ANGELA
NAGHUHUGAS ako ng pinagkainan kinagabihan nang lumabas sa kwarto ang anak ng mag-asawang Sebastian at Ruby.
Nagpahuling kumain ang anak nilang bagong dating lang dahil natulog ito mula nang dumating kanina.
Kinakabahan pa rin ako dahil sa nangyari kanina. Matinding pagbabanta at paalala ang kanyang ibinigay sa akin kanina nang maabutan niya akong nakatulog habang naglilinis sa kanyang kwarto.
Hindi ako makatingin o makalingon man lang dahil natatakot ako.
"Pagkain," aniya mula sa aking likuran.
Narinig kong umurong ang upuan at napagtanto kong naupo siya doon.
"Tatapusin ko lang po ito, sir," mahina kong wika.
"Isang sir mo po ay tatamaan ka sa akin."
Napapikit ako sa aking kinatatayuan dahil nadulas na naman ako sa pagtawag ng sir sa kanya.
"At isa pa, gutom na ako. Kailangan ko pa bang hintayin kang matapos maghugas?" dagdag pa niya.
Napuno ako at lumingon sa kanya na ngayon ay nakaupo sa silya. Nakita ko siyang napakagwapo kahit na gulo-gulo ang buhok at halatang bagong gising lang, mapupungay ang mga mata, bagong ahit ang bigote at namumula ang mga labi.
Nakasampay sa kanyang balikat ang puting t-shirt at bagaman hindi siya maskulado dahil sa kanyang medyo katabaan ay sexy pa rin siyang tingnan.
"Hoy Mister! Nakikita mo bang mayroon akong ginagawa? May kamay ka naman diba? Nasa tapat mo na ang pagkain, kukuha ka na lang ng plato at kutsara, hindi mo pa ba alam?"
Hindi ko na talaga napigilan ang sarili kong magsabi nito dahil sumosobra na siya. Alam kong anak siya ng amo ko pero kung ganito lang siya sa akin at hinayaan ko siyang ganito sa akin ay hindi ako papayag. Baka sa susunod, pati ang mga bagay na hindi ko kaya ay ipagawa na niya sa akin.
"Abah! Katulong ka dito diba? Dapat lang na pagsilbihan mo ang anak ng amo mo!" Naiinis niyang wika.
"Alam kong katulong lang ako, pero kahit ganito lang ako ay marunong akong rumespeto ng kapwa. Ikaw nga riyan, para kang lumpo. Gamitin mo nga iyang mga kamay mo at paa mo para magawa mo ang gusto mo!" Inirapan ko siya at saka nagpatuloy sa aking paghuhugas.
"Abah, at sumasagot ka pa ha?" Narinig ko siyang tumayo mula sa kinauupuan.
Dumagundong ang dibdib ko sa kaba sa ano mang kaya niyang gawin kaya't dahan dahan akong lumingon.
Nakita ko siyang nakatayo at nakapamewang sa aking likuran.
"B-bakit?" Natatakot kong wika.
"Ipaghahain mo ba ako o huhugasan kita kasama ng mga pinggan na iyan?" Mahina ngunit strikto niyang wika.
Naningkit ang kanyang bilugang mga mata. Makapal ang kanyang mga pilik mata na tinernuhan ng makapal na kilay. Matangos ang kanyang ilong at lahat ng pisikal na katangian ng kanyang ama ay nakuha niya.
Gwapo siya, mala anghel ang kanyang mukha at anyo, pero kapag nagsalita na siya, ibang usapan na iyon. Matabil ang dila niya at mapanakit.
"Ano bang gusto mong gawin ko?"
"Bingi ka?" Tumaas ang gilid ng kanyang labi matapos niyang sabihin iyon.
Mas lalo akong kinabahan. Napalunok ako nang punasan niya ang noo niyang nangingintab sa pawis. Pati ba naman kasi kili-kili niya, pogi rin.
Pero inalog ko ng bahagya ang ulo ko dahil nagtataka ako kung bakit pinupuri ng isipan ko ang lalaking panay ang pananakot at pag-uutos sa akin na kaya naman sana niyang gawin.
"Okay, ito na!" Padabog akong nagbanlaw ng kamay kong puno ng bula saka ako kumuha ng mga kubyertos at plato saka dinala iyon sa mesa.
Nakatingin lang siya sa akin habang ginagawa ko ang mga iyon. Ako na rin ang nagdala ng rice cooker sa mesa at naglagay ng sandok sa ulam.
"Oh ayan, mahal na prinsipe, kumain na po kayo!" Puno ng pagiging sarkastiko ang boses ko nang sabihin ko iyon sa kanya.
"Adobo?" Nagkamot siya ng batok nang tanungin niya iyon matapos niyang makita ang ulam.
Inaakit ba niya ako? Bukod kasi sa malaman niyang katawan na nakatambad sa aking ay gwapo talagang tingnan ang kili-kili ng isang ito.
Sinaway ko ang isipan ko dahil sa totoo lang ay nag-aaway na ang utak at damdamin ko.
"Bakit? Luto iyan ni Aling Krising. Tsaka, masarap iyan," wika ko.
"Hindi ako kumakain ng adobo. Ayaw ko niyan!"
"Ha? Eh wala nang ibang ulam. Sorry ka na lang." Naglakad na ako pabalik sa lababo upang magpatuloy sa aking paghuhugas nang hawakan niya ang kamay ko.
"Ipagluto mo ako ng ulam. Ayaw ko niyan." Mahigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko.
"Aray, masakit, bitiwan mo ako," reklamo ko.
"Masasaktan ka pa kapag hindi mo ako pinagluto."
Gusto ko nang umiyak at magsumbong. First day pa lang niya dito ay nananakit na siya. Hindi ko alam kung ano pa ang kaya niyang gawin sa akin kaya't naiiyak na ako ng sobra.
"Isusumbong kita sa tatay mo," mahina kong wika.
"Kahit isumbong mo pa ako sa lahat, wala akong pakialam."
Binitawan niya ako saka naupong muli sa silya.
Masakit ang kamay kong nagpatuloy sa aking paghuhugas at wala siyang imik na nakaupo sa tapat ko.
Hindi ko alam kung ano ang ginagawa niya, kung nakatingin ba siya sa akin or kung mayroon siyang ginagawang iba.
Ako naman ay naiiyak na nagpatuloy sa paghuhugas hanggang sa matapos ko na iyon.
Pagkatapos kong itaob lahat ng nahugasan ko ay saka ako nagmadaling maglakad paalis sana ng kusina nang harangan niya ako sa aking daraanan.
"Hindi ka pa nagluto ng pagkain ko, ineng."
Napayuko ako at saka tumayo lang sa harapan niya.
"Kahit anong mayroon diyan, noodles o sardinas, basta mainit, kakainin ko." Saka niya unti-unting itinaas ang baba ko upang mapatingin ako sa kanyang mukha.
Unti-unti kong inangat ang mukha ko at saka ako tumingin sa kanya.
"Dios ko! Nangangatog ang mga tuhod ko. Ang mga mata niya, ang labi niya, ang gwapo niya! Ito na ba ang sinasabi nilang, love at first sight? Teka! Balik sa huwisyo, Gelai!"
Ito ang wika ng isipan ko habang nakatitig ako sa gwapo niyang mukha.
"Teka, namumula ka. Nag-iinit ka. Baka pwedeng ikaw na lang ang ulam ko," ngumisi siya ng pang manyak.
Kinabahan ako sa pagkakasabi niya nito dahil baritono at malalim ang boses niya.
Napapikit ako ngunit naramdaman ko na lang na pinitik niya ang noo ko.
"Awww!" Nasapo ko kaagad iyon saka napaatras.
"Asa kang hahalikan kita! Magluto ka na ng pagkain ko at baka literal kitang kainin sa gutom ko! Hala, sige, kilos. Nagba-blush ka pa! Ang rupok mo, uy!" Saka siya umatras at naupong muli.
Hinawakan niya ang nakasabit niyang t-shirt sa balikat saka iyon iwinasiwas at hinagis sa mukha ko.
At dahil sapul na sapol ang mukha ko ay naamoy ko ang natural na amoy pawis at magkahalong pabango at natural scent niya doon.
"Isama mo sa labahan mo iyan bukas." Aniya saka dinukot ang cellphone mula sa kanyang bulsa.
Sobrang nainis ako sa kanyang pagiging masungit, demanding at higit sa lahat bully. Kaya naman umirap na lang ako at ginawa ang kanyang ipinag-uutos.
"MAYROON KA pa bang ipag-uutos, mahal na prinsipe?'
Ito ang sarkastiko kong tanong nang mailapag ko ang niluto kong noodles sa tapat niya.
"Wala na," sagot niya saka inilapag ang cellphone sa gilid at hinarap na ang kanyang pagkain.
"Kung gayon, papasok na ako at gagawa pa ako ng homeworks ko. Good night!" Pinilit ko lang na magmukhang okay kahit na sa totoo lang at gusto ko nang lagyan ng maraming sili ang pagkain niya para magtanda.
Nakaka-dalawang hakbang pa lang ako nang magsalita siyang muli.
"Sinong may sabing pwede ka nang pumasok?"
Napahinto ako at napalingon sa kanya.
"Hindi po ba't wala na kayong ipag-uutos?"
"Po?" Nainis siyang tumingin at kumunot ang kanyang noo.
Oo nga pala, ayaw niyang napo-po at opo.
"Wala ka nang ipag-uutos diba?" Pag-uulit ko.
"Oo pero hindi ibig sabihin ay pwede ka nang umalis. Maupo ka sa harapan ko at samahan mo akong kumain." Nagpatuloy siya sa pagkain niya.
Naiinis akong tumalikod at naglakad palayo nang magsalita siyang muli.
"Isa."
Humakbang pa ako ulit.
"Dalawa."
Napahinto na ako dahil natakot ako sa mga maaari niya pang gawin.
"Pwede ka namang kumain mag-isa hindi ba?" Naiinis na ako kaya't napapadyak ako sa aking kinatatayuan.
"Kapag sinabi kong maupo ka sa tapat ko, maupo ka!" Ma-autoridad niyang wika.
Sana lang naririnig ng mga magulang niya ang tungkol dito dahil sumosobra na talaga siya.
Alas diyes na ng gabi at gusto ko na ring magpahinga pero heto at nanggugulo pa ang bwisit na lalaking ito.
Wala akong nagawa kundi ang maupo sa tapat niya at naiinis na nangalumbaba sa harapan niya.
"Huwag mo akong tingnan habang kumakain ako," hindi siya nakatingin nang sabihin niya iyon.
Kaya naman umiwas ako. Pero hindi makaliligtas sa akin ang pawisan niyang leeg at dibdib maging ang kanyang noo habang humihigop ng sabaw ng noodles. Spicy kasi iyon kaya maanghang.
Napapasinghot pa siya habang kumakain. Halatang masiba siya at malakas kumain dahil sa kanyang pangangatawan na bumagay naman sa kanyang height.
Hinawakan niya ang mangkok at saka hinigop ang sabaw niyon.
"Aaahhhh! Hoohhh! Solved!" Aniya saka sumandal sa upuan na pawisan.
"Okay na?" Taas kilay kong tanong.
"Yup!"
"Okay, sige at papasok na ako," tumayo ako sa aking kinauupuan at akmang maglalakad na nang magsalita siya.
"Sinong may sabing pwede ka nang pumasok? Hugasan mo ang pinagkainan ko," aniya.
Umuusok ang ilong kong tumingin sa kanya at pigil na pigil ang damdamin kong magalit at sigawan siya sa pagiging abuso niya.
"Pero teka, pawis na pawis ako. Akin na itong t-shirt ko ulit." Tumayo siya at kinuha ang t-shirt na puti na nakasabit sa upuan kung saan ko iyon iniwan.
"Oh, punasan mo ang likod ko." Aniya saka tumayong patalikod sa aking katawan.
Perfect ang likod niya, maputi at malapad, paano kaya kung lagyan ko ng marka upang magtanda?
"Okay, mahal na prinsipe, iyon lang ba?" Nakangiti kong tanong habang pigil na pigil ang galit.
"Oo, dalian mo," aniya.
"Okay."
Sa inis ko ay pinunasan ko ang kanyang pawisang likuran gamit ang kanyang t-shirt.
Siniguro kong mawala ang pawis niya doon kaya naman pinunasan ko ng mabuti.
"Kili kili." Aniya saka itinaas ang kanang kamay.
Bwisit, nahalata ba niya kanina ang tingin ko sa kanya?
Pinunasan ko na rin ang magkabilang bahagi dahil wala akong choice.
Pero dahil gusto kong gumanti ay bigla kong kinagat ang kanyang tagiliran.
Bahala na kung masaktan siya o kung malasahan ko ang pawisan niyang balat. Basta't makaganti lang.
"Aarraayyy!" Sigaw niya.