Chapter 14

821 Words
GALING siya sa comfort room at pabalik sa kanilang mesa ng marinig niya ang malakas na pag-iyak ng isang bata. Babalewalain sana niya iyon pero lalong lumakas ang palahaw nito. Hinanap niya ang umiiyak na bata at nakita niya iyon sa isang bahagi ng hardin na medyo tago. Kumunot ang noo niya dahil kasabay ng pagkakita niya dito ay may dalawa pang batang kasama nito. “Ah bingot! Bingot! Hoy bingot! Huwag ka dito! Umuwi ka na! Malayo pa ang Halloween!” anang isang batang babae na kasing-edad ng umiiyak na bata. Nagtawanan ang mga ito habang patuloy sa pang-aasar sa batang babae ding siyang umiiyak. Agad siyang lumapit sa bata dahil labis siyang nakaramdam ng awa dito. Pagkakita niya sa mukha nito ay naisip niya ang dating sarili. Kagaya niya noon, ay may bingot din ito sa mukha. Kagaya niya ay nakakatakot din ang itsura nito at nakakahiya. Lalo itong napaiyak dahil patuloy pa rin sa panunukso ang dalawang batang babae. Sa tingin niya ay anak mayaman ang dalawa base sa ganda ng mga suot nito. Samantalang ang batang umiiyak ay parang naligaw lamang doon. “Salbahe kayo! Isusumbong ko kayo sa nanay ko!” palahaw ng batang may bingot. “E di magsumbong ka! Bingot! Bingot! Ang pangit mo bingot!” nilalo pa ng mga ito ang pang-aasar. Sumulak ang galit niya at nakalimutan na mga bata ang kaharap. “Tumigil kayo! Huwag niyo siyang paiiyakin kundi papaluin ko kayo!” bumagsik ang anyo niya. Nagulat ang dalawang bata at tila natakot. Hinarap niya ang batang umiiyak. “Huwag ka nang umiyak. Huwag mo na silang pansinin. Mga bad sila.” Pinahid niya ang luha sa pisngi nito. “Nasaan ba ang nanay mo? Halika, ihahatid na kita.” Inakay niya ang bata at muling humarap sa dalawang bata. “Bumalik na kayo sa mga magulang ninyo. Mga salbahe kayo! Kawawa na nga siya pinapaiyak niyo pa siya. Sa susunod na paiyakin niyo pa siya, ipapakulong na namin kayo!” siyempre pananakot lang niya iyon sa mga ito. Nanlaki ang mata ng dalawang bata at nasgsimulang mangilid ang luha. Maya-maya pa ay pareho na ding pumalahaw ng iyak ang mga ito. Nagulat siya pero hindi siya tuminag. “Halika ka na!” aniya sa batang may bingot. “Anong nangyayari dito?” Nagulat siya sa malakas na boses na iyon. Pagkatapos ay nakita niya si Marga na dinaluhan ang isang batang umiiyak na nang-aasar kanina sa batang hawak niya. Kasunod niyon ay dumating din si Yvonne kasunod si Franco at iba pang bisita. Lumapit ang mga ito sa dalawang bata. Napanganga siya ng magsumbong ang malditang bata kay Marga. Na siya ang nagpaiyak sa mga ito. Nanlisik ang mga mata ni Marga na humarap sa kanya. Marahas nitong hinablot ang braso niya. “Walanghiya ka! Bakit mo pinaiyak ang kapatid ko! Wala kang karapatan!” “Marga!” maagap na naiharang ni Franco ang katawan sa kanya sa akmang p*******t ni Marga sa kanya. “Franco! Ipinagtatanggol mo siya? Sinaktan niya ang kapatid ko!” marahas at galit nitong sigaw. “Hijo. Sino ba iyang babaeng iyan? Bakit mo siya dinala dito?” nang-uusig na tanong naman ni Yvonne. Nagulat siya sa paraan ng pagsasalita nito. Hindi kaagad nakasagot si Franco. Para naman siyang bibitayin dahil pakiramdam niya ay nakagawa siya ng isang malaking krimen. Ipinagtanggol lang naman niya ang batang inaapi. Nang sulyapan niya ang bata ay yakap na ito ng isang babaeng base sa suot ay mukhang katulong sa bahay na iyon. “H-hindi ko po sinaktan ang bata. Ipinagtanggol ko lang siya…” itinuro niya ang batang may bingot. “Dahil pinapaiyak siya ng dalawang batang ‘yan. Inaasar siyang may bingot at pangit ang mukha pero hindi ko sinaktan ang kapatid mo. Pinagsabihan ko lang sila.” mahinahon niyang depensa sa sarili. Napatingin sa kanya si Franco. “Kahit na! Bata ang mga iyan! Natural lang na mag-asaran sila. Pero nakikialam ka!” baluktot na rason ni Marga. Sa tingin niya ay lalong dumilim ang mukha nito. Kung nasa ibang sitwasyon lamang sila ay baka nasagot-sagot na niya ito.Pakiramdam niya ay siya ngayon ang suspect. O nasa isang taping at siya ang bidang inaapi ng kontrabida. Nakatingin na sa kanila ang lahat ng tao. At kahit alam niyang wala siyang kasalanan ay parang siya pa ngayon ang kontrabida. “Wala ho akong magagawa. Natural sa akin ang ipagtanggol ang mga kagaya niyang bata kapag inaapi ng iba.” Malumanay niyang wika. Ayaw niyang patulan ang galit ni Marga sa harap ng maraming tao. “You shouldn't brought that girl in here, Franco. Nakita mo ang ginawa niya? Ginulo niya ang party ko.” malamig na wika ni Yvonne sa binata. Napatingin siya kay Franco. Ngayon ay sigurado na siyang wala siyang puwang sa pamilya nito. Ayaw sa kanya ng ina nito. Pakiramdam niya ay lumobo ang ulo niya. Nag-iwas ng tingin sa kanya si Franco.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD