamdaman ko kung may bumabagabag sa iyo. Sana pagdating ng panahon ay magawa mong sabihin sa akin ang lahat ng saloobin mo. Lagi mong tatandaang mahal na mahal ka namin ng iyong ama.   Nagmamahal, Ang iyong ina – Julia   Hindi niya naiwasang mapaluha habang kumakain ng pananghaliang pabaon ng kaniyang ina. Mabuti na lang din at wala nang tao sa loob ng kanilang classroom maliban sa kaniya kung kaya kahit paano ay nagagawa niyang ilabas ang mga luhang patuloy na nagkukumawala mula sa kaniyang mga mata. Mga luhang may halong tuwa dahil sa pagmamahal na naramdaman niya mula sa kaniyang ina.   Matapos ang isang oras ay bumalik na rin ang lahat sa loob ng kanilang classroom at kasunod ng mga ito ang kanilang magiging guro sa Sibika at Kultura. Kaagad itong nagsulat sa blackboard kung kaya kinuha niya na ang notebook niya upang magsulat rin ng kanilang aralin sa araw na iyon.   Naririnig niya ang mga bulung-bulungan ng mga kaklase niya sa paligid dahil sa pagkadismaya gawa ng guro nilang iyon ngunit hindi niya iyon pinansin bagkus ay nagpatuloy lang siya sa pagsusulat. Ilang sandali pa ang lumipas nang muling tumunog ang bell, hudyat ng maagang uwian para sa araw na iyon. Kaagad niyang inayos ang kaniyang mga bitbitin at saka maginhawang lumabas ng silid nang makasalubong niya ang isang batang lalake na siyang umagaw ng kaniyang atensyon dahil sa enerhiyang hindi niya maipaliwanag kung saan nagmumula.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD