Chapter 19

1068 Words
"Mabuti pa magpahinga ka na muna. Bukas ka na lang bumawi sa school." "Pero kasi--" "Huwag makulit, Chioni. Si Elysia na ang bahala magpahiram sa 'yo ng notes." "Salamat talaga, Ridere." Ilang sandali pa ay umalis na rin ito. Walang mapaglagyan ang tuwa sa puso ni Chioni habang pinagmamasdan itong maglakad papalayo. Parang kailan lang naiilang pa siya at umiiwas kay Ridere subalit ngayon masasabi niyang sobrang close na nilang dalawa. Halos hindi na nga sila nakakapagusap ng kaibigan niyang si Elysia. Hindi niya rin maiwasang mag-alala na baka nagtatampo na ito sa kaniya. Ngunit ayaw niya naman kasing guluhin muna ito lalo pa at ayaw niya madamay pa sa problema niya. Alam niyang nag-aalala ito sa kaniya lalo pa at mag-isa na lang niyang itinataguyod ang kaniyang sarili magmula nang pumanaw ang kinikilalang ina. "Ina?" naibulalas niya sa gitna ng kaniyang pag-iisip. Bigla niyang naalala ang panaginip na animo'y totoong-totoo. Hindi mawala sa isip niya ang itsura ng ginang at ginoo na nasa kaniyang panaginip na tinatawag niyang ina at ama. Hindi niya naiwasang maitanong sa kaniyang sarili na posible kayang iyon ang kaniyang tunay na mga magulang? Ang kabuuang mensahe sa kaniyang panaginip ay iisa lang, humihingi ang mga ito ng tulong sa kaniya. "Totoo kaya ang panaginip na 'yon?" "Hindi. Malabo. Malamang isa lamang iyong panaginip." "Pero paano kung totoo?" "Chioni. Chioni. Gumising ka!" Tinapik-tapik niya pa ang kaniyang pisngi dahil sa labis na pagkabagabag sa kaniyang isipan. "Kung totoo man 'yon..." Biglang bumagsak ang mga luha mula sa kaniyang mga mata nang mapagtanto ang naging katapusan ng kaniyang panaginip. Wala na ang mga ito. Pinaslang ang mga ito ng kung sino sa pamamagitan ng kapangyarihang taglay ng katulad ng sa kaniya. "Kung ganoon, ibig sabihin lang na hindi iyon basta panaginip lang. Totoo ang lahat ng iyon. Dahil ang kapangyarihan ng pumaslang sa kanila ay kagaya ng kapangyarihang taglay ko. Ngunit sino siya? Bakit parehas kami ng kapangyarihan? Ibig bang sabihin na hindi ako nag-iisa sa mundong ito? O baka naman..." bigla niyang napagtanto ang lahat, "hindi ako nabibilang sa mundong ito?" Pabagsak siyang nahiga at pagkaraan ay isinubsob ang kaniyang mukha sa kaniyang unan nang mapagtagpi-tagpi ang lahat. "Sino siya? Sino?" Bigla niya namang naalala ang boses ng isang babae mula sa eksena. "Ibig bang sabihin nito ay may kapatid ako? Siya ang pumaslang sa aming mga magulang. Ngunit bakit? Paano niya iyon nagawa?" Napahawak si Chioni sa kaniyang ulo nang maramdaman ang biglang pagkirot nito. Masyado na siyang nag-iisip himbis na sana ay nagpapahinga siya. Hindi niya tuloy malaman kung ano ang kaniyang uunahin lalo pa at ngayon pa lang sila nagiging malapit ni Ridere sa isa't isa. Nagpasya siyang bumangon at kumuha ng malamig na tubig. Inilagay niya iyon sa isang bago at kaagad na ininom. Pakiramdam niya ay pagod na pagod siya dahil sa rami ng mga nangyari at isipin niya. Huminga siya nang malalim at pinagmasdan ang paggalaw ng natirang tubig sa hawak niyang baso nang biglang tumunog ang kaniyang cellphone. Kaagad niyang dinampot iyon at isang mensahe mula kay Elysia ang natanggap niya. "Chioni, magpagaling ka ha? Malapit na ang singing contest. Ichi-cheer kita." Naglagay pa ito ng isang nakangiting emoji sa dulo kaya naman napangiti rin siya. "Oo nga pala. Kasali nga pala ako sa singing contest." Kaagad na bumagsak ang balikat niya nang maalala ang papalapit na patimpalak na kaniyang dadaluhan. +++ Iba sa mga nakaraang araw, halos abot hanggang tenga ang ngiti ni Chioni habang naglalakad papasok sa kaniyang eskwelahan. Maisip niya pa lang na makikita niya nang muli si Ridere ay nag-uumapaw na kaagad ang tuwa sa kaniyang puso. Sa buong magdamag lang na napag-isa siya, napagtanto niyang umiibig na nga siya kay Ridere. Mabait ito at ramdam niya ang sinseridad sa lahat ng sinasabi nito sa kaniya. Hindi niya naiwasang isipin na marahil ay may pagtingin din ito sa kaniya dahil sa espesyal na pakikitungo at pagtrato nito sa kaniya. Dahil doon ay mas lalo siyang humahanga rito at nakakaramdam ng kakaibang pagtingin para sa binata. Pagkarating niya sa gate ng kanilang school ay kaagad niyang napansin ang pamilyar na pigurang naglalakad mula sa hindi kalayuan. Inayos-ayos niya ang kaniyang buhok at kaagad na tinawag ang binata. "Ridere!" Ngunit tila hindi siya nito narinig kaya nagpasya siyang lapitan ito, ngunit bago pa man siya makalapit ay natigilan siya sa paglalakad nang may isang babae ang mabilis na kumapit sa braso nito at ganoon na lamang ang lapad ng ngiti ni Ridere habang kinakausap ito. Wala na siyang nagawa at tahimik na lang na pinagmasdan ang dalawa habang naglalakad papalayo sa kaniyang paningin. +++ "Chioni!" Boses pa lang nito ay alam niya na kaagad kung sino ang tumawag sa kaniyang pangalan. Ngunit himbis na huminto sa paglalakad ay nagpasya siyang mas bilisan pa ang paglalakad upang kahit paano ay makaiwas siya rito. "Chioni, sandali." Napatigil lang siya sa paglalakad nang maabutan siya nito at mahawakan ang kaniyang braso. "R-Ridere... ikaw pala," sabi niya habang pinipilit na ngumiti. "Ang bilis mo namang maglakad. Mukhang nagmamadali ka ha?" Nag-iwas siya ng tingin bago ito sinagot. "Ah... oo. May pupuntahan kasi ako." "Pwede ba akong sumama? Sakto kasi maaga natapos ang klase namin. Wala na rin naman akong gagawin." Saglit siyang nag-isip tila naghahanap ng isasagot sa binata ngunit bago pa man siya makasagot at kaagad na namang sumulpot ang babaeng naging simula ng lahat ng pagbabago sa pagitan nilang dalawa ni Ridere. "Ridere!" Kagaya ng umagang iyon, ganoon ulit ang ginawa nito. Kumapit itong muli sa braso ni Ridere na animo'y magkasintahan ang dalawa. "Uy! Ikaw pala." Lumingon si Ridere sa kaniya nang nakangiti na hindi niya naman matagalan tingnan lalo na at nasasaktan siyang pagmasdan ang mga ito na ganoon kalapit sa isa't isa. "Chioni, this is Meriyah. Meriyah, si Chioni pala kaibigan ko." Parang sirang plaka na nagpaulit-ulit sa kaniyang pandinig ang huling salitang binigkas nito - kaibigan. Gusto niya mang maiyak ngunit pinigilan niyang gawin lalo pa at ayaw niyang gumawa ng eksena. Alam din niyang ang mga butil ng luhang ibabagsak ng kaniyang mga mata ang siyang magsisiwalat sa sikretong pinakatatago niya. Ang lungkot na nararamdaman niya ang siyang nagpapatindi sa kapangyarihang mayroon siya at ayaw niyang makita ng mga ito iyon kaya naman kahit mabigat sa kaniyang kalooban ay nginitian niya na lang ang mga ito at saka nagpaalam bago tuluyang umalis at iniwan si Ridereng naguguluhan nang mga sandaling iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD