Hindi mapakali si Christine sa upuan dahil sa kabang nararamdaman niya. Nang mapansin siya ni Caloy ay agad siya nitong binatukan kaya napadaing naman siya dahil sa bigat ng kamay nito.
“Kasalanan mo kung bakit tayo ginigipit ni Mr. Ching! Kung sana’y hindi ka nag-inarte at halos mapatay mo pa ang matandang iyon ay hindi tayo aabot sa ganito!”
Bulyaw sa kaniya ni Caloy dahil kagabi habang papabalik sila sa probinsya ay umatras si Mr. Ching na ikama siya dahil sa takot ng matanda na baka mapatay na niya ito kaya nagbago ang gustong mangyari ng matandang intsik. Ang masaklap pa ay wala silang makukuha kahit singkong duling dahil lahat ng paunang ibinayad ni Mr. Ching ay itinalo ni Caloy sa sugal kaya heto sila papunta sa isang casa bar kung saan ay ibebenta ni Christine ang puri sa panibagong intsik na mayaman at kapalit nito ay hindi na maniningil si Mr. Ching.
“Huwag kang mag-alala Tinay, pagkatapos ng gabing ito, hahayaan na kita at hindi na kita muling guguluhin pa. Tulungan mo lang ako at tsaka bibigyan kita ng parte kapag ginalingan mo ang trabaho kay Mr. Wang,” saad ni Caloy at tumango si Christine bilang pagsang-ayon sa kontrata nila Caloy at papasok na sana siya sa kuwarto na pinadalhan sa kaniya ng bodyguard na sumalubong sa kanila nang biglang mapahinto si Christine at nilingon agad si Caloy.
“Caloy, hindi ko kay—“
Pinutol ni Caloy ang pagrereklamo niya at agad siyang hinawakan nang mariin sa panga ni Caloy at dinuro-duro. “Huwag kang aatras at mas lalong ‘wag kang gagawa ng katarantaduhan dahil hindi basta-basta ang makakabangga mo.”
Pagbabanta ni Caloy saka siya binitawan nang pabalang at itinulak sa nakasaradong pinto. Walang kawala si Christine dahil nasa harapan niya rin ang bodyguard na may hawak pa na baril at isang card at dinikit ito sa seradura hanggang sa bumukas iyon at itinulak si Christine sa loob.
“Hey, darling, are you okay?”
Napatayo nang tuwid si Christine sa boses na bumungad sa kaniya at nakita niya ang isang maputing lalaki na bagama’t may katandaan na ay bakas pa rin ang kagwapuhan ng lalaki. Kahit na intsik rin ito at may edad na ay hindi ito katulad ni Mr. Ching na dugyot. Ang lalaki ay hindi malaki ang tiyan at bagay sa kaputian nito ang kulay puti nitong mga buhok idagdag pa ang maayos nitong pananamit at imbes na tobacco ay wine glass ang hawak ng lalaki.
“So you were the girl—“
“Huwag n’yo po akong englishin hindi ko po maintindihan,” sagot agad ng dalaga kahit hindi pa tapos magsalita ang matanda.
“Okay. So, ikaw pala ang babaeng ni-rekomenda ni Mr. Ching, You are beautiful at ang mga kagaya mo ay hindi dapat sumasabak sa ganitong gawain. Ang mga katulad mo ay dapat nasa loob ng paaralan at nag-aaral nang mabuti. Kabataan ang pag-asa ng bayan pero nakakalungkot at isa ka sa biktima ng kahirapan kaya heto ka at kumakapit sa patalim.”
Napanganga si Christine dahil hindi niya sukat akalain na ganito ang magiging trato sa kaniya ng matanda. Malayong- malayo kay Mr. Ching.
“Anong pangalan mo?” tanong ng matanda nang hindi makapagsalita ang dalaga.
“Christine po, Sir,” sagot niya at ngumiti lang ang lalaki.
“Huwag mo na akong tawaging Sir. Halika, maupo ka.”
Pag-aanyaya nito na agad na sumunod si Christine at sinandukan siya nito ng pagkain sa plato kaya hindi at agad siyang kumain nang nakakamay. Wala naman reaksyon ang matanda sa kaniya kaya ipinagpatuloy niya ang pagkain hanggang sa natapos siya. Lumabas muna ang matanda at hinabilin nitong magpahinga na lang at bukas na sila mag-uusap.
Muli ay nakatulog nang maayos at nakakain pa ng masarap si Christine ng gabing iyon. Nagising na lang siya nang may babaeng tumapik sa kaniyang braso.
“Ma’am, halika kayo at papaliguan namin kayo.”
Binawi ni Christine ang braso sa magandang babae at pagtingin niya sa gilid ay dalawa pang babae ang nakatayo sa gilid.
“Sino kayo at ano ang kailangan ninyo sa akin?” medyo may kataasang boses ng dalaga.
“Kami po ang staff ng bar at inutos po sa amin ni Mr. Wang na paliguan kayo at pagkatapos ay sabayan n’yo si Sir sa breakfast. May mahalagang pag-uusapan raw ho kayo.”
Sumunod si Christine pero siya ang naligo mag-isa at inilalayan na lamang siya sa pag-suot ng puting bestida at doll shoes na pinabili ni Mr. Wang sa kaniya. Pagkatapos ay lumabas siya ng kuwarto at lumapit sa lamesa kung saan ay naghihintay sa kaniya ang maraming pagkain at si Mr. Wang na nakangiti sa kaniya. Matipid lang siyang ngumiti pabalik at saka umupo.
“Kumain ka, Christine…”
Galak na sabi ni Matanda at pagkatapos nilang kumain ay saka na nagsalita si Mr. Wang sa pinaplano nito.
“Pina-imbestigahan kita at mas lalong nakakalungkot ang iyong buhay kaya heto ako ngayon at gusto kitang tulungan na baguhin ang takbo ng iyong buhay,” pormal na saad ng matanda.
“Ano po ang ibig ninyong sabihin?” naguguluhang tanong ng dalaga.
“Ako ang magbabayad kay Mr. Ching at kukunin ko rin bilang driver ang ka-live-in partner mo na si Caloy. Na-ikuwento niya sa akin na marunong siyang magmaneho pero huwag kang mag-aalala hindi na kayo magkikita pang muli ni Caloy dahil sa anak kong babae magtatrabaho si Caloy. Habang ikaw, gusto kong mag-aral ka. Kukuha ako ng pinakamagaling na Teacher sa buong mundo upang matutukan ka. Alam mo, ang pinakaimportante sa mundo ay dapat marunong kang magbasa at magsulat. Dahil kahi—“
“Ano ang magiging kapalit ng pagtulong mo?” agad na pinutol ni Christine ang matanda at agad niya itong tinanong.
“Be my wife.”
Prangkang sagot ni Mr. Wang kaya nagulat si Christine sa sinabi nito.
“May sakit ako at ang sabi ng doctor ko ay mahaba na ang isang taon. Gusto kong sulitin at maging masaya sa buhay na mailalagi ko dito sa mundo. Marami akong ari-arian at bibigyan kita ng mana kapag sa huling hininga ko ay nasa tabi kita. Bibigyan kita ng dalawang linggo upang makapag-desisyon at—“
“Pumapayag ako,” sagot agad ni Christine na hindi na nagpatumpik-tumpik pa.
Nang araw ding iyon ay dinala ni Mr. Wang ang dalaga sa mansyon nito sa Laguna. Halos mahilo si Christine sa laki ng mansyon ng matanda at hindi niya akalain na dito siya titira na ito ang panibago niyang buhay. Napabuntong hininga si Christine. Baka si Mr. Wang na ang sagot sa matagal niyang pinapangarap ang mag-aalis sa kaniya sa putik, ang magpapalaya sa kaniya sa mapanakit na si Caloy. Sa tantiya niya ay mabuting tao ang matanda dahil hindi nito pinagsamantalahan ang kahinaan niya. Pagod na pagod na rin siya sa kinagisnang buhay. Simula’t sapol ay laman siya ng bangketa at tagasalo ng mga kamao ni Caloy. Hindi na niya iisipin kung saan siya titira at hindi na siya matutulog na iniinda ang kalam ng sikmura.
Subalit ang magandang inaakala ng dalaga ay kabaliktaran sa buhay na ipinangako sa kaniya ni Mr. Wang. Nang muling nag-krus ang kanilang mga landas nila at ni Clayton Wang—ang lalaking gusto siyang siliban sa apoy.
“Dad, who’s with you?” sabay silang napalingon sa lalaking sumalubong sa kanila at halos malaglag ang panga ng dalaga habang ang binata ay salubong ang mga kilay at halos lamunin siya sa galit ng hitsura nito. Hindi niya sukat akalain na anak ng matanda ang binata. Ang buong akala niya ay magiging maayos na ang lahat ngunit panibagong kalbaryo ang susuungin niya sa kamay ng binata.