"Chioni, mauna na ako ha? Kita-kits na lang tayo bukas sa school."
"Sige, kita kits." Ngumiti pa siya habang kumakaway rito hanggang sa tuluyan na itong mawala sa kaniyang paningin.
Nang makaalis si Elysia ta tuluyan siyang mapag-isa ay hindi inaasahang may grupo ng mga estudyante ang lumapit sa kaniya. Bigla na naman siyang binalot ng kaba hindi dahil sa takot sa mga ito, kung hindi dahil sa takot na muli na naman siyang makapanakit ng ibang tao kagaya noon. Ni minsan kasi ay hindi niya ginustong manakit ng kahit na sino subalit dumarating sa puntong nais niya lang protektahan ang kaniyang sarili kung kaya nagagawa niyang lumaban. Pero sa pagkakataong iyon ay buo ang kaniyang loob na mananatiling tahimik at tatanggapin ang lahat ng pambu-bully ng mga ito.
"Hoy! Chioni, mukhang nag-iisa ka ha?" Si Jules, isa sa mga kilalang bully sa buong campus. Ilang beses na rin itong na-guidance ngunit tila hindi naman ito apektado sa bad record nito sa school. Madalas din itong mag-cutting classes o hindi naman kaya ay manghiya ng mga guro doon ngunit dahil sa laki ng ambag ng pamilya nito sa eskwelahang iyon kung kaya hindi nila magawang patalsikin ito sa paaralan. Paminsan pa nga ay binibigyan pa nila ito ng special treatment tuwing exam at events.
"U-umuwi na kasi si Elysia," tugon niya rito. Kaagad namang lumapit ang kabarkada nitong babae at hinawakan siya sa braso.
"Ang kinis naman ng balat mo nakakainggit. Mayaman siguro ang pamilya mo at alaga sa aircon ang balat mo," sabi nito habang tinitingnan siya mula ulo hanggang paa.
"H-hindi naman." Ilang na ilang siya ngunit pinili niya pa ring sagutin ang mga ito.
Mabilis naman na hinablot ng isa pang lalake ang kaniyang bag at binulatlat iyon.
"Woah! Ibang klase, naka-Iphone," sabi nito at sinimulang dutdutin ang cellphone niya.
"T-teka, akina 'yan." Sinubukan niyang kunin ang cellphone niya subalit tinulak lang siya nito dahilan para mapaatras siya at bumangga siya sa dibdib ni Jules.
"Huwag ka namang madamot, Chioni. Gusto ka lang naman namin makilala," sabi nito sa kaniya at napaigtad siya nang maramdaman niya ang kamay nito sa kaniyang hita.
"Uuwi na ako. Ibalik n'yo na sa akin ang phone ko," sabi niya habang yakap-yakap ang sarili.
"Ibabalik ko naman ang phone mo sa 'yo kung susundin mo ang ipag-uutos ko." Muling lumapit sa kaniya si Jules at sa pagkakataong iyon ay hindi niya na nagawang umatras pa ng harangan ang kaniyang likuran ng dalawa pang lalake na kasama nito. "Hihintayin ka namin mamaya sa tabing ilog. Aasahan ka namin doon kung gusto mo pang makuha ang mga gamit mo." Ngumiti pa ito sa kaniya bago nagsimulang umalis bitbit ang bag niya na naglalaman ng kaniyang mga gamit. Maging ang cellphone na regalo sa kaniya ng kaniyang ina na matagal nitong pinag-ipunan ay kinuha rin ng mga ito kaya alam niyang wala siyang pagpipilian kung hindi pumunta sa lugar kung saan nito nais na magkita sila.
Pagkauwi ng bahay ay nagtataka ang kaniyang ina kung bakit wala siyang bitbit na mga gamit ngunit hindi niya iyon pinansin. Kaagad siyang dumiretso sa kaniyang silid at nagpalit ng damit. Dali-dali siyang bumaba at lumabas ng bahay. Narinig niya pa ang pagtawag sa kaniya ngunit hindi niya na iyon pinansin. Nagtungo siya kaagad sa lugar na napag-usapan at tahimik na naghintay sa mga ito hanggang ilang minuto lang ay dumating na rin ang mga ito.
"Aba! Maaga ka sa usapan natin, Chioni ha?" Kaagad na lumapit sa kaniya si Jules at inakbayan siya. Napansin niyang tatlo lamang ang mga ito kumpara sa kanina na lima.
"Nasaan na ang gamit ko?" tanong niya.
Kaagad na initsa ng isa sa kabarkada nitong lalake ang kaniyang bag na sinalo naman ni Jules.
"Eto na, masyado ka namang nagmamadali." Akmang kukunin niya na iyon nang bigla nitong iangat ang hawak na bag kung kaya hindi niya na iyon nagawang abutin pa. Hanggang balikat lang nito ang taas niya kaya imposible sa kaniyang makuha iyon kahit na talunin niya pa ngunit sinubukan niya pa rin tumingkayad nagbabakasakaling maaabot niya ito ngunit nabigla siya nang bigla na lang nitong sunggaban ng halik ang kaniyang leeg kaya napaatras siya. "Woah! Masyado ka namang mailap." Mabilis nitong inihagis ang bag sa kasama nito kaya nagkaroon siya ng pagkakataon para tumakbo papunta rito ngunit bago pa siya tuluyang makalapit dito ay nagawa na siyang hatakin ni Jules sa kaniyang bewang at niyakap nang mahigpit. "Patikim lang kahit isa lang, Chioni. Ibabalik ko ang bag mo pagkatapos." Sinubukan niyang umalis mula sa pagkakayakap nito subalit kahit anong gawin niya ay lubhang mas malakas ito kaysa sa kaniya hanggang sa tuluyan na siya nitong maihiga sa batuhan. Nagsisigaw siya, humihingi ng tulong, nagbabakasakaling may makaririnig sa kaniya ngunit bigo siya. Alam niyang sa pagkakataong iyon ay tanging kakayahan niya lang ang siyang makatutulong sa kaniya. Nakita niya naman ang mabilis na inilabas ng dalawa ang kanilang cellphone at itinapat sa kanilang dalawa na sa tingin niya ay kinukuhanan silang dalawa ng video.
"Bitiwan mo ko! Tulong!"
"Isa lang naman, Chioni. Huwag ka namang madamot." Kaagad siya nitong sinikmuraan kung kaya halos mamilipit siya sa sakit na nararamdaman. Kaagad nitong pinunit ang kaniyang suot na blouse at ibinaba ang kaniyang short kaya hindi niya na napigilang mapaluha. Nangako siya sa sarili niyang hindi niya na uulitin ang nangyari noon subalit alam niya ring sa pagkakataong iyon ay kailangan niya iyon. Kaagad niyang itinuon ang kaniyang isip sa nais niyang gawin. Inilapat niya ang kamay sa batuhang kinahihigaan niya at ginawa itong yelo. Tila nagulat naman si Jules nang biglang manlamig ang tuhod niyang nakatukod sa batuhan at napansin ang pagyeyelo nito. Ngunit hindi ito nagpatinag at akma na naman sana siyang susunggaban ng halik nang mabilis na makagawa si Chioni ng patalim na yari sa yelo. Itinutok niya ito kay Jules kung kaya napaatras ito sa kaniya. Dahan-dahan siyang bumangon at inayos ang kaniyang sarili ngunit kahit na anong gawin niya ay kita na ang dumi sa kaniyang damit.
"Huwag kang magkakamaling lumapit sa akin," matapang na sabi niya habang nagngangalit ang kaniyang mga ngipin at hilam ng luha ang mga mata. Ginawa niya ring yelo ang paa ng dalawang kabarkada nito at gamit ang kaniyang hintuturo ay nagpalabas siya ng mga tila bulitas na nyebe at tinira ang mga kamay nitong may hawak na cellphone. Kaagad nila iyong nabitawan at nagsimulang lukuban ng takot. "Hindi ko kayo gustong saktan." Nananatiling nakatutok ang patalim na yelo kay Jules at halos hindi ito makapagsalita dahil sa takot. Akmang tatakbo na ito nang gawin niyang yelo ang inaapakan nito dahilan para madulas ito at mabuwal. Ginawa niyang yelo ang mga paa nito at nang makasigurong hindi na ito muling makakatakbo ay lumapit siya sa kaniyang bag at kinuha iyon. Niyakap niya iyon at saka nagpasyang umalis upang kalimutan na lang ang lahat ng nangyari sa araw na iyon.
+++
"Chioni, huwag mo na pansinin ang Jules na 'yon pati barkada niya. Nababaliw na siguro ang mga 'yon," sabi ni Elysia. Kita niya kung paano siya pasayahin nito sa kabila ng problemang kinahaharap niya. Sa totoo lang ay alam niyang maaaring ipakalat nila Jules ang tungkol sa kakayahang mayroon siya. Mabuti na lang din at walang naniniwala sa mga ito dahil alam ng nakararami na isang malaking kalokohan na magkaroon ng isang kakaibang kapangyarihan ang isang normal na tao.
Ngumiti na lang siya at nagkunwari sa harap ng kaibigan kahit na ang totoo naman talaga ay ginawa niya iyon. Ginawa niya ang bagay na iyon para protektahan ang kaniyang sarili laban sa mga ito. Alam niyang sa oras na iyon ay wala siyang pagpipilian kung hindi ang lumaban kaysa naman sa tuluyan nitong magawa ang masamang binabalak laban sa kaniya. Iyon nga lang, hindi niya maiwasang makaramdam ng pagkakasala sa kaibigan dahil pakiramdam niya ay nagsisinungaling siya rito. Habang pilit niyang ikinukubli ang tunay nitong pagkatao ay ganoon na lang ang paniniwala nito sa kaniya na isa siyang normal na taong nabibilang sa mundong iyon. Dahil doon ay hindi na naman niya naiwasang makaramdam ng galit sa sarili at sa kakayahang mayroon siya. Pakiramdam niya ay dinadala lang siya nito sa kapahamakan.