“HEY!” agaw ni Joanna sa pansin ni Nash nang dumaan ito sa may tapat ng cottage niya ng gabing iyon.
Nang magbaling ito ng tingin sa kinaroroonan niya ay bahagya niyang itinaas ang kanina pang iniinom na bote ng red wine. Wala sana siyang balak mag-inom, pero dahil nag-iisip ng plano kung paano isasagawa ang paghihiganti para sa kaibigan niyang si Ivy ay sinamahan na niya ng pag-inom ng wine.
Nangangalahati na rin siya sa bote pero wala pa ring tama. Lihim siyang natuwa nang huminto si Nash sa paglalakad at pumihit sa kinaroroonan niya. Akala niya ay i-snob-in siya nito. Nasa veranda siya ng cottage ng mga sandaling iyon, nakapatay man ang ilaw pero may munti namang liwanag na tumatanglaw sa kinaroroonan niya.
“Kumusta ang paa mo?” anito ng makalapit sa kanya. Bakas sa boses nito ang concern sa paa niya.
Natutuwa siya dahil natatandaan siya nito. Sinulyapan niya ang paa. “Medyo masakit pa rin.” Sumandal sa may railings si Nash kaya muling dumako rito ang tingin niya. Bakit pakiramdam niya ay komportable siyang kasama ito sa kabila ng masungit nitong awra? Idagdag pa na tinulungan pa siya nito kagabi. “Salamat kagabi,” aniya na sinalinan ang wine glass bago iniabot dito. “Magtatampo ako kapag tumanggi ka.”
Ganoon na lang ang pagsilay ng ngiti sa labi niya nang tanggapin nito iyon at inumin.
“Alam mo, nananakit ang leeg ko sa pagtingala sa iyo. Bakit kaya hindi ka maupo dito? Malawak naman ang upuan.” Tanong pa niya nang ibalik nito sa kanya ang wine glass na wala ng laman.
“Hindi na,” tanggi pa nito.
Kunway pinalungkot niya ang mukha. “Okay.” Sinalinan niyang muli ang wine glass.
Nang mag-ring ang cellphone nito ay nag-excuse muna ito at lumabas ng veranda para sagutin ang naturang tawag. Nang balikan siya ay namaalam na rin ito.
“I need to go...”
“Haaay, akala ko pa naman may makaka-jamming ako rito ngayong huling gabi ko rito sa resort. Pati ikaw iiwanan ako,” pagdadrama pa niya.
Sinulyapan nito ang relo. Past eight pa lang naman ng gabi. “Kailangan ko lang puntahan ang kapatid ko,” anito na muli siyang binalingan. Bumuntong-hininga ito nang makita ang reaksiyon niya. “Babalikan kita dito kung hindi ka pa tulog.”
Marahan siyang tumango. “Bahala ka,” sabi na lang niya bagaman at umaasa na babalik nga ito. Ipinilig niya ang ulo. Hindi rin siya dapat makaramdam ng panghihinayang dahil mawawala ito sa kanyang paningin. Not even a single one, Joanna Cross…
Kapag bumalik ito ay sisiguraduhin niyang maiisagawa na niya ang umpisa ng plano niya. Sa tipo ni Nash, baka mahirapan siya kung magpapa-tweetums pa siya rito. At habang umiinom nga kanina ay isa lang ang naisip niyang gawin kay Nash. She will seduce him, a pure seduction for her sweet revenge.
Gumihit ang ngiti sa labi niya habang nakatitig sa papalayong si Nash.
“Let the revenge begin,” anas niya bago inisang lagok ang wine sa kopita niya.
“ISANG linggo lang naman akong mawawala. Hindi isang taon,” may kariinang wika ni Nathan kay Nash nang puntahan niya ito sa kinaroroonan nitong bar.
Napailing siya. Wala na ba itong alam gawin sa buhay kundi ang maglagalag? Por que may natatanggap na pera mula sa mga magulang nila kaya ganoon na lang kung magpasarap ito sa buhay. Ilang beses na ba siyang nagtampo rito? Marami na. Dapat ito ang namamahala sa hacienda nila dahil ito ang panganay. Pero hindi. Sa kanya iyon iniatang ng kanyang mga magulang dahil hindi maaasahan ang kanyang panganay na kapatid.
Maski nga ang paghawak sa iba nilang negosyo ay hindi nito pakialaman. Kung kailan ito matitigil sa pagiging lagalag nito ay hindi niya alam. Pati nga pag-aasawa ay mukhang wala pa sa isip nito.
Marahas siyang huminga. “Saan mo balak pumunta?”
“Davao,” maikli nitong sagot. Nang makita ang matalim niyang tingin ay natatawang itinaas nito ang dalawang kamay. “Pagkatapos nito, magtatagal ako sa hacienda. Promise.”
“Ilang beses ko ng narinig ‘yan, Kuya Nathan.”
Tinapik siya nito sa balikat. “Let’s have a deal then. Kapag bumalik ako, gagawin ko ang iuutos mo. As in, kahit ano. Kaya habang wala pa ako ay pag-isipan mo na ang ipapagawa mo sa akin. Sulitin mo na rin para makaganti ka.”
Kung hindi lang ito matanda sa kanya ay baka napektusan na niya ito. Pasalamat ito at may paggalang siya rito. Kung tutuusin nga ay mas matanda pa siyang mag-isip dito. Kung kailan ito magtitino ay isang himala.
“Sinasamantala mo ang pagbabakasyon nina Mama at Papa sa London,” sabi pa niya bago ito iniwan sa bar. Balak niya ay bumalik na rin kinabukasan sa hacienda. Tama na iyong ilang araw na pananatili sa resort.
Malapit na siya sa cottage na ukupado niya nang mapahinto sa tapat ng pinanggalingan kaninang cottage. Akala niya ay wala na roon ang babaeng kausap kanina pero nang silipin niya ang veranda ay nakita niya itong nakayukyok na sa lamesa. Mukhang nakatulog na yata.
Inilibot niya ang tingin sa paligid. Hindi pa rin ligtas na hayaan niya ito roon at baka kung mapaano ito.
Wow, at kailan ka pa naging concern, Nash? Mukhang napapadalas lalo na sa babaeng ‘yan, ah, epal ng isip niya.
Nilapitan niya ang babae na hanggang ngayon ay clueless siya kung ano ang pangalan. Marahan niya itong niyugyog sa balikat.
“Miss, wake up. Sa loob ka na ng cottage mo matulog. Hindi safe dito sa labas. Miss...”
Hindi rin naman nagtagal ay naalimpungatan ito. Saka lang niya napansin ang bote ng alak na wala ng laman. Nang muli niyang balingan ang babae ay bakas ang pamumungay sa maganda nitong mga mata. Napakaamo rin ng mukha nito na kapag tinititigan ay mas lalong gumaganda. Hindi nakakasawa.
Sumilay ang ngiti sa labi nito nang mapagsino siya. “Bumalik ka...” halos anas nito.
Napalunok siya nang mapasulyap sa labi nito. Hindi naman siya nito inaakit pero bakit naaakit siya? Ano ba ang nangyari sa kanya? Pati paghinga niya ay pinipigilan pa niya.
Tumikhim siya. “Aalalayan na kita papasok sa loob,” hindi na niya ito hinintay pang sumagot. Humapit ang kamay niya sa maliit nitong baywang at maingat itong itinayo.
Mabuway na nang maglakad ito. Napakapit pa ang dalawang kamay nito sa kanyang balikat para kumuha ng suporta ng tuluyan silang makapasok sa loob ng cottage. Sandali siyang napapikit dahil sa init na nagmumula rito. Bakit ba siya pinahihirapan ng ganito ng babaeng ito? Bakit ganito ang epekto nito sa kanya? Mukhang nagkamali siya nang pagbigyan niya ang sarili na lapitan itong muli ng tawagin siya kanina. Heto at nagugulo ang sistema niya.
Bahagya pa itong tumingala sa kanya. Sumilay na naman ang ngiti sa labi nito. Ngiting hindi naman umabot sa mga mata nito. Nawala lang iyon nang mapatitig ito sa labi niya. “Can I kiss you?” pagkuwan ay malambing nitong pakiusap.
Ito pa talaga ang makikiusap sa kanya na halikan siya? Ano na ba ang nangyayari sa mga babae ngayon? Masyado ng moderno at advance.
Bago pa siya maka-react ay nakabig na nito ang batok niya palapit dito. Damn! Ni hindi siya nakabuwelo man lang!
Parang siya pa itong malalasing noong maramdaman ang malambot nitong labi sa kanya. Kaya pati sarili niya ay hindi na napigilan na tugunin ang halik nito.