Dahil sa pagkakatulad ni Chioni kay Elysia ay nagkaroon siya ng kaibigan sa katauhan nito. Simula nang araw na matuklasan niya ang kakaibang kakayahang mayroon si Elysia at lagi na silang magkasama. Madalas silang tumambay sa hardin ng eskwelahan tuwing break time at doon na rin sila kumakain ng kanilang pananghalian at meryenda. Dahil bihira lang naman ang tao sa hardin ng eskwelahan, doon nila napiling tumambay tuwing bakanteng oras nila. Kung minsan pa nga ay naglalaro silang dalawa roon ng apoy na nagmumula sa mga kamay ni Elysia bagay na alam nilang delikado kaya ganoon na lang ang pag-iingat nilang dalawa. Madalas ring mag-ensayo si Elysia ng tamang pamamaraan ng paggamit niya ng kaniyang apoy upang sa takdang panahon ay mas kontrolado niya na ito at maaaring gamitin sa oras ng pangangailangan.
Nagkaisip si Elysia na tangan ang tungkuling nakaatas sa kaniya mula noong siya ay musmos pa lang kaya ganoon na lang din ang proteksyon at pag-aalaga ng kaniyang nakatatandang kapatid sa kaniya. Batid niyang kailangan niyang matutunang kontrolin at palakasin ang kaniyang kapangyarihan habang siya ay bata pa lang nang sa gayon ay hindi siya mahihirapan pagdating ng takdang panahon.
Kasalukuyan namang nakangiti si Chioni at tuwang-tuwa habang pinagmamasdan pagsabay ng apoy sa bawat kumpas ni Elysia.
"Elysia, si Kuya Elliot ba katulad mo rin na may kapangyarihan ng apoy?" tanong niya dahil sa kyuryosidad.
"Oo naman. Mas magaling si Kuya Elliot. Kaya niyang gumawa ng mga ring of fire."
"Ring of fire? Ano 'yon?" Napakunot naman ang noo niya sa sinabi nito.
"Bilog na apoy," seryosong tugon nito.
"Tinagalog mo lang, Elysia e."
Natawa naman silang dalawa dahil doon.
"Pasensya ka na kay Kuya Elliot kung minsan parang masungit siya. Ganoon siguro talaga kapag sikat sa Adeleuse."
"Ade...Adele... Ano 'yon?" Hirap na hirap naman siya habang binibigkas ang naturang lugar.
"Adeleuse. Doon kami nakatira. Nandoon ang aming kaharian," tugon naman nito sa kaniya. Hindi niya naiwasang mapaisip kung normal bang ang isang kagaya nila na may kakaibang kapangyarihan ay nagmula sa ibang mundo? Ngunit hindi niya maipaliwanag kung bakit siya ay hindi ganoon? Bakit normal na mga tao ang kaniyang mga magulang at siya lang ang kakaiba? Hindi niya tuloy naiwasang maisip na baka isinumpa ang kaniyang mga magulang kaya siya nagkaganoon.
"Wow! Kung ganoon ay sa ibang mundo ka pala nakatira?" pang-uusisa niya rito.
"Sshh... Huwag kang masyadong maingay baka may makarinig sa 'yo," bulong nito at saka itinapat ang hintuturo sa tapat ng labi nito.
Kaagad namang tinakpan ni Chioni ang kaniyang bibig pagkaraan ay magkasabay silang bumingisngis. Sakto namang tumunog ang bell kaya dali-dali silang tumakbo patungo sa kanilang classroom. Kaagad silang naupo sa kaniya-kaniyang silya nang biglang pumasok ang masungit nilang teacher sa sibika at kultura.
"Good morning, Class," pagbati nito.
Sabay-sabay naman silang tumayo at binati pabalik ang ginang. "Good morning, Ms. Ramos!"
Matapos noon ay muli silang naupo at tumahimik. Itinuon nila ang kanilang mga atensyon sa guro habang nagtuturo ito sa kanilang harapan. Sinimulan nitong kunin ang chalk at nagsulat sa blackboard kaya naman kaniya-kaniya rin sila ng kuha ng kanilang mga notebook upang kopyahin ang mga isinusulat ng guro. Batid naman ng lahat ang pagiging istrikta ng guro, at ayaw na ayaw nito na hindi nagsusulat ng lecture ang mga estudyante nito, at ang pagiging maingay sa oras ng klase lalo pa at wala namang kinalaman sa kanilang subject ang pinag-uusapan ng mga ito. Paminsan-minsan din ay bigla na lang itong nagagalit nang walang dahilan lalo pa at kung pumasok ito na sadyang mainit ang ulo. Madalas din itong mamahiya ng ilang mga estudyanteng hindi nakakasagot sa tanong nito bagay na kinatatakutan ng lahat.
Kaagad nitong binura ang nakasulat sa kaliwang bahagi ng blackboard at hinarap silang lahat. Kinuha nito sa dalang bag ang mga index cards kung saan nakasulat ang pangalan nilang lahat at sinimulang balasahin ito na animo'y baraha. Napuno naman ng kaba si Chioni dahil hindi siya ganoon kahusay kumpara sa kaniyang mga kaklase. Kung tutuusin ay matalino naman ang kaniyang mga magulang kaya ganoon na lang ang pagtataka niya at hindi niya man lang namana ang talino ng mga ito. Sinulyapan niya si Elysia na kasalukuyang binabasa ang nakasulat sa notebook nito kaya ganoon na lang din ang kaniyang ginawa.
"Lopez," sabi nito at tumayo naman ang kaklase nilang nakaupo sa harapan. "Saan matatagpuan ang Chocolate Hills?"
"Sa Bohol po, Ma'am," tugon nito.
"Very good. Next. Kampilan." Sunod naman na tumayo ang kaklase nila na nakaupo sa likurang bahagi at hinarap ang guro. "Ano ang bulkan na kilala sa pagiging perfect cone shape nito?"
Tahimik ang lahat at ramdam ang kaba ng lahat ng nasa silid dahil sa surprise recitation na iyon. Naghihintay ang lahat sa sagot ni Jeremy ngunit lumipas na ang isang minuto ay nananatili pa rin 'tong tahimik. Kapansin-pansin din ang pagkikiskis nito ng kamay dahil sa namumuong kaba. Ilang sandali pa ay nagulat ang lahat ng biglang magsalita ang kanilang guro.
"Simpleng tanong hindi mo pa masagot? Isang linggo na natin 'yang pinag-aaralan pero hanggang ngayon hindi mo pa rin alam? Kaya nga kayo pinagte-take down notes para pag-uwi ng bahay babasahin n'yo na lang pero parang hindi n'yo ata nire-review 'yan sa bahay n'yo." Halos lumabas ang litid nito sa leeg dahil sa lakas ng pagsasalita nito. Kulang na lang ay umabot sa puntong binubulyawan na nito ang estudyante. Mas lalo iyong nagdulot ng kaba at takot sa lahat dahil sa kahihiyan na sinapit ng kaklase nila. Kaagad ring pinaupo ng guro ang estudyante at muling bumunot ng index card. "Santos."
Tumayo naman si Matilda at sumagot. "Mayon Volcano po, Ma'am."
"Very good. Buti pa si Santos, nag-aaral nang matino. Dapat gayahin n'yo siya hindi 'yong puro na lang baon at laro ang nasa isip ninyo," papuri nito at saka muling bumunot ng index card. "Pelaez."
"Ako po, Ma'am?" hindi naiwasang tanong ni Chioni dahil sa kaba.
"My God, Chioni. Mayroon pa bang ibang Pelaez sa loob ng silid na ito?" Doon pa lang, pakiramdam ni Chioni ay lumubog na siya sa kinatatayuan niya dahil sa pagkapahiya ngunit hindi niya na lang pinansin iyon at dahan-dahang tumayo. "Saang lugar naman matatagpuan ang The Hundred Islands?"
Sandali pang nag-isip si Chioni. Sigurado siyang nabasa niya ito sa notebook niya. Inisip niya ang eksaktong pagkakasulat ng mga salita sa kaniyang notebook at doon pumasok sa kaniyang isipan ang tamang sagot.
"Ma'am, sa... sa Alaminos, Pangasinan po." Kahit sigurado siya sa kaniyang sagot ay hindi niya naiwasang manginig sa kaba na baka ipahiya siyang muli ng guro nila ngunit mabuti na lang at hindi na nito iyon ginawa at pinaupo na siya agad.
"Very good." Sakto naman pagkasabi nito ay ang pagtunog ng bell. Hudyat para sa susunod na klase kaya ganoon na lamang ang tuwa ng lahat nang nakahinga sila nang maluwag sa paglabas ng kanilang guro sa Sibika at Kultura. "Good bye, Class."
"Good bye, and Thank you, Ms. Ramos!"