Chapter 8

1639 Words
NAGWAWARM-UP si Winrose kasama si Destine kinse minutes bago mag-alas siyete ng umagang iyon sa The Fort Bonifacio sa Taguig. Hihikab-hikab pa siya dahil inaantok pa siya. Kung makapagyaya kasi si Destine ay parang wala ng bukas. Kahapon ay kinulit siya nitong sumali sila sa marathon. Kung ano-ano ang pang-uutong sinabi nito sa kanya kaya hayun, nagpauto naman siya. Tutal ay matagal na din naman siyang walang exercise – o mas tamang sabihing wala naman talaga siyang exercise simula’t sapol – at araw naman iyon ng Sabado kaya pumayag na din siya nang maiba naman ang routine niya sa buhay. At dahil maganda ang mood niya nitong mga nakaraang araw ay makikitakbo na siya sa marathon na iyon. Pareho silang nakashorts ni Destine at t-shirt with rubber shoes. Abala siya sa pag-iinat-inat ng kamay nang may bumati sa kanya. “Hi Winrose!” Napasinghap siya pagkakita kay Franco na maluwang ang pagkakangiti sa kanya. Kasabay ng pagsilay ng ngiti sa kanyang labi ay nawala ding bigla ang lahat ng antok niya sa katawan. “Franco! A-anong ginagawa mo dito?” siya na rin mismo ang sumagot sa tanong niya. “Ah… tatakbo ka rin…” Hindi iyon isang tanong. Kagaya nilang mga naroon ay nakajogging outfit din ito. Mahina siyang napa-wow nang matitigan ang namumutiktik nitong mga braso at binti. Ipupusta niya ang sahod niya sa isang buwan – hunk na hunk ang katawan ni Franco kung aalisin nito ang sando-shirt na suot nito. “Yeah. Company namin ang nag-oorganize nitong marathon. Iyong UA, Inc. Nandito na din lang ako kaya makikitakbo na din ako.” Nakangiti pa ring tumango-tango siya. “Mabuti naman naisipan mong sumali. Ako naman, niyaya lang din ako ng kaibigan ko.” Mabuti nalang niyaya niya ako. Gusto niyang idugtong. Speaking of her friend. Nang igala niya ang paningin sa paligid ay wala na ito sa tabi niya. Nahagip ng mata niya sa di-kalayuan ang kaibigan na may kausap na gwapong lalake. Napangisi siya. Mukhang plano nitong 'makadagit' sa umagang iyon. “Mabuti at nayaya ka niya. Ang sabi mo ay hindi ka mahilig mag-exercise.” Bumungisngis siya. “Oo nga eh. Buti nalang. Tsaka ayos lang, para maiba naman. Bagong routine sa buhay.” “You know, it’s good to start your day kapag may magandang babaeng nakangiti sa iyo. Nakakagaan at masarap sa pakiramdam.” Pasimple niyang iginala ang paningin sa paligid. Marami ngang magagandang babae doon. “Oo nga eh. Marami ka na bang nakilala sa kanila?” nang tingnan niya ito ay nakatitig pala ito sa kanya. Nagblush ang pisngi niya. “Wala akong kinausap sa kanila. Ikaw lang.” seryoso bagamat nakangiti ang mga matang wika nito. Napatanga siya. Ako daw? “A-ako lang?” “So far, ikaw palang ang babaeng nakilala kong hindi nakakaturn off kapag tumawa ng malakas at bumungisngis ng walang katapusan.” “Grabe naman. Dapat ko bang ikatuwa ‘yan o sasama ang loob ko?” ngumuso siya. Humalakhak ito. “Ikaw pa lang ang nakapagpangiti sa akin ng walang malalim na dahilan.” Napakurap-kurap siya. Bumukas-sara din ang bibig niya. “A-ako?” turo niya sa sarili. Para siyang nabalintunaan. Ako daw? Pinuri niya ba ako? Ang ganda ko daw? Ganon? Tumawa ito. “Bakit parang nabigla ka?” Nabigla talaga siya. Tumabingi ang mukha niya. “H-hindi naman masyado….hehehe.” pakiramdam niya agad na humaba ang buhok niya. Mas mahaba pa sa buhok ni Rapunzel. Pero mabilis iyong umiksi ng lumapit ang isang ubod ng ganda at seksing babae kay Franco. Humawak pa ito sa braso ng binata. Bakit parang naninibugho yata siya sa nakikitang eksena? “Franco, hinahanap ka ni Vincent.” Anang babaeng nakakainsecure ang kagandahan. “Okay. By the way..." Bumaling ito sa kanya. “Mishel, this is Winrose. Winrose, meet Mishel.” Pagpapakilala nitong dalawa sa kanila. Nag-atubili siyang abutin ang inilahad na kamay ni Mishel. Nakaramdam siya ng panibugho pero ng makitang ngumiti ang babae at genuine iyon ay napagtanto niyang hindi niya ito dapat bastusin. Isa pa, anong karapatan niya? “Hi.” Ngumiti siya kahit pilit. “Ang ganda naman ng girlfriend mo! Pang Miss Universe!” Nilangkapan niya ng kasiyahan ang tinig. Sobra siyang nainsecure sa ganda nito. Sabay pang tumawa ang dalawa na ikinagulat niya. Napangiwi tuloy siya. “He’s not my boyfriend.” Natatawa pa ring turan ni Mishel. “Huwag kang mag-aalala. Magkaibigan lang kami. Pareho kaming nagtatrabaho sa isang kumpanya.” Humaba ulit ang buhok niya. Hindi naman pala siya dapat magselos. Naging genuine na ulit ang pagkakangisi niya. “G-ganoon ba?” lumunok siya. Tumango-tango ang dalawa. Nagpaalam na si Mishel. Nahabol niya pa ito ng tingin. “Ang ganda niya talaga ano?” wala sa loob na usal niya. “Don’t tell me, crush mo siya.” Namilog ang mata niya ng makita ang pagkagulat sa anyo ni Franco. Inakala siguro nitong tomboy siya. “Hindi ah!” Humalakhak si Franco. “I’ll see you later, Winrose.” Pagkuwan ay sabi nito. Nang tumango siya ay tumalikod na ito. Maluwang siyang napangiti nang mag-isa nalang. See you later daw. Ibig sabihin ay gusto siya nitong makita mamaya. Kinikilig na siya ngayon palang. “See you later daw. Halika na. Magsisimula na.” Nahampas niya si Destine na biglang sumulpot ang ulo sa balikat niya. Ngumisi ito. “Para kang timang. Nakangiting mag-isa.” FIVE KILOMETER RUN ang sinalihan nila Winrose at Destine. Pero ikalawang kilometro palang ay tagaktak na ang pawis ni Winrose. Pakiramdam niya ay namimintig na din ang mga binti niya. Parang hindi na niya kayang umabot sa finished line. Samantalang si Destine ay parang alive na alive pa sa pagja-jogging. Sabagay kasi ay mahilig itong mag-exercise hindi kagaya niyang kulang na kulang sa exercise. “Ano? Pagod ka na? Palibhasa walang exercise ‘yang katawan mo kaya hingal na hingal ka na ngayon.” Pang-aasar sa kanya nito. Napasimangot siya ng ngisihan siya nito. Ginaya niya ang pagngisi nito. “Ayoko na! Hindi na ako aabot sa finished line. Ikaw nalang Des ha. Babalik na ako sa start.” Humahangos na wika niya. Pareho silang napahinto. “Ha? Sayang naman! Nakaisang kilometro ka na oh. Ituloy mo na!” Umiling siya. “Hindi ko na kaya friend. I need water.” Daing niya. “Hi Winrose. Pagod ka na?” Sabay silang napatingin ni Destine sa nagsalita. “Franco!” lalo yata siyang mapapagod dahil nagtatambol ang kanyang dibdib pagkakita sa gwapong binata. “Tubig?” inialok nito ang bottled water na hawak. Nabuksan na iyon. Walang pagdadalawang isip na kinuha niya iyon at dire-diretsong tinungga hanggang masaid ang laman. “Salamat.” Aniya sa binata saka ibinalik ang botelyang wala ng laman. Napahagikhik si Destine. “Sorry. Naubos ko na. Papalitan ko nalang mamaya.” Nagpeace sign siya sa binata nang marealize ang ginawa. Ngumiti si Franco. “It’s alright. Kaya mo pa?” Mabilis siyang tumango. “Oo naman! Tara na!” “Teka.” Pigil ni Destine. “Akala ko ba pagod ka na? Sabi mo kanina gusto mo nang bumalik.” “Hindi.” pinanlakihan niya ito ng mata. “May sinabi ba akong ganon? Wala kaya. Nauhaw lang ako. Tara na.” nakangising tumingin siya kay Franco. “Are you sure? Kaya mo pa?” may bahid ng pag-aalala ang tanong ni Franco samantalang ang mga mata ay kakikitaan ng amusement. Kinilig siya sa concern nito. “Oo. Okay lang ako.” Nandito ka na eh. Pwede mo naman akong buhatin kapag hinimatay ako. “Okay then. Let’s go!” nagpatiuna na ang binata. “Lets go!” energetic na sumunod siya. “Energy drink lang?” nakaismid na bulalas ni Destine. Iningusan niya ang pasaring ng kaibigan. PAGKATAPOS ng isang nakakapagod at nakakamatay na marathon – para kay Winrose - ay nakarating sila ni Franco sa isang ice cream parlor. Nagyaya itong magmeryenda pagkatapos ng mahabang takbuhan. Pumayag siya. Hindi na sumama si Destine dahil kailangan pa daw nitong magtabaho. Isang writer ang kaibigan niya… bagong-bagong writer. Anito ay kailangan daw nitong pursigihin ang pagsusulat dahil kailangan daw nito ng kaperahan. Kaya sila na lamang ni Franco ang naglulunoy ngayon sa masarap at malamig na ice cream. “Ayos ito. Pagkatapos magjogging, isang masarap at malamig na ice cream. “ aniya habang kumukutsara ng ice cream sa malaking baso niya. “Hidi ka talaga nagdi-diet ano?” komento ni Franco. Umiling siya. Sabay subo ng ice cream. Napanganga pa siya dahil nabigla ang ngipin sa lamig. Tumawa si Franco. “Dahan-dahan lang kasi. Hindi naman tayo mauubusan. Madami pa iyan.” Itinakip niya ang isang kamay sa bibig bago napapikit. Ang lamig-lamig ng ice cream! Nilunok muna niya ang laman ng bunganga bago nagsalita. “Masarap kasi ang ganitong malamig pagkatapos ng isang nakakapagod na gawain.” Muli siyang kumutsara ng ice cream. “Hindi ka natatakot tumaba?” Tumawa siya. “Hindi. Bakit naman?” Nagkibit-balikat ito. “Alam mo kasi. Kung idi-dyeta ko ang sarili ko, maraming mawawala sa akin. Marami akong mapapalampas. Isa pa, biyaya ng Diyos iyan. Hindi dapat tinatanggihan. Go kung go! Walang diet-diet. Kain kung kain!” Naiiling pero natatawang nagkomento si Franco. “Ibang klase ka talaga.” “Siyempre. Kung may biyaya, tanggap agad. Grasya iyan eh. Alangan tanggihan diba” saka siya tumawa ng malakas. “I really admire your guts. Nakakahawa din ang pagiging energetic mo.” “Hehehe… ganon talaga. Habambuhay, dapat maging masaya.” “Siguro, walang boring moment sa inyo ng boyfriend mo?” Natitigilang napatingin siya dito saka unti-unting napangiti. Gusto mong malaman ha... “Wala akong boyfriend.” Tila ikinagulat iyon ni Franco pero agad ding napangiti. “Talaga?” Tumango-tango siya. “Sa tingin mo, kasama kita ngayon kung may boyfriend na ako?” "Sabagay." Hinimas nito ang sariling baba. Ngumisi siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD