CHAPTER 1

1099 Words
“Halimaw! Isa kang halimaw!”   Napaupo na lang si Chioni sa kalsada habang yakap-yakap ang sarili at isinubsob ang mukha sa magkabilang tuhod. Dahil sa mga panunuksong iyon ng mga kabataan sa kanilang lugar pakiramdam niya ay walang kahit na sino man ang tatanggap sa kaniya. Araw-araw ay laging ganoon. Paulit-ulit niyang naririnig ang mga salitang iyon mula sa mga ito.   “Hindi ako halimaw,” mahinang sabi niya na tiyak naman niyang hindi maririnig ng mga ito dahil sa lakas ng mga boses na nagmumula sa mga ito.   “Umalis ka rito! Ayaw ka naming kalaro dahil halimaw ka!” sabi ng isa sa mga batang nakapalibot sa kaniya pagkaraan ay itinulak siya dahilan para mapaupo siya sa sahig at malantad ang luhaan niyang mga mata. Dahil sa labis na takot nab aka saktan siya ng mga ito at hindi niya naiwasang itapat sa mga ito ang kaniyang palad at malakas na pagbuga ng nyebe ang lumabas sa kaniyang palad na naging dahilan para tumilapon ang isa sa mga ito at masugatan sa ulo.   Kaagad nagsigawan ang mga ito at nilapitan ang kaibigan nilang nasugatan. Kasalukuyan itong umiiyak habang nanlilisik ang mga matang nakatingin sa kaniya.   “Isusumbong kita sa nanay ko! Halimaw ka! Gusto mo akong patayin!” Kaagad itong tumayo mula sa pagkakaupo habang sapo ang noong may sugat. Nagtatakbo ito paalis na kaagad namang sinundan ng mga iba pang kabataang kalaro nito.   Nais niya mang magpaliwanag ay hindi niya alam kung anong sasabihin sa mga ito lalo pa at alam niyang hindi naman siya pakikinggan ng mga ito.   +++   Mabibigat ang kaniyang mga hakbang na umuwi sa kanilang bahay. Binati pa siya ng kaniyang ina na si Julia ngunit hindi niya iyon pinansin at diretso lang na nagtungo sa kaniyang silid at doon nagkulong ng sarili.   Pabagsak siyang naupo sa sahig pagkasara niya ng pinto at doon ay inilapat ang kaniyang likod.   “Hindi ko sinasadya.” Doon niya lang din pinakawalan ang sama ng loob at mga luhang hindi niya lubusang mailabas kapag nasa harap ng mga batang tumutukso sa kaniya. Hindi niya naiwasang kamuhian ang sarili dahil sa mga nangyayari. Paulit-ulit niyang tinatanong sa sarili kung bakit siya naiiba sa lahat gayong normal naman ang kaniyang mga magulang?   Nagulat na lang siya nang makarinig ng mga pagkatok mula sa kaniyang pintuan. Kaagad niyang pinahid ang kaniyang mga luha at patakbong sumubsob sa kaniyang kama bago niya tinalukbungan ng kumot ang kaniyang sarili. Narinig niya pa ang pagbukas ng pinto at sa boses pa lang ng kaniyang ina ay ramdam niya na kaagad ang pag-aalala nito sa kaniya bagay na labis niyang kinaiinisan lalo pa at alam niyang wala naman maidudulot na mabuti sa kaniya ang pag-aalala ng mga ito.   “Anak, may problema ba? Anong nangyari?” tanong nito subalit hindi niya iyon pinansin at hinayaan niya lang ito na magsalita roon. Unti-unti niyang naramdaman ang paglubog ng kutson ng kaniyang kama sa kaniyang tagiliran senyales na may naupo o pumatong rito. “Nagpunta rito ang kalaro mo kasama ang nanay niya.”   Kalaro? Wala akong kalaro. Wala akong kaibigan dahil halimaw ako.   Iyon ang paulit-ulit na binibigkas ng kaniyang isipan lalo pa at nabahiran ng kasamaan ang mga palad niya nang may masaktan siyang isang batang kagaya niya. Hinawakan niya ng mahigpit ang kobre-kama at saka muling tahimik na ibinagsak ang mga luha sa kaniyang unan nang biglang marinig niya ang galit na tono no ng kaniyang ama.   “At talagang hindi mo na kami binigyan ng kahihiyan? Ano na naman ang gusot na pinasok mo? Galit na galit ang nanay ng ng kalaro mo at sinaktan mo raw ang anak nila. Sinabi na naming sa iyo, hindi ka kagaya ng mga bata sa labas kaya huwag kang umasang tatanggapin ka nila dahil lang sa isa ka ring bata.”   “Mahal, huminahon ka. Pakinggan muna natin ang paliwanag ng anak mo,” pakiusap ng kaniyang ina. Naramdaman niya pa ang pagtayo nito mula sa pagkakaupo sa kama. Kita niya rin ang anino nito mula sa labas ng kaniyang kumot na tila inaawat ang kaniyang ama sa labis na galit sa kaniya.   Nasa ganoong posisyon siya nang biglang haltakin ng kaniyang ama ang kumot na nakabalot sa kaniyang katawan at kaagad niyang naramdaman ang hagupit ng malapad na sinturon sa kaniyang puwetan.   “Mahal, huwag mo namang saktan ang bata.” Patuloy ito sa pag-awat sa kaniyang ama habang siya naman ay patuloy sap ag-iyak gawa ng sama ng loob at sakit mula sa hagupit ng sinturon.   “Kaya hindi tumitino ang batang iyan ay dahil na rin sa pagkampi-kampi mo riyan. Kung alam ko lang na magiging ganyan ang batang iyan hindi na sana—” Naputol ang sasabihin nito nang sampalin ito ng kaniyang ina.   “Tumigil ka na, Henry!”   Tila doon lang ito nahimasmasan at tumahimik.   “Bahala kayong dalawa sa buhay n’yo!” Padabog itong lumabas ng silid at saka pabalibag na isinara ang pinto.   Kaagad namang lumapit ang kaniyang ina sa kaniya upang yakapin at aluin ngunit itinaboy niya ito at itinulak palayo sa kaniya.   “Huwag n’yo kong hawakan! Parehas lang kayo ni tatay! Tingin n’yo sa akin ay isang halimaw!” Kaagad siyang bumaba mula sa kaniyang kama at patakbong tinungo ang palabas ng kanilang tahanan. Pakiramdam niya nang mga oras na iyon ay wala siyang kakampi. Lahat na lang ay kinamumuhian siya nang dahil lang sa kapangyarihang taglay niya. Pilit niya mang isipin na kakampi niya ang kaniyang ina ay hindi niya magawa lalo pa at patuloy siyang nilalamon ng galit sa kaniyang sarili. Sa edad niyang sampung taong gulang ay para na siyang matanda mag-isip dahil daig niya rin ang iba pagdating sa problemang kinahaharap. Isa lang naman ang ninanais niya – ang tanggapin siya ng lahat sa kabila ng pagiging kakaiba niya sa lahat.   Napahinto siya sa pagtakbo sa isang bakanteng bahay na wala nang naninirahan. Pumasok siya roon at isinalampak ng upo ang kaniyang puwetan sa sahig. Madumi man ito ay hindi niya alintana lalo pa at gusto niya lang na magpahinga. Kapansin-pansin ang mga agiw sa loob ng bahay senyales na matagal na ito hindi natitirhan. Ibinuka niya ang kaniyang kamay at pinagmasdan ang kaniyang mga palad. Itinapat niya ito sa kisame at sa isang sandali pa ay nagliwanag ang kaniyang mga kamay at nagpakawala ito ng tila ilaw na tumama sa kisame. Mula roon ay unti-unting bumagsak ang mumunting nyebe sa loob ng kabahayan habang siya naman ay dahan-dahang nahiga sa sahig at doon hinayaan ang sariling tuluyang lamunin ng antok.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD