#LivingWithYou
CHAPTER 10
Hindi maalis ang ngiti sa labi ni Bryan. Halata ang saya at excitement sa mukha nito.
Nasa loob ng kanyang kwarto si Bryan. Nakatayo sa harapan ng full body mirror na nakapwesto sa bandang kaliwa, malapit sa bintana. Sinisipat ang sarili habang suot ang official uniform sa university na papasukan niya. Talagang pinatahi pa ito ng kanyang Tita Celine kaya naman saktong-sakto sa katawan niya ang tabas nito.
Suot ni Bryan ang longsleeve polo na puti. Pinatungan iyon ng kulay sky blue na coat. Sa kaliwa, nakalagay ang patch kung saan iyon ang official seal ng university. Kulay khaki naman ang suot niyang pants na semi-fit. Tunay na balat naman ang black shoes na suot niya sa magkabilang paa.
Lahat ng suot ni Bryan ay pinagawa at binili ng kanyang Tita Celine.
“Mukha na talaga akong college student,” natatawang sabi ni Bryan.
Tumalikod pa si Bryan at sinipat naman ang itsura ng pagkakasuot niya ng uniform kapag nakatalikod siya. Na-satisfy naman siya sa itsura dahil maganda naman at hubog sa katawan niya ang unipormeng suot. Tunay na pinasadya talaga ito para sa kanya. Kunsabagay, may nagpunta naman dito sa bahay na mananahing kakilala ni Celine at sinukatan siya pati na rin si Eros. Tig-limang set nga ang pinagawa ni Tita Celine para sa kanilang dalawa ni Eros. Si Celine na rin ang nag-asikaso sa pagbili ng mga gamit nila na gagamitin sa school.
Speaking of Eros...
“Ano kayang itsura ni Eros kapag nakasuot ng uniform?” tanong ni Bryan. Napangiti ito. “Siguro magmumukha siyang school uniform model,” natatawang sabi pa nito. Hindi naman kaila sa kanya na hinahangaan niya ang itsura at tindig ni Eros. Tunay na gwapo at may sinabi ang pangangatawan na pwedeng maihalintulad sa isang modelo.
Muling hinarap ni Bryan ang sarili sa salamin. Sinipat muli ang sarili. Hinagod ng kanyang magkabilang palad ang kanyang suot na coat.
“Teka... parang may kulang.”
Tinalikuran ni Bryan ang salamin at tiningnan ang kama. Napakamot siya sa ulo dahil nakita niyang nakapatong doon ang itim na necktie.
“Oo nga pala may necktie pang kasama.”
Napabuntong-hininga si Bryan saka nilapitan ang kama. Kinuha ang necktie saka sinipat iyon nang tingin.
“Paano ito? Hindi ako marunong magsuot nito. Hays!” sabi ni Bryan. Pinigilan niyang mapakamot sa ulo dahil magugulo ang kanyang buhok.
Muling lumapit si Bryan sa salamin. Tiningnan ang hawak na necktie. Napabuntong-hininga.
Nilagay ni Bryan sa kanyang leeg ang necktie pagkatapos ay pinasok ang ibang parte nito sa may kwelyo ng suot na polo. Sinimulan niyang pagbuhol-buhulin ito at maayos na isuot.
Natatawa na lamang si Bryan sa ka-engotan niya. Hindi kasi niya magawang maayos ang pagkakasuot ng necktie. Minsan pa nga ay nasasakal siya kapag nahihigpit niya ang pagkakatali nito.
Naisip ni Bryan si Eros.
“Magpaturo kaya ako sa kanya?” tanong nito sa sarili. Inilingan rin niya kaagad ang sariling tanong. “Naku huwag na dahil siguradong mang-aasar lang iyon,” kontra pa niya sa sarili.
Sumuko na lamang si Bryan sa pagsusuot ng necktie. Saka na lamang niya ulit ito pag-aaralan dahil sumagi sa isip niya na kailangan pala niyang maglaba ngayon.
- - - - - - - - - - - - - - - -
Inipon ni Bryan ang mga marurumi niyang damit pati na rin ang mga school uniform na susuotin niya next week. Nilagay niya iyon sa isang basket saka lumabas siya ng kanyang kwarto.
Napahinto sa paglalakad si Bryan ng madaanan niya ang pintuan ng kwarto ni Eros.
“Isabay ko na kayang labhan ang mga damit nila? Tama at isabay ko na para hindi rin aksaya sa sabon,” sabi ni Bryan habang tumatango-tango pa.
Ibinaba na muna ni Bryan sa sahig ang hawak na basket saka lumapit sa pintuan ng kwarto ni Eros.
“Eros!” pagtawag ni Bryan rito sabay katok ng apat na beses.
No response.
“Eros!” may kalakasan ng pagtawag ni Bryan.
Again no response.
“Eros!” sinabayan na ng sunod-sunod na katok ni Bryan.
“ANO BA???” tanong ni Eros ng bigla nitong buksan ang pintuan kaya bahagyang napalayo si Bryan. Ang mukha na naman nito, poker face.
“Ah... Eh...”
“Ano? Nagbabasa ako,” sabi kaagad ni Eros. Ang sungit talaga.
“M-Maglalaba kasi ako kaya isasabay ko na ‘yung mga damit ninyo para hindi aksaya sa sabon at tubig-”
“Hindi ba nasabi sayo na sa laundry kami nagpapalaba?” tanong kaagad ni Eros.
“Laundry?” nagtatakang tanong ni Bryan.
Napangisi si Eros. Tiningnan niya ng diretso sa mata si Bryan.
“Baka pati laundry hindi mo alam?” tanong ni Eros.
Napailing-iling si Bryan. Wala kasi nun sa probinsya nila.
Natawa si Eros na ikinatulala ni Bryan. That’t the first time na marinig niya ang tawa nito. Malutong pero ang sarap pakinggan sa tenga.
Tumigil sa pagtawa si Eros.
“Doon kami nagpapalaba para hindi na kami mahirapan ni Mama,” paliwanag ni Eros.
Pero mistulang wala nang narinig si Bryan. Tulala lamang itong nakatingin kay Eros.
Nagtaka naman si Eros. Nangunot tuloy ang noo nito.
“Oy!” pagtawag ni Eros kay Bryan.
Tulala pa rin si Bryan.
Napailing-iling si Eros. Winagayway niya sa harapan ni Bryan ang kanang kamay niya.
Bumalik naman sa sarili si Bryan.
“Ha? May sinasabi ka?” magkasunod na tanong nito.
Napangisi si Eros. Mas lalo itong nagiging hot kapag nag-smirk.
“Ipunin mo na lang ‘yang mga labahan mo at may kukuhang mga taga-laundry sa mga labahan natin dito sa bahay at sila na ang bahala sa paglalaba,” sabi ni Eros na ikinagulat ni Bryan.
“Pero-”
“Alam mo ba na mas tipid pa iyon kumpara sa ikaw ang maglalaba? Tipid sa sabon at kuryente saka hindi ka pa pagod,” sabi kaagad ni Eros.
“Ganun?” tanong ni Bryan.
Napatango-tango si Eros.
“Kaya huwag mo nang pahirapan pa ang sarili mo,” sabi nito. “Sige na at istorbo ka eh,” inis na sabi pa nito sabay pasok muli sa kwarto at sinara ang pinto.
Napabuntong-hininga si Bryan.
“Mukhang ang dami ko pa talagang dapat matutunan dito sa Maynila.”
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
This is it!
Ngayong ang unang araw ng klase kaya naman ito si Bryan at nakaharap sa salamin at bihis na bihis na. Handang-handa na sa pagpasok.
Inaayos ni Bryan ang kanyang bagsak at wavy na buhok. Wala namang hair cut requirement ang school kaya hindi na niya ito pinagupit.
“Ayan! Ayos na ang bangs,” sabi ni Bryan saka ngumiti. Nag-pogi sign pa. “Ang gwapo mo,” pagbubuhat niya ng sariling bangko.
Napatingin si Bryan sa kanyang leeg. Napabuntong-hininga ito. Hindi pa kasi niya suot ang necktie. Wala eh, kahit anong gawin niya ay hindi niya matutunan ang pagsuot nito.
“Papagalitan kaya ako kung hindi ko suotin ang necktie?” tanong ni Bryan sa sarili.
Napatingin si Bryan sa pintuan ng kwarto ng may sunod-sunod na pagkatok ang narinig niya. Pupuntahan na sana niya para pagbuksan ang kung sino mang nasa labas pero kaagad ring bumukas iyon at niluwa si Eros na tuluyan lang pumasok dito sa loob ng kwarto ni Bryan.
Natulala na naman si Bryan.
“Tama nga ako, mukha siyang school uniform model,” bulong ni Bryan na tila nawala sa sarili.
Ang ganda ng hubog sa katawan nito ng school uniform. Napansin rin niya na suot din nito ang necktie na itim. Mas maganda pala ang uniform kapag may ganun. Estudyanteng-estudyante rin ang dating nito dahil sa pagkakaayos ng buhok na nakataas at nilagyan ng wax. Sa madaling salita, napakagwapong estudyante ni Eros lalo na siguro kung hindi ito naka-poker face.
“Ang tagal mo!” masungit na sabi ni Eros.
Bumalik sa sarili si Bryan.
“Ah... eh... pasensya na.”
Tiningnan ni Eros si Bryan mula ulo hanggang paa. Napatango-tango pa ito.
“Bakit ka ganyan makatingin?” nagtatakang tanong ni Bryan.
Napangisi si Eros.
“Nagmukha ka kasing tao,” nang-aasar na sabi nito.
Sumimangot naman si Bryan.
“Bilisan mo at isara mo na iyong huling button ng polo mo saka isuot mo na ‘yang necktie mo,” utos ni Eros. Napansin niya kasing hawak lang ito ni Bryan.
Huminga naman ng malalim si Bryan.
“Ag... pwede bang hindi ko na ito suotin-”
“Bakit? Hindi ka marunong noh?” tanong kaagad ni Eros.
Hindi sumagot si Bryan.
Dahan-dahan namang naglakad si Eros palapit kay Bryan. Inalis ang mga kamay sa bulsa.
Hindi naman maintindihan ni Bryan kung bakit bigla siyang kinabahan. Nagsimula rin siyang sinukin.
“Nauuhaw ba ako?” tanong ni Bryan sa sarili. Parang hindi naman kasi iyon ang pakiramdam niya.
Tuluyang nakapalit si Eros kay Bryan. Ang una niyang ginawa ay sinara nito ang huling button sa itaas ng polo ni Bryan. Mas lalo namang kinabahan ang huli.
Pamaya-maya ay nilahad ni Eros ang kanang kamay nito.
“Akin na,” sabi nito habang diretso ang mga mata na nakatingin kay Bryan.
“Ha?” parang tanga na tanong ni Bryan. Nawawala na naman siya sa sarili at hindi na niya maintindihan kung bakit nagkakaganito siya kapag malapit si Eros.
“ ‘Yung necktie... isusuot ko sayo,” sabi ni Eros na parang wala lang ang sobrang lapit nila ni Bryan sa isa’t-isa.
Parang tanga na napatango-tango na lamang si Bryan. Ibinigay niya ang necktie. Hindi rin naiwasang magdampi ang kanilang kamay dahilan para medyo mapapiksi si Bryan. Nakaramdam kasi siya ng kuryente.
‘Teka... may suplay ng kuryente ang katawan niya?’ sa isip ni Bryan.
Mas lalong lumapit si Eros kaya ang kanilang mga mukha at katawan ay lumiit ang distansya.
Mas lalong kinabahan si Bryan at mas tumindi ang pagsinok.
“Lagi ka na lang sinisinok. Hindi ka ba umiinom?” tanong ni Eros.
Hindi sumagot si Bryan. Kahit siya ay hindi rin niya maintindihan kung bakit ganito pero ang sigurado siya, may kinalaman si Eros dahil nangyayari lang naman ito kapag malapit ito sa kanya.
Nilagay na ni Eros ang necktie sa leeg ni Bryan at hinawakan ang magkabilang dulo. Nanlaki pa ang mga mata ng huli dahil bahagyang hinila iyon ni Eros dahilan para mas lalong maglapit ang kanilang mga mukha. Nagkasalubong tuloy ang kanilang mga tingin.
Mas lalong dumagundong sa kaba ang dibdib ni Bryan.
‘Sana hindi niya marinig ang puso ko... ewan ko ba kung bakit siya nagkakaganito... hays!’ sa isip ni Bryan.
Naaamoy na ni Bryan ang mabangong hininga ni Eros. Amoy menthol toothpaste.
‘Bakit kaya siya ganyan makatingin? Ang lalim... parang may hinahalukay sa loob ko,’ sabi ni Bryan sa isipan. Wala, litong-lito na talaga siya sa lahat ng mga kakaibang nangyayari sa kanya.
Sinimulan nang ayusin ni Eros ang necktie ni Bryan.
Mas lalo namang kinakabahan si Bryan na may kasama pang pagsinok.
Hanggang sa matapos na ni Eros ang pagbuhol. Inayos niya ang pagkakapasok sa kwelyo ng suot na polo ni Bryan saka hinila ang kahabaan para maging patag. Hinawakan niya rin ang magkabilang side ng coat ni Bryan at inayos rin iyon.
“Ayan at tapos na,” sabi ni Eros using his husky voice. Nagawa niyang ayusin ang pagkakasuot ng necktie ni Bryan ng hindi inaalis ang mata sa mga mata ni Bryan.
“Thank you,” kaagad ng lumayo si Bryan kay Eros. Baka mawalan na siya ng malay kapag nanatili pa siyang malapit dito.
Napatango-tango si Eros.
“Tara na at hinihintay na tayo ni Mama sa baba,” sabi nito saka pinamulsa ang magkabilang kamay at nauna ng lumabas ng kwarto.
Humarap muli sa salamin si Bryan. Napangiti siya nang tipid.
“Ang galing niya,” humahangang sabi ni Bryan. Ang ayos kasi ng pagkakasuot ng necktie sa kanya.
Napabuntong-hininga na lamang si Bryan saka umalis sa harapan ng salamin at kinuha ang kanyang bagpack sa ibabaw ng kama saka lumabas na rin ng kwarto.
“Wow! Ang gwagwapo naman ng mga anak ko,” sabi ni Celine na tuwang-tuwa na makita sila Bryan at Eros na nakasuot ng school uniform at may bagpack.
Napangiti naman si Bryan.
“Salamat po.”
Si Eros, poker face again.
“Bago kayo pumasok ay dapat picturan ko muna kayo-”
“Mama,” sabi kaagad ni Eros.
Napatingin si Celine sa anak.
“Huwag kang KJ anak kaya sige na tabihan mo si Bryan,” utos ni Celine.
Bigla na namang kinabahan si Bryan.
‘Ano ka ba naman Bryan umayos ka nga!’ hiyaw nito sa isip. Pinilit nitong ngumiti.
Wala namang nagawa si Eros kundi ang tabihan si Bryan sa pagkakatayo malapit sa pinto.
Nakahanda naman ang cellphone ni Celine at naka-set na sa camera mode. Tinapat niya ito kay Bryan at Eros.
“In 1... 2... 3... smile,” nangingiting sabi ni Celine saka kinunan na ng litrato ang dalawa.
“Eros ngumiti ka naman gaya ni Bryan,” may halong inis na sabi ni Celine.
Umikot ang mga mata ni Eros. Nakukulitan na kasi siya sa mama niya.
“Sige isa pa... 1... 2... 3...”
Nanlalaki ang mga mata ni Bryan dahil sa gulat ng bigla siyang akbayan. Nakangiti naman ng tipid si Eros habang nakaakbay kay Bryan. Iyon ang itsura ng litratong nakunan na ikinangiti ni Celine.