Dahil sa pagsabog ng sinasakyang yate ni Nato ay nawalan siya ng memorya, natagpuan na lamang niya ang kanyang sarili na pagala-gala sa lansangan at hindi malaman kung saan pupunta. Nakilala niya si Nanay Loring na tumulong sa kanya at ang mga kapitbahay nito upang maipagamot siya at masuri kung bakit wala siyang maalala.
Naging maganda ang pakikitungo nila kay Nato at pinangalanan din siyang Nato dahil na rin sa tattoo niyang NATO sa kanyang palapulsuhan.
Lumipas ang dalawang taon na ninirahan siya sa Batangas, nakilala niya si Diana habang naninilbihan siya sa hacienda ni Isaac. Aaminin niya na naaakit siya sa kagandahan ng dalaga ngunit hindi naman mawala sa kanyang isipan ang lagi niyang napapanaginipang isang batang babae na lagi niyang nakikita sa kanyang panaginip na pinapangakuan niya ng kasal nuong bata pa sila, at isang babae sa kanyang panaginip na walang mukha at lagi niyang binabantayan at sinusubaybayan. Palaisipan sa kanya ang batang babae at ang babaeng malabo ang mukha sa kanyang panaginip. Iisa lang ba ang babaeng 'yon mula bata hanggang sa nagdalaga na ito o dalawang babae ang pinangakuan niya ng kasal? Hindi niya alam at nalilito na siya. Hindi man malinaw sa kanya ang panaginip niya ay sigurado naman siya na may naghihintay na babae sa kanyang pagbabalik.
Dumating ang araw na nahanap siya ng kaniyang kaibigan na si Marcus, hindi man niya natatandaan ang mukha nito ay may kung anong connection naman ang nagtutulak sa kanya na paniwalaan ang mga sinasabi nito sa kanya.
Bago niya napag desisyunang sumama kay Marcus pabalik ng Manila ay kinausap niya si Diana, alam niyang may pagtingin sa kanya si Diana ngunit hindi niya ito kayang suklian dahil na rin sa babaeng laging laman ng kanyang panaginip.
"I'm sorry, pero kung maaari sana ay kalimutan mo ako. Hindi ko kayang suklian ang pagmamahal mo, masasaktan ka lang dahil wala kang mapapala sa akin. Simula ngayon, ang gusto ko ay layuan mo na ako, magpakalayo-layo ka para huwag ka ng masaktan. May babae akong napapanaginipan, dalawang babaeng pinangakuan ko ng kasal, hindi ko alam kung sino sa kanila pero ang alam ko lang ay hinihintay nila ang pagbabalik ko. Sa susunod na magkita tayo ay layuan mo ako, huwag mo ng hayaang lumalim pa ang pagmamahal mo sa akin dahil hindi kita mahal." wika niya.
"Ang sakit naman ng mga sinabi mo Nato, akala ko may pagtingin ka din sa akin dahil sa mga special na ipinapakita mo sa akin, pero katulad ka lang din pala ng mga ibang lalake na mapagkunwari." sagot ni Diana.
"Maging aral 'yan sayo, hindi lahat ng maganda ang pakikitungo sa iyo ay may lihim na pagmamahal para sa iyo, kung minsan ay dala lamang ito ng respeto at kabutihan ng isang tao. Patawad Diana pero mas mabuti ng malaman mo na wala kang mapapala sa akin. Mas mabuti pa na lumayo ka na lang. Mas masasaktan ka lang kapag lagi mo akong nakikita." ani naman ni Nato.
"Huwag kang mag-alala Nato dahil habang sinasabi mo sa akin ang mga 'yan ngayon ay nagsisimula ng lumimot ang aking puso. Salamat sa pagiging honest mo. Makakaasa ka na kaylanman ay wala ng mararamdaman ang puso ko para sa iyo. Kung sakali man na muli tayong magkikita at naramdaman mo diyan sa puso mo na mahal mo ako, ngayon pa lang ay gusto kong kalimutan mo na ang pagmamahal na 'yan dahil wala ka ring mapapala sa akin. Sana nga ay ito na ang huli nating pagkikita dahil sa susunod na magkikita tayo sisiguraduhin ko sayo, wala ka na sa puso ko." wika ni Diana. Hindi na nakasagot pa si Nato ng dumating ang kaibigan ni Diana na si Ariana. Umalis na sila at naiwan si Nato na natutulala dahil sa sinabi ni Diana sa kanya. Ang huling katagang binitawan ng dalaga ay parang patalim na sumasaksak ng unti-unti sa kanyang puso na hindi niya maunawaan kung bakit.
Napagdesisyunan ni Nato na bumalik ng Manila kasama sila Marcus. Kinabukasan nga ay lumipad na sila pabalik ng Manila gamit ang helicopter na dala nila Marcus.
Dumiretso sila sa mansion ng kaniyang mga magulang, ang mansion ng mag asawang Mister and Mrs. Dante and Adelaida Montari.
Naging mainit ang pagkikita ni Nato at ng kanyang mga magulang, hindi sila makapaniwala na buhay na buhay pa ang kanilang nag-iisang anak na inakala nilang pumanaw dalawang taon na ang nakararaan. Kahit nalilito si Nato ay naniniwala naman siya sa mga sinasabi sa kanya ng nagpakilalang mga magulang niya lalo pa at makikita sa loob ng silid niya ang maraming larawan nila ni Marcus. Napangiti siya dahil ngayon pa lamang ay napapatunayan na niya na totoo ang lahat ng mga sinabi sa kanya ni Marcus. Mga larawang nagpapatunay kung gaano sila kasaya.
Nakakita siya ng isang napakalaking safe sa loob ng kanyang walk in closet. Tinawag niya ang kaniyang ama upang tanungin ang combination upang mabuksan niya ito. Tinapik siya nito sa kanyang balikat at ngumiti.
"Birthday ni Dianara Mira Morris. 03232001." ani ng kanyang ama ng may ngiti sa kanyang labi. Kumunot ang kaniyang noo at kita sa kanyang mukha ang pagkalito.
"Sino si Dianara Mira Morris?" ani niya sa kanyang ama.
"Ang babaeng pinangakuan mo ng kasal, ang babaeng gusto mong pakasalan, siya si Diana. Ayaw mong magpakilala sa kanya, huling pagkikita ninyo ay batang paslit pa lamang kayo. Habang nagdadalaga si Diana ay hindi mo siya iniwanan, binabantayan mo siya sa lahat ng oras. Ayaw mong magpakita sa kanya dahil natatakot ka na baka hindi ka niya magustuhan kaya kahit sa malayo ay lagi kang nakabantay sa kanya." ani ng kanyang ama.
"Diana?" sambit niya na nalilito at ang t***k ng kaniyang puso ay hindi na niya maipaliwanag pa.
"Wait son, buksan mo 'yang safe mo at makikita mo ang mga larawang panakaw mong kinukuha nuon. Sa tuwing umuuwi ka dito nuon bago ang aksidente ay lagi kang masaya dahil sa mga larawang panakaw mong kinukuha. Nandiyan din sa loob ang isa mo pang phone at laptop na naglalaman ng mga larawan ni Diana." ani ng kanyang ama kaya naman natataranta siyang binubuksan ang safe ngunit hindi magkandatuto ang kaniyang kamay kaya kung ano-ano ang kaniyang napipindot.
"Can you open it? My hands were shaking." ani niya sa kanyang ama. Umiling ang kaniyang ama at muling nagsalita.
"Tanging 'yang mga daliri mo lamang ang maaaring maka access ng combination ng safe mo dahil bawat keypads niyan ay fingerprint mo lang ang pwedeng basahin. After mong mailagay ang combination code ay scan mo naman dito ang buong palad mo para tuluyan ng bumukas ang safe na 'yan." ani ng kanyang ama. Huminga siya ng malalim at pagkatapos ay dahan-dahan niyang pinindot ang numerong binigay sa kanya ng kanyang ama.
Nang magkulay green ang lahat ng keypads ay inutusan naman siya ng kanyang ama na ilagay ang palad niya sa pinaka handprint na tila yari sa isang babasaging bagay. Inilapat niya ang kaniyang palad at may kung anong ilaw naman ang nagpabalik-balik sa kanyang palad na tila binabasa ang kanyang handprint. Hindi naman nagtagal ay tuluyan na ngang bumukas ang pintuan ng malaking safe at tumambad sa kanya ang isang tila maliit na silid na naglalaman ng iba't ibang klase ng armas. Napatingin siya sa gawing sulok kaya pumasok siya sa loob at kinuha ang laptop at phone na sinasabi ng kanyang ama. Dinampot din niya ang isang black folder at pagkatapos ay lumabas na siya ng walk in closet niya at bumalik sila sa loob ng kanyang silid.
Naupo sila sa sofa, unang binuklat ni Nato ang black folder at ganuon na lamang ang pagkagulat niya ng makita niya ang mga larawan ni Diana. Nanginig ang mga kamay niya at nagmamadali siyang binuksan ang phone ngunit deadbatt na ito gayundin ang laptop. Humugot siya ng malalim na hininga at kinuha ang mga larawan ni Diana. Mga larawang panakaw pa niyang kinuha nuong hindi pa nakakalimot ang kaniyang isipan. Nangilid ang kaniyang mga luha, may damdaming pilit nagkukumawala sa kanyang dibdib ang hindi niya maunawaan.
"Bakit ganyan ang hitsura mo? Nagkita na ba kayo?" tanong ng kanyang ama. Humugot ng malalim na paghinga si Nato at tumango sa kanyang ama.
"Itinaboy ko siya dad, sinabi ko sa kanya na wala siyang mapapala sa akin dahil sa babaeng walang mukha sa aking panaginip. Siya pala ang nasa panaginip ko dad, pero naitaboy ko na siya, lumayo na siya at nagbitaw siya sa akin ng salita na kalilimutan na niya ako at kung magkikita man kaming muli ay sisiguraduhin niyang hindi na ako ang nasa puso niya." ani niya sa kanyang ama.
"Kung gayon ay ikaw mismo ang gumawa ng paraan upang muling magsanga ang inyong landas."
Hindi na nakapagsalita pa si Nato. Hindi na mawala sa kanyang isipan ang mukha ni Diana. Ngayon ay malaking pagsisisi ang kaniyang nararamdaman dahil sa ginawa niyang padalos-dalos na desisyon.