Chapter 20

1053 Words
"Huwag! Maawa kayo sa amin mahal na reyna." Pagmamakaawa ng mga naroon sa loob ng palasyo kung saan karamihan ay mga tagapaglingkod. "Sa oras na bumalik ang tunay na tagapagmana, tiyak na katapusan na ng iyong kasamaan." "Pangahas ka!" Boses ng isang babae ang kaniyang narinig. Hindi niya malaman subalit pakiramdam niya ay narinig niya na ang boses na iyon sa kung saan. Mabilis na lumapat ang palad nito sa pisngi ng isang katiwala. Sa lakas ng pagkakasampal nito ay napasubsob pa ang katiwala sa sahig. "Lapastangan ka! Nakalimutan mo na yata kung sino ang kausap mo! Hayaan mong ipaalala ko sa iyo kung sino ako!" Sumenyas ito sa isang kawal at mabilis naman itong umalis mula sa pwesto nito. Hindi pa nagtatagal nang muli itong bumalik dala ang isang batang lalake. "Ina!" Akmang tatakbo sana ang bata palapit sa katiwala ngunit hindi nito nagawa dahil sadyang mahigpit ang pagkakahawak dito ng kawal. "Anak!" Kaagad naman na nahinuha ng babae ang balak gawin ng babae at kaagad na hinarap ito. "Maawa ka sa anak ko. Wala siyang kinalaman dito. Isa lamang siyang musmos. Hayaan mo siyang mabuhay." Ngunit himbis na pakinggan ay mabilis nitong nilapitan ang bata. Mula sa kamay nito ay lumabas ang isang espadang yari sa yelo at kaagad na iginilit sa leeg ng kawawang bata. "HINDI! ANAK KO!" Kasunod ng pagkawala ng bata ay ang pag-agos rin ng dugo na nagmumula sa katiwalang wala na ring buhay. Napabalikwas ng bangon si Chioni dahil sa masamang panaginip. Tagaktak ang kaniyang pawis habang nanlalamig ang kaniyang buong katawan. Iyon ang unang beses na makaramdam siya ng lamig. Batid niyang hindi iyon ordinaryong lamig. Alam niyang sa sandaling nagpatuloy ang panaginip na iyon ay maaaring hindi na rin siya magising. Ngunit ang mas inaalala niya ay ang mga iyak at paghingi ng tulong ng mga naroon. Hindi niya naiwasang isiping siya ang tinutukoy ng mga ito na magliligtas sa kanila. Sa kabilang banda, gustuhin niya mang tulungan ang mga ito ay hindi niya rin alam kung paano gagawin iyon. Ni wala siyang kaide-ideya kung saang lupalop ng mundo niya hahanapin ang mga ito. Kung sino ang mga ito at kung buhay pa ba ang mga ito sa mga oras na iyon. Isa pa sa isipin niya ay kung totoo ba ang laman ng kaniyang panaginip. Kung isa ba 'tong mensahe o sadyang kathang isip lang at bunga lang ng pagiging iba niya sa lahat. Bumangon siya at nagtungo sa banyo upang maghilamos. Ilang sandali pa siyang nanatili roon habang tulalang nakatingin sa salaming nakasabit sa pader. "Isang masamang panaginip na naman." Napabuntong-hininga siya habang pinagmamasdan ang tubig na bumabagsak sa lababo mula sa gripo. "Pero paano kung totoo? Saan ko sila hahanapin? Paano ko sila ililigtas?" Makalipas ang ilan pang minuto nang magpasya siyang bumalik sa kaniyang higaan. Dinampot niya ang kaniyang cellphone nang marinig niya ang pagtunog nito. Chioni, goodluck sa singing contest ninyo bukas. - Ridere Doon lang muling sumagi sa isip niya ang singing contest. Sa mga nagdaang araw kasi ay lubos siyang naging abala sa kaniyang buhay at sa lalakeng nagugustuhan niya ngunit alam niya ring kailangan niya nang tapusin ang pantasya niya sa binata lalo pa at tingin niya ay nakikipagmabutihan na ito sa iba. Tama naman ito sa sinabi nito kay Meriyah, magkaibigan lang sila at kailangan niyang pakatandaan iyon. Tumipa siya sa kaniyang cellphone at nireplyan ito. Salamat. Walang kabuhay-buhay niyang tugon rito. Buo ang loob niya sa desisyon niyang iwasan na ito hanggang maaga bago pa tuluyang lumalim ang nararamdaman niya para sa binata. Batid niyang iyon ang mas makabubuti para sa kanilang dalawa. Nagpasya na rin siyang pagkatapos ng taong iyon sa kanilang paaralan ay aalis na siya roon at sa iba na lang ipagpapatuloy ang kaniyang pag-aaral. Hindi na muna siya nag-abalang isipin pa ang tungkol sa masamang panaginip lalo pa at walang katiyakan ang mga naroon sa panaginip na iyon. Alam niyang posibleng isa iyong panawagan sa kaniya lalo pa at alam niyang naiiba siya sa karamihan ngunit alam niya ring hindi niya batid kung saan magsisimula para tuklasin ito. Ipinapanalangin niya na lang na sana ay nasa mabuting kalagayan pa ang kaniyang tunay na mga magulang taliwas sa panaginip niya na wala na ang mga ito. +++ Kinabukasan ay maaga pa lang nang makarating siya sa kanilang eskwelahan. Puno ng kaba ang kaniyang dibdib dahil sa nalalapit na patimpalak. Parang mga kabayong nag-uunahan sa pagtakbo ang pagtibok ng kaniyang puso habang pinagmamasdan ang mga kalahok ngunit mas umaagaw ng atensyon niya ay ang babaeng batid niyang magiging isa sa pinakamatindi niyang katunggali. Kung tutuusin ay hindi naman siya nagnanais na manalo sa singing contest na iyon subalit batid niyang umaasa ang kaniyang mga kaklase na masusungkit niya ang grand prize at siya ang magdadala sa kanilang section. Ngunit sa tuwing makikita niya si Meriyah ay hindi niya maiwasang mawalan ng pag-asa lalo pa at alam niyang mula kay Ridere ay wala na siyang panalo rito. Buong akala niya kasi ay naroon ang binata para suportahan siya ngunit hindi pala dahil mas itinatangi nito si Meriyah kaysa sa kaniya. "Chioni, goodluck." Napatingin siya sa nagsalita. Kaagad na napalitan ang lungkot niya ng saya nang makita niya si Elysia. Matagal din silang hindi nagkita kung kaya ganoon na lang ang tuwa niya nang makita ito sa importanteng araw na iyon sa buhay niya. "Akala ko hindi ka makakarating," sabi niya habang pilit itinatago ang luha dulot ng labis na kasiyahan. "Posible ba naman 'yon? Syempre gusto kong makita kang kumanta. Hindi ko palalagpasin ang araw na ito lalo pa at ako yata ang isa sa fans mo." Napangiti siya dahil sa sinabi nito. "Fans ka r'yan." "Oo. Marami ka kayang fans, isa na roon si Ridere 'di ba?" Siniko pa siya nito nang bahagya bilang panunukso. "A-ano ka ba? Baka may makarinig sa 'yo." Napayuko siya dahil sa sinabi nito. Kung nalalaman lamang nito ang pinagdaraanan niya nang mga oras na iyon. "Isa pa wala namang namamagitan sa amin ni Ridere." "Naku! May pinagdaraanan ka ba?" tanong nito. "W-wala naman." Alam niyang mas makabubuting sarilinin niya na lang ang lahat kaysa sabihin pa rito ang mga nangyari. Hindi sa naglilihim siyang muli rito ngunit alam naman niyang hindi naman ito ganoon kalaking issue para maging dahilan pa ng tampo niya para sa binata.

Read on the App

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD