CHAPTER 10

1107 Words
Malalim na ang gabi. Nakahiga si Uno sa kanyang kama. Nakaunan ang ulo niya sa kanyang braso habang nakatitig sa kisame. Nakasilay ang ngiti sa labi ni Uno. Hanggang ngayon ay tumatakbo pa rin sa isipan niya ‘yung nangyari kanina sa pagitan nila ni Timothy. Pakiramdam nga niya, nasa bisig pa rin niya hanggang ngayon ang kanyang anak. Napakasarap sa pakiramdam niya na sa wakas ay muli niya itong nayakap. Hindi maitatanggi sa mukha ni Uno ang labis na kaligayahan. Sobra man siyang nag-alala dahil sa muntikan ng pagkapahamak ni Timothy ngunit iniisip din niyang naging daan din iyon para may magawa siyang kabutihan para dito kaya siya masaya. Mas lalong napangiti si Uno. Hindi nga niya sigurado kung makakatulog pa ba siya nito dahil sa totoo lang ay hindi pa niya ito nararamdaman sa ngayon dahil sa kakaisip sa kanyang anak. ----------------------------------------------- Napabuntong-hininga si Lyndon. Nakaupo ito sa gilid ng kama ni Timothy na kasalukuyang mahimbing na ang tulog. Nakatingin lamang si Lyndon sa kanyang anak. Hanggang ngayon ay sobra pa rin ang pag-aalala niya para dito. Nalaman niya kasi sa mga kalaro ni Timothy na muntikan na pala itong masagasaan ng kotse pero mabuti na lang at may nagmagandang-loob na iligtas ang kanyang anak. Labis naman ang paghingi nang sorry sa kanya ni Timothy at nangakong hindi na muling maglalaro pa sa kalsada. Kaagad naman niya itong pinatawad at pinangaralan din. Umiwas nang tingin si Lyndon kay Timothy at nilibot nang tingin ang buong silid nito. Sa tulong ng liwanag na nanggagaling sa nakasinding lampshade ay nakikita pa rin niya ang itsura at ayos ng mga gamit dito sa loob. Bukod sa mga libro, marami ding laruan si Timothy. Hilig kasi talaga nito ang maglaro. Sa totoo lang, sunod sa luho si Timothy pagdating sa kanya at lahat ay ibinibigay niya dito. Ayaw kasi ni Lyndon na maramdaman ni Timothy ang kakulangan kaya hangga’t kaya niyang ibigay ang gusto nito, ibinibigay niya maliban lamang sa mga bagay na hindi dapat. Muling tiningnan ni Lyndon si Timothy. Bigla niyang naisip ‘yung taong nagligtas sa kanyang anak. Kung hindi dahil dito, malamang ay baka nasa ospital siya ngayon at nag-aalala nang matindi at nagdarasal sa agarang paggaling ng anak. Gustong pasalamatan ni Lyndon ang taong iyon para sa pagliligtas nito kay Timothy mula sa kapahamakan ngunit hindi naman niya alam kung paano dahil hindi niya ito kilala. “Siguro makikilala ko rin siya,” bulong ni Lyndon. Bumuntong-hininga ito ng malalim. “Sana,” dagdag pa niyang hiling. -------------------------------------- Maganda ang gising ni Uno kahit kulang siya sa tulog. Pa-hum-hum pa siya habang nagluluto ng kakainin niya sa almusal. Hanggang ngayon ay masaya siya at kitang-kita iyon sa kanyang mukha. Pinatay na ni Uno ang apoy sa kalan saka hinango ang huling itlog na piniprito niya saka nilagay iyon sa plato kasama ang isa pang itlog. Ngumiti ito saka kinuha ang plato at hinain na din iyon sa mesa. Mag-isang kumain si Uno ng almusal. Habang kumakain, iniisip niya na sana, dumating ang panahon na magkaroon na din siya ng kasabay sa pagkain at iyon ay ang kanyang anak na si Timothy. I’m only one call away… Napahinto sa pagkain si Uno at napatingin siya sa kanyang cellphone na nakapatong sa mesa. Kumunot ang kanyang noo. Kinuha ni Uno ang kanyang cellphone saka tiningnan. Tipid siyang napangiti nang makitang nag-text sa kanya si Hazel, isa sa mga kasamahan niya sa trabaho. Kumusta ka na? pagtatanong ni Hazel sa text. Okay naman. Nakakapagbawi na ng pahinga. sagot ni Uno sa mensahe ni Hazel. Muling inilapag ni Uno ang kanyang cellphone sa mesa. Ang totoo, hindi niya sinabi ang totoong dahilan ng kanyang pag-leave muna sa trabaho. Ang sinabi niyang dahilan ay gusto na lamang muna niyang magbakasyon. Walang nakakaalam sa mga kasamahan niya sa trabaho na may anak na siya. Hindi niya ito sinasabi sa iba hindi dahil sa nahihiya siya kundi dahil gusto niya ring protektahan si Timothy. Kaya hanggang ngayon, ang alam ng mga kasamahan niya ay single but not available hindi dahil sa may syota na siya kundi dahil hindi lang rin niya tipo na makipagrelasyon ngayon. Napabuntong-hininga si Uno at tipid na ngumiti saka nagpatuloy sa pagkain. --------------------------------------- Nasa loob ng isang supermarket ngayon si Uno. Tulak-tulak niya ang cart na pinaglalagyan niya ng mga napili niyang bilhin. Nalaman niya kasing kulang na siya ng stocks sa bahay kaya naman naisipan niyang mamili na. Isa-isang tinitingnan ni Uno ang mga estante hanggang sa mapangiti ito kasi nakita niya ‘yung paborito niya. “Sa wakas!” natutuwang sambit niya. Lagi kasing out of stock ang paborito niyang iyon at masaya siya na sa wakas ay meron na. Mabilis na naglakad si Uno habang tulak-tulak pa rin ang cart papunta sa kinaroroonan ng… chocolate spread na nanggagaling pa sa ibang bansa. Nakalapit na si Uno sa pinaglalagyan ng chocolate spread. Kukunin na sana ni Uno ang isang garapon pero nagulat na lamang siya ng may isang kamay pa na humawak doon. Hindi sinasadya ay nagkadikit ang kanilang mga kamay kung saan may naramdamang kakaiba si Uno. Tiningnan ni Uno kung sino ang mang-aagaw ng chocolate spread na marami-rami pa naman ang stocks pero bahagyang nanlaki ang mga mata at kinabahan din nang makita ito. ‘Lyndon?’ sa isip-isip ni Uno. Si Lyndon, ang kinikilalang ama ni Timothy. Nakatingin naman si Lyndon kay Uno. “Uh… sorry,” paghingi nang paumanhin ni Lyndon at binitawan ang garapon saka ito ngumiti nang maliit. Madalas kasi ay sa harapan lamang kumukuha si Lyndon at nasa harapan ‘yung garapon na nahawakan niya kasabay ni Uno. Tipid na napangiti na lamang si Uno. Umiwas nang tingin si Lyndon saka kumuha ng isang garapon ng chocolate spread na hindi hawak ni Uno. Nanatili namang nakatingin si Uno kay Lyndon. ‘Mukha naman siyang mabait,’ sa isip-isip ni Uno. Muling tiningnan ni Lyndon si Uno. Napangiti ito. “Sorry ulit, Pare,” paghingi muli ng paumanhin ni Lydon. “Okay lang,” sagot na lamang ni Uno. Tumango-tango na lamang si Lyndon saka umiwas nang tingin. Nilagay nito sa cart ang chocolate spread na kinuha saka na naglakad palayo kay Uno. Nakasunod naman ang tingin ni Uno kay Lyndon. Hindi niya inaasahan na makikita niya ito dito sa supermarket. “Favorite niya kaya iyon?” tanong ni Uno. “O baka naman… favorite ni Timothy.” Napangiti si Uno. Kung paborito man ni Timothy ang chocolate spread, parehas pala sila at natutuwa siya dahil dun. Nakasunod pa din ang tingin ni Uno kay Lyndon. Pakiramdam niya, tadhana na ang siyang gumagawa ng paraan para magkalapit ang mga mundo nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD