“OKAY, tell me about yourself. Anong hilig mong gawin sa buhay at kung anong hilig mong kainin.” Sabi ng isang binabae na nakaupo sa isang silya at nasa harap ng isang pahabang mesa kay Solaris. Katabi nito sa kanan ang isang babaeng pamilyar na sa kanya. Si Laurice Gatchalian. Habang nasa kanan naman ng babae ang isa pang babae na hindi rin niya kilala. Nakatungo ang dalawang babae habang nakatingin sa mga papel na nasa harapan ng mga ito. Ang binabae lamang ang nakatingin ngayon sa kanya. Hindi nakaligtas kay Solaris ang paghagod ng tingin nito na tila ba nagtataka kung bakit siya naroroon.
Eh? Hilig kainin talaga? Ang daming puwedeng itanong ha. Pasundot na sabi ng isip niya.
Tumayo siya ng tuwid at tumikhim bago sumagot. “Ahm… my name is Solaris Mariposa ---.” Bigla siyang natigil sa pagsasalita nang sumingit ang babaeng katabi ni Laurice. Nakatingin na ito sa kanya ngayon.
“Wait! Kilala kita.” Sabi ng babaeng hindi niya kilala. Rumehistro ang pagkakakilanlan sa mukha nito.
“Kilala mo siya?” tikwas ang isang kilay na tanong ng bakla.
“Yes. She’s that woman na nakasalampak at nasa ilalim ng malakas na ulan habang hindi ko alam kung ano ang ginagawa.” Ang malamyos na tinig ni Laurice ang sumunod niyang narinig. Patingin niya rito ay titig na titig sa kanya. “Am I right?” nangislap pa ang mga mata nito.
Kiming ngumiti siya at tumango sa babae. Bahagya pang namula ang mukha niya at napakamot sa ulo ng maalala ang eksenang pinaggagagawa niya. “A-Ako nga ho. K-Kung ganon ay natatandaan niyo ho pala ako?”
“How can I forget that face na kumuha ng atensiyon ko?” ngumiti ito sa kanya. Ngiting masarap tingnan. Ang ganda sa totoo lang ng babae. “I’m glad na pumunta ka ngayong araw.” Bumukas sa mata nito ang pagkainteresado sa kanya.
“E… ako rin ho. Natutuwang nagpunta ngayon dito.” naglinis ulit siya ng bara sa lalamunan. “Kailangan ko rin ho kasi ng trabaho.”
“So, kilala niyo nga talaga siya. Ikaw ba ang nagpapunta sa kanya rito?” singit ng bakla.
“Yes, George. I personally gave my card to her.” Sagot ni Laurice sa bakla na nagngangalan palang George.
“I see. Kanina kasi ay nagtataka ako. Akala ko ay naligaw lang siya rito. Kung ikaw nga pala ang nakakita sa kanya, ibig sabihin ay may nakita ka sa kanya. Right?” komento pa ni George habang palipat-lipat ang tingin sa kanila ni Laurice.
Hindi nagsalita si Laurice pero tumango lang ngumiti. “So… let’s see what you can do. Tell us about yourself.” Maaliwalas ang mukhang sabi nito sa kanya.
Mula sa paglipat-lipat niya ng tingin sa tatlo ay bumalik siya sa audition mode niya. Bagamat kinakabahan ay pilit niyang kinalma ang sarili. Huminga siya ng malalim bago muling nagpakilala sa mga ito. “Ako ho si Solaris Mariposa. Twenty-three years old. Magaling ho akong magluto pero ---.”
“Can you sing?” putol sa kanya ni George. “Wait. Kantahan mo nalang muna kami.”
“Ho?”
“Yeah. Sing for us.” Inulit ng binabae ang sinabi. Sa tingin niya rito ay tila hindi siya nito bet.
“Ah… s-sige ho…” may pag-aatubiling sabi niya. Agad siyang nag-isip kung ano ang kakantahin. Pero hindi pa siya nakakapili ng kanta ay narinig niyang nagsalita ang babaeng katabi ni Laurice.
“Wait. Tutal pasasayawin di naman natin siya. Pagsabayin nalang natin. Kumanta at sumayaw ka nalang.” Nakangiting sabi ng babae. “By the way, I’m Ging.” Pagpapakilala pa nito sa sarili.
“Ah… .” tumabingi ang ngiti niya. Patay! Ang dami namang puwedeng ipagawa pero kumanta at sumayaw pa. Ano ba ‘yan? Parang bigla ay gusto na niyang umurong. Sa lahat ng interview ay ito ang hindi niya inaasahan. Inakala kasi niya noong una na interview lang talaga iyon. Audition na pala. Magiging artista na pala siya. Jusko ko! Anong gagawin niya sa harap ng mga ito? Ni hindi siya marunong sumayaw at kumanta. Baka kapag gumiling-giling siya ay bigla nalang siyang ipadampot sa guwardiya sa labas. Oo maganda siya pagdating sa pisikal na anyo, matalino din naman siya at may abilidad. Pero nang magsabog ng karunungan sa pagkanta at pagsayaw ay tulog na tulog siya. Humihilik pa!
“Solaris?” pukaw ni Miss Ging sa kanyang sandaling pagkakatulala.
“Ay --- o-ho.” Mabilis niyang sabi. “K-Kakanta at sasayaw na ho ako. A-Ano ho bang klaseng sayaw at kanta ang gusto niyo? Sweet? Rock ‘n roll? Jazz. Tango. Chacha. Wango ---.”
“Wango? Anong klaseng sayaw iyon?” agaw ni George sa huling sinabi niya.
“Wango ho. Pinaghalong waltz at tango.” Sabay paskil ng alanganing ngiti.
“Ah…” tumango-tango nito pero tila walang ideya sa sinasabi niya.
Kahit siya naman ay walang ideya sa mga sayaw na pinagsasabi niya. Alam niya ang mga iyon pero hindi niya alam sayawin. Naramdaman niya ang malakas na pagkabog ng kanyang dibdib at pagpapawis ng kanyang mga kamay. Kapag sumayaw siya at kumanta ay siguradong mawawalan na siya ng pag-asang matanggap kung anuman ang trabahong iniaalok ng mga ito.
Nagkibit-balikat si Miss Ging. Napansin niyang ito ang bading lamang ang madalas magsalita. Habang si Laurice ay pinagmamasdan lang siya. Na tila inaaral ang pisikal niyang anyo. “Anything na mae-entertain kami. Remember, nag-o-audition ka. Dapat ma-impress mo kami.” Mapanghikayat na sabi nito.
Halata niyang mabait si Miss Ging. Kanina pa kasi ito nakangiti sa kanya. Habang ang binabae ay mukhang mataray. Si Miss Laurice ay sobrang ganda pero nakakaintimidate ang itsura. Pero mukha namang mabait.
“Sige ho.” Tumikhim siya at bumuwelo. Bahala na. Nagsimula siyang kumanta. O nag-beat-box pala pero sa simula palang ay wala na siya sa tono. “Oh baby, baby… yeah-e-e-.” sinabayan niya ng paggalaw ng leeg na parang aso sa dashboard ng isang sasakyan ang intro ng kanta. “Ooohhh yea-e-e.” sumunod niyon ay kinanta na niya ang kanta ni Britney Spears na Hit Me Baby One More Time. Paborito niya ang singer-dancer na foreigner at halos lahat ng kanta nito ay alam niya. Habang sumasayaw siya na hindi malaman kung saan pupunta ang sayaw niya. Wala na siya sa tono ay parang pinaspas pang kawayan ang katawan niya sa pagsasayaw. Kasing-tigas ng melinang kahoy ang katawan niya.
Nakita niya ang halos sabay-sabay na pagngiwi ng tatlo. Nagkatinginan pa sina Miss Laurice at George habang si Miss Ging ay napakamot sa ulo.
Kahit hiyang-hiya ay ipinagpatuloy niya ang walang habas na pagsayaw at pagkanta. Gusto niyo niyan ha. Sige. Pagbibigyan ko kayo. Maumay kayo sa song and dance number ko. nangingiting aniya sa loob-loob. Sa totoo lang ay gustong-gusto niya ang sumayaw at kumanta. Pero ayaw sa kanya ng mga iyon. Natigil lang siya sa pagsasayaw ng magsalita naang bading.
“Hija, marunong ka bang sumayaw?” lukot na lukot na ang mukha nito.
Umiling siya at muling dumiretso na tayo. “H-Hindi ho talaga eh. Pero may isa po akong alam sayawin.”
“Ano iyon?” nagkasabay na tanong ng tatlo.
“Ito ho.” Kinanta ulit niya ang kanta pagkatapos ay nagsimula siyang mag-L.A. walk.
Nagkatinginan ang tatlong nasa harapan niya.
“Guys, kahit naman hindi siya marunong kumanta at sumayaw, hindi naman importante iyon. Ang importante ay marunong siyang umarte. Right Laurice?” Narinig niyang sabi ni Ms. Ging habang patuloy siyang nag-e-LA walk.
Kahit papaano ay nagkaroon siya ng kumpiyansa sa sarili. Kung drama o arte lang ay kering-keri niya iyon. Tumaas ang kanyang baba.
“What do you think, Laurice?” tanong ng bakla.
Tumingin si Laurice sa kanya. “Stop.”
Bigla naman siyang tumigil. Medyo hiningal pa siya.
“Can you act?”
Sunod-sunod siyang tumango. “Magaling ho ako sa aktingan.” May pagmamalaki pang sagot niya.
“Okay. Let us see that.”
Tumikhim nanaman siya at bumuwelo saka biglang nagsalita.
“Hindiiiiii!” malakas ang boses na sigaw niya. Sinabunutan pa niya ang sarili na tila nababaliw. Bumakas ang paghihirap sa kanyang mukha. Nawala ang Solaris mode niya kanina lang.
Napaurong ang tatlo sa upuan. Nagulat sa ginawa niya. Ang bading ay natutop pa ang dibdib.
Pagkatapos ay dahan-dahan siyang bumagsak sa sahig. Nakasabunot pa rin sa sarili.
“Hindi ko na kaya…. ako nalang palagi…” Nagsimula siyang umiyak. Hindi na niya kailangang pilitin na umiyak dahil awtomatiko ang pagbagsak ng kanyang luha. Magaling siya pagdating sa iyakan. “Ayoookooo na! Sawang-sawa na ako sa ganitong buhay! Ako nalang palagi!” Humagulgol siya ng iyak. “Ako ang tiga saing! Ako ang tiga walis! Tiga hugas ng pinggan! Pati tiga labas ng arinola sa kuwarto at tiga hugas ako na rin!” itinuturo niya ang sarili habang sinasabi ang mga iyon.
Muling nagkatinginan ang tatlo. Nabigla sa tila pagta-transform sa katauhan niya.
“See? Ang galing niya diba?’ pabulong na sabi ni Laurice habang nagpeperform siya.
“Oo nga. Natural na natural.” Sagot ni George na hindi iniaalis ang tingin sa kanya.
“Kayo!” Biglang napatingin ang tatlo sa kanya mula sa pag-uusap. Matalim ang mga matang tiningnan ang mga ito isa-isa. “Kayong tatlo!”
“Bakit hija?” maang na tanong ng binabae.
Bumangis ang mukha niya. “Wala akong ginagawang kasalanan sa inyo! Pero bakit ako nalang parati? Puro kayo pasarap!”
“Pero wala naman kaming ginagawa sa iyo.” Pagsakay na acting ni George sa kanya.
Sumingasing siya. “Meron! Akala niyo lang wala. Pero meron. Meron Meron!” umatungal siya ng iyak.
Napangiwi ang bading.
“Kinakawawa niyo ako. Pati mga sapatos niyo ako ang nag-ba-brush. Tapos hindi pa mabula iyong sabon na ginagamit ko. Iyong brip ng boypren mo doon sa kabinet ako pa ang pinaglaba mo. Nakakadiri ka!”
“Ay!” napamulagat ang bading.
“At ikaw!” itinuro niya si Miss. Ging na bigla ring natutop ang dibdib.
“Ako?” nanlalaki ang mga matang tanong nito.
“Oo ikaw!” Nanlisik ang mga mata niya. “Hindi porke ikaw ang pinili ng crush ko na ngayon ay boypren mo na ay maghapon kayong maglalambutsingan sa harapan ko. Tandaan mo! Ate mo pa rin ako. Ako ang nagpaaral sa iyo. Magkaroon ka naman ng respeto sa akin!” punong-puno ng drama at emosyon niyang sabi.
“Ganern! Nakakaloka ka pala sis.” Tinapik ni George ang kamay ni Miss Ging.
“At ikaw naman!” itinuro niya si Laurice.
“Let’s see kung anong sasabihin mo sa akin.” Nangingiti at kalmanteng sabi nito. Nasa mata pa nga ang mangingislap at pag-aabang ng mga sasabihin niya.
Tumalim ang mga mata niya. Bigla siyang tumayo at naglakad dire-diretso sa mesa ng mga ito. Nagkaroon ng malakas na tunog ng ibagsak niya ang mga kamay sa mesa. Gulat na gulat ang tatlo at sabay-sabay na napahumindig. Itinuro niya si Miss Laurice.
“Ikaw na babae ka! Hindi porke ikaw ang bunso, ikaw ang pinakamaganda, ikaw ang pinaka-sexy ---.”
“Ako talaga?” napapamaang na sabi nito.
“Oo. Ikaw na lahat! Ikaw nalang ang paborito nila mama. Nila angkol at ante. Pati ng lahat ng kapatid natin! Ikaw lahat-lahat! Ikaw nalang lagi ang may bagong panty at bra. Ikaw nalang palagi.” Nagpadausdos siya pababa habang nakahawak pa rin sa mesa at umaatungal. “Palagi nalang ikaw… palagi nalang kayong tatlo…”
Napatayo ang tatlo at nasundan siya ng tingin.
“Kayong tatlo nalang palagi ang bida. Kayong tatlo ang may bagong boylet. Paano naman ko?”
“Aray ko!” nasapo ni George ang dibdib nito.
“Paano naman ako?” Luminga-linga siya. “Inay… itay… nasaan ba kayo? Bakit niyo ako iniwan sa mga mababaho ang budhi ng mga ito?” suminghot-singhot siya.
Huminga si George at inamoy iyon.
“Gaga! Budhi raw, hindi hininga.” Natatawang sabi ni Ging dito.
“Simula ng mamatay sina Itay at Inay. Ako nalang palagi. Kailan ba magiging ako naman? Palagi kayo-kayo-kayo… sana dumating ang araw na ako naman….”
Unti-unti siyang yumuko at inilugmok ang sarili sa sahig. Unti-unti rin siyang tumigil sa pag-iyak. Hanggang sa maging tahimik ang buong paligid.
Ilang sandaling nakalugmok siya habang nakatingin at nakatanga sa kanya ang tatlo. Naghihintay ng gagawin niya. Marahil ay inakala ng mga itong tapos na pero bigla siyang sumigaw sabay angat ng mukha. Hilam na ang pisngi niya sa kanyang luha.
“Ayooookoooo naaaaa!!!!” itinaas pa niya ang isang kamay na tila inaabot.
Napaurong ang tatlo dahil nagulat nanaman ang mga ito. pagkatapos ay unti-unti ulit siyang nagyuko. Napasunod ulit ang tingin ng mga ito sa kanya. Muling nagkaroon ng katahimikan.
“Tapos na ba siya?” narinig niyang tanong ni Miss Ging.
Bilang sagot ay nang mag-angat siya ng mukha ay saka lang gumalaw ang mga ito. Pagtayo niya ay umunat na rin ng tayo ang tatlo. Nakangiti na siya. Agad na nawala ang kung sinumang sumapi sa kanya at bumalik na ang normal na Solaris.
“P-Puwede na ho ba?” tanong niya habang nagpupunas ng luha.
Nagkatinginan ang tatlo. Pagkatapos ay sabay-sabay na nag-thumbs up at pumalakpak.
“Ang galing!” si Miss. Ging.
“Pak na pak ka girl!” si George na mukhang nagustuhan na siya.
Ngiting-ngiti ang mga ito.
“T-Tanggap na ho ba ako?” tanong niya.
“Gaya ng sinabi ko unang kita ko palang sa iyo. You’re the perfect person for this role. You’re hired.” Malumanay at diretsong sagot ni Solaris. Nasa mukha ang katuwaan. “I’m so proud of you Solaris. Hindi mo ako binigo.” Anito pang pumalapakpak pa rin.
Lumuwang ang ngiti ni Solaris. Hindi niya alam kung tatalon siya, titili o gugulong sa sobrang katuwaan. Gosh! Artista na siya! Wala siyang pakialam kung anong klaseng artista basta hindi hubadera. Kung julalay iyan o katulong ang role niya o maglakad sa putikan ay ayos lang. Basta babayaran siya.
“Naku! Maraming-maraming salamat po. Ano ho bang role ang gagampanan ko?”
“Querida.” Si George ang sumagot.
“Q-Querida? As in kabit po? Mistress ganon?” Kaya kaya niya ang role na ganon? E diba ang mga kabit, masama ang ugali. Naalala niya si Jasmin Rivas. Teka, hindi pala lahat ng kabit ay masama. Kung kabit siya baka malamang mayaman ang role niya. OMG! Gustong-gusto niyang maging mayaman kahit sa panaginip lang. Mas lalo siyang na-excite. Gustong-gusto na niyang magtatatalon sa tuwa.
“Yes.” Si Laurice.
“E sino ho ang makakasama kong mga artista? Indie Film ho ba? O kilala? Excited na ho ako.” Punom-puno ng katuwaang sabi niya.
Noon sumeryoso si Laurice. “Hindi ito audition para sa pag-aartista Solaris. Ang pagiging querida mo ay magiging querida ka talaga. Mistress ng isang totoong may asawa.”
Napigil niya ang gagawin sanang pagtatalon. Maging ang pagtili niya ay tila nalululon niya. Natigilan siya bigla ay pilit ipinoproseso ang mga sinabi ni Laurice.
“Congratulations Solaris.” Nakangiti pa ring bati ni Ging.
Hindi na siya nakapagsalita. Nakatanga nalang siya kay Laurice na nakangiti sa kanya. Kabit ang in-applyan niya? At tanggap na siya. Kung ganon ay magiging kabit siya?