Alam ni Zenon na tatayo si Leo para pigilan ang utos para kay Nia kaya bago pa man ito makatayo ay pinigilan na niya ito. "Huwag. Lalo lang niyang magdidiskitahan si Nia kung gagawin mo `yan." Tinignan sila ng isa sa mga pirata kaya naman tumigil si Zenon sa pagsasalita. Hindi dahil natatakot siya kundi dahil iniiwasan niyang mahalata nila na may alam siya tungkol sa kanila. Minsan nang nakita ni Zenon ang grupo ni Binibining Malina na kung tawagin ay Maskarado. Mga pirata silang nagtatrabaho para sa mga tiwaling taong gobyerno. Kilala rin sila sa pananakot at pagnanakaw sa mga bayang malapit sa dagat. Isa isang pinatayo ang mga lalaking bihag at pinapila. Habang ang mga babaeng bihag ay dinala sa loob ng barko para salain depende sa kanilang ganda. Kung mas maganda ay mas malaki ang p