Solaris 1

1414 Words
MALAKAS ang kulog na pumailanlang sa buong kalangitan. Kasunod niyon ay isang kidlat na animo nasa malapit lang at sumagitsit sa ere. Madilim na madilim ang kalangitan maging ang paligid at animo ay malapit ng sumapit ang gabi samantalang pasado alas kuwatro pa lamang ng hapon. Halos lahat ng tao sa lansangan ay nagmamadaling makasilong dahil anumang sandali ay babagsak na ang malakas na ulan. Kanya-kanyang lakad-takbo ang mga ito at ang iba ay naghahanda na rin ng payong para panangga sa nagbabadyang ulan. Ang iba ay nag-uunahan pa para makasakay ng sasakyan. Subalit hindi si Solaris. Wala siyang pakialam sa kung ano ang nangyayari sa kanyang paligid. Basta naglalakad lang siya sa gilid ng kalsada at hindi pinapansin ang pagmamadali ng mga nakakasalubong. Siguro kahit bumaha, lumindol, o gumuho ang lugar ay hindi niya iyon papansinin. Baka nga magpatihulog pa siya kapag bumuka ang lupa. O kahit mabangga-bangga na siya ng mga nagmamadaling tao ay hindi niya iyon pinapansin. Muling kumulog ng malakas. Na tila ba nasa itaas lamang niya ang nag-aaway na si Goliath at kung sino man ang kaaway nito. Nakayuko siya at laglag ang mga balikat habang lulugo-lugong naglalakad. Sa kanyang itsura ay tila pasan niya hindi lang ang buong mundo kundi maging ang buong universe. Kahit nang mabangga siya ng isang babaeng nagmamadali ay wala siyang pakialam. Bumagsak pa siya sa sementong kalsada pero wala pa rin siyang pakialam. Biglang tumigil ang babae at niyuko siya. “Ay! Miss, pasensiya na. Ayos ka lang ba?” natatarantang tanong ng babeng nakabangga sa kanya. Inalalayan siya nitong makalayo pero pumiksi siya at hinila ang kamay mula rito. “Ay wow! Ayaw mong patulong di wag! Bahala ka riyan!” anang babae na biglang nagtaray sa kanya. Ni hindi niya ito sinulyapan. Tuluyan siyang iniwan ng babae. Hindi na rin siya nag-abalang tumayo pa. Kahit pinagtitinginan na siya ng mga tao at dinaraan-daanan nalang ay tuluyan siyang naging walang pakialam sa mundo. Mabigat na mabigat ang kanyang pakiramdam. Isa lang ang gusto niyang mangyari ng mga sandaling iyon. Ang mamatay. Hanggang sa maramdaman niya ang isang patak ng ulan sa kanyang braso. Napatingin siya roon. Umismid siya. “Himala. Ang butil ng ulan, nararamdaman ko pa.” mapait niyang saad. Ang isang patak ay nagkasunod-sunod hanggang sa tuluyang bumuhos ang ulan. Biglang lakas iyon. Malalaki ang mga patak at talagang nakakabasa. Napatingin siya sa paligid dahil mas lumakas ang boses ng mga tao. Kanya-kanyang takbo na ang mga ito. “Ano ba ang nangyayari sa inyo? Ulan lang naman iyan? Takot na takot kayong mabasa.” Punom-puno ng kapaitang sabi niya habang pinagmamasdan ang mga tao. Nagsimula na rin siyang mabasa pero hindi niya iyon alintana maging ang lamig. Nagpatuloy ang malakas na bagsak ng ulan. Na tila ba nakikisimpatya ang panahon sa nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Ramdam niya ang pagkabasa ng buo niyang katawan. Pero nanatili siyang nakaupo. Inalis na niya ang tingin sa mga tao at tumingala. Sinalo ng mukha niya ang tubig ulan. Pumikit siya at niramdam ang lamig niyon. “Buhay pa rin ako. Bakit ganon?” nagsimula siyang makaramdam ng ginaw. Bahagya rin siyang manginig. Pero wala siyang lakas upang tumayo. Pakiramdam niya ay wala na siyang lakas para mabuhay. Para ipagpatuloy ang buhay. “Hahaha! Sige pa! Umulan ka pa ng malakas! Ibagsak mo ang lahat sa akin!” malakas niyang sabi na tila nababaliw na. Ngumiti siya. Ang pagngiti niya ay nauwi sa unti-unting paghikbi hanggang sa umiiyak na siya. Dire-diretso ang pag-iyak niya at sumasabay ang agos ng luha sa patak ng ulan sa kanyang mukha. Bihira na ang mga taong dumaraan sa tapat niya kaya kahit maglulupasay siya roon ay wala ng pupuna sa kanya. Maliban nalang kung mapansin siya ng mga tao sa loob ng mga sasakyang nagdaraan sa kalsada at mga taong na-stranded sa mga lilim. Nagpatuloy ang pag-iyak niya hanggang sa humahagulgol na siya. “Huhuhu… b-bakit ako pa? M-Mabait akong tao. Mabait akong nilalang. W-Wala akong ginagawang masama sa kapwa ko. Ni hindi ko nga kayang pumatay ng ipis. G-Gagamba lang dahil kinikilabutan ako sa kanila ---.” Humikbi siya. “Pero bakit sa akin pa nangyayari ang lahat ng ano? Lord… bakit po? Bakit?” kasunod niyon ay umatungal siya ng iyak. “Ang sakit-sakit… sobrang sakit… ayoko ng mabuhay…” hilam na hilam na ang luha sa kanyang mukha. Pagkatapos niyon ay nagyuko siya ng ulo. Itiniklop niya ang mga tuhod at ipinatong doon ang noo. Malakas pa rin ang pag-iyak niya. Muling umatake ang sunod-sunod na pagkulog at pagkidlat. Dinig sa kalayuan ang sigawan ng mga tao dahil sa lakas niyon. Pero hindi siya natatakot. Kung kikidlatan man siya roon ay wala na siyang pakialam. Gusto na niyang mamatay. Pero bigla siyang natigilan. Nag-angat siya ng mukha at bahagyang nahinto sa pag-iyak. Kung mamamatay siya dahil sa kidlat ay ayaw niya. Masakit yata iyon. Masakit ang makuryente. Habang ngumungoyngoy ay napangiwi si Solaris. “Ayokog mamatay sa kidlat Lord. Huwag muna ngayon.” Biglang bawi niya. Pagkatapos ay nagpatuloy siya sa pag-eemote. SA MALAWAK na kalsadang nasa harap ni Solaris ay nagsimula na ring umiral ang trapiko. Parami ng parami ang mga sasakyang nagdaraan at bumabagal ang takbo ng mga iyon hanggang sa tuluyan nang tumigil ang mga sasakyan. Isa sa naipit sa traffic ay ang kulay pulang kotse na halatang mamahalin sa brand palang. Makintab na makintab ang pagkakapula ng BMW na nakatapat sa puwesto ni Solaris. Nasa loob niyon sa back seat ang isang babaeng sobrang ganda sa kaputian. Medyo aristokrata ang mukha at katawan at tindig palang ay pang-modelo na. May kakapalan din ang make up nito sa mukha at mukhang kagagaling sa isang fashion show sa itsura at pananamit. Ang pangalan nito ay Laurice. Halatang-halata ang pagiging anak mayaman nito mula sa mga damit at gamit sa katawan hanggang sa sasakyang kinalululanan nito. Napalingon ang babae sa labas ng binata. Nakita niya ang isang babaeng umiiyak at nagsasalita kahit wala namang kausap. Nakatingin ito sa kalangitan at nakataas pa ang dalawang kamay na tila kinakausap nito ang langit. Bakas sa anyo nito na may matindi at mabigat itong pinagdadaanan. Hindi naman dapat niya ito papansin. Pero na-curious siya sa ginagawa nitong eksena sa gilid ng kalsada. Halatang wala itong pakialam sa mundo lalo na sa mga tao. Mukha naman itong normal dahil maayos naman ang pananamit nito. Hindi ito mukhang pulubi o isang taong nasisiraan na nakakalat sa lansangan. Paiba-iba rin ang emosyon ng mukha nito. Naabutan niya itong tumatawa kanina. Hanggang sa bigla itong umiyak at ngayon ay humahagulgol na. Iaalis na sana niya ang tingin dito ng may biglang pumasok na ideya sa kanyang isip. Bahagyang naglaro ang kislap ng katuwaan sa kanyang mukha. “Richie.” Baling niya sa kanyang personal driver. “Yes Ma’am.” Anang driver na nasa driver’s seat. “Itabi mo ang sasakyan.” Utos niya sa lalaki. “Bakit ho Ma’am?” “Basta itabi mo.” Sumimangot siya. “Sige ho.” Mabilis nitong itinabi ang sasakyan sa gilid ng daan sa mismong tapat ng babaeng nakakuha ng kanyang atensiyon. “Anong gagawin mo girl?” takang-tanong ng isa pang babae ng tumigil ang kotse. One of her bestfriend. Si Ging. Katabi niya ito sa backseat. “Nakikita mo ba iyong babaeng iyon?” itinuro niya ang babaeng parang mawawala na ng ulirat sa gilid ng kalsada ng mga sandaling iyon. Tumingin doon si Ging. Nagsalubong ang mga kilay nito. “Oh. Kailan ka pa nagkaroon ng interes sa isang kagaya niyan?” “May naisip ako.” “Huwag mong sabihing nagkaroon ka na ng puso para tumulong sa mga kagaya niyan ha.” Nananantiyang pahayag ni Ging. “Girl, hindi iyan pulubi. Ano ka ba? Tingnan mo nga. Sa tingin ko ay malaki lang ang problema niyan sa buhay.” Muling minasdan ni Ging ang babae. “Sabagay. Maayos nga naman ang itsura niya maliban sa parang problema niya ang mundo. Ano ba ang naiisip mo sa kanya?” Bumulong si Laurice sa kaibigan. “Are you serious?” namimilog ang mga matang bulalas nito. “Yes. I think she’s a perfect candidate.” Binalingan niya ang driver. Iniabot dito ang isang calling card niya. “Richie. Puntahan mo ang babaeng iyon at sabihin mo sa kanya ang lahat ng ibibilin ko sa iyo.” May mga sinabi siya sa driver. Tumango ito at bumaba ng sasakyan. Bitbit ang isang malaking payong at ang tarhetang ibigay niya rito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD