CHAPTER 6

1169 Words
Hindi maintindihan ni Chioni kung bakit ganoon na lang ang kabang naramdaman niya. Nanlalamig ang kaniyang pakiramdam bagay na hindi naman niya nararamdaman noon dahil nga sa kakayahan niyang kontrolin ang nyebe. "Chioni, ayos ka lang ba?" tanong ni Elysia sa kania nang mapansin ang kaniyang biglaang pananahimik. "Bigla akong kinabahan at nilamig," tugon niya. Mabilis namang naglabas ng apoy si Elysia sa kaniyang mga palad at itinapat iyon kay Chioni. "Eto para kahit paano ay mawala ang ginaw mo." Napalingon naman siya kay Elysia dahil sa tuwa. Sa unang pagkakataon kasi ay mayroong isang batang kagaya niya ang tumrato sa kaniya nang may pag-aalala at pag-aalaga. Kapansin-pansin din ang pagbibigay nito sa kaniya ng espesyal na atensyon kumpara sa ibang nakakasalamuha nito. Kahit paano ay nawala ang kabang nararamdaman niya at unti-unting napalitan ng init ang panlalamig ng kaniyang katawan dahil sa ipinakita nito sa kaniya. "Okay ka na ba, Chioni?" tanong nito bakas ang pag-aalala sa mga mata. "Oo, Elysia. Maraming salamat," tugon niya at saka nginitian ito. Doon lang tila napanatag ang loob ng kaibigan niya at ngumiti rin pabalik sa kaniya. Ilang minuto lang ang lumipas nang bigla namang sumulpot si Elliot at hinarap ang dalawa. "Elysia, tara na. Kailangan na nating umuwi." "Sige, Kuya Elliot." Hinarap siyang muli nito bago muling nagsalita. "Chioni, mauna na ako ha? Bukas na lang ulit." "Sige. Ingat kayo." Nagpasya na ring umuwi si Chioni dahil tiyak niyang pagagalitan na naman siya ng kaniyang ama sa oras na abutin siya ng dilim sa kalsada. Habang naglalakad ay muli na naman niyang naramdaman ang mabigat na pakiramdam na nagsisimulang bumalot sa kaniyang dibdib. Hindi niya maintindihan kung saan nagmumula ang kabang iyon lalo pa at nararamdaman niya ring nasa ayos na kalagayan ang kaniyang mga magulang. Nagpasya siyang dumaan na lang muna sa tabing ilog at doon pansamantang tumigil upang lumanghap ng sariwang hangin. Maganda ang tanawin doon at presko lalo pa at lumalamig na rin ang ihip ng hangin. Ang tubig sa ilog ay malinis rin at maaaring inumin. Doon siya madalas nagpupunta sa tuwing nalulungkot siya at may bumabagabag sa kaniya kagaya na lang ng araw na iyon. "Baka dala lang ito ng pagod at stress sa school." Huminga siya nang malalim at nilasap ang sariwang hangin. Hindi niya naiwasang isipin ang mga kaklase niyang patuloy ang pagsulyap-sulyap sa kanila ni Elysia at ang mga bulung-bulungan ng mga ito sa kanila. Hindi siya kagaya ni Elysia na isinasawalang bahala na lang ang lahat ng iyon. Siya kasi ang tipo ng tao na lahat ng sabihin ng iba ay nagkakaroon ng malaking epekto sa kaniya dahil sa masakit na nakaraan na bitbit niya hanggang sa kasalukuyan. Ang kapangyarihang mayroon siya na hindi niya ni minsan hiningi ang siyang paulit-ulit na nagpapaalala kung ano ang tingin sa kaniya ng iba. Kung anong klaseng tao siya sa lipunan at hindi dapat kinakaibigan ng sino man dahil maski siya sa sarili niya ay alam niyang hindi niya mapipigilang makapanakit ng ibang tao lalo pa at kung kinakailangan niyang proteksyunan ang kaniyang sarili. Mariin niyang ipinikit ang mga mata at unti-unting nanikip ang kaniyang paghinga. Napahawak pa siya sa kaniyang dibdib dahil sa labis na kabang patuloy na bumabalot sa kaniyang buong sistema. Napaluhod siya sa batuhan habang pinipilit na ibalik ang normal na paghinga hanggang sa isang boses ang kaniyang narinig. "Chioni, Anak..." Napalingon siya sa paligid at walang kahit na sino ang naroon. Ngunit malinaw na malinaw sa kaniyang pandinig na narinig niya