“MISS.”
Naramdaman din niya ang pagkawala ng tubig ulan na bumubuhos sa kanya. Nagtaka pa siya. Mula sa pagnguyngoy ay nag-angat ng mukha si Solaris. Sumalubong sa kanyang paningin ang isang lalaking medyo matangkad din. May itsura din ito at mukhang body guard. Nakasuot ito ng puting polo short, pantalong maong at itim na leather na sapatos. May hawak itong malaki at itim na payong. Kaya pala nawala ang ulan sa tapat niya. Pinayungan pala siya nito.
Humikbi siya bago nagsalita. “Ano? Ipinadala ka ba rito para mamatay na ako?” umiiyak niyang tanong.
“Ha?” rumehistro ang pagkagulat sa mukha ng lalaki.
“Sabi ko papatayin mo na ba?” nilakasan niya ang tinig. “Para matapos na ang lahat ng paghihirap ko. Gusto ko ng mamatay.” Lumakas ang ingat niya.
Nataranta naman ang lalaki. “A…e… Miss.. sandali. Huwag kang umiyak.” Nagpalinga-linga ito sa paligid.
Suminghot siya. “Papaanong hindi ako iiyak? Ipinadala na ang kamatayan ko.” tumingin siya sa itaas. “Goodbye world. Goodbye universe. Goodbye madlang people. Goodbye dabarkads! Goodbye sa inyong lahat.” Madrama niyang pahayag.
Ngumiwi ang lalaki. “Sandali Miss. Ano bang sinasabi mo? Hindi kita papatayin.”
Ibinalik niya ang tingin dito. “Hindi mo ako papatayin? Bakit mo ako nilapitan kung ganon?” humawak siya sa pantalon nito at bahagyang hinila-hila iyon. “Patayin mo nalang ako. Sige na. Gusto ko ng matapos ang buhay ko. Ayaw ko na sa earth.” Humikbi-hikbi siya. “Pero last request ko lang, kung papatayin mo ako huwag masakit ha. Iyong isang bagsakan para hindi na ako mahirapan…”
Mas lalong kumunot ang noo ng lalaki habang nakatingin sa kanya. Marahil ay iniisip nitong nababaliw na siya. “Hindi nga kita papatayin Miss. Hindi ako mamamatay tao.”
“E bakit mo ako nilapitan?”
“Ah… nakita ka kasi ng amo ko.”
“Amo mo? Sinong amo mo?”
Itinuro nito ang isang magarang sasakyan na nasa tapat niya at nasa gilid ng daan. Mukhang talagang mayaman ang may-ari dahil may driver pa. Sana all mayaman. Nagsalubong ang mga kilay niya. Bahagya siyang tumigil sa pagnguyngoy.
“Nasa loob niyan ang amo ko. At ipinabibigay niya sa iyo ito.” iniabot nito ang isang tarheta. Medyo nabasa iyon.
Nagtatakang kinuha niya iyon. Laurice Gatchalian. President and CEO of Happy Cosmetics. Iyon ang nakasalulat at sa ibaba ang mga numero.
“Para saan ito?” takang-tanong niya.
Noon nawala ang kunot sa noo ng lalaki. “Gusto mo raw bang magkaroon ng trabaho?”
Napakurap siya. Tuluyang tumigil sa pag-iyak. “Trabaho?” bigla siyang tumayo.
Tumango ang estranghero. “Oo. Kung interesado ka raw ay tumawag ka sa numerong iyan.”
“Teka. Anong klaseng trabaho?” tuluyang nakuha ng sinabi nito ang atensiyon niya.
Nagkibit-balikat ito. “Baka artista.”
“Artista?” namilog ang mga mata niya.
“Hindi ako sigurado. Hindi rin sinabi sa akin eh. Basta tawagan mo nalang daw ‘yan.”
Muli niyang tiningnan ang tarheta.
“Sige Miss.” Tumalikod na ang driver at iniwan na siya.
Agad rin niyang naramdaman ang muling pagbuhos ng ulan sa kanyang katawan.
“Sandali ---.” Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil dire-diretso na itong naglakad patungo sa sasakyan. Nang pumasok ito roon ay napatingin siya sa back seat. Tinted ang salamin niyon pero pakiramdam niya ay may mga matang nakatingin sa kanya. Umalis na ang magarang sasakyan.
Muli niyang tiningnan ang tarheta. Basang-basa na iyon. Mabilis niya iyong inilagay sa loob ng bag na nakasabit sa kanya.
Trabaho. May magbibigay sa kanya ng trabaho. Kahit papaano ay nagkaroon siya ng pag-asa. Mariin niyang pinunasan ang mukha. Pero nabasa pa rin iyon dahil malakas pa rin ang patak ng ulan. Gayunpaman ay hindi na siya bumalik sa pagkakalugmok kanina. Hindi na nawala sa isip niya ang tarheta sa kanyang bag. Nagpasya siyang umuwi na na tila walang nangyaring ‘’taping’ sa kanya kanina.
“OMG!”
Mula sa tarhetang hawak at kanina pa tinitingnan ay napatingin si Solaris kay Athea. Ang pinakamatalik niyang kaibigan. Kung wirdo siya ay nerd naman ito. Wirdo siya dahil madalas ay kinakausap niya ang sarili o nagsasalita siyang mag-isa. Hindi sa may kausap talaga siya kundi dahil hindi niya maiwasang ilabas ang mga nais sabihin na dapat ay sa isip lang. Weird siya dahil may mga bagay siyang ginagawa na hindi ginagawa ng mga normal na tao. O siguro ay talagang extra-ordinary lang siya.
Habang ito ay nerd dahil sa kapal ng salamin nito sa mata. Matalino ang kanyang kaibigan. Di hamak na mas matalino sa kanya. Matalino rin naman siya pero kung pagbabasehan ang IQ ay deadma ang IQ niya sa IQ ni Athea. Pareho silang nasa kolehiyo ng makilala nila ang isa’t-isa. Pareho silang may iniindang problema noon at pareho silang ngumungoyngoy sa isang parte ng kolehiyong pinapasukan. Napansin nila ang isa’t-isa at simula noon ay naging magkaibigan na sila.
Marami silang pagkakapareho at pareho rin silang mahirap. Kaya nangako sila sa isa’t-isa na palagi silang magdadamayan. Kaya ngayong sobrang lugmok na lugmok siya sa parte ng kanyang buhay ay inampon siya nito.
Galing iyo sa silid nito at palapit sa kinaroroonan niya. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa makaupo ito at magtaas ng paa sa isang pang-isahan at lumang upuan na gawa sa rattan. Habang siya ay nasa mahabang upuan na katerno ng inupuan nito. Hawak nito ang cellphone at nakaharap ang gadget sa mukha. Kinuha nito ang isang parisukat na unan at inilagay nito iyon sa ibabaw ng dibdib.
Maayos na ang itsura niya na mukhang walang nangyari kanina bago siya umuwi. Hindi pa niya nasasabi sa kaibigan ang ginawa niyang eksena kanina sa gilid ng bangketa. Mabuti nalang at wala pa ito nang makauwi siya sa apartment nito. Kundi ay siguradong masesermonan nanaman siya nito. Mukha kasi siyang basang sisiw.
“Bakit?” medyo nawala ang atensiyon niya sa iniisip. Na-curious siya sa nakikitang reaksiyon sa mukha nito.
“Si Jasmin Rivas, may malaking pasabog.” Pagbabalita nito. Nasa mukha ang pagkabigla.
“Ha?” Kilala niya si Jasmin Rivas. Actually, kilala ito hindi lang sa buong Pilipinas kundi sa ibang parte ng asya. Isa ito sa hinahangaan niya hindi lang bilang isang actress kundi bilang isang tao. Napakabait ng babae at alam niyang walang halong kaplastikan ang ipinapakita nito sa mga tao. Kaya nagulantang silang lahat ng magloko ang boyfriend nitong si Asher. “Ano naman ang pasabog niya?”
“Kabit siya Teh!” nanlalaki ang mga matang bulalas nito.
Napatuwid siya ng upo. “Ano? Si Jasmin Rivas, kabit?”
Sunod-sunod itong tumango. “Oo nga. Ayan oh.” Ipinakita nito ang cellphone sa kanya. Nakalagay sa screen ang isang video kung saan mapapanood ang panunugod ng isang babaeng nagngangalang Celesty ang pangalan sa mansiyon ni Jasmin sa probinsiya nito. Ayon sa mga nakalagay sa post ay asawa raw ni Rafael ang Celesty na iyon. Si Rafael naman ang lalaking kinabitan ni Jasmin.
“Oh my God.” natutop niya ang bibig.
Sabay nilang pinanood ang video hanggang sa matapos iyon. Ilang sandaling natulala sila pagkatapos ng video pagkatapos ay nagkatinginan silang magkaibigan. Parehong nasa mukha ang hindi pagkapaniwala.
“Totoo kaya?” narinig niyang sabi ni Athea.
Pero na siya nakasagot. Natulala na kasi siya. Pagkatapos ay humikbi siya at napangiwi ang kanyang mukha.
Nagkaroon ng kulubot sa noo ng kaibigan na napatingin sa kanya. “Anong nangyari sa iyo? Apektado ka kay Jasmin ‘Teh?”
Bahagyang naningkit ang mga mata niya. “Hayop na mga kabit na ‘yan! Hindi pa sila mawala sa mundo!” naggitiran ang mga ngipin niya.
Tumikwas ang isang kilay ni Athea. “Ay! May personal kang galit kay Jasmin? Akala ko ba idol mo siya? Ayaw mo na sa kanya?”
Lumabi siya. “Wala akong personal na galit sa kanya. Pero sa mga kagaya niyang kabit, hah! Mga salot sila sa lipunan! Mga peste! Dapat sa kanila sinusunog! Mga makakati! Mga mang-aagaw!”
“Ano bang pinagsassabi mo? At bakit umiiyak ka na?”
“Anteeee…” lukot na lukot na ang mukha niya. Tuluyang nag-init ang sulok ng kanyang mga mata.
“O?”
“Si Hero…”
“Ano? Hindi na siya tuod?”
Mas lalo siyang naiyak. “Sana naging tuod na nga lang siya. Pero hindi. Ang gagong iyon. Akala mo santo. May babae siya…”
“Oh…” iyon lang ang naging reaksiyon nito.
“Anong oh?”
“Wala. O sige… magkuwento ka na.” anitong parang wala lang ang sinabi niya.