Pinagmamasdan ni Vexx ang barkong sinasakyan ni Nia papuntang Zaffhis nang lapitan siya ni Zarlo. Kapwa suot ang kani kanilang damit panlaban na handa anumang oras. Nakasabit ang malaking espada sa likod ni Zarlo na hawak ang kapangyarihan ng lupa at mga bato. Habang nakatago naman sa tagiliran ni Vexx ang kanyang Karisma na mas maliit na espada na taglay ang kapangyarihan ng apoy.
"Bakit hindi mo siya pinapatay? Tapos na ang papel niya." Paturan ni Zarlo na ang pagharap nila kay Nia sa mga tao ay para lamang mapabango ang kanilang pangalan at para huwag silang pagdudahan.
"May kailangan pa ako sa kanya." Hinarap ni Vexx ang kausap at bahagyamg tumingala para matignan siya sa mata. "Hindi mo ba naramdaman, may Karisma siyang dala."
"Hindi ka pa ba tumitigil sa pangongolekta ng mga Karisma? Nakuha na natin ang kalayaang gusto natin. Magagawa na natin ang plano. Magiging sagabal lamang ang babaeng iyon sa tuluyan nating paghahari sa Daestre." Sadyang malamlam ang mga mata ni Zarlo na kahit matagal na siyang kakilala ni Vexx ay hindi pa rin niya mabasa ang mga ito.
Umiling si Vexx. "Kailangan kong makuha ang Karisma niya. Kailangan kong makita ang kakayahan niyon."
Tumalikod si Zarlo. "Siguraduhin mo lang na hindi magiging problema ang babae `yon."
Sa loob ng palasyo may isang silid na kung saan nakatala ang iba't ibang Karisma na nakuhanan na ni Vexx ng impormasyon. Kahon kahong mga librong patungkol sa kasaysayan ng mga ito, abilidad, pangalan, at iba pang impormasyon. Muli niyang binuklat ang mga libro upang hanapin ang pamilyang kinabibilangan ni Nia Olivia-ang pamilya Laurenas. Ngunit wala siyang mahanap patungkol sa Karisma. Walang nakasaad roon kung mayroong inaalagaang Karisma ang pamilya Laurenas. Bigong mahanap ni Vexx ang nais niyang malaman.
"Hinahanap na tayo ng iba." Napalingon si Vexx sa lalaking nagsalita na dumungaw lang sa pintuan. Si Dhamir. Isa sa mga Kusai na tagapangalaga ng prinsesa. Hawak niya ang Karisma na may taglay na kapangyarihan ng tubig.
Katulad ng dati ay nakatali ang mahabang asul na buhok ni Dhamir na ikinaiinis ni Vexx. Para sa kanya ay hindi bumabagay sa isang magiting na Kusai ang pagkakaroon ng mahabang buhok. "Para saan?" Muling bumalik sa pagbabasa si Vexx.
"Huling pagpupulong bago tayo bumalik sa mga bayan natin. Sumunod ka na."
Hindi na sumagot si Vexx at hinayaan na ring makaalis si Dhamir. Sinara ni Vexx ang hawak niyang libro. Hindi niya naiwasang mainis sa pagpupulong na dapat siya ang magpapatawag. Nagkasundo sundo ang anim na Kusai na siya ang mamumuno sa himagsikang inaasam nila. Pagkakasunduan nila ang plano at siya ang gagawa at tatapos nito. Kaya hindi niya maintindihan kung para saan pa ang huling pagpupulong kung napag usapan na naman nila ang lahat.
Dinatnan niyang nakaupo na sa tapat ng mahabang mesa ang lima pang Kusai. Nandoon na si Dhamir at si Zarlo na magkalapit sa kinauupuan. Katapat nila si Benos na taglay ang Kusai na may kapangyarihan ng hangin. Kasunod si Iljun, na hawak ang Kusai ng kidlat. At ang huli, si Murdon na tagapangala ng Kusai ng kalikasan.
"Para saan pa ba `to?" Lumapit si Vexx pero hindi na umupo. Walang siyang hilig sa mga pagpupulong dahil maikli ang kanyang pasensya.
"Ngayong tapos na ang unang plano, babalik tayo sa mga bayan natin katulad ng napag usapan," sabi ni Dhamir.
"Paano ang hari? Kailangan ba natin siyang problemahin?" sabi naman ni Ijun na itinaas pang paa sa mesa upang makaupon ng kumportable.
"Matanda na ang hari. Wala na siyang nagagawa pa. Sinabihan ko na rin ang mga kawal at iba pa rito na huwag sabihin sa kanya ang nangyari sa prinsesa." Maayos ang upo ni Iljun ngunit bakas sa mukha niya ang inis kay Vexx na simula palang nang maging parte sila ng Kusai sa palasyo ay hindi na sila magkasundo.
"Hahayaan muna nating isipin ng mga tao na mayroon pang namumuno sa kanila mula sa pamilya Laurenas. Sulitin muna natin ang kalayaan natin bago tayo magpatuloy sa plano," sabi naman ni Murdon.
"Handa na akong umuwi, may pag uusapan pa ba?" Naiinip na sabi ni Benos.
"Teka. Teka nga!" Hinila ni Vexx ang upuang nakalaan para sa kanya. "Pinatawag n`yo pa ako wala naman kailangan pag usapan. Pero dahil nandito na rin tayo, gusto kong ipaalam sa inyo na sa palagay ko, may hawak na Karisma si Nia Olivia."
Nanatiling tahimik ang lahat. Wala ni isa sa kanila ang nakapansin sa sinasabi ni Vexx. Bumaling ng tingin sa kanya si Zarlo. "Hindi ko pakikialam kung anong gusto mong gawin sa babaeng iyon. Huwag mo lang hahayaang maging problema siya dahil sa oras na mangyari iyon, ako mismo ang tatapos sa buhay niya."
"Hindi ba dapat pinatay mo na siya?" tanong ni Dhamir.
"Mayroon nga siyang Karisma. Kailangan kong makita iyon. Kailangan kong malaman kung anong klasing kapangyarihan meron ang Karisma niya!" Napatayo sa galit si Vexx.
Kilala nilang may obsesyon si Vexx sa mga Karisma at pinili nalang nilang huwag siyang pansinin. Sinipa ni Vexx ang upuan bago ito naglakad palabas. Ngunit natigilan ito nang marinig si Iljun. "Zarlo, sigurado ka bang kayang tapusin ni Vexx ang plano? Hindi ako kampante sa inaasta niya."
Nakakamao na si Vexx at handa ng bunutin ang kanyang Karisma para kay Iljun nang marinig niyang sumagot si Zarlo.
"Kaya niya. Siya lang ang makakagawa upang maisakatuparan ang plano."
Muling binitawan ni Vexx ang Karisma niya at umalis na nang tuluyan.
"Tapos na ang pagpupulong. Sulitin ninyo ang oras kasama ang inyong pamilya't mga kababayan." May ngisi sa labi ni Zarlo na madalang lamang niyang ipakita. Ngunit ngisi iyon ng isang planong siya lamang ang may alam.
Nangagalaiti pa rin sa galit si Vexx nang bumalik siya sa slid para magbasang muli. Ngunit hindi maalis sa isip niya ang sinabi ni Iljun. "Kaya ko! Kayang kaya kong ituloy ang plano. Ano bang mahirap sa pagsakop sa maliit na bayan sa labas ng balwalte ng palasyo? Wala!" Binunot niya ang kanyang Karisma. "Nasa akin ang pinakamalakas na Karisma. Walang sinumang maglalakas loob na labanan ako."
Nagliyab ang Karisma. "Pasalamat ka, Iljun. Kung wala lang si Zarlo tiyak nakatikim ka na ng apoy ko!"
Unang pagpupulong palang nila sa planong gagawin ay hindi na siya duda na sa kanya si Iljun. Naniniwala siyang walang sapat na kakayahan si Vexx para pangunahan ang pagsakop sa mga bayan. Kung hindi magtatagumpay si Vexx sa pagsakop ay hindi matutuloy ang kasunod na plano na kanilang paghahari sa bansang Daestre. Silang anim ang tatayong mga pinuno sa bansa--iyon ang planong napag usapan nila. Napapayag ang lahat dahil sakal na sakal na sila sa mga patakan ng prinsesa at ng palasyo na pumipigil sa kanilang gamitin ang kani kanilang Karisma kung hindi naman kailangan. At nang dahil sa tungkuling pangalagaan ang prinsesa ay hindi na sila nakabalik sa kanilang mga pamilya. Sumang ayon sila sa planong patayin ang prinsesa nang maging malaya sila.
"Makikita mo, Iljun. Makikita ninyong lahat. Ako ang tatapos sa inumpisahan nating rebelyon."