NICOLE AYESHA'S POV
ILANG taon na ang nakalipas ngunit tila nagluluksa pa rin ang isang magandang bituin sa kalangitan. At ako ang bituin na 'yon. Nagluluksa dahil sa pagpanaw ng aking amang hindi ko man lang nasilayan hanggang sa lagutan ito ng hininga. Kung kaya ko lang buhayin ang matagal nang patay, hindi sana ako nakararamdam ng pighati at pagsisisi.
“Nicole... Nicole, anak!”
Napatingin ako sa gawi ng pinto nang dumungaw roon ang aking Tita Olivia, ang kapatid ni mama. Siya ang kasama ko rito sa Canada pati na rin ang kanyang mga anak.
Ibinaba ko ang litrato ni papa sa side table ko at binalingan ko ito ng pansin.
“Do you have everything na? Cholo is waiting for you outside, baka mahuli ka sa flight mo,” aniya habang nakangiti ang kanyang mga labi. Napansin niya sigurong hindi ako masaya kaya ito lumapit sa akin. Matagal ko nang sinasabi kay Tita na ayokong bumalik sa Pilipinas ngunit tila wala ako sa puwestong humindi. “Nicole, ilang beses pa ba nating pag-uusapan ito? Paulit-ulit na tayo, anak...”
“Can I just... stay here?” mahina kong sagot.
“Anak, gusto ko man na makasama ka namin dito ni Cholo hanggang matapos ang pasko pero... wala na 'kong magagawa dahil iyon ang utos ng mama mo.”
“But, Tita Olivia—"
“Oopss! No more buts, Nicole. We have already talked about this... h'wag ka ng pasaway. Gusto kang makasama ng mama mo sa pasko, pagbigyan mo naman siya...”
I just rolled my eyes in further and grabbed my backpack. “I don't think she wants to see me.”
Isinuot ko ang headset sa ulo at tinaasan ang volume ng pinapakinggan kong kanta. Kasabay rin niyon ang paghila ko sa maleta at bumaba na.
Hindi ako naniniwalang gusto niya akong makita at makasama. Dahil alam kong may pamilya na rin siya, masaya na siya. Hindi na niya ako kailangan sa buhay niya gaya nang kung paano niya kalimutan si papa. Everything was so fine not until my mom found another man. She forgot me... her daughter.
“Take care! Have a safe flight, my dear!” Hinawakan ni Tita Olivia iyong magkabilang pisngi ko at niyakap ako.
Sa Canada ko lang naramdaman ang totoong pagmamahal ng isang pamilya. Si Tita Olivia ang nagmistulang nanay ko. At sa kanya ko lang din naramdaman kung paano alagaan, at mahalin.
Nginitian ko lang si Tita at saka tumalikod na. Ayoko siyang ma-miss. Wala naman akong magagawa kundi bumalik ng Pilipinas at doon na manatili pa.
“Mom really loves you so much. Kung ituring ka nga niya... parang anak ka na rin niya, eh,” tumawa pa ng pagak si Cholo habang nakatuon ang tingin sa pagmamaneho. Napansin ko iyon ngunit hindi ko ito narinig.
“What?!” nakakunot-noong tanong ko. Hindi ko ito narinig dahil nakasuot sa ulo ko iyong headset. Nabigla ako nang puwersahin niyang tanggalin iyon. “Hey! Dahan-dahan naman! What's your problem?”
“May sinasabi ako rito, makinig ka naman!”
Sinamaan ko na lang ito ng tingin. “Ano ba 'yong sinasabi mo?”
“Mom really loves you so much! I can see how she takes care of you whenever you're going to school. Kung ituring ka ni mama... parang anak ka na rin niya...” pag-uulit nito.
Tumango ako. “Kaya ako nagpapasalamat sa mama mo. Sa loob ng ilang taong pamamalagi ko rito, hindi niya 'ko pinabayaan. That's why I don't want to leave her. Gusto kong bumawi sa kanya... sa inyo.”
“I don't think that's a good idea, Nics. Tita Niña is waiting for you to come back home. Alam kong nag-aalala rin siya sa iyo. Anak ka niya, at imposibleng hindi mahal ng ina ang kanyang anak.”
Napangisi ako. Kaunti na lang ay matatawa na 'ko sa mga pinagsasasabi niya tungkol sa mama ko. “Kung mahal ng isang ina ang kanyang anak, bakit kailangan niyang iwan ito at ipagpalit sa ibang pamilya? Gets mo?” pabalang na sambit ko at saka nag-iwas ng tingin sa kawalan. Ibinalik kong muli iyong headset sa ulo ko at pumikit.
Hindi ko dapat inaalala ang mga nangyari noon. Mas lalong bumibigat ang damdamin ko kapag binabanggit ang salitang 'ina', 'mama', 'nanay', at 'mommy'. Bata pa lang ako noong pumanaw si papa, at bata pa lang din ako noon nang magkaro'n ng ibang pamilya si mama. Mala-teleserye rin ang kuwento ko. Iyon na nga siguro ang hindi ko malilimutang pangyayari sa buong buhay ko.
“So, hanggang sa muli nating pagkikita, Miss Arcueda.” Nginitian niya ako sabay kurot sa pisngi. “Hihintayin ko ang iyong pagbabalik sa Canada.”
“Ang lalim naman ng tagalog mo...” nginusuan ko siya at hinawakan na iyong maletang nasa harap ko. “Dinaig mo pa ang isang makatang nagtatanghal sa entablado!”
Pareho kaming natawa dahil sa inasta namin. Talaga namang nakaka-miss bumalik sa Pilipinas. Lahat ng kinagisnan ko noon, gusto kong magbalik ang mga iyon. Ang maglaro ng patintero at tumbang preso. Siguro masyado na 'kong matanda para do'n.
“Pero seryoso... I'm going to miss you, Nics. Huwag mo kaming kalilimutan.”
Napayuko ako sandali at bahagyang umiling. “How can I forget you and Tita Olivia? Saksi ka sa kung paano ako alagaan ng mama mo. At saka, ramdam kong babalik at babalik ako rito.”
“Hindi. Kailangan ka ng mama mo—”
“Puwede bang huwag mo nang isingit 'yang tungkol sa mama ko—”
“Nicole!” He cuts me off. “Whatever happens, she's still your mom. Hindi magbabago 'yon...”
Wala sa sarili akong natahimik. Kung tutuusin ay may punto siya. Ngunit hindi pa rin nawawala 'yong galit sa puso ko. I still hate her. Binalewala niya 'ko bilang isang anak niya at gano'n din ang ibabalik ko sa kanya.
“I'm leaving...”
Bago pa ako maka-alis ay bigla niya akong niyakap. Ito yata 'yong unang beses na yakapin niya ako ng mahigpit. Sa buong taong pagsasama namin sa iisang bahay ay nandidiri siya sa tuwing ako ang yayakap sa kanya pero ngayon, I can feel the heat while he's hugging me. Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko.
“Take care, Nics. Please take care of yourself. I'm not there to tease you!”
Hinampas ko ang balikat niya nang kumawala na 'ko sa pagkakayakap niya.
“Whatever! I'm leaving...” Nginitian ko siya at hinila na iyong maleta palayo sa kanya. Kumaway ako at ibinalik sa pagkakasuot iyong headset ko sa ulo.
Sa pag-alis kong ito, babaunin ko ang pagmamahal na si Tita Olivia lang ang nagparamdaman sa akin. Hindi ko man nasabing mahal ko siya, ang importante ay hindi na siya mapapagod sa kaaalaga sa akin. Makapagpapahinga na rin si Tita at mabibigyan na niya ng maraming oras sina Cholo at Crissa, ang mga anak niya. She's now stress free. Hindi na niya ako iisipin kung paano patahanin sa tuwing kumukulog at kumikidlat. Hindi na siya mahihirapang gisingin ako sa tuwing papasok sa eskuwelahan.
Nakaka-miss ang mga ala-alang iyon kasama si Tita. Minsan gusto ko na lang hilingin na siya ang maging mama ko. Kaso malabong mangyari iyon.
Wala sa sarili akong natawa nang maalala ko ang mga bagay na iyon. Isinandal ko ang ulo ko malapit sa bintana at nagpakawala ng isang mahabang buntong-hininga. Pagbalik ko ng Pilipinas ay inaasahan ko ng magbabago ang lahat. It's like, I'm starting a new journey again.