Nato's POV
Nang malaman ko na may inihandang party si Hugo at si Marcus para kay Diana ay kinausap ko agad si Hugo, inalam ko sa kanya kung saan gaganapin ang bridal shower ng asawa ni Raymond. Nuong una ay ayaw niyang sabihin sa akin pero kalaunan ay naawa na lang yata siya sa akin dahil sabi ko sa kanya ay ibabangga ko ang aking motor sa makakasalubong kong malaking truck kapag hindi niya sinabi sa akin kung saang lugar. Wala na siyang nagawa kaya sinabi niya sa akin kung saan ito gaganapin at kung anong room number ng suite. Baliw na daw ako kaya tinawanan ko lang siya.
Hinintay ko sa labas ang sinasabi ni Hugo na macho dancer na sasayaw para sa bridal shower, at ng may makita akong lalaki na pumapasok sa hotel ay sinundan ko agad ito hanggang sa makapasok kami sa loob ng elevator.
"Ikaw din ba 'yung sasayaw sa bridal shower?" tanong ko dito. Ginawa ko lang 'yon upang malaman ko kung siya nga ba ang tinutukoy ni Hugo. Nagulat pa siya at ang sabi niya na akala niya ay siya lang mag isa ang nirentahang macho dancer. Nang makumpirma ko na siya nga ang lalaking tinutukoy ni Hugo ay pinagbantaan ko ito pero matapang ang gago at akala niya ay kakayanin niya ako kaya inakmaan ako ng suntok. Mabilis naman akong nakaiwas sa ginawa niyang pagsugod. Pinindot ko ang stop button ng elevator at saka ko siya inundayan ng isang malakas na suntok sa mukha na ikinabagsak niya at tulog agad.
"Dude! Huy, gising ka muna huy! May kailangan pa ako sayo gago ka! Sabi ni Hugo may maskara ka daw, pahiramin mo muna ako. Tumayo ka ngang gago ka! Isang suntok pa lang tulog ka na agad? Ampaw naman pala 'yang katawan mo." ani ko pero tulog na talaga at ayaw ng magising. Kinapa ko ang pulso sa may leeg niya at salamat naman at buhay pa ito, normal na suntok pa lang ang ginawa ko paano pa kaya kung ibubuhos ko ang lakas ko? Baka kinabukasan may kumakanta na sa loob ng karo ng sasakyan na magdadala sa kanya sa hukay.
'Anak naman ng patis oo! Hindi man lang ako pinagpusan sayong gago ka.' bulong ko habang tinignan ko ang backpack na dala niya, binuksan ko ito at nakita ko ang isang itim na maskara at dalawang wristband, napangiti ako sa wristband. Tamang-tama dahil maitatago ko ang aking tattoo na nasa aking palapulsuhan. Kinuha ko ang wristband at ang maskara. Inupo ko ang lalaki sa gilid para kunwari ay lasing lang ito at pinindot ko muli ang button ng elevator. Pagdating ko sa 17th floor ay mabilis akong lumabas at hinanap ang suite. Mabilis ko lang natagpuan ang room nila at bago ako pumasok ay isinuot ko ang wristbands at ang itim na maskara. Hinubad ko ang aking leather jacket at sando lang ang iniwan ko. Pagpasok ko ay isinabit ko sa may pinto ang leather jacket ko at ng makita ko si Diana ay dumiretso na agad ako sa harapan niya. Ang t***k ng puso ko ay pabilis na pabilis, pagtibok ng puso na ngayon ko lang naramdaman. Pinagmasdan ko ang mukha niya, napakaganda ng mukha niya, ang mga mata niyang nagniningning kahit may kadiliman dito sa loob ng silid.
Nagsimula akong gumiling sa harapan niya, hindi niya inaalis ang mga mata niya sa akin, inukutan ko siya at hinimas niya ang katawan ko katulad nuong ginawa niya nuong nagtatabas ako ng damo sa hacienda ni Isaac.
Alam kong nakilala niya ako, nakikita ko sa mga mata niya na nakikilala niya ako. Hindi ako kumibo hanggang sa umalis sila at nakabalik.
Humarap akong muli sa kanya at hinapit ko siya sa baywang, hindi ko na mapaglabanan ang damdamin ko na naghuhumiyaw sa dibdib ko kaya tinanggal ko na ang suot kong maskara at ipinaghinang ko ang aming mga labi. Nakita ko ang pagkabigla niya at agad niya akong itinulak palayo sa katawan niya. Tumakbo siya palabas at hindi agad ako nakakilos. Nang tila natauhan ako ay mabilis ko siyang hinabol ngunit sumara na ang elevator kaya sa kabilang elevator ako sumakay.
"Diana, please stop! Hear me out. I am begging you. Please hear me out." wika ko. Hindi niya ako pinansin kaya muli ko siyang hinabol.
Takbo lamang siya ng takbo, ayaw niya akong lingunin kaya hindi ako tumitigil sa paghabol sa kanya hanggang sa inabutan ko na siya sa hallway ng lobby ng hotel. Mabilis ko siyang pinigilan sa kanyang braso at pagharap niya sa akin ay isang malakas na sampal ang dumapo sa mukha ko. Balewala lang sa akin ang ginawa niyang pagsampal, ang gusto ko ngayon ay mapakinggan niya ako.
"Para 'yan sa ginawa mo sa akin kanina! Ang kapal ng mukha mo Nato!" galit na galit niyang wika sa akin ng may kalakasan.
Nakikita ko ang matinding galit niya sa akin. Alam ko kung saan siya humuhugot ng galit niya, alam kong nasusuklam siya dahil sa mga sinabi ko sa kanya nuong nasa Batangas pa kami. Gusto kong magpaliwanag sa kanya ngunit siya na ngayon ang pilit na nagtataboy sa akin.
"Please pakinggan mo ako." Pakiusap ko sa kanya ngunit umiling lamang siya sa akin at tumawa ng pagak.
"Siguro naman ay hindi mo nakakalimutan ang mga sinabi ko sayo nuon di'ba? Malinaw naman ang mga sinabi ko sa iyo na kapag nakaramdam ka ng kahit na ano para sa akin ay kalimutan mo na dahil wala ka ring mapapala sa akin. Wala na tayong dapat pag usapan pa Nato at tigilan mo na ang kapapanakot sa mga manliligaw ko dahil hindi ka na nakakatuwa." wika niya sa akin.
Hindi agad ako nakakibo, nakikita ko sa kaniyang mga mata ang matinding galit. Naririnig ko ang mga bulung-bulungan mula sa mga taong nakikiusyo na ngunit hindi ko sila pinapansin.
"Layuan mo ako Nato, katulad ng sinabi mo sa akin nuon, wala ka ring mapapala sa akin. Hindi rin kita mahal kung 'yan ang habol mo." wika niya. Tumalikod siya at akma na siyang tatakbo palayo ng muli akong magsalita.
"Ako ang batang nangako sa iyo na pakakasalan ka paglaki natin, ako ang lalaking ipinagkasundo sa iyo ng mga magulang natin. Hindi ko man naaalala pa ang lahat pero sigurado akong mahal na kita nuon pa. Nararamdaman ko ito ngayon sa aking puso." ani ko.
Nilingon niya ako at tumawa muli ng pagak.
"Kung gayon ay dapat mo na nga akong kalimutan dahil hindi ikaw ang nais kong pakasalan at wala ka ng magagawa dahil ako mismo ang tumatanggi na matuloy ang kasal na sinasabi mo. Oo ipinagkasundo ako nuon sa iyo pero kalakip din ng kasunduang 'yan ay maikakasal lamang tayo kung pareho nating matututunang mahalin ang isa't-isa, at kung hindi naman natin magagawa 'yon ay malaya tayong makakapamili ng mamahalin natin. Itinaboy mo ako nuon, kinalimutan na kita ngayon. Sorry pero wala ka ng magagawa pa para maituloy ang kasal na sinasabi mo dahil wala akong planong pakasalan ka. Kung anuman ang umusbong nuon sa damdamin ko para sa iyo ay naglaho din ito ng araw na itinaboy mo ako. I'm sorry Nato. Maghanap ka na lang ng iba dahil hindi ako ang babaeng nakalaan para sa iyo." mahaba niyang ani.
"Handa akong maghintay Diana kahit gaano man katagal. Gagawin ko ang lahat maging akin ka lang." wika ko.
Hindi siya kumibo at tuluyan na niya akong tinalikuran. Dumating naman ang dalawa niyang kaibigan at sinundan siya.
Nakatanaw lamang ako sa kanya habang tumatakbo siya palayo.
Kung inaakala mo Diana na susukuan kita ay nagkakamali ka. Hindi ako titigil hangga't hindi mo naibabalik ang pagmamahal mo sa akin.
"Anong tinitingin tingin ninyo ha?" sigaw ko sa mga taong nag uusyoso. Lahat naman sila ay nagpulasan at nawala sa paligid. Bumalik ako sa suite upang kuhanin ko ang aking jacket.
Pagkarating ko sa parking lot ay isinukbit ko ang gun holster sa aking katawan at isinuot kong muli ang aking leather jacket. Sumampa ako sa aking motor at agad ko itong pinaharurot. Napangiti ako ng matanaw ko ang puting sasakyan na dala ni Diana, mabagal lamang siyang magpatakbo kaya sinabayan ko siya. Nilingon niya ako at ngumiti ako sa kanya at nagpatiuna ako sa harapan ng sasakyan niya. Nang malapit na siya sa kaniyang condo ay lumiko na ako at hindi ko na siya nilingon pa.
Hindi ako makakapayag na hindi matuloy ang kasal namin dahil gagawin ko ang lahat mapunta lang siya sa akin. Kung kinakailangan kong suyuin siya hanggang sa mapagod siya at umoo na lang sa akin ay gagawin ko maging akin lamang siya.
Nakarating ako sa Migz Cafe, sinalubong ako ni Marcus at kahit anong pangungulit niya sa akin ay hindi ko sinabi sa kanya kung saan ako galing.
"Alam mo ba na sobra akong nag-aalala sa iyo dahil mag isa ka lang? Alam mo na marami tayong kalaban pero bakit ang tigas ng ulo mo ha?" Tumingin lamang ako sa kanya at pagkatapos ay kumuha ako ng pagkain sa table dahil kanina pa ako gutom. Lumapit siya sa akin at muling nagsalita kaya sa inis ko ay pinasak ko ang lumpia sa bibig niya na kinagat naman niya.
"Salamat!" ani niya at nagtawanan na kaming dalawa.