Nanatiling nakasunod si Nia kay Leo habang binabaybay nila ang pasikot sikot na gusali ng Zhaffis. Pawang makakapal na dingding na napakaraming pinto at kanto na puwedeng pasukan.
"Huwag kang lalayo. Mawawala ka."
"A-ano bang klasing lugar `to? Nakakalito sa dami ng pinto." Yakap yakap ni Nia ang sarili. Hindi pa tuluyang tuyo ang mga damit niya at pakiramdam niya ay lalong lumalamig habang lumalayo sila sa lugar na pinanggalingan.
"Taliwas sa sinasabi ng mga tao sa labas. Hindi impyerno rito. Hindi init kundi lamig ang ikakamatay mo kung hindi ka gagawa ng paraan. At iyang mga pinto at lagusan na `yan, magkamali ka lang ng pasok, mahuhulog ka na sa kawalan." Sandaling tumigil si Leo at sumilip sa isang lagusan.
Lumapit si Nia at sinilip din ang lugar. Sa sobrang dilim ng lugar ay para na siyang nakapikit. Hahakbang na sana si Nia papasok nang hilain siya ni Leo.
"Kakasabi ko lang." Kunot noong sabi ni Leo. "Diyan ka lang." Naghanap ng malaking bato si Leo sa paligid. At nang nakakita siya ay muli siyang bumalik sa lagusan para ihulog ang bato.
Nagpalipas siya ng ilang segundo bago muling kinausap ang dalaga. "Kahit na anong ihulog sa mga lagusan na ganito, wala kang maririnig na pagbagsak. Walang may alam kung gaanon kalalim ang mga `yan o kung may hangganan nga ba. Kaya mag ingat ka."
Muling naglakad si Leo. Mas lumapit na si Nia sa kanya nang dahil sa nalaman. "Ingatan mo rin ang bawat hakbang mo. Maraming butas na sinadyang pahinain ang pundasyon. Sa kawalan din ang kahihinatnan mo kung mahuhulog ka."
Tumango si Nia. Naging maingat siya sa bawat hakbang at tinitignan ang paa ni Leo. Umaapak lamang siya sa kung saan aapak ang kasama. Napansin iyon ng binata na bahagyang natawa sa nakita.
Hindi nagtagal ay nakapasok ang dalawa sa isang mas malawak na lugar. Pabilog ang lugar na punong-puno ng mga tao at mga gamit na tila ba itinitinda nila. Sa unang tingin ay tila ordinaryong merkado lamang ang lugar ngunit nang makalapit ang dalawa sa mga itintindang gamit ay pawang mga gamit na halos ang mga damit at ibang gamit. May mga tinda ring armas na gawa lang din sa mga pinagkabit kabit na kinalakal na materyales.
"Paano kayo nabubuhay rito?" Sandaling napalingon si Leo sa kanya.
"Uso ang nakawan dito. Halos lahat ng gamit na makikita mo na ibinebenta, mga ninakaw o kaya naman mga gamit ng mga taong patay na." Nakaramdam ng kilabot si Nia roon dahilan upang mapaurong ito sa nakitang damit na gusto sana niyang tignan.
Nakabunggo si Nia ng tao na nang lingunin niya ay nakangiti ito na para bang isang baliw. Sinubukan siyang yakapin ng baliw na marungis na at iba na ang amoy. Umurong muli si Nia ngunit tinamaan naman niya ang tinda ng ale na nagalit sa nangyari. Isa isang pinulot ni Nia ang mga tumapon na tinda at muling inilagay sa mesa. "Pasensya na ho. Hindi ko sinasadya."
"Manang, pagpasensyahan mo na itong kasama ko. Bagong salta." Tumulong si Leo na binalikan si Nia nang marinig niya ang nangyari.
"Balaan mo `yang kasama mo. Mapapahamak `yan dito kung hindi siya mag iingat." Hinablot ng ale ang damit na inabot sa kanya ni Leo.
Muling humingi ng tawad si Nia bago sila nagpatuloy sa paglalakad. "Paano kayo nabubuhay rito?"
Sa pagkakataong iyon ay sumabay na si Leo sa paglalakad ni Nia para maiwasang maiwan niya ito. "Walang halaga ang pera rito. Palitan ng gamit ang paraan ng pagtitinda at pagbili."
Palamig na nang palamig ang klima habang tumatagal at nararamdaman na iyon ng dalawa. Sa tuwing bubuga ng hangin si Nia ay may usok ng lumalabas rito. "Sandali nalang, makakarating na tayo sa pupuntahan natin."
Namumutla na ang mga labi ni Nia dahil sa lamig. Hindi na siya makapagsalita sa pakiramdam na nagyeyelo na ang buong mukha niya.
Hindi nagtagal ay nakarating sila sa tapat ng mahabang hagdang nakadikit sa dingding. Sa dulo niyon ay may maliit na butas. Bago umakyat ay nilingon ng binata si Nia. "Kaya mo hang umakyat?"
Nanginginig man ay tumango si Nia. Sa isip niya ay maaaring mainit sa lugar na iyon. Sa bawat hawak ni Nia sa bakal na hagdan ay para siyang napapaso sa lamig. Wala rin siyang saplot sa paa na hanggang sa talampakan niya ay nararamdaman niya ang pagkapaso.
Ilang beses siyang nilingon ni Leo. Sa nipis ng suot niyang damit na sira sira pa ay hindi na nagtataka si Leo na nangangatog ang kasama niya. Habang tumatagal ay lumalamig sa loob ng gusali. May mga araw na sobrang init at may mga araw na sobrang lamig. Walang sinumang makakapagsabi kung kailan magbabago ang klima sa loob. At halos silang lahat ay nasanay na sa mga pagbabago at nasanay na ang katawan nila rito.
Nang makaakyat si Leo sa butas ay tinignan siya ng magandang babaeng malamlam ang mga mata na nandodoon. Bahagyang ngumiti ang babae nang makita niya ang kaibigan.
"Bumisita ka, milagro."
"Kailangan ko ng damit," sabi ni Leo na pasilip silip sa kasama.
"Wala akong damit dito para sa `yo." Nanatiling nakaupo ang babae nang kunin niya ang maliit na kahon na may lamang mga damit.
"Hindi para sa akin." Inabot ni Leo ang kamay ni Nia na sa wakas ay nakarating na sa tuktok.
Putlang putla si Nia nang tuluyang makapasok sa loob ng butas. Bahagyang napatayo ang magandang babae na nag alala sa itsura ni Nia.
"Huwag ka ng tumayo. Kami na pupunta sa `yo." Pag aalala ni Leo. Bahagyang lumitas ang tiyan ng magandang babae at nakita iyon no Nia.
Buntis ang magandang babae at kahit na nakangiti ito ay halata sa mukha niyang may iniinda itong nararamdaman. Kinuha ng magandang babae ang makapal na kumot na gamit niya at ibinalot iyon kay Nia nang makalapit ito sa kanya.
"Bagong pasok?" Tumango si Leo. "Sandali lang, may damit akong sa palagay ko, kakasya sa kanya."
Bahagyang tumayo ang babae para kunin ang nakatagong kahon sa hindi kalayuan. Maliit lamang ang silid niya na inayos lamang. Butas lang iyon sa dingding na pinalamutian ng mga iilang mahalagang gamit.
Nang makuha niya ang kahon ay tumulong si Leo na dalhin iyon kay Nia. "Mukhang hindi ka nasabihan sa kung anong meron dito sa loob ng Zhaffis," sabi ng babae nang makaupo sa tapat ni Nia. "Ako nga pala si Eliza."
Paunti unti ay nawawala na ang pangangatog ni Nia dahil sa makapal na kumot na nakabalot sa kanya. "N-nia."
"Kung may maihahain lang akong mainit na pagkain sa `yo ay ibibigay ko pero mahirap ang buhay rito, Nia." Sandaling natahimik sa loob ng maliit na lugar na iyon ngunit agad ring ngumiti si Eliza. "Mabuti nalang itong si Leo ang napili mong samahan. Hindi ka niya pababayaan." Binuksan niya ang maliit na kahon na kung saan nakatago ang mga damit na hindi na magkasya sa kanya.
"Ilang beses ko lang naisuot ito noong bagong dating lang ako rito. Hindi na magkasya dahil lumalaki na itong tiyan ko." Hinaplos ni Eliza ang tiyan na bago ibinigay ang damit kay Nia.
"Magpalit ka ng damit. Mahirap magkasakit dito. Walang titingin sa `yo. Mahirap ding makahanap ng gamot."
Sinunod ni Nia ang sinabi ni Eliza. Hindi na niya naisip na nandoon si Leo. Nang umpisahan niya hubarin ang basang damit ay nakaramdam ng pamumula si Leo. Agad siyang tumalikod na ikinatuwa ni Eliza.
"Maginoo ka naman pala, Leo." Bahagyang tumawa si Eliza na lalong ikinainit ng pakiramdam ni Leo.
"I-iwan ko muna siya rito. M-maghahanap ako ng pagkain." Agad na bumaba si Leo ngunit nakita pa rin ni Eliza ang pamumula ng mukha niya.
"Ngayon lang nagdala ng bagong pasok si Leo rito. Magkakilala na ba kayo dati?"
Umiling si Nia na patapos na sa pagsuot sa pulang damit at itim na pantalon. "Kanina ko lang siya nakilala." Muling itinuklob ni Nia ang kumot sa katawan niya. "Maraming salamat sa mga damit."
Hindi maiwasan ni Nia na tignan ang malaking tiyan ni Eliza. "Malaki na, `no? Kabuwanan ko na kasi." Ngumiti man si Eliza ay bakas sa mga mata niya ang pag-aalala.
"Pasensya na, hindi ko sinasadyang tumitig."
"Okay lang. Kung ako rin naman ang nasa lugar mo talagang magtataka ako. Isang buntis nasa Zhaffis. Talagang nakakapagtaka." Muli siyang ngumiti at hinawakan ang kanyang tiyan. "Mapusok kasi ang tatay niya." Namula si Eliza na humagikgik pa.
Itatanong sana ni Nia kung sino ang ama ng bata nang sumulpot muli si Leo mula sa hagdan. Dala niya ang isang supot na may lamang mga pagkain mula sa merkadong dinaanan nila kanina.
"Ano na naman bang pinag uusapan n`yo? Ako ba?" Kunot noong tanong niya.
"Wala. Ang dami naman ng dala mong pagkain. Kaya ba nating maubos `yan?" Puna ni Eliza.
"Kailangan mong nagpalakas. Malapit ka ng mananganak `di ba?" Inayos ni Leo ang mga pagkain sa mesa. Mainit init pa ang mga ito na ikinatuwa ni Eliza.
"Kumain na tayo. Malapit na naman ang hatol." Kumportableng umupo si Leo at inumpisahan ng kumain.
"Anong hatol?"