Hawak hwaka pa rin ni Nia ang kwintas nang muli niyang baybayin ang masukal na gubat. Nanatiling alerto ang kanyang mga mata at tainga, handa sa kung ano man ang muling sumugod sa kanya. Ngunit nang dahil sa lakas ng liwanag ng kayang Karisma ay natakot ang iba pang halimaw roon. Naramdaman sa buong kagubatan ang lakas ng kanyang Karisma.
Nabuhayan ng loob si Nia nang maaninag ang liwanag na nanggaling sa dulo ng kagubatan. Lagusan ang agad na pumasok sa isip niya. Kahit na pagod na pagod ang mga paa niya at nanginginig na ay nagawa niyang makatakbo. Wala siyang ibang nais kungdi ang makita ang kanyang lola.
Halos madapa siya nang tuluyang makalabas ng gubat. Malakas ang hangin nip na sumalubong sa kanyang mukhang luhaan. Wala ng sapin ang kanyang mga paa na hindi na niya maalala kung kailan at saan natanggal at nawala. Wala na iyon sa isip niya. Isang direksyon lang ang tinignan niya. Ang bayan ng Ilmis.
Ngunit bago pa man siya muling maka hakbang ay mga yapag ng tumatakbong kabayo ang narinig niyang papalapit sa kanya. Sa pagtingin niya sa direksyon ng mga yapag ay lulan si Vexx ng isa sa mga iyon. Hindi na nagawang makatakbo ni Nia kahit pa gusto niyang tumakas.
"Hindi ka makakatakas, kriminal!" Ngumisi si Vexx nang makaharap si Nia. Sabay na bumaba ang mga kasama niyang sundalo para huliin si Nia. "Dalhin n`yo ang kriminal sa konseho."
Tinali ang dalawang kamay ni Nia sa kanyang likod saka ito sinakay sa isa sa mga kabayo. "H-hindi ako ang kriminal! Hindi ako ang pumatay sa prinsesa! Pakawala n'yo ako!"
Bumuhos ang luha ni Nia nang matanaw ang bayan ng Ilmis. Kaunti nalang ay makakauwi na siya. Makikita na niya ang kanyang lola. Ngunit sadyang mailap ang kapalaran sa kanya.
Marahas na itinulak si Nia ng kawal na naghatid sa kanya sa kulungan na nasa ilalim ng unang palapag ng palasyo. Nakasunod sa kawal si Vexx na itusang iwan sila matapos maikandado ang kulungang gawa sa bakal.
Nagkaroon ng lakas ng loob si Nia nang lingunin niya si Vexx. "Sinungaling ka! Ikaw! Ikaw ang pumatay sa prinsesa! Sasabihin ko sa kanilang lahat ang ginawa mo. Kitang kita ng dalawang mata ko kung paano mo pinatay si Prinsesa Ifri!"
"At sa palagay mo ba may maniniwala sa `yo?" Ngumisi si Vexx. "Baka nakakalimutan mo, lahat kaming Kusai ay naroon. Anim laban sa isa? Anong laban mo?"
Binalot ng takot si Nia. Naisip niyang tama si Vexx. Wala siyang estado sa lipunan. Hindi man siya kilala ng mga tao. Malaki ang respeto at tiwala ng mga tao sa mga Kusai.
"Wala ka ng takas rito, Prinsesa Nia." Humalakhak si Vexx nang iwan niya lumuluhang si Nia.
Wala siyang nagawa kundi ang mahiga sa maipis na banig at doon umiyak. Naisip niya ang kanyang lola na maiiwan mag isa. Dalawa lang ang maaari niyang kaharapin sa krimeng ibinibintang sa kanya. Iyon ay ang pagkakulong o kamatayan. Alam niyang malaki ang tiyansang kamatayan ang ipapataw sa kanya. Gustuhin man niyang ibalik ang nakaraan ay wala na siyang magagawa.
"Patawad, Lola."
Hindi man siya nakauwi para muling masilayan ang kanyang lola ay naisip niyang mas nakabuti na iyon. Hindi na madadamay ang mahal niyang lola sa nangyayari.
Nagising si Nia nang buksan ang kandado ng kanyang kulungan. Dalawang kawal ang kumaladkad sa kanya palabas ng selda. Hinila siya sa buhok ng isa sa kawal habang ang isa naman ay sinipa ang kanyang likod. Maririnig ang malakas na sigaw ni Nia na labis ang sakit na nararamdaman sa marahas na pagkaladkad sa kanya paakyat ng palasyo.
"Bagay lang sa `yo ang mamatay!" Galit na galit sa kanya ang mga kawal na imbes na hayaan siyang makalakad sa hagdan ay patuloy siyang hinila sa buhok. Wala silang pakialam kahit masaktan si Nia.
Sa paglabas palang ni Nia sa pintong magdadala sa kanya sa bulwagan ay hiyawan ng mga galit na galit na mamamayan ang sumalubong sa kanya. Maraming nagtapon ng mga gamit sa kanya at ang ilan pa ay dinuraan siya. Walang magawa si Nia kundi ang tanggapin lahat ng ibinabato sa kanya.
Nang maipwesto si Nia sa gitna ng bulwagan ay kinalampag ng hukom ang kanyang maso na nagpatahimik sa lahat ng taong nanonood.
"Magsisimula na ang paglilitis! Kung sino man ang tumututol sa hukumang ito ay magsalita na."
Alam ni Nia na walang sasalungat para sa kanya. Pero handa siyang lumaban. Alam niya ang katotohanan. Naniniwala siyang mananaig ang katotohanan.
"Kung gayon, simulan na natin ang paglilitis. Kusai, ano ang nangyari sa loob ng dambana?"
Bumaling ng tingin si Nia kay Vexx na nakatayo hindi kalayuan sa kanya. "Ang kriminal na ito ay sinamantala ang pagtanggap sa sagradong pagsasalin upang isakatuparan ang kanyang masamang hangarin. Kitang kita ko nang bunutin niya ang dalang patalim at sinugod ang prinsesa."
"Sinungaling ka! Wala akong kasalanan!"
"Malamang ang buong akala niya ay nagtagumpay siya sa pagpatay sa prinsesa. Makinig kayo mga kababayan ko, buhay pa ang prinsesa ngunit kaunti nalang ang natitirang lakas ng kanyang buhay."
Ipinakita ng isang kawal ang isang malaking salamin na kung saan makikita si Prinsesa Ifri. Lumulutang ang kanyang katawan sa kalawakan. Bakas pa ang dugo sa kanyang magandang damit. At kapansin pansin ang pamumutla ng kanyang balat.
"Prinsesa Ifri."
"Nilapastangan niya ang ating prinsesa. Nararapat lang ang kamatayan sa kanya!"
"Patayin n`yo ang kriminal na `yan!"
Lahat ng marinig ni Nia ay iisa lang ang nais paturan at iyon ay ang magbayad siya at mamatay sa kasalanang hindi naman siya ang may gawa.
"Magsitigil kayo!" Muling kinalampag ng hukom ang kanyang maso para patahimikin ang mga tao.
"Kailangan ko ring humingi ng tawad sa inyo. Sa ngalan naming mga Kusai, humihingi ako ng tawad na hindi namin naramdaman ang masamang hangarin ng kriminal." Yumuko si Vexx sa harap ng mga tao. Maririnig ang mga bulung bulungan nila na nakikisimpatsya sa tunay na kriminal.
"Hindi ko alam kung paano ninyo napaniwala si Prinsesa Ifri na tapat kayo sa kanya. Ikaw! Ikaw ang nag plano ng lahat. Kayong mga Kusai na labis niyang pinagkatiwalaan ang mismong nanakit sa kanya!" Halos mapatid ang mga ugat sa leeg ni Nia sa pagsigaw niya. Umaasa pa rin siya na paniniwalaan siya ng mga tao.
"Ang sinasabi mo ba, na kaming tapat niyang tagapangalaga ang sumira sa tiwala niya?"
"Oo! Dahil iyon ang katotohanan! Ang lakas ng loob mong tawagin ang sarili mong tapat niyang tagapangalaga! Sinira mo ang tiwala ng prinsesa. Demonyo ka! Demonyo kayong lahat!"
Hindi nakasagot si Vexx dahil hindi niya inaasahan na sasagot si Nia. Hindi niya inaasahan na ipagtatanggol pa niya ang sarili niya.
Nang bigla na lamang nagsalita ang nakakikilabot ng boses na minsan ng narinig ni Nia. "Ganyan ka na ba kadesperadong takasan ang kasalanan mo?" Si Zarlo. Isa sa mga Kusai ng prinsesa. "Nakakasuka ka. Inalagaan namin ang prinsesa na kahit buhay namin ay iaalay namin sa kanya. Kami ang unang nakasaksi sa pagkalugmok niya. Walang kapantay ang pagsisisi naming hinayaan ka naming makalapit sa kanya. Ngayon sabihin n`yo, sino ang nagsasabi ng katotohanan dito?"
Nasigawan ang mga tao na panig sa mga Kusai. Kamatayan ang sigaw nila para mapagbayaran ang nangyari sa kanilang prinsesa.
"Lapastangan ang babaeng iyan para ibintang sa mga Kusai ang krimeng kanyang ginawa!"
"Huwag n`yo ng patagalin pa! Patayin na `yan!"
"Patayin! Patayin!"
Sa huling beses ay kinalampag ng hukom ang kanyang maso. Handa na siya sa hatol para kay Nia. "Hindi sapat ang kamatyan sa krimeng ginagwa ni Nia Olivia. Hinahatulan ko siyang ipatapon sa Zaffhis!"