Inilipat na si Inay sa pribadong silid at si Rex muna ang pinagbantay ko. Ang daming mga nakasaksak dito na aparato at ganoon din sa ilong para kahit papaano makahinga ito ng maluwag. Nanlalambot ako habang pinagmamasdan ang maputla at walang malay pa rin nitong lagay kaya lumabas na muna ako dahil 'di ko ito matingnan nang matagal. Paglabas ko ay napasandal ako sa dingding kahanay ng mga waiting bench at mariing pumikit. Kinuha ko ang cellphone ko ng medyo nanginginig ko pang kamay. May numero ako ni Damian at sinubukan ko itong tawagan pero nakailang ring na, hindi pa rin sinasagot at nakailang tawag na ako nang paulit-ulit ngunit wala pa rin. Baka nasa meeting at naka-silent ang phone at marami siyang ginagawa. Isang tao na lang... isang tao na lang ngayon ang nag-iisang pag-asa ko.