Chapter 3

1048 Words
“Hanapin niyo ang kriminal! Nia! Nia Olivia ang pangalan niya. Magmadali kayo!” Inutusan ni Vexx ang lahat ng kawal na pawang nakikisaya rin sa maganda sanang kaganapan. Malakas ang agos ng ilog na halos hindi nakakuha ng hangin si Nia. Mabuti na lamang at lumiwanag na at napunta siya sa ilog na nasa labas na ng dambana. Sa kanyang pag-ahon sa tubig ay agad siyang humawak sa sangang magdadala sa kanya sa lupa. Basang-basa ang maganda niyang kasuotan at nasira na rin ang magandang pagkakaayos ng kanyang buhok. Habol-hininga pa rin siya nang makahiga sa lupa at tumingala sa kalangitan. “Himagsikan? Bakit nila gagawin iyon? Pinagkakatiwalaan sila ng prinsesa. Pinagkakatiwalaan sila ng taong-bayan. Paano nila nagawang pagtaksilan ang prinsesa?” Hindi mapigilan ni Nia ang maiyak sa mga nangyayari’t nasaksihan. Alam niyang kailangan niyang magsumbong sa krimeng nakita. Hindi niya alam kung ano ang gagawin at kung sino ang pagkakatiwalaan. Hindi pa man nakakabawi sa paghangos ay natunton si Nia ng mga kawal. “Ang kriminal!” Hindi man maintindihan ni Nia kung bakit siya tinawag na kriminal ay agad itong tumayo at tumakbo. Matulin na tumakbo si Nia kahit pa wala itong ideya sa daang tinatahak. Ang nais lang niya ang mawala siya sa paningin ng mga kawal na humahabol sa kanya. Hanggang sa matanaw niya ang gubat na may makapal na halamang nakapailibot dito. Bagamat nakakaramdam ng kakaibang awra si Nia sa lugar ay hindi niya ininda iyon. Pumasok siya sa gubat at patuloy na tumakbo. Sa isip niya ay nais niyang makauwi sa Ilmis. Gusto niyang makita ang kanyang lola at magsumbong sa lahat ng nasaksihan. “Nasaan ang kriminal?” Lulan ng kabayo si Vexx na agad sinundan ang mga kawal na nakakita kay Nia. “Pumasok siya sa Gubat ng mga Halimaw.” Ngumisi si Vexx. “Isang hangal. Bumalik na kayo sa palasyo. Hindi na siya makakabalik ng buhay.” Tumigil si Nia sa pagtakbo nang masiguradong wala na ang mga kawal na humahabol sa kanya. Sa isang malaking puno sumandal si Nia upang maghabol ng hininga. Sa pagtingin niya sa paligid ay mga malalaking puno lamang ang kanyang nakikita. Ang mabigat at kakaibang awra na naramdaman ay naroroon pa rin na tila ba lalong lumalakas pa. Dahil sa malalabong na puno ay kaunting liwanag lamang ang sumisirot sa lugar. “Kailangan kong makabalik ng Ilmis.” Muling gumuhit ang mala-demonyong mukha ni Vexx sa kanyang isipan. Hindi niya alam kung bakit pero kinabahan siya nang makita sa isip ang mukha ng kanyang mahal na lola. Muling tumingin si Nia sa gubat. Hindi na niya makita ang lugar na pinasukan niya. Wala na itong ibang maisip kundi ang ipagpatuloy ang paglalakad sa pag-asang malabas sa kabilang dulo nito. Ngunit sa pagdaan ng minuto ay mahaba at walang katapusan ang gubat. Gumagapang na rin ang lamig sa basa niyang katawan. Minadali ni Nia ang paglalakad ngunit natigilan ito nang makarinig ng unggol. Hindi man niya nakikita pero alam niyang sa hayop nanggaling ang unggol na iyon. Pinakiramdaman ni Nia ang unggol upang malaman kung saang direksyon iyon nanggagaling. Bagamat magaling sa pangangaso ni Nia ay wala siyang dalang armas na maari niyang gamitin sa pagpatay rito. Nang bigla na lamang sumulpot ang isang mabangis na halimaw. Taliwas sa iniisip niyang sa hayop lamang nanggaling ang unggol ay halimaw pala ang nagmamasid sa kanya. Tila pinaghalong itim na lobo at patay na puno ang katawan ng halimaw na may nalilisik na pulang mga mata. Bukas ang bibig nitong punong-puno ng likidong umuusok na tila ba nakakamatay na likido. Labis ang laki ng halimaw kay Nia na kahit labanan niya iyon alam niyang wala siyang pag-asang mabuhay. Noon lamang niya naalala ang usapan-usapan noon sa kanilang bayan tungkol sa Gubat ng mga Halimaw. Walang nakakalabas roon ng buhay. Gayunpaman ay hindi nagpakita ng kahinaan si Nia. Sa hindi kalayuan ay may naaninag siyang makinang na bagay. Sa gilid ng kanyang mga mata ay para iyong isang matulis na bagay. Muling umunggol ang halimaw na humakbang papalapit kay Nia at sinunggaban siya. Ginamit iyong pagkakataon ni Nia upang pumailalim sa katawan ng halimaw at puntahan ang makinang na bagay. Hindi siya nagkamali. Matulis na sibat ang makinang na bagay na iyon na maaaring pagmamay-ari ng mga taong nakapasok na roon. Pero sa laki ng halimaw, isang hakbang lamang ay nakalapit na agad ito kay Nia. Napaurong si Nia at napasandal sa puno. Amoy niya ang mala-asidong likidong nanggagaling sa bibig ng halimaw. May takot man ay hindi nag-atubili si Nia na itarak ang sibat sa kaliwang mata ng halimaw. Umurong ang halimaw dahilan upang makatakbo si Nia. Nagliyab ang damit ni Nia na napatakan ng likido. Mabilis niya iyong pinunit at itinapon. Kahit pa matulin ang pagtakbo ni Nia at nakalayo na ay mabilis siyang nahabol ng halimaw na galit na galit sa nangyari. Berde ang dugong tumatagas sa mata ng halimaw na kung saan nakabaon pa rin ang sibat. Sa muling paglundag ng halimaw ay bukas na ang bibig nito na handang-handa na siyang lamunin. Mainggat na umurong si Nia na iniiwasan ang mga likidong pumapatak. Ngunit nakatabing si Nia ng sangang nakapaibabaw sa lupa dahilan para matumaba siya. Napaluha na lamang si Nia sa kasiguraduhang kahihinatnan niya. Pikit-mata niyang tinaggap ang kamatayang hahatol sa kanya. Nang ang luha ay pumatak sa palawit sa kwintas na bigay ng kanyang lola. Umilaw ang palawit na araw na may marka ng mukha na bumulag sa halimaw. Sa bawat segundong dumaraan ay palaki nang palaki ang liwanag na nangagaling sa kwintas. Malakas na unggol ang pinakawalan ng halimaw bago ito tuluyang sumabog at mawala na parang bula. Nang humupa ang liwanag ay nagawa nang imulat ni Nia ang mga mata. Wala na ang halimaw sa kanyang harapan at kahit na anong bakas niyon ay wala na siyang nakita. Laking pasasalamat niya sa kwintas at dahil doon ay ligtas siya. “Isa itong… Karisma?” Hindi makapaniwala si Nia sa napagtanto. Hindi niya alam na may Karismang hawak ang kanyang lola. Hindi ganoon kalawak ang kaalam ni Nia tungkol sa mga Karisma ngunit alam niyang lumalabas lamang ang kapangyarihan ng isang Karisma sa taong pipiliin nitong umangkin sa kanya. “Ibig bang sabihin nito, ako ang pinili mo?” Tumingin si Nia sa palawit na kanyang hawak. “Isa akong Kusai?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD