"Saan ko naman kaya hahanapin ang mahal na prinsesa? Napakalaki ng mundo ng mga tao." Nagpalinga-linga si Odette habang pinagmamasdan isa-isa ang mga tao sa paligid. Nagbabakasakaling makikita ang nag-iisang tagapagmana ng kaharian ng Glacies. Halos ilang araw na rin kasi ang nakalilipas mula nang mapadpad siya sa naturang lugar ngunit magpahanggang nang mga araw na iyon ay hindi niya pa rin nasisilayan ang prinsesang kaniyang hinahanap. Marami na rin siyang napuntahang lugar ngunit bigo siyang matagpuan si Chioni. Ilang araw na rin siyang pagala-gala bilang isang alitaptap na ligaw at unti-unti na rin siyang nakakaramdam ng gutom at uhaw kaya nagpasya muna siyang tumigil at magpahinga kahit na sandali.
Hindi niya alam, nang mga oras na iyon ay halos abot kamay niya na ang matagal na hinahanap. Ilang metro lang ang layo nito habang nakatanaw mula sa bintana ng kanilang tahanan.
"Nay, bakit po iba ako sa ibang mga bata? Paano po ako nagkaroon ng powers?" Kagaya ng ibang bata ay mausisa rin siya. Punung-puno ng katanungan ang kaniyang isipan sa mga bagay-bagay lalo na sa tunay niyang pagkatao. Napapaisip kasi siya araw-araw dahil normal ang kaniyang mga magulang samantalang siya ay may kakaibang kapangyarihang taglay.
"Dahil espesyal ka, Anak."
"Anong espesyal sa batang 'yan? Hindi ko nga alam kung bakit naging anak ko pa ang isang 'yan?" sabi ng kaniyang ama na hindi nakaligtas sa kaniyang pandinig. Hindi niya masisisi ang ama kung bakit ganoon na lang ang laki ng galit nito sa kaniya. Bigla niyang naalala ang mga tukso sa kaniya ng ibang bata. Isa siyang halimaw na kahit na kailan ay hindi makagagawa ng mabuti sa kapwa. Hindi niya naiwasang maalala na nagawa niyang saktan ang isa sa mga ito dahil lang sa kagustuhan niyang protektahan ang kaniyang sarili.
"Tay, bakit po ba galit na galit kayo sa akin?" tanong niya matapos harapin ang ama na may namumuong mga luha sa mga mata.
"Alam mo kung bakit? Dahil hindi naman--"
"Henry! Tumigil ka na. Huwag ka namang magsalita nang ganyan sa bata. Inaano ka ba niya?" Lumapit naman ang kaniyang ina sa kaniya at niyakap siya habang nakikipagdiskusyon sa kaniyang ama.
"Tsk! Ewan ko ba sa 'yo kung anong pinakain sa 'yo ng batang 'yan at ganoon na lamang ang pag-aalaga mo sa isang 'yan. Kung tutuusin hindi naman natin responsibilidad na palakihin ang--"
"Henry! Sinabing tumigil ka na!" sigaw ng kaniyang ina. Dahil doon ay unti-unti nang naglandas ang mga luha sa kaniyang mga mata. Hindi niya kasi maunawaan kung bakit ganoon na lang kalaki ang galit sa kaniya ng kaniyang ama. Dahil ba kakaiba siya? Dahil ba para dito ay isa siyang halimaw gaya ng laging sinasabi sa kaniya ng ibang bata?
"Bahala nga kayo r'yan! Makalabas na lang. Himbis na makapagpahinga ako hindi ko magawa at nasisira ang araw ko sa tuwing makikita 'yang si Chioni." Pabalibag nitong isinara ang pinto nang makalabas na ng kanilang bahay.
Naupo naman ang ginang upang maglebel ang paningin nilang dalawa ng anak at hinawakan siya sa magkabilang balikat.
"Chioni, huwag mo na lang pansinin ang tatay mo. Marahil masama lang ang gising. Alam mo na baka stress lang din sa trabaho niya." Ngumiti sa kaniya ang kaniyang ina at kaagad na pinahid ang kaniyang mga luha.
"Siguro halimaw rin ang tingin sa akin ni tatay," humihikbi-hikbing sabi niya.
"Anak, huwag ka ngang mag-isip ng ganyan. Hindi ka halimaw. Sadyang may kakayahan ka lang na wala sa ibang bata."
Ngunit kahit na anong sabihin ng kaniyang ina ay hindi niya magawang maniwala lalo pa at maraming katanungan ang naglalaro sa kaniyang isipan. Dahil doon ay hindi niya maiwasang makaramdam ng pagkapoot sa sarili at iyon ang naging daan ng unti-unting pagbabago sa kaniya hanggang sa siya ay lumaki.
+++
5 years later...
"Chioni!"
Napalingon si Chioni sa pinanggagalingan ng boses. Si Elysia. Mula nang tumuntong siya sa high school ay kasa-kasama niya pa rin ito. Nagpasya silang lumipat ng school at doon bumuo ng panibagong pakikibaka sa araw-araw. Masasabi niyang malaki na ang naging pagbabago sa buhay niya mula nang tumuntong siya sa high school.
"Kadarating mo lang?" tanong nito.
"Oo. May teacher na ba tayo?" Kaagad niyang nilapitan si Elysia at magkasabay silang naglakad papunta sa may gym.
"Wala pa naman. Absent daw ang teacher natin sa first subject kasi may sakit. Swerte naman din at walang substitute dahil mga abala ang lahat sa kani-kanilang mga klase," sabi nito at saka binuksan ang pintuan ng gym.
"Ano pala ang gagawin mo rito?" tanong niya matapos ilapag ang bag sa isang upuang naroon.
"May ipapakita ako sa 'yo," sabi nito at tila may kinuha na kung ano sa loob ng bag.
Naglakad ito sa gitna ng gym at doon sinimulang magpalabas ng apoy sa kaniyang mga kamay. Unti-unti itong umangat mula sa kaniyang palad hanggang sa magmistulang apoy na lumulutang sa ere. Tumaas pa ito ng tumaas hanggang sa halos malagpasan na nito ang taas ng basketball ring.
"Wow!" bulalas niya.
"Eto na, Chioni. Huwag kang kukurap," at sa isang pagpitik lang ng kaniyang daliri ay kaagad itong sumabog ng pinung-pino na nagmistulang naggagandahang mga fireworks.
Hindi naiwasan ni Chioni ang mamangha nang makita iyon. Hindi niya akalaing maaari palang maging isang magandang tanawin ang likha ng apoy. Kumukutikutitap ito habang parang mga butil na bumabagsak sa sahig hanggang sa tuluyang maglaho. Dahil doon ay naalala na naman niya ang kakayahang mayroon siya. Ang kakayahang pilit niyang ikinukubli sa mahabang panahon dahil sa takot na makapanakit ulit at tuluyang mawalan ng kaibigan.
"Napakaganda, Elysia."
"Salamat, Chioni. Secret lang natin 'to ha? Kapag nalaman ni Kuya Elliot ang tungkol dito, tiyak kong magagalit 'yon lalo pa at ayaw na ayaw no'n na ginagawa ko lang laro ang paggamit nang apoy."
"Promise. Secret lang nating dalawa." Sabay silang napangiti sa isa't isa nang biglang may pumasok sa loob ng gym. Mabuti na lang din at wala na ang mumunting butil ng apoy sa paligid kaya kahit paano ay nakahinga sila nang maluwag.
"Nagka-cutting kayo ha..." sabi ng binatang nakatinging sa kanila.
"Wala kaya tayong teacher. E ikaw anong ginagawa mo rito?" tanong ni Elysia. Pinagmasdan ni Chioni ang binata sa kanilang harapan at hindi siya maaaring magkamali na si Wade ito. Ang kaklase nilang kasali sa basketball varsity team.
"Obvious ba?" Pinatalbog nito ang bolang hawak at saka inihagis patungo sa basketball ring. Hindi ito pumasok pero parang wala naman dito kung nakita nila iyon. Lumapit lang ito sa tumatalbog na bola at kaagad na kinuha iyon. "Oy! Ridere, ang tagal mo naman d'yan."
Napalingon si Chioni sa pintuan at nakita roon ang isa pang lalake. Hawak nito ang telepono habang tila may kausap at sa unang tingin na iyon ay nagkaroon siya ng kakaibang pakiramdam na hindi niya aakalaing magsisimulang bumago sa kaniyang buhay.