ang boses ng isang babae. "Anak?" Kaagad siyang tumayo mula sa pagkakaluhod dahil sa takot na baka may nangyayari nang masama sa kaniyang ina. Kaagad siyang nagtatakbo pauwi na animo'y may hinahabol dahil sa labis na pag-aalala sa ina. Nadapa pa siya ng makailang ulit dahilan para masugatan siya sa braso at tuhod ngunit hindi niya na inalintana ang sakit. Napansin niya rin na pinagtitinginan siya ng mga taong nakakasalubong niya ngunit hindi niya na iyon pinansin. Ang tanging hangad niya ay makauwi na at makasigurong nasa maayos na kalagayan ang kaniyang ina. Nang tuluyang makauwi ay kaagad niyang binuksan ang pintuan ng kanilang tahanan at ang galit na galit na itsura ng kaniyang ama ang siyang sumalubong sa kaniya. "Walangh*ya kang bata ka!" Isang malakas na sampal ang sumalubong sa kaniya at kaagad naman siyang nilapitan ng kaniyang ina. Bakas dito ang pag-aalala ngunit ang hindi niya maintindihan ay kung bakit ganoon na lang ang galit sa kaniya ng kaniyang ama. "Ilabas mo ang pera ko!" "P-po? Ano pong pera?" tanong niya habang naguguluhan sa mga nangyayari. "Magmamaang-maangan ka pa. Ikaw lang ang pumasok sa kwarto kanina kaya huwag mo akong pinagloloko!" "Wala naman po akong kinukuhang pera ninyo." "Magsisinungaling ka pa!" Muli siya nitong sinampal nang malakas dahilan para mabuwal siya sa sahig. "Chioni!" Mabilis na dinaluhan ni Julia ang kaniyang anak at hinarap ang asawa. "Sumosobra ka na sa anak mo, Henry. Alam mong hindi magagawa ni Chioni na magnakaw!" "Iyan! Kaya lumalaki ang ulo niyang batang 'yan dahil wala kang ginawa kung hindi kampihan 'yan kahit na mali na. Masyado kang tiwala r'yan gayong--" "Tumigil ka na sabi, Henry! Sumosobra ka na!" "Magsama kayong dalawa! Patuloy mong kunsintihin 'yang katarantaduhan ng anak mo!" Kung gaano kabilis ang mga pangyayari ay ganoon din kabilis na lumabas si Henry sa kanilang bahay. Sapu-sapo naman ni Chioni ang namumula niyang pisngi habang patuloy sa pagbagsak ang mga luha mula sa kaniyang mga mata. Hindi niya lubos akalain na aabot ang lahat sa ganoon na magagawa siyang saktan ng kaniyang ama. Hindi sumagi sa isip niya na ang iyon ang sasalubong sa kaniya sa labis na pag-aalala sa kaniyang ina. Naisip niya na marahil isang babala ang boses na narinig niya kanina. Ang babalang ibinibigay ng isang ina sa isang anak upang ilayo ito sa kapahamakan. Naisip niya ring iyon din marahil ang dahilan ng kabang nararamdaman niya mula pa nang umaga. Isang palatandaan na isang masamang pangyayari na naman ang magaganap sa kaniya sa hinaharap at nangyari na nga. "Chioni, pagpasensyahan mo na ang tatay mo. Mainit lang ang ulo no'n. Wala lang mapagbuntunan kaya ganoon. Kanina pa rin kami nagtatalo dahil nawalan siya ng limang libo," paliwanag sa kaniya ng ina. Tumango na lamang siya dahil alam niyang gagawa pa rin ng dahilan ang ina upang manatili ang pagtanggap niya sa kaniyang ama. "Anong nangyari sa braso mo at binti mo? Bakit may sugat ka?" Kita niya ang patung-patong na pag-aalala ng kaniyang ina sa kaniya nang mapansin ang mga sugat sa kaniyang braso at binti. "Nadapa lang po ako kanina." Mabilis niyang pinahid ang mga luha at saka dahan-dahang tumatayo habang inaalalayan ng kaniyang ina. "Pasok na po ako sa kwarto. Gusto ko na pong magpahinga." "Kumain ka muna," sabi nito sa kaniya ngunit tinaggihan niya iyon lalo pa at wala na rin siyang gana upang kumain pa. Nagpasya na lang siyang dumiretso sa kaniyang silid at doon ibinagsak ang kaniyang katawan sa kama at ipinikit ang mga mata upang itago ang lahat ng sakit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD