"Mahal na Reyna, ipinatawag n'yo raw po ako?" Lihim na nagtungo si Odette sa sikretong silid ng hari at reyna. Batid niyang walang sino man ang nakakaalam ng sikretong silid na iyon maliban sa kanilang tatlo. Ipinasadya ito ng hari upang maging lihim na taguan sa oras na kailanganin nila ng peligro at hindi nila akalaing dumating na ang araw na iyon dahil sa anak nilang si Chioni.
"May mahalaga akong ipag-uutos sa iyo. Ikaw lamang ang pinagkakatiwalaan namin at tiyak naming makakagawa ng bagay na ito." Lumingon ang reyna sa hari bago ipinagpatuloy ang pagsasalita." Nais naming tunguhin mo ang mundo ng mga mortal at hanapin mo ang nag-iisang tagapagmana ng buong Glacies, ang tunay na Chioni."
"Masusunod po." Yumuko si Odette at saka mabilis na lumipad palabas ng silid. Mabuti na lang din at maliit lang siya na animo'y isang alitaptap kung kaya hindi siya napapansin ng mga gwardiya sa paligid. Mula kasi nang magkaisip ang prinsesang si Chioni ay naghangad na ito na maluklok sa trono na hindi naman sumagi sa isip ng mag-asawa. Napakabata pa nito para pamahalaan ang ganoon kabigat na responsibilidad ngunit mapilit ito at nagmatigas hanggang sa nakalikha ito ng kapangyarigang hindi nila akalaing magdadala sa kapahamakan sa buong palasyo. Unti-unting binalot ng kadiliman ang buong lugar habang ang mga naroon naman ay isa-isang ginawang rebultong yari sa yelo at itinambak sa pinakamalalim na bahagi ng palasyo.
"Kawal," tawag pansin ni Chioni sa isa sa mga kawal na kaagad namang lumapit sa kaniya.
"Mahal na Prinsesa." Kaagad itong yumuko sa kaniya ngunit hindi naman nagustuhan ni Chioni ang itinawag nito sa kaniya. Mabilis niya itong nilapitan at walang kaabog-abog na sinampal ang naturang kawal.
"Pakiulit mo nga ang itinawag mo sa akin? Lapastangan!" Hindi pa siya nakuntento at sinipa pa ang kawal sa tagiliran. Kahit na bata lamang si Chioni ay hindi naiwasan ng kawal na indahin ang sakit na tumama sa kaniya.
"Pa-patawad po, Mahal na Reyna." Nananatili itong nakayuko habang naghihintay ng mga sunod niyang sasabihin.
"Ganyan nga. Dapat n'yong tandaan na ako na ang bago ninyong reyna. Wala kayong ibang susundin maliban sa akin lang dahil mga alipin ko lang kayo."
Napalingon na lang si Chioni nang may isang residente sa kahariang iyon ang nangahas na pumasok sa loob ng kanilang palasyo. Kaagad itong sumugod palapit kay Chioni tangan ang isang patalim.
"Ikaw ang dahilan kung bakit wala na ang aking mag-ina! Magbabayad ka!"
Ngunit bago pa man ito tuluyang makalapit sa kaniya ay mabilis niya na itong ginamitan ng kaniyang kapangyarihan dahilan para balutin ng yelo ang mga paa nito na unti-unting umaakyat sa buo nitong katawan.
"Tandaan mo! Isa ka lamang manikang hinubog bilang isang panakip butas. Kailan man ay hindi ka magtatagumpay. Dahil sa pagbalik ng tunay na tagapagmana ay katapusan mo na!" Iyon ang mga huling katagang binitawan nito bago tuluyang naging yelo ang buong katawan. Hindi niya maintindihan ang sinabi sa kaniya ng lalakeng iyon kaya labis na lang ang naging inis niya rito. Kaagad niyang sinipa ang rebulto nitong yelo dahilan para tuluyan itong bumagsak sa sahig at mabasag. Nagkapira-piraso ito na siyang tuluyang humati sa mga parte ng katawan nito.
Lahat ng kawal na naroon maging mga tagasunod ay nasaksihan ang nangyari kung kaya ganoon na lang ang labis na takot ang kanilang naramdaman. Hindi sila makapaniwalang nagpasok ang hari at reyna sa kahariang iyon ng isang maituturing nilang halimaw. Napapikit na lamang sila nang mariin habang nagdarasal na sana ay may pag-asa pang naghihintay para sa kanilang kaharian.
"Lahat ng sino mang mangangahas na kalabanin ako, hindi lang kagaya sa lalakeng ito ang matitikman ninyo. Isang kaparusahang pagbabayaran ninyo ng inyong mga buhay."
Kaagad itong bumalik sa pagkakaupo sa trono at muling hinarap ang kawal.
"Magpadala ka ng mensahe sa mga mamamayang naninirahan sa kahariang ito. Bawat isang pamilya ay kinakailangan ng isang alay bilang pagtanggap sa aking pamamahala. Patayin ninyo ang sino mang tutuligsa sa kautusang ito. Wala kayong ititirang buhay. Bata man o matanda, siguraduhin ninyong kailangan na maparusahan," sabi niya.
"Masusunod po, Mahal na Reyna." Kaagad namang tumayo ang kawal at nagsimulang maglakad palabas ng palasyo. Samantala tahimik naman ang lahat doon na nakayuko lang at naghihintay ng susunod na utos. Hindi nila sukat akalain na sa murang edad niya ay magagawa niya na ang mga bagay na iyon sa kanilang lahat. Ilang buhay na rin ba ang kaniyang pinaslang? Hindi niya na mabilang ngunit isa lang ang sigurado siya, mananatili siyang buhay hanggang sa may buhay siyang pinapatay dahil ang dugo ng mga ito ang siyang susi para sa kaniyang walang hanggang buhay.
+++
"Mahal ko, kasalanan ko ang lahat ng ito. Ako ang siyang nagdala ng isang halimaw sa kahariang ito. Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kung may mangyaring masama sa ating tunay na anak." Napatakip na lang ang reyna ng kaniyang mukha dahil sa labis na lungkot. Patuloy siyang nagsisisi dahil sa mga nangyayari sa kahariang iyon. Hindi niya kasi sukat akalain na ang paghahangad niya na maging isang ina sa kaniyang anak ay magdadala pala sa buong kaharian ng kapahamakan. Ginusto niya lang naman na mapunan nito ang kalungkutan sa kaniyang puso subalit hindi niya sukat akalain na magiging isa itong halimaw na labis-labis ang pagnanasa sa kapangyarihan.
"Mahal ko, ginusto mo lang naman na mapunan ang iyong pagiging isang ina sa katauhan ng isang manika. Naiintindihan kita dahil maging ako ay ninais ko rin na maging isang ama sa ating tunay na paraan kung kaya sumang-ayon ako sa nais mo. Buong akala ko ay tama. Akala ko kapag lumikha tayo ng kawangis ni Chioni ay mapupunan nito ang pagkukulang natin bilang magulang sa kaniya. Na kapag ibinigay natin ang nais nito ay masasabi nang mabuti tayong magulang subalit nagkamali ako dahil isang halimaw pala ang siyang nilikha natin at hindi isang tagapagmanang mangangalaga sa ating mamamayan." Napayakap na lang ang hari sa kaniyang reyna dahil sa lahat ng maling desisyon na kanilang ginawa. "Ngunit wala na tayong magagawa kung hindi umasang magbabalik ang ating tunay na tagapagmana at ililigtas niya ang buong kahariang ito na nababalutan ng dilim at pasakit sa ating mamamayan."