PUMASOK si Solaris sa isang sa tingin niya ay warehouse sa bandang Pasig City. Nang una ay inakala niyang naliligaw pa siya. Pero nang magtanong siya sa guwardiyang nasa harap niyon ay hindi naman pala siya naliligaw. Naroroon din daw sa loob ng warehouse ang taong hinahanap niya at siyang pangalan na nakalagay sa tarhetang ipinakita niya sa guwardiya.
Dalawang araw na ang nakakalipas simula ng mangyari ang ‘insidente’ niya sa gilid ng daan at makatanggap siya ng tarheta mula sa isang estranghero. Sa una ay nag-aalangan pa siyang kontakin ang numero roon. Si-nearch pa niya sa internet kung ano ang Happy Cosmetics. Gaya ng inaasahan niya ay isa iyong make-up line na sikat pala sa bansa. Pero dahil hindi naman siya mahilig mag-make up at wala siyang hilig sa mga branded na bagay ay hindi siya aware sa bagay na iyon. Si Laurice Gatchalian din ang nakalagay na owner at CEO ng HC kaya nalaman niya tuloy ang tungkol doon.
Mayaman ang babae at nagmula sa mayamang pamilya. May asawa na ito na hindi na niya pinagkaabalang alamin kung sino pero wala pa itong anak. Sa internet ay nakita na niya ang itsura nito kahit pa hindi iyon karamihan. Natanto niyang sobrang ganda pala ng babae.
Pagkatapos niyon ay pinag-isipan niyang mabuti ang naging alok nito kung gusto niyang magtrabaho. Naisip kaagad niyang baka nangangailangan sa kumpanya nito ng isang trabahador. Maaring nakita nito kung papaano siya nag-emote sa ilalim ng malakas na ulan. Naisip siguro nitong tulungan siya at alukin ng trabaho. Doon palang ay naisip din niyang isa itong mabuting tao.
Dahil kailangang-kailangan naman talaga niya ng trabaho ay nagdesisyon siyang sunggaban ang iniaalok nito – kahit hindi pa siya sigurado kung ano talaga ang trabaho. Pero kahit ano pa iyon, basta marangal ay tatanggapin niya. Ang importante ay magkakarooon siya ng sahod. Dahil kailangang-kailangan niya iyon sa mga panahong iyon ng kanyang buhay.
Kinaumagahan ay tinawagan niya ang numero sa tarheta. Sigurado niyang hindi si Laurice ang nakausap niya dahil para iyong sekretarya kung magsalita. Sinabi niya kung bakit nakuha niya ang numerong iyon. May ibinigay itong address na pupuntahan niya at petsa.
Kaya naroroon siya ngayon.
Naglalakad palang siya papasok doon ay napansin na kaagad niya ang mahigit sampung babae na nakaupo sa hilera ng mga upuan. Mukhang aplikante rin ang mga ito base sa itsura ng mga ito. Pasado alas nuwebe palang ng umagang iyon.
Lumapit siya sa isang tila receptionist na nasa loob. Nakaupo sa isang likod at nasa harap nito ang isang pahabang mesa. Sa tingin niya ay hindi naman talaga iyon isang opisina. Napansin na rin niya sa likuran nito ilang metro ang layo ay mayroong tila isang malaking kahon na nakalagay sa gitna at makapal na plywood ang ginawang harang para magmukha iyong silid. Doon din niya napansin na lumabas ang isang babae na marahil ay katatapos lang ng interview.
“Hello po…” magalang at kiming bati niya sa receptionist.
“Hi. Aplikante ka rin?” hindi naman ito mataray pero napatanas ang kilay nito pagkakita sa kanya.
Tumango siya. “Opo. Heto po ang resume ko.”
Tila hindi naman interesadong kinuha nito ang resume niya. “Pangalan?”
“Solaris Mariposa po.” Mabilis niyang sagot.
Hindi ito nagsalita. Hinagod siya ng tingin ng babae. Medyo nailang naman siya. Napatingin siya sa nga babaeng kasamahan niyang aplikante. Naka-tight pants at halos labas ang cleavage ng iba habang ang iba ay nakapalda na hanggang hita ang haba. Kuntodo ang make up ng mga ito. Pagkuwan ay napatingin siya sa sarili. Naka-slacks siya ng itim at cream na long sleeves. Manipis na lipstick at kaunting polbo lang ang nasa mukha niya. Kahit na morena siya ay maganda pa rin siya kumpara sa mga naglalagay ng make up sa mukha. Maayos na nakapuyod pataas ang buhok niya. Inayos niya ang suot na salamin sa mata. Presentable ang kanyang suot kumpara sa mga kasama. Sa tingin niya ay tama lang iyon. Hindi naman siguro club ang trabahong a-applayan niya diba.
“Bakit ho?” pukaw niya sa babae ng hindi na ito magsalita.
“Sigurado ka ba sa a-applyan mo?” medyo nananatiyang tanong nito.
Bahagya siyang nagtaka. Napaisip tuloy siya kung ano ba talaga ang a-applyan niya. “E ang totoo ho ay hindi ko ho alam kung ano. Ano ho ba ang hiring diyan ngayon? Binigyan lang ho kasi ang ng tarheta ni Miss Laurice.” Curious niyang tanong.
Nagkibit-balikat ito at inalis na ang tingin sa kanya. “Kung ganon ay sa loob mo nalang malalaman.” May ibinigay itong papel sa kanya. “Isulat mo ang pangalan mo riyan at contact number. Pagkatapos ay hintayin mong matawag ang pangalan ko.”
“Sige ho.” Ginawa niya ang sinabi nito.
Pagkasulat ng pangalan at numero niya ay pinapunta na siya ng receptionist sa mga babaeng nakapila roon. Napansin niya na pulos babae ang naroroon. Walang lalaki ni isa.
“Hi…” Bati niya sa mga ito. Kiming ngumiti at kumaway pa siya sa mga ito.
Hindi sumagot ang mga babae. Sa halip ay tiningnan siya mula ulo hanggang paa.
Napataas ang isang kilay niya. Ay! Huwag niyo akong mahagod-hagod ng tingin. Baka tampalin ko kayo ng takong ko. Mukha lang akong mabait at mukha kayong maldita. Pero hindi ko kayo uurngan ‘day! Palaban niyang sabi pero sa sarili lang siyempre. Siyempre ay ayaw rin niyang magkaroon ng kaaway.
Gayunpaman ay ngumiti pa rin siya. Matiyaga siyang naghintay na matawag ang kanyang pangalan. Isa-isa ring natatawag ang mga babae. Hindi rin siya ang huling dumating dahil may mga sampu pang dumating na aplikante.
Curious na curious na talaga siya kung anong trabaho ang ina-applyan niya. Nahihiya naman na siyang magtanong sa mga kasama dahil mukhang ayaw din siyang kausapin ng mga ito.
“Solaris mariposa?” narinig niyang tawag sa kanyang pangalan.
“Ako ho!” Bigla siyang tumayo. Nakita niya ang isang binabae na medyo payat na biglang sumulpot sa kung saan.
“Ikaw na ang susunod. Pumunta ka sa pintong iyon.” Itinuro nito ang pintong parte ng kahon.
“Sige ho.”
Naglakad siya patungo sa pintong tinuro nito.
Lord… sana matanggap ho ako… kailangang-kailangan ko ho ng trabaho.
Huminga siya ng malalim bago tuluyang binuksan ang pinto.