ANGELA
"DARATING daw rito ang junior ng mag-asawa."
Ginising ako ng maaga ni Aling Krising, Sabado ng umaga upang ihanda ang buong bahay.
"Good morning po Aling Krising, anong oras na po ba?"
Tinatamad pa akong bumangon dahil pakiramdam ko ay maaga pa naman.
"Alas singko y media na, Gelato," aniya.
Hindi pa naman gising si Andrei, ang alaga ko na anak ni Sir Ismael, ang ikalawa sa panganay na anak nina Ma'am Ruby at Sir Sebastian.
Nasa abroad ang mag-asawang Ismael at Isabelle at iniwan muna sa amin kasama ng kanyang Lolo at Lola ang bata upang magtrabaho sa Hongkong.
"Sige po, babangon na po ako," nag-inat na ako at saka ako nag-ayos ng higaan.
"Hija, masanay ka na sa akin ha? Maaga talaga akong nagigising upang maaga ring matapos ang trabaho," ani Aling Krising na handa na sa araw na ito.
"Naku, pagpasensyahan niyo po ako Aling Krising. Tinapos ko lang po yung requirements ko hanggang alas dos ng madaling araw kanina kaya't medyo inaantok pa po ako," sagot ko naman.
"Naiintindihan kita hija. Kapag natapos mo na mamaya ang pag-aayos ng kwarto ni Baste ay maaari ka nang magpahinga. Ako na ang bahala sa alaga mo. May anak din akong nag-aaral at naaawa ako sa kanya kapag napupuyat dahil sa pag-aaral," sabi pa ng matanda.
"Salamat po Aling Krising. Pagtagal-tagal ko dito ay siguro naman po masasanay na ako," dagdag ko naman habang nagpupusod ng buhok.
"Sa totoo lang ay matagal na rin ako dito, magsasampung taon na ako sa pamilyang ito at wala akong masabi sa kanilang kabaitan. Lahat ng mga magkakapatid ay mababait, mayroon lang isang natatangi sa kanila dahil sa sobrang kapilyuhan," ani Aling Krising habang pinapagpag ang kanyang apron.
Nauna na siyang lumabas at sumunod ako. Magkaiba kami ng kwarto ngunit nakakapasok siya dito sa aking silid.
Tulog pa ang mag-asawang Sebastian at Ruby kasama ang kanilang apo kaya't tutulong muna ako kay Aling Krising.
"Sino naman po ang may kapilyuhan?" Tanong ko pa habang naglalakad kami patungong kusina.
"Ang kanilang junior," tipid na sagot nito.
Hindi naman ako nakasagot kaagad.
"Oo nga pala, hindi mo pa siya nakikita. Makikilala mo rin siya maya-maya. Susunduin siya nina ma'am at sir," napangiti pa ang matanda habang nakatitig sa akin.
"Magkape po muna tayo," baling ko sa kape na una na niyang tinimpla bago niya ako gisingin.
Sinimsim ko na ang kape. Pagkatapos nito ay kapwa kami nagsimulang mag-ayos at magligpit ng mga kalat.
Si Aling Krising na ang nagluto ng almusal,ako naman ang nagligpit ng sala at ng mga laruan ni Andrei na nagkalat doon.
"Aling Krising, bili muna ako ng pandesal?" Tanong ko habang hawak ko ang walis tingting.
Magwawalis muna sana ako sa bakuran nang maalala kong hindi gaanong kumakain ng agahan si Ma'am Ruby.
"Oo hija. Baka bukas na ang bakery. Kunin mo yung sukli ng karne sa ibabaw ng ref," aniya.
Binitawan ko na ang tingting at saka ko kinuha ang pera sa ibabaw ng ref.
Lumabas na ako ng gate at unti-unti ng nagliliwanag ang kapaligiran.
Napakaganda ng Calle Adonis. Maliit lamang ito na barangay, malinis ang kapaligiran, ang mga kabahayan ay may kanya kanyang bakuran at tanim na mga halaman. Makikita sa labas ang mga taong abala sa pagdidilig ng kanilang mga halaman, nagwawalis ng tapat nilang kalsada at mga taong papasok sa trabaho kahit Sabado.
"Magandang umaga po," bati ko kay Ma'am Lara, ang guro na kaibigan ni Ma'am Ruby.
"Magandang umaga hija. Anong sa'yo?" Tanong nito habang nagdidisplay ng kanilang mga bagong luto na mga tinapay.
"Pabili po ako ng pandesal, ma'am,"
"Magkano hija?"
"Seventy pesos po," saka ko iniabot ang buong isang daan.
Inabot niya ang bayad at nagsimulang maglagay ng tinapay sa papel na lalagyan. Bawal na rin kasi ang plastic sa barangay ayon sa ordinansa ng mga opisyal.
"Salamat po," wika ko pagkaabot ng pandesal at ng sukli.
"Hija, pakisabi nga pala kay Ruby na dumating na yung order niyang bedsheets,"
"Sige po ma'am. Kukunin ko na po ba?"
"Pwede rin naman. Saglit lang, hintayin mo," aniya saka pumasok sa loob.
Abala na ang kanilang mga tauhan sa pag-aayos ng kanilang malaking bakery at ang mga mesa at upuan sa tapat nito.
Nakatayo ako sa tapat ng estante habang hinihintay si Ma'am Lara.
"Heto na hija. Bayad na iyan," saka niya iniabot sa akin ang tatlong packs ng bedsheets.
"Salamat po ma'am,"
"Walang ano man. Para iyan sa kanyang anak na inaanak ko. Regalo ko na rin dahil kagagraduate niya lang last month. Hindi ako nakapag-abot," nakuha pang chumika ng matanda.
"Ang bait niyo naman pong maging ninang, ma'am," natatawa kong sabi.
"Naku, mabait din kasi ang pamilyang iyon hija. Magkakaibigan ang mga asawa namin at lahat na kami ay magkakaibigan na rin. Mahabang kwento," ani Ma'am Lara habang parang inaalala niya ang mga nakaraan.
"Sige po ma'am, una na po ako at mag-aayos pa ako ng kwarto ng anak nila,"
"Sige hija salamat."
Iniwan ko siyang nakatingin lang sa akin habang naglalakad paalis.
Pagbalik ko ay gising na ang mag-asawang Ruby at Sebastian. Kapwa sila nakaupo sa sala pagpasok ko. Si Aling Krising naman ay abala na rin sa paghahanda ng almusal.
"Good morning po," bati ko sa kanila.
"Magandang umaga Gelai," ngiti ni Ma'am Ruby.
Dinala ko na ang tinapay sa kusina bago ko ibigay kay ma'am Ruby ang mga bedsheets.
"Ma'am, ito na po ang bedsheets na galing kay Ma'am Lara. Ipinadala niya na po," saka ko inilapag ang mga iyon sa sofa.
"Salamat hija. Darating ang anak ko mamaya, paki-ayos na lang ang kwarto niya mamaya hija," sabi pa nito.
"Opo ma'am,"
"Siya nga pala, tumawag ang nanay mo, kinukumusta ka,"
"Natawagan ko na po siya kagabi ma'am,"
"Namimiss ka na yata ng mga kapatid mo. Sinabi ko namang maayos ka dito,"
"Salamat po ma'am,"
"Mahal, aalis nga pala ako mamaya. May pag-uusapan daw kami ni Pareng Macky," ani Sir Sebastian.
Hindi na ako umimik pa. Agad na akong nagtungo sa labas upang magwalis ng bakuran.
Mataas na ang araw at sa palagay ko ay pasado alas syete na rin ng umaga.
Humihikab ako at inaantok pa rin. Nang matapos ko ang gawain sa labas ay pumasok na ako sa loob.
"Halika na Gelai, sabayan mo na kaming mag-almusal," yaya ni Sir Sebastian.
"Oo nga, habang hindi pa gising ang alaga mo," ani Ma'am Ruby.
Sumabay na ako sa kanila. Kaunti lang ang kinain ko dahil wala pa akong gana.
Pagkatapos ay umalis sina Ma'am Ruby at Sir Sebastian dahil mamamalengke raw muna sila. Isinama nila si Andrei pagkatapos ko itong bihisan. Susunduin na rin daw nila ang kanilang anak.
Kanya kanya na kaming trabaho ni Aling Krising sa bahay. Siya na ang naging abala sa pag-aayos sa kwarto ng mag-asawa, ang mga damit ni Andrei at ang kanilang mga bihisan na agad dapat malabhan.
Abala ako sa pag-aayos ng kwarto ng anak ng mag-asawa. Katabi lamang ito ng kwarto nina ma'am at sir.
Inuna kong punasan ang mga gamit sa loob. Pagkatapos ay ang pagkakabit ng kurtina, at paglalagay ng mga bagong kobre kama.
Natapos ko rin sa wakas.
Napagod ako at saka ko ibinagsak ang katawan ko sa kama niya para sana magpahinga lang ng five minutes.
Antok na antok na ako.
Ngunit ang five minutes ay hindi ko namalayan. Napaidlip na ako ng tuluyan.
NAGISING ako sa malakas na kalabog ng pintuan at ang pagbagsak ng kung ano sa tabi ko.
Napabangon akong bigla nang mapagtanto na hindi na ako nag-iisa sa kwarto. Tiningnan ko ang bumagsak na bagay sa tabi ko at nakita ko ang malaking bag na kulay itim.
Nakatayo rin sa tapat ko ang isang matangkad, mestizo at gwapong lalaki na nakatitig lang sa akin.
Hindi nakangiti, hindi rin mukhang maayos ang mood niya, nakasimangot at parang galit sa mundo.
Nakasuot siya ng plain white shirt at itim na shorts na above the knee.
"Bakit may babae sa kwarto ko?"
Napaigtad ako nang marinig ko ang boses niyang mala-anghel ngunit nakakatakot ang ibig sabihin.
Tumayo ako kaagad at inayos ang aking hinigaan.
"Pasensya na po kayo sir. Nakaidlip lang ako. Kaaayos ko lang po nitong kwarto niyo," paumanhin ko sa kanya habang natataranta akong nag-aayos.
Plinantsa ng palad ko ang nagusot niyang bedsheet habang siya naman ay:
"Shocks," napatalikod akong bigla nang nagtanggal siya ng pang-itaas.
"Hindi nila sinabing may babae pala dito sa kwarto. E di sana nagdala ako ng alak," seryoso niyang wika at saka ako napalingon.
Nagsisi ako dahil nagtanggal din siya ng shorts niyang itim at nakita ko pa ang kulay itim niyang boxer brief.
"Hala!" Sigaw ko saka ko pinulot ang mga tinanggal kong bedsheet at mga kurtina at nagtangkang lumabas.
"Magpahinga po muna kayo sir," sabi ko pa habang naglalakad papunta sa direksyon ng pintuan.
"Sandali, anong pangalan mo?" Tanong niya na ikinalingon ko.
Ayaw kong ibaba ang tingin ko sa kanyang mga mata dahil ayaw kong makakita ng katawan ng binata.
Hindi pa pwede.
"Angela po. Gelai na lang," sagot ko.
"Angela, ikuha mo nga ako ng tubig na malamig sa kusina," utos niya.
"Sige po sir," agad akong tumalikod.
Paglabas ko ay dinala ko kaagad ang mga maruming kurtina, kumot, pillow case, bedsheets sa labahan at nagmadaling kumuha ng tubig na maainom ng anak nina ma'am at sir.
Kumatok muna ako bago ako pumasok.
Naabutan ko siyang nakahiga na sa kama at nakaunan pa sa kanyang mga braso. Nakasando siya ng puti at naka-shorts ng pula.
Nagmulat siya ng kanyang mga mata at saka ako kinausap.
"Angela diba?" Aniya.
"O-opo,"
"Ilang taon ka na?"
"21 po,"
"Twenty one. Sige. May gusto lang akong sabihin sa'yo,"
"A-ano po iyon?"
"Bawal ang babae sa kwarto ko. Kaya't hindi ka maaaring pumasok dito ng basta basta lang lalo na kung nandito ako sa loob," seryoso at strikto niyang wika.
"P-pasensya na po kayo sir. Nag-aayos lang talaga ako at hindi ko sinasadya na makaidlip," paghingi ko ng tawad.
"Isa pa, huwag mo akong ise-sir. Bata pa ako,"
"Yes sir,"
Napatingala ako at nagulat sa sinabi ko. Nagtama ang aming mga mata at saka naman naningkit ang kanya.
"Kasasabi ko lang diba?"
"S-sorry po,"
"Huwag kang magpa-cute sa akin, hindi kita type," agad niyang wika saka nahigang muli.
Ha? Anong sinabi niya? Sinong nagpapa-cute?
"H-hindi po ako nagpapa...,"
"Huwag mo rin akong i-po at opo. Hindi ako matandang uugod ugod," aniya.
Natahimik ako at hindi ko alam kung saan ako lulugar.
"Kung hindi ka pa lalabas ay baka pagsisihan mong hindi ka pa lumabas, ineng," aniya.
Mas mabilis pa sa kidlat akong tumalikod at lumabas ng kwarto niya.
Pagkasara ko ng pintuan ay hawak ko ang dibdib ko at sobra ang kabog nito habang humihinga ako ng malalim.
Ngayon lang nag-sink in sa akin lahat ng mga sinabi ni Aling Krising.
Hindi lang pilyo ang lalaking iyon, kundi isang damuho.
Nakaiinis. Laging masisira ang araw ko.
For sure.