Nato's POV
Maaga pa lang ay sakay na ako ng aking motorsiklo, patungo ako ngayon sa condo unit na tinitirhan ni Diana. Lahat tungkol sa kanya ay inalam ko na kaya hindi na ako mahihirapan pa. Dumaan ako sa isang flower shop at bumili ako ng isang bouquet ng roses para sa kanya. Pagkarating ko sa condo ay mabilis kong tinungo ang unit niya.
Nakailang katok ako ng bumukas ang pintuan ng unit niya at galit na Diana ang bumungad sa akin.
"Anong ginagawa mo dito? Hindi ba at malinaw naman ang sinabi ko sayo na wala kang mapapala sa akin?" galit niyang ani. Hinawi ko siya na ikinagulat niya at pumasok ako sa loob ng kanyang unit kahit hindi niya ako iniimbitahang pumasok.
"Para sayo 'to, binili ko ito bago ako tumuloy dito." ani ko.
"Hindi ka ba marunong umintindi ha? Hindi ba sinabi ko sa iyo na tumigil ka na dahil wala kang mapapala sa akin? Bakit ba ang tigas ng ulo mo?" wika niya habang nakatayo pa rin siya pintuan at tila ba hinihintay niya akong lumabas.
"May seatbelt ba ang couch mo dito?" tanong ko. Nakita ko ang pagkalito niya at tinaasan ako ng kilay.
"Gusto kong mag seatbelt para hindi mo ako maitaboy palabas." wika ko. Nakita ko ang lalong pagkainis niya kaya mabilis akong tumakbo sa isang silid na nakabukas at ikinandado ko ito.
"Nato lumabas ka diyan! Nababaliw ka na talaga!" sigaw niya habang kinakalampag niya ang pinto pero hindi ko binuksan. Mayamaya lang ay pumihit ang seradura ng pintuan ng silid at bumukas ito.
"Labas!" sigaw niya kaya lumabas naman ako.
"Dito lang muna ako, wala naman akong ginagawang masama. Tuturuan kita magluto ng menudo para matuto ka ng tamang pagtitimpla." ani ko at isang sapatos ang lumipad sa mukha ko at mabuti na lang talaga ay nasalo ko ito. Ibinalik ko sa kanya ang sapatos pero muli itong lumipad sa akin na muli ko namang nasalo. Hindi ko na lang ibinalik sa kanya dahil ibabato lang nya ulit sa akin ito kaya isinukbit ko ito sa baywang ko na parang isang baril.
"Please Nato nakikiusap ako sa iyo, umalis ka na. Hindi kita kailangan sa buhay ko." wika niya.
"Okay lang kung hindi mo ako kailangan, basta nandito lang ako sa tabi mo parati ay sapat na sa akin 'yon kahit itaboy mo pa ako." ani ko. Hindi na siya kumibo pa, naupo ako sa sofa at kung ayaw niyang matutong magluto ng menudo ay manunuod na lang ako ng tv dito.
Naupo siya sa katapat na sofa at masama niya akong tinignan pero hindi ko naman siya pinapansin. Kinuha ko ang remote control ng kaniyang tv at binuksan ko na lang ito. Tumayo naman siya at pumasok sa silid niya. Tinignan ko lang siya at napangiti ako. Humiga ako sa sofa at nanuod lang ako ng tv.
Ilang oras na ang lumipas ay hindi pa rin lumalabas si Diana sa kanyang silid kaya napakunot ako ng aking noo at napatingin ako sa nakapinid niyang silid. Tumayo ako at kumatok ako sa kanyang pintuan ngunit walang sumasagot kaya kinalampag ko ang pintuan. Wala pa ring nagbubukas kaya hinanap ko ang sabitan ng susi niya at ng makita ko ito ay mabilis kong binuksan ang pintuan ng silid niya.
"Diana? Diana nasaan ka?" tawag ko pero wala siya dito. Tinawagan ko ang telepono niya at nakapatay ito kaya napalingon ako sa paligid kung may maaari ba siyang labasan mula dito. Nakita ko ang walk-in closet niya at pinasok ko ito pero wala din akong nakitang Diana kaya sinalat ko ang dingding na salamin at pinag-aralan ko ang mirror wall niya. May nasalat akong pagitan kaya mabilis ko itong diniinan at tumambad sa akin ang isa pang unit na nakarugtong sa unit niya at isa din itong walk-in closet na nagdudugtong sa dalawang condo unit. Lumabas ako ng walk-in closet at tumambad din sa akin ang isang silid na kamukha ng silid ni Diana, sa isang drawer ay may larawan ng apat na babae na magkakayakap at nakalabas pa ang dila nila at ang isa sa babae ay ang asawa ni Hanz Dux at asawa ni Raymond Antonetti. Napasabunot ako ng aking buhok, mukhang magkakarugtong ang silid nilang magkakaibigan kaya mabilis akong bumalik sa condo ni Diana at kinuha ko ang leather jacket ko. Lumabas ako ng condo niya at sinigurado ko na nakakandado ito.
Sumakay ako ng motor ko at hinanap ko si Diana sa bawat mall na nadadaanan ko pero hindi ko siya mahanap. Bumalik ako sa condo niya upang tignan kung bumalik siya pero pati ang nakarugtong na mga silid sa kanya ay wala akong nakitang Diana. Naisahan ako ng babaeng 'yon, saan kaya siya maaaring magpunta?
Muli ko siyang hinanap ngunit hindi ko na alam kung saan ko pa siya hahanapin. Kahit na magpunta ako at dumaan sa harapan ng mansion nila Roxanne at Ariana ay hindi ko naman sila makikita kahit ang sasakyan ni Diana dahil napakalawak ng lalakbayin bago marating ang driveway nila at ang mansion.
Nagpunta na lang ako sa opisina ni Marcus. Alam ko naman na kanina pa niya ako hinahanap dahil walang tigil ng kakaring ang aking telepono.
"Nagpakita ka pang gago ka!" galit niyang ani sa akin. Hindi naman ako kumibo at naupo lang ako sa sofa niya.
"Saan ka ba nanggaling at hindi ka namin mahanap? May lakad tayo mamaya, kailangan nating pumunta ng hideout dahil may pag-uusapan tayong importante. Tigilan mo ang kaka-stalk mo kay Diana at lalo lang magagalit sayo 'yon. Kailan ba babalik 'yang memorya mo ha bwisit ka!" wika niya pero kumuha lang ako ng lollipop sa bulsa ko na binili ko kanina sa tindahan at kinain ko ito.
"Naglololiipop ka pa ngayon? Anak ng patis Nato, gusto mo bang iuntog ko na 'yang ulo mo diyan sa dingding at baka sakaling bumalik na 'yang dati mong katinuan ha?" galit niyang ani pero tinignan ko lang siya ng masama at muli kong isinubo ang lollipop.
Itinaas ko ang dalawang paa ko at sumandal ako sa sofa, bumukas naman ang pintuan ng silid opisina ni Marcus at pumasok sila Lyka.
"Saan mo nahanap ang gunggong na 'yan ha? Ayaw sagutin ang tawag namin tapos pinatayan pa kami ng telepono." inis niyang ani kaya idinilat ko ang mga mata ko.
"Wala kayong pakialam kahit saan ako magpunta!" inis kong wika at muli kong ipinikit ang mga mata ko at inisip ko na lang magandang mukha ni Diana. Kahit anong kuda nila ay hindi ko sila pinapansin, para akong walang naririnig hanggang isang folder ang tumama sa mukha ko kaya bigla akong napatayo at hinugot ko ang baril ko at sabay tutok ko kay Marcus.
"Go ahead! Pull the trigger!" asik niya pero masama ko lang siyang tinignan at ibinalik ko ang baril ko sa suksukan nito.
Problema ng mga ito sa akin? Hindi ba sila makakakilos ng wala ako? Sa loob ng ilang taon na wala ako sa kanila ay wala naman silang naging problema, bakit ngayon ay para silang mga tanga? Bumalik ako sa pagkakaupo ko at tinaas kong muli ang dalawa kong paa at tumitig ako kay Marcus.
"Hindi na, sayang lang ang bala ko sayo. Alam ko namang para kang kidlat kung umiwas sa bala." wika ko at napapailing lang siya sa akin. Mainit ang ulo ko dahil naisahan ako ni Diana kanina